Chapter 1
Puno ng disgusto si Micah nang igala ang mga mata sa nightclub kung saan siya idinala ng mga kaibigan . Kadarating lang niya mula sa flight niya sa Chile. Dapat ay mag-e-extend pa siya sa Andes region para year-long sabbatical niya.
Dapat ay honeymoon niya iyon kasama ang dating nobyang si Bella subalit hindi na natuloy ang kasal kaya nag-honeymoon siya kasama ang sarili niya. Isang honeymoon na siya lang naman daw ang may gusto. Isang kasalan na napilitan lang nitong ayunan dahil ayaw nitong mapahiya siya nang mag-propose siya sa harap ng maraming mga tao.
Napailing na lang siya at ininom ang brandy na isinilbi sa kanya. Isang taon na ang nakakaraan ngunit malinaw pa rin sa kanya nang araw na di ito sumipot sa kasal nila. It was supposed to be a fulfillment of his dream. Pero nagtanan ito kasama ang bestman niya. That snake!
“Why the gloomy face?” tanong ng kaibigan niyang si Arice at siniko siya. “Come on, buddy! It’s your birthday.”
Matalim niya itong tiningnan. “At sana nasa Chile pa rin ako ngayon.”
“At anong gagawin mo? Magsesenti kang mag-isa sa bundok?” wika naman ni Cougar. “Mas masaya naman kaming kasama sa birthday mo. Aren’t you happy that you are back with your cool friends? Mas gusto mo pang kausap ang mga kuliglig kaysa sa amin? I am hurt, man.”
Umasim ang mukha niya. “Yeah! You are supposed to be on your deathbed, remember? Na kailangan kong umuwi dahil malapit ka nang mawala sa mundo. But you are as strong as a horse,” ngitngit niya at tinungga ang brandy.
Dalawang araw na ang nakakaraan ay tumawag ang mga ito sa Blackberry niya na may satellite phone feature. Katatapos lang niyang mag-hike sa mountainous region ng Andes at in-experience ang Alto Plano. Gusto niya ang mga lugar na wala halos tao at ang natatanaw lang ay kawalan. Na parang doon niya matatagpuan ang sarili niya. Manaka-naka lang siyang nagpaparamdam sa mga kaibigan at nagpo-post ng picture sa social media account para malaman ng mga ito na buhay pa siya.
Pero natarnta siya nang sabihin ni Arice na may malalang sakit si Cougar at bilang na ang mga araw nito. Sa sobrang pag-aalala ay kinansela niya ang tour niya at bumalik agad ng Pilipinas. Sinalubong siya ng mga kaibigan sa airport pa lang. Sa halip na dalhin sa ospital kung saan nakaratay si Cougar ay idinala siya ng mga ito sa Fanta-C nightclub kung saan naghihintay na si Cougar na may nakakalokong ngiti sa mga mata. Wala sa itsura nito ang malapit nang mawala may nagsasayawang mga halos hubad nang babae. At ayon sa sorpresa ng mga kaibigan niya, nakikini-kinita niyang maglalaho din ang damit ng mga ito sa takdang oras.
He was jet lagged. Sa loob ng dalawang araw ay alalang-alala siya na baka di na niya abuting buhay ang kaibigan. Pagkatapos ay malalaman niyang isang kalokohan lang ang lahat. At makakakita pa siya ng mga babaeng nilikha para manlinlang ng mga lalaki.
“Mas gusto mo ba namatay na lang ako?” tanong ni Cougar at sumandal sa couch saka pumikit na parang wala nang buhay. “Okay. I am dead.”
“This is not a good joke!” angil ni Cougar dito.
Inakbayan siya ni Steele at tinapik ang balikat niya. “Ginawa lang namin ang magagawa namin bilang tunay na kaibigan. Hindi ka namin maatim na iwang nagse-celebrate ng birthday mo sa gitna ng kawalan.”
“Oo nga. Di bale sana kung nambababae ka sa mga pinupuntahan mong lugar. Pero sinayang mo ang mga Latina chicas,” wika ni Arice at pumalatak. “We can’t let you live like a monk.”
“So, take you pick among the girls.” Kumindat si Cougar. “Time for some action, man! We want the old Micah back.”
Di siya nag-abalang sipatin pa ang mga kababaihan. Wala siyang gusto sa mga ito. He lost his taste with those kind of women. He was actually done with women. Gulo at sama ng loob lang ang dala ng mga ito sa kanya.
Tumungga ulit siya ng alak. This was not his idea of a great birthday. Ang gusto niya ay katahimikan. Di masasakit sa matang mga ilaw, maharot na musika at mas maharot na babae. Before he fell for Bella.
Bella was different from those women. Kababata niya si Bella. Noong una ay di niya ito napapansin. Masyado kasi itong tahimik. He wanted his women flirty and loud. She was shy, very unsure of herself and very fragile-looking. Ito ang klase ng babae na gugustuhing alagaan ng kahit sinong lalaki. Nagustuhan niya ito dahil malambing ito, tahimik at nakatango lang sa lahat ng sabihin niya. Kaya nga nang naisip niyang oras na para magseryoso siya sa babae at gusto na niya ng pamilya, si Bella ang pinili niya. Sa palagay kasi niya ay magiging mabuting maybahay ito.
Pero nagkamali siya. She was also a cheat. Hindi siya ang mahal nito kundi ang bestfriend nito. At kaya lang siya nito sinagot ay dahil gusto nitong pagselosin ang bestfriend nitong matagal na nitong mahal. Di naman daw nito inaasahang magpo-propose siya at mamadaliin niya ang kasal.
“Kung ayaw mo sa ganyang klaseng babae, gusto mo bang tawagan ko ang isa sa mga ex mo?” tanong ni Steele at inilabas ang cellphone.
Pinigilan niya ito. “I said stop it! This is not my idea of fun. Gusto ko lang magpahinga.” At kung makakabalik siya sa isang lugar na tahimik. Kahit saan basta walang ingay. Walang babae. Gulo lang ang dala ng mga ito sa buhay niya at sama ng loob.
“Micah, di katapusan ng mundo nang iwan ka ni Bella. She’s not worth it. Nagpapatalo ka lang sa kabiguan mo. Kinakawawa mo lang sa sarili mo,” sermon ni Cougar. “Marami pang mga babae diyan.”
“Ano? Mga babaeng tulad ng mga babae dito?” tanong niya at umiling.
“Kung wala ka mang love life, you could get a s*x life for starters. O kaya magpari ka na at ikaw na magbibinyag sa magiging anak namin,” sabi ni Steele at bahagyang umindak sa musika. “Pili ka na.”
“Ayoko nga ng babae,” giit niya.
Nagkatinginan ang mga ito at nababahalang tumutok ang mga mata sa kanya. “Gay bar na gusto mong pasukan?” tanong ni Arice. “Wag ganoon, man! Ipapasok ka na lang namin sa kumbento kaysa magkaganyan ka. O kaya mag-monghe ka sa Tibet. Sagot ko pamasahe mo.”
He grimaced. Di magpapalit ng gender preference. Ang gusto lang niya ay kapayapaan ng isipan. Hindi pa niya natatagpuan ang kapayapaang hinahanap niya. As much as he missed his friends and family, he was not yet ready to go back to his old life.
Sa loob ng isang taon ay iniwan niya ang pamamahala ng kompanya niya sa pinsan na si Tracy at iba pang pinakakatiwalaang tauhan. Ilang taon din niyang binuo ang Zest Food. It was doing well.
Well, he considered being a monk and a priest. Hindi pa nga lang niya nasusubukan. Pero tiyak niyang hindi sa nightclub na iyon niya matatagpuan ang hinahanap niya. Hindi sa maingay na musika at maharot na mga babae.
Mahahanap niya ang kapayapaan sa higaan. He wanted to sleep.
Pero alam niyang nag-effort ang mga kaibigan niya para aliwin niya. At na-miss din naman niya ang company ng mga ito.
“Pumunta na lang tayo sa ibang lugar. Somewhere private.”
Pumalakpak si Steele at pumaswit. “See? Di ka naman pala ganoon kahirap kumbinsihin. May private room sila sa taas o gusto mo sa hotel.”
“Tayo-tayo lang. Walang babae. Just like the old times. Tamang inuman lang at kwentuhan. Ayoko talaga ng babae, pare,” aniya at sinapo ang noo.
Nahihilo na talaga siya. Matagal-tagal na rin palang di nalalamanan ng alak ang sistema niya. Mula nang ligawan niya si Bella ay di na siya uminom ng alak dahil iyon ang gusto nito. Hindi na siya nagka-interes sa ibang babae. Dito lang naka-focus ang mga mata niya. Marami pa siyang bagay na ginagawa dati na di na niya nagawa para kay Bella. Iyon pala ay gusto lang nitong buuin sa kanya ang imahe ng lalaking totoong mahal nito.
“That’s boring, pare. Get over Bella. Iyan naman ang puno’t dulo ng lahat ng problema mo. Kaya kung babae ang problema mo, babae rin ang solusyon,” giit ni Cougar. “Gusto mo ba isorpresa ka na lang namin? Gusto mo ba ‘yung lumalabas sa regalo o lumalabas sa higanteng cake?”
Tumayo siya at inilabas ang wallet niya. Naglabas siya ng tatlong libong papel. “Aalis na lang ako. I told you, wala akong interes sa babae. I don’t think I am a good company tonight. I am jet lagged.”
At nagsimula na siyang maglakad palabas ng nightclub. Mas maganda kung makakalayo na lang siya doon. Kung mapag-isa na lang ulit siya. Nasalubong niya ang mapang-akit na tingin ng mga kababaihan. He knew that look. Since he was sixteen, women offer their bodies for free. Ngayon ay wala nang appeal ang mga ito sa kanya. Siguro nga ay dapat niyang i-consider na magpari o mag-monghe.
“Micah, where are you going?” tanong ni Steele at hinabol siya.
Pumara agad siya ng taxi paglabas niya. Pasakay na siya nang nilingon niya ito. Kasunod na nito ang mga kaibigan nila. “Kahit saan. Tatawagan ko na lang kayo kapag okay na ako. Thanks for this birthday celebration.”
“Kahit saan ka pumunta, magpapasunod kami ng babae sa iyo. Hindi kami papayag na di mo makuha ang birthday gift namin!” sigaw ni Arice.
Sumaludo siya saka isinara ang pinto ng taxi at inutusan ang driver na lumarga na. “Manong, sa Robinsons Tower sa Padre Faura po tayo.”
Sumandal siya at ipinikit ang mga mata. Pumipintig na ang ulo niya sa g sakit. Nagsimula na rin sumipa ang alkohol sa sistema niya. Kung nagtagal-tagal pa siya sa nightclub ay di niya alam kung ano pa ang pwedeng mangyari kapag hinainan siya ng mga ito ng babae. He didn’t want to do anything he would regret. Loveless s*x was not in his vocabulary anymore. Baka kamuhian lang niya ang sarili kinabukasan. Mabuting makalayo siya habang nasa tamang huwisyo pa siya.
“Sir, nandito na po tayo,” untag sa kanya ng taxi driver.
Binayaran niya ito at tiningala ang building. Noong isang taon niya iyon binili. Doon sana sila titira ni Bella matapos ang kasal. Gusto kasi nito ng penthouse unit para tanaw daw nito ang buong lungsod pati ang dagat.
Hindi pa siya tumatapak doon mula nang di matuloy ang kasal nila. He even considered selling it. Pero sa ngayon ay iyon lang ang tanging lugar na matatakbuhan niya. Walang mag-iisip na doon siya pupunta.
Isinuksok niya ang susi para bigyan siya ng access sa elevator at makaakyat sa penthouse. Unti-unti na naman siyang nilulukuban ng kahungkagan nang bumukas iyon sa penthouse. He punched in the code and the electronic door opened. Nabungaran niya ang dilim. At sa malapad na salaming bintana natatanaw niya ang mumunting ilaw mula sa kalapit na mga building. Maliwanag ang mundo sa labas at mukhang masaya pero nananatili siya sa malungko at madilim na mundo nang mag-isa. Di niya alam kung anong gagawin niya para makabalik sa normal.
Tumuloy siya sa master bedroom at hinubad ang damit. He felt so worn out and filthy. Nahihilo na rin siya. Perhaps the shower might relax his mind. At kapag nakatulog na siya at malinaw na ang isip niya, oras na para planuhing muli ang gagawin niya sa buhay niya.
"OKAY na ba kayo dito, Nana Bertha?" tanong ni Alondra sa dating landlady at minasahe ang kamay ng matanda. "Hindi ba kayo lalamigin dito sa gabi?"
Mula sa trabaho ay dinalaw muna niya ito sa bahay ng anak nito sa Mandaluyong kung saan na ito tumutuloy. Dalawang gabi ang nakakaraan ay nasunog ang boarding house nito sa Sampaloc, Manila kung saan din siya nakatira. Mabuti na lang at walang nasaktan sa sunog subalit abo na ang boarding house. May naisalba siya kahit paano na ilang damit at gamit.
"Huwag ako ang alalahanin mo, Alondra. Maayos lang ako dito sa bahay ni Marlowe. Ikaw nga ang inaalala ko dahil malayo ka na sa amin. Di kita laging makakasama. Ni di kita maipagluluto.”
Matagal na niyang landlady si Nana Bertha. Sa boarding house nito siya tumira mula noong first year college siya at kaluluwas lang ng Maynila. Ito na ang tumayong nanay niya dahil naulila siya sa magulang dalawang taon na ang nakakaraan nang mahulog ang bus na sinasakyan ng mga ito sa Quezon. Di siya siningil nito kahit na di siya nakabayad agad ng upa nang wala siyang trabaho. Pinautang pa siya nito para sa mga naiwang utang ng magulang niya. Kung kailan naman siya nagkaroon ng maayos-ayos na trabaho ay saka naman nasunog ang boarding house. Di pa nga siya nakakatapos magbayad sa mga utang ay saka pa siya nawalan ng matutuluyan. Buti nga at gabi nangyari ang sunog kaya nasa boarding house siya. Nagawa niyang isalba ang mga damit niya.
"Maayos naman ako dito sa bahay ng anak ko. Ikaw nga ang inaalala ko dahil baka wala ka pang matutuluyan."
Ngumiti siya at hinila-hila ang daliri nito. "Doon po ako nakikituloy sa bakanteng bahay ng amo ko. Wala naman pong ibang nakatira doon ngayon."
"Wala kang ibang kasama?"
Umiling siya. "Wala po. Nasa ibang bansa ang may-ari at paminsan-minsan lang may pumupunta doon para maglinis. Mabuti daw po na may magbabantay doon. Sayang naman daw po kung walang nakatira."
Nag-serve ng kape si Marlowe. “Nay, huwag po ninyong alalahanin ‘yang si Alondra. Maayos naman po ‘yung buhay na tinutuluyan niya. Malapit pa po sa trabaho niya. Safe din po doon dahil may security. Bahay ng mayaman iyon, Nay.”
“Kahit na. Mas gusto ko pa rin kung dito si Alondra.” Hinampas ni Nana Bertha si Marlowe. “Bakit kasi di mo pa pakasalan si Alondra para di na siya malayo sa atin? Magkasundo naman kayong dalawa at bagay na bagay. Maganda siya at guwapo ka. Alam mo naman na gustong-gusto ko nang magkaapo sa iyo. At kung mag-aasawa ka na lang din naman, bakit di na lang si Alondra?”
Nakita niya ang pagtitimpi ni Marlowe na sumigaw sa inis at sabunutan ang sarili. Hanggang ngayon kasi ay di alam ni Nana Bertha na isang girlaloo ang nag-iisa nitong anak na lalaki. Tiyak na masasaktan si Nana Bertha dahil pagkaguwapo-guwapo ni Marlowe. Ilan lang siya sa mga kaibigan nitong nakakaalam na ito talaga ang tagapagmana ni Darna.
Sayang nga dahil crush niya si Marlowe noong unang beses niya itong nakita. Kundi lang sila naging mabuting magkaibigan ay pinikot na niya ito. Mabait kasi ito at malambing. Lagi pang maalaga. Sayang lang at hindi ito naging tunay na lalaki.
“Nay, ihahatid ko na po si Alondra dahil may pasok pa siya bukas,” sabi ni Marlowe at tinanguan siya.
“Uuwi na po ako, Nana Bertha,” sabi niya at humalik sa pisngi nito.
“Ipagdadasal ko talaga sa Diyos na magkatuluyan kayo ng anak ko.”
Humagikgik siya nang makalabas na ng bahay nito. “Tinatawa-tawa mo diyan?” singhal ni Marlowe sa kanya.
“Ipinagdadasal ng nanay mo na sana maging babae ka.”
“Kinokontra ko naman siya ng dasal. Kung kailangang lahat ng simbahan at relihiyon pasukin ko at dasalan huwag lang malusaw ang pagiging babae ko.”
Natawa na lang siya dahil wala sa itsura ni Marlowe na may puso itong babae. Kahit kapag nagsalita at kumilos ay lalaking-lalaki ito.
“Sayang ka naman kasi,” usal niya at pumalatak.
“Huwag mo akong panghinayangan. Marami pang boylet diyan sa paligid. Ikaw lang naman itong napaka-arte.”
“Naku! Wala nga akong matuluyang matinong bahay. Tapos iisipin ko pa lalaki. Gusto ko munang ayusin ang buhay ko saka ako manlalalaki.” Kiniskis niya ang palad. “Sana talaga maka-sweldo na ako para makahanap na ako ng matinong bahay.”
“Ayaw mo ba sa penthouse nga amo mo? Rich na rich ang dating mo doon.”
“Nangangati nga ako. Di ako sanay sa bahay ng mayaman.” Ni ayaw nga niyang sa kama matulog. Doon lang siya sa sala at may comforter sa lapag.
“Ewan ko sa iyo. Basta ang unang guwapong mayamang lalaking makita mo sunggaban mo na agad at pikutin. Para yumaman ka, sister.”