"MAMA!" Malakas na bulalas ni Nickos, pagkakita sa akin. Nakabuka ang mga bisig at nangingislap sa kaligayahan ang mga matang patakbo itong lumapit sa akin. Nasa likod nito si Kael, na hindi rin inaalis ang tingin sa akin, mula pa kaninang bumaba ito ng sasakyan. Mabilis akong lumuhod at naninikip ang dibdib na sinalubong ng yakap ang anak ko, at mariing hinalikan sa ibabaw ng ulo. Ito na yata ang pinakamatagal na panahon na nahiwalay ito sa akin, simula ng isilang ito. Mula nang umalis sina Kael at ang pamilya niya noong birthday ni Papa, halos isang linggo na ang nakakaraan ay kagabi lang sinagot ni Kael ang tawag ko. Pinakiusapan ko ito kung maaari kong makita at makasama si Nickos, at nagpapasalamat naman ako na hindi ako nito pinahindian. "I miss you, so much, Mama..." ani Nickos

