Chapter 2

5417 Words
Saka lang nakaramdam ng pagod si Alondra nang dumating sa penthouse ng Robinsons Tower. Doon siya pinatuloy ng boss niyang si Tracy. Executive assistant ito at pinsan ng may-ari ng Zest Snacks kung saan nagtatrabaho siya bilang assistant nito. Nang malaman nitong nasunugan siya ay in-offer nito ang condo. Wala daw kasing nakatira doon at nasa ibang bansa naman ang may-ari. Noong una nga ay tinanggihan niya ang offer ni Tracy. Masyado namang ambisyosa kung sa condo ng boss siya tutuloy. Pero ayaw daw nitong maiwang nakatiwangwang ang condo at baka bahayan daw ng multo. Ganoon daw ang mga lugar na di natitirhan ng tao. Nagiging haunted. Di niya alam kung seryoso ito o hindi sa alok nito. Pero sino siya para tumanggi? Kasalukuyang naglalagalag sa ibang bansa ang may-ari ng condo at di alam kung kailan babalik. Katahimikan at kadiliman ang sumalubong sa kanya. Pinindot niya ang switch ng dimlight. Bahagya lang lumiwanag ang sala. Mas gusto nga niyang madilim. Ayaw niyang maramdaman na mag-isa lang siya. Nami-miss lang niya ang boarding house at ang mga boardmates niya. Iba’t iba ang ugali ng mga ito at ang iba ay nagbabangayan pa. Pero masaya naman. Nag-iisa siyang anak at pangarap niyang magkaroon ng maraming mga kapatid. Kung maitatayo lang sana ulit ang nasunog na boarding house ni Nana Bertha, gusto niyang bumalik doon. Pero habang wala pa siyang sweldo at wala pa siyang malilipatan, magtitiis muna siya sa tahimik at malungkot na condo na iyon. Ayon kay Tracy mismong may-ari ng Zest Ads na si Micah Bergonia ang may-ari ng penthouse condominium na iyon. Dapat ay titirhan daw nito at ng magiging asawa nito. Sa kasamaang-palad ay hindi natuloy ang kasal dahil nakipagtanan ang bride sa ibang lalaki. Kaya siguro puno rin ng lungkot ang bahay na iyon. Isang pag-ibig na naputol ang pumupuno doon. Huminga siya ng malalim. “Basta ako wala akong oras sa love-love na iyan. Ang gusto ko lang ay magpahinga, matulog at managinip ng maganda.” Pumasok siya sa guestroom at ibinagsak ang sarili sa kama. Nahihimbing na siya ng tulog nang biglang parang may gumising sa kanya. Nakarinig siya ng lagaslas ng tubig mula sa kabilang kuwarto. Nahigit niya ang hininga. Galing iyon sa masters bedroom. Di siya pumapasok ng masters bedroom. At imposible din na iwang nakabukas iyon ng tagalinis. Kahapon pa pumunta doon ng cleaning lady ayon kay Tracy at sa isang linggo na ang balik nito. Ibig sabihin ay imposibleng naiwan nitong bukas ang tubig. Sarado iyon kanina. At di na niya pinasok pa ang masters bedroom mula nang mag-tour siya kahapon. Anong ibig sabihin ng ingay na naririnig niya? Sumipol-sipol siya. “Wala ‘to. Imahinasyon ko lang ‘to. Walang multo.” At kung may multo man, kung pwede huwag nang magparamdam sa kanya. Di siya takot sa multo huwag lang siyang makakakita. “Baka di ako makatulog. May pasok ako bukas. Maawa ka na. Di naman kita guguluhin. Nakikituloy lang ako dito.” Tumigil ang lagaslas ng tubig. Nakahinga siya ng maluwag. Subalit saglit lang iyon dahil kasunod niyon ay narinig niya ang malungkot na awit ng isang lalaki. “All by myself… don’t want to live. All by myself…” Nangalisag ang balahibo niya sa katawan. Nawala nga ang tubig pero napalitan naman iyon ng boses ng isang lalaki. Malalim iyon. Puno ng lungkot. Ng pag-iisa. May multo nga sa bahay na iyon. Natural multo iyon. Kung may taong papasok sa penthouse at magnanakaw, siguro naman ay di na nito kailangan pang makiligo. Malamang multo iyon. Pero bakit kaya ito nagmumulto? At bakit sa halip na isang nakakatakot na imahe ng kalansay na naliligo sa ilalim ng shower o kaya ay isang payat at namumutlang lalaking nakabarong ang nakita niya sa utak niya, isang hubad na lalaking may matipunong katawan ang pumasok sa balintataw niya. Ipinilig niya ang ulo. Multo nga ang nagha-haunt sa condo na iyon. Hindi isang guwapo at hot na lalaki. Maganda kasi ang boses na naririnig niya pero malungkot. Parang may malalim na pinaghuhugutan. Di kaya nakaka-relate ang multo na iyon sa pinagdaanan ng may-ari ng bahay na iyon? Iniwan at ipinagpalit sa ibang lalaki ng babaeng mahal nito kaya namatay ito sa pighati at kasawian. Nakarinig na naman siya ng lagaslas ng tubig pero naroon pa rin ang malungkot na awit. Bumuntong-hininga siya. Parang gusto niyang yakapin at aliwin ang may-ari ng boses na iyon…. Pero isa itong multo. Hindi ito ang guwapong lalaki sa imahinasyon niya. Drat! Baka hinihipnotismo siya ng multong iyon para isama sa kabilang buhay. Ipinilig niya ang ulo. Hinalungkat niya ang closet niya at inilabas ang krus na kamagong na pamana pa sa kanya ng lola niya. Alaga iyon sa dasal kaya effective na panlaban sa masasamang elemento ultimo sa malas. Mahigpit niyang hinakawan ang krus. Tinatagan niya ang loob. Kailangan niyang maging matapang para sa ikatatahimik ng kaluluwa nito. At ng kaluluwa din niya. Ayaw pa niyang sumakabilang buhay. Marami pa siyang pangarap. Wala pa siyang boyfriend. Ni wala pa siyang first kiss. At ayaw niyang pumanaw agad nang di iyon natitikman. “Diyos ko, sana po makatagpo ng katahimikan ang kaluluwa ng lalaking iyon,” usal niya habang binubuksan ang pinto ng masters bedroom. Bumungad sa kanya ang dim na ilaw. Kumabog ang dibdib niya. Bukas ang ilaw. Sa sahig ay mga sapatos, checkered polo, malaking pantalon at may bag pang pag-aari ng isang lalaki. Totoo na ito. Hindi na panaginip. Nagpaparamdam ang multong iyon. Namatay ba ito habang naliligo sa shower? Nabagok ang ulo? Bakit di matahimik ang kaluluwa nito? Tumigil ang kanta at lagaslas ng shower. Di nagtagal ay nakarinig siya ng mga yabag. Papalabas na ng shower room ang multo. Anong gagawin niya? Kailangan na ba niyang magdasal? Lumuhod siya. Tama. Para sa kapayapaan ng kaluluwang iyon. Kung magdadasal siya, siguro naman ay maglalaho na ang espiritu na iyon paggising niya. Bumukas ang pinto ng siya at awtomatiko siyang pumikit. “Ama kong nasa langit, sana po ay patahimikin ninyo ang kaluluwa ng lalaking ito.” “Miss, what the hell are you doing?” dagundong ng boses ng lalaking multo. Bigla idinilat ni Alondra ang mata at isang guwapo at matipunong lalaki ang nakatayo sa pinto ng shower room. Hubad ang makisig at basa nitong katawan. At walang ibang tumatakip sa katawan nito kundi isang pirasong puting tuwalya lang. Bumagsak ang panga niya at nanginig ang tuhod niya. Ito na yata ang pinakamakisig at pinakaguwapong lalaki na nakita niya. Nanikip ang dibdib ng dalaga. Di siya makahinga habang pinagmamasdan ang lalaki. Grabe! Parang isa itong aparisyon. Isang biyaya mula sa langit, bumaba sa lupa para patuluin ang laway ng mga mortal na tulad niya. Hinapit niya ang krus palapit sa kanyang dibdib. Ayaw niyang kumurap. Ayaw na ayaw niyang kumurap dahil baka maglaho ito sa harapan niya. Kung ito ang magsasama sa kanya sa kabilang buhay, pwede na bang kuhanin ang kaluluwa niya mula sa katawang lupa? Papayag siya kung ang lalaking ito ang magdadala sa langit. Langit. Parang ibang klaseng langit ang pagdadalhan nito sa kanya. Hindi naman ito mukhang anghel. He looked like a s*x icon. Baka dadalhin siya nito sa bulid ng kasalanan. Ang masama ay baka ialay pa nito ang virgin na tulad niya sa kampon ng kasamaan. Ipinikit ulit niya ang mga mata. “Diyos ko, ilayo po ninyo ako sa tukso. Huwag po ninyo akong hayaang mabulid sa kasalanan ang kaluluwa ko.” Pigil niya ang hininga nang marinig ang mga yabag nito palapit sa kanya. Nagtatayuan ang mga balahibo niya. Naramdaman niya ang pagtayo nito sa harapan niya. “H-Huwag po… Huwag po…” nausal na lang niya. Huwag siya nitong hahawakan dahil baka bumigay siya. “Miss, anong ginagawa mo dito? At anong niluluhod-luhod mo diyan?” Hinigpitan niya ang hawak sa krus at mariing pumikit. “Kailangang matahimik na ang kaluluwa mo. Kailangan mong magkaroon ng kapayapaan. Hindi ka dapat manatili sa malungkot na mundong ito. Pumunta ka na sa may liwanag.” “Liwanag?” Naramdaman niya ang pagpantay ng mukha nito sa kanya. Naamoy niya ang mabango nitong hininga at ang sabong ginamit nito sa pagligo. Hmmm… yummy! Hindi ito amoy ng bangkay o bulaklak sa patay. Kung ganito kaguwapo at kabango ang multo, wala talagang matatakot. Kaso mukhang masungit ang multong ito. Hindi ito nakakatakot dahil multo ito pero naroon ang himig sa boses nito na parang di niya pwedeng salungatin ang sasabihin nito. Na parang sanay itong nasusunod. “Saang liwanag naman ako pupunta? Sa patay-sindi ang liwanag kung saan ka nanggaling? Sinong nagsugo sa iyo? Sila Cougar? Tell them that I don’t need you here.” Cougar? Sinong Cougar? Leader ba iyon ng isang kulto? Nanatili siyang nakapikit. Natatakot kasi siya baka pagdilat niya ay isa na itong naagnas na bangkay. “Ano… walang ibang nagsugo sa akin. Basta pumunta ka na sa kabilang buhay. Hindi ang mundong ito ang mundo mo.” Humalakhak ito nang nakakainsulto. Tumama sa mukha niya ang mainit nitong hininga. Parang di iyon galing sa isang ispiritu. Parang kausap niya ay taong buhay. “Miss, anong mundo ang sinasabi mo? And what is with that cross?” Bigla niyang idinilat ang mga mata. “Hindi ka ba natatakot sa krus?” “Ano ako? Bampira? Aswang?” “Hindi. Di ba multo ka? Di matahimik ang kaluluwa mo kaya nandito ka. Nandito ako para sa katahimikan ng kaluluwa mo.” Napatitig siya sa pagkuwapo-guwapo nitong mukha. Saan ba nanggaling ang guwapong-guwapong multong ito? Bakit ganoon ito makipag-usap sa kanya? At bakit kakaibang init ang nagmumula sa katawan nito? Hindi niya magawang matakot dito. Parang nate-tempt nga siyang haplusin ang muscles nito kaso natatakot siya na baka biglang matunaw at maglaho. Sayang ang aparisyon. “Bagong gimik ba iyan sa bar ninyo?” “Bar? Anong bar?” naguguluhan niyang tanong. “Nightclub. Whatever! At least hindi ka lumabas mula sa higanteng cake. Sorry, miss. Okay sana ang gimik mo kasi bago. Di ko alam kung gusto mo akong i-counsel or gusto mong maging spiritual adviser ko. May paluhod-luhod ka pang nalalaman. So I guess you are ready for action, eh?” Ikiniling niya ang ulo. “Ha?” Wala siyang maintindihan sa sinasabi nito. “Sabi ko mukhang handang-handa ka nang gawin ang trabaho mo.” Tumaas ang kilay nito at tumutok sa dibdib niya. “Nakita ko na ang sample mo.” Nahigit niya ang hininga at dali-daling isinara ang butones ng blouse niya. “At bastos na…” Bastos na multo ‘to! Nanatili pa rin itong nakatitig sa kanya at nakangisi habang isinasara niya ang butones ng blouse niya. “Huwag mo nga akong tingnan.” “Ano bang meron ka ang di pa nakikita ng iba?” Tumaas ang kilay niya. “Excuse me?” “I am sure hindi ako ang unang lalaking nakakita ng katawan mo. What the heck is with that prude act? Nagpapataas ka ba ng presyo dahil umaarte kang inosente?” Tumayo ito at naglakad palayo. “I am not buying it. Hindi rin ako interesado sa katawan mo, Miss. Kahit maghubad ka pa diyan, lumuhod, sumayaw, tumula, kumanta, hindi kita papatulan. Sorry. Hindi katulad mong babae ang pinapatulan ko, Miss. May taste naman ako.” Napamaang siya. Ano daw? Iniisip nito na mababang klase siyang babae. Na nagbebenta siya ng aliw. Umakyat ang dugo niya sa ulo. Ang tigas ng mukha nito na isiping bayarang babae siya. “Gago ka pala! Hindi ako prostitute!” sigaw niya at sinugod ito. Kahit multo ito ay papatulan niya ito. Plano niyang itutok ang krus sa noo nito para tuluyan na itong maglaho at manahimik. Pero nasobrahan siya ng pagtakbo. Sumigaw siya. Akala niya ay tatagos siya sa katawan ng lalaki. Sa halip ay bumangga siya sa isang matipuno at matigas na katawan. Pumulupot ang mga bisig nito sa katawan niya. Nanlaki ang mata niya nang bumagsak sila sa sahig. “Ugh! That hurts like hell,” ungol nang lalaki nang bumagsak sila sa sahig. “I am not used to aggressive women, Miss. I want gentle...” “N-Nasaktan ka?” gulat na tanong ni Alondra. “Sinong di masasaktan? Ikaw kaya ang matumba at daganan?” angil ng multo sa kanya. “P-Pero multo ka,” mahinang usal niya. Nagdilim ang anyo nito at gumulong hanggang nagkapalit sila. Siya na ang nasa ilalim nito at ang galit pero guwapong mukha nito ang tinitingala niya. “Anong multo? Miss, pinaglololoko mo ba ako? Have you gone mental?” Mental? Parang mababaliw na nga siya sa nangyayari. Nakakulong ang katawan niya sa mainit nitong katawan. Mainit. Hindi naman mainit ang mga multo. Malamig nga ang mga ito. Dama niya ang bigat ng katawan nito na nakadagan sa kanya. Hindi tumagos ang kamay niya tulad ng nangyayari kung isa itong multo. Lumapat ang palad niya sa mainit nitong dibdib at naramdaman niya ang t***k ng puso nito. Nanlaki ang mata niya. “Buhay ka?” Hindi ito multo. Isa itong tunay at buhay na lalaki. At halos hubad ito at magkadikit ang mga katawan nito. At iniisip nito na isa siya ngayong bayarang babae. At ano ba ang ginagawa ng isang bayarang babae? Hindi ba ibinibigay ang katawan nito sa lalaki… Isang malakas na tili ang pinakawalan niya. “Rape! Rape!” CHAPTER THREE Napasok si Alondra ng magnanakaw...magnanakaw ng puri. Nagwala siya at sinubukang tuhurin ang lalaki habang pinagsususuntok ito. Saan ba galing ang guwapong magnanakaw at rapist na ito? Kailangan niyang lumaban. Subalit maagap nitong sinapo ang kamay niya nang tinangka niya itong kalmutin sa mukha. "Miss, ano 'to? Modus-operandi mo para makakuha ng maraming pera? I am sorry, Miss. It won't work on me. Ikaw ang ipapakulong ko." Natilihan ang dalaga Siya pa ang ipapakulong nito ngayon samantalang ito nga ang may tangka sa puri niya. "Lasing ka 'no?” amoy niya ang alak sa bibig nito. “Ako ang ipapakulong mo samantalang ikaw ang basta-basta na lang pumasok dito at umaastang pag-aari mo 'tong codo na ito.” Binitiwan siya nito at sinapo ang ulo. "W-wait. Pinagbibintangan mo ako na nag-trespass sa bahay ko? Ikaw na isang prostitute?” “Prositute?” bulalas niya. “Bawiin mo ang sinabi mo!” Ngumisi ang lalaki nang tangkain na naman niyang lumban. She was neutralized. “Miss, nakainom nga ako pero di ako lasing. You can leave peacefully. Babayaran na lang kita kahit walang nangyayari sa atin o kakaladkarin kita sa presinto?" Ang lakas ng loob nito. Akala siguro ay masisindak siya nito. "Mister, lasing ka. Ikaw ang ipapakulong ko dahil hindi mo alam ang ginagawa mo." Ito ang nag-trespass kaya ito ang ipapakulong niya. Baka matapos siyang rape-in ay magnakaw pa ito. Bakit naman siya pa ang nasa condo na iyon nang may pumasok na magnanakaw? Sobrang malas naman niya. "Alam ko ang ginagawa ko. And i know that you are one scheming..." Ubod ng lakas niyang inumpog ang ulo nito. Tinuhod niya ang pagitan ng hita nito saka ubod ng lakas niya itong itinulak paalis sa ibabaw niya. Nakadama siya ng tagumpay nang marinig niya na nasaktan ang “Jun-Jun” nito. Dapat lang iyon dito. Wala siyang pakialam kung masayang ang lahi nito. Guwapo nga, rapist at magnanakaw naman. Dali-daling tumakbo palabas ng kuwarto si Alondra. Di niya alintana kung wala siyang suot na sapatos. Di niya alam kung tatawag ng security sa telepono pero wala na siyang oras. Alam niyang di sapat ang pagkakaumpog niya sa ulo nito. Baka maabutan siya nito. Ayaw niyang ma-rape kahit ng isang guwapo at machong rapist pa. Humihingal siya nang makarating sa elevator. Malakas ang kaba niya nang pindutin ang down button. Kailangan... Kailangan niyang makalayo agad doon. Dali-daling pumasok ng elevator si Alondra at sumandal sa malamig na salaming dingding nang sumara iyon. Kailangan lang niyang bumaba ng lobby at makakahingi na siya ng tulong sa security. Sana lang ay mahuli pa ang hubaderong magnanakaw-s***h-rapist na iyon. Napatili ang dalaga nang may kamay na sumingit sa papasarang elevator. Bumukas iyon at pumasok ang lalaki. Nakasuot na ito ng bathrobe. Pero mas nakakatakot ito kaysa kanina. Sunud-sunod na tili ang pinakawalan niya at sumiksik sa gilid ng elevator. “Huwag kang lalapit. Huwag kang lalapit,” angil niya dito habang sinisimplehan ito ng sipa. “Tutuluyan ko ‘yang “Jun-Jun mo kapag hinawakan mo ako. Black belt ako ng taekwondo, aikido, karatedo at champion ako sa Pokemon Go.” Nasa kanya ang makapangyarihang si Pikachu. Pero di naman siya nilapitan ng lalaki. Nakahalukipkip lang ito habang pinagmamasdan siya. Pinindot nito ang buto ng elevator at bumaba iyon. "Akala mo siguro matatakasan mo ako. Ako mismo ang magtuturo sa iyo ng leksiyon. Di lahat ng tao maloloko at mapapaikot mo. Di lahat masisilaw sa ganda mo." "Sa itsura nating dalawa, sinong makukulong sa atin? Rapist!" Kapal pa ng mukhang makihiram ng bathrobe ng amo niya. “Rapist?” Humalakhak ang lalaki. “I don’t have to rape an unwilling woman, Miss. And you are not my type. Ikaw na prostitute na gusto akong huthutan ng pera o ako na biktima mo dito?" "Hindi ako prostitute. At humanda ka sa akin. Makikita mo. Di ko palalampasin na tinawag mo akong prostitute." Bumukas ang elevator at bumungad agad ang dalawang security. Isang malakas na sigaw agad ang pinakawalan niya at nahihintatakutang tumakbo sa mga guwardiya. "Manong guard, tulungan ninyo ako. Rapist po ang lalaking 'yan.May masamang tangka sa akin. Hulihin po ninyo siya, Manong." "Sir, ito po ba ang itinawag ninyo sa amin na prostitute na gustong mangikil sa inyo?" biglang tanong guwardiya sa lalaki. "You are right," puno ng kompiyansang sagot ng lalaki. "Muntik na nga akong takasan niyan. She even tried to unman me.” Lumutang ang pakiramdam ni Alondra. Bakit ganoon ang usapan ng mga ito? Siya ang biktima dito. Bakit ang lalaki ang pinakikinggan ng mga guwardiya? “Pero Manong Guard...” Binalingan siya ng guwardiya. "Pasensiya na, Miss. Kailangan ka naming dalhin sa presinto. Mali talaga ang ginawa mo sa may-ari ng condo.” “MA’AM TRACY, pasensiya na po pero sana po mapuntahan ninyo ako dito. Wala na po kasing ibang makakatulong sa akin. Saka sa condo naman po ng pinsan ninyo nangyari ang insidente. Natatakot na po talaga ako dito,” anang si Alondra sa nanginginig na boses habang kausap ang amo. Hindi na yata niya matatagalan ang nakakabaliw na gabing iyon. Masama ang tingin sa kanya ng ilang pulis sa presinto. Nang marinig na mababang klase ang trabaho niya gaya ng sinabi ng lalaki, parang kakainin na siya ng buo ng mga lalaki. At parang kalaban niya ang buong mundo. Walang gustong maniwala na di naman siya bayarang babae at ang lalaking nagsasabing customer niya ito ay isang rapist na basta na lang pumasok sa condo na tinutuluyan niya. “Sige. Papunta na ako. Just be calm. Everything will be okay. Titiyakin kong mabubulok sa kulungan ang nagtangkang mang-rape sa iyo. Maniac talaga nagkalat sa ngayon. Lagot kay Duterte ‘yan.” Matalim ang mata niyang tiningnan ang lalaki bago bumalik sa mesa kung saan ito kinukuhanan ng statement. Guwapo nga ito pero maniac naman. At ang nakakainis, dahil guwapo ito at yayamanin kung magsalita ay ito agad ang in-entertain ng mga pulis. Ano na ba ang nangyayari sa mundo? Pinagtutulngan ba siya ng mga ito dahil di siya mukhang mayaman? Katarungan naman! Hindi siya kilala ng dalawang guwardiya. Di ang mag ito ang naka-duty nang pumunta siya sa condo nang nakaraang araw. Ipinapaliwanag niya pero di siya pinapansin. Ni hindi man lang binigyan ng bearing na siya ang babae at pinagtangkaang gahasain. Napakadali para sa mga ito na paniwalaan ang isang lasing at naghahalusinasyong lalaki. Ganito na ba siya kamalas? Nasunugan na nga siya, ngayon ay pinagbibintangan pa siyang prostitute na nanghuhuthot ng pera. “Paglabas ko ng shower room, nakita ko na lang siya na nakaluhod sa gitna ng kuwarto ko. Hindi ko alam kung style niya iyon. Basta ang alam ko, siya ang iniregalo sa akin ng mga kaibigan ko para sa birthday ko,” kwento ng lalaki sa mga pulis na kumukuha ng statement nito. Lutang na nga ang utak ni Alondra at wala siyang maintindihan kanina dahil di niya alam kung anong kahihinatnan niya. Di niya alam kung kanino tatakbo. tinawagan niya ang boss niyang si Tracy. Hindi niya alam kung dadating ito para tulungan siya. Pero ito lang ang pwede niyang asahan. Problemado pa ang kaibigan niyang si Marlowe dahil kasusunog lang ng boarding house ng nanay nito. Si Tracy lang din ang maasahan niya. Ito naman kasi ang nagpatuloy sa kanya sa condo kaya dapat malaman nito na may nagtangkang gumahasa sa kanya. “Sir, nagso-solicit po ba kayo ng serbisyo ng mga prostitute? Alam po ninyong bawal iyon,” anang pulis. Umiling ang lalaki. “Hindi. Of course, I won’t do that. Kaya nga sinabi ko sa kanya na umalis na lang siya kasi di ko kailangan ng serbisyo niya. Doon na siya nagsisigaw ng rape.” Tumango-tango ang pulis. “Sabagay hindi ito ang unang beses na nakakuha kami ng ganitong kaso, Sir. Magaling nang magpanggap ang mga prostitutes ngayon. Palalabasin na sinubukan silang rape-in para makakuha ng pera sa customers nila.” saka puno ng akusasyon siyang tiningnan. Di na nakapagtimpi si Alondra at sumabat na sa usapan. Excuse me, Manong Pulis. Huwag ninyo akong tingnan ng ganyan. Hindi ako prostitute. Kaysa huntahin ninyo ‘tong rapist na ‘to bilisan ninyong kunin ang statement niya para makuha ninyo ang statement ko. Tama na ang side comments. Hindi ko talaga maintindihan kung bakit naniniwala agad kayo sa isang lasing.” “Hindi ako lasing, Miss. Nakainom lang ako pero hindi ako lasing,” matapang na sabi ng poging rapist. “Pwede ko pang idagdag sa kaso mo ang physical injury. Tinuhod mo ako...” “Mabaog ka sana,” singhal ni Alondra sa lalaki. “Akala ko pa naman exorcist ka kanina. May dala ka pang krus. Hindi ka na nahiyang magdala ng krus sa trababo mo. Sabi mo hindi ka prostitute. What are you then? My spiritual adviser?” Gusto na niyang maiyak sa inis. Hindi talaga niya maintindihan. Kahit ang mga guard sa condo ay mas pinaniwalaan pa ang lalaki. Ano bang meron sa lalaking iyon at lahat na lang ay naniniwala dito? Siya ang biktima dito! “Trespasser siya,” giit niya. “A trespasser in my own property? Baka ikaw ang trespasser, Miss,” anang lalaki. “Sino sa mga kaibigan ko ang nagbigay ng passcode ko? Must be Arice. Well, alam din iyon ni Steele.” “Ikaw ang may-ari?” Isang malakas na tawa ang pinakawalan ni Alondra. “Anong may-ari? Nasa abroad kaya ‘yung may-ari niyan. Di mo ako mauuto. Palusot-dot-com pa more.” “Well, I had just arrived. How about you? Anong ginagawa mo sa condo ko?” Umikot ang mata ni Alondra. “Manong pulis, painumin muna ninyo ‘yan ng matapang na kape para mahimasmasan. Lasing ‘yan. Makikita mo mamaya. Parating na ang immediate ko at malalaman ninyong lahat ang lalaking ‘yan ang impostor. Titiyakin kong siya ang makukulong.” Siraulo pala ang rapist na iyon. Magpapanggap pang may-ari. Con artist pa ang lintek. Oras na dumating si Tracy, mapapatunayan niyang hindi siya babaeng bayaran at magpapalipas ng hangover ang lalaking ito sa kulungan. Sayang talaga ang kaguwapuhan at magandang katawan nito. Hindi pa ginamit sa tama. Kundi lang siya nito kinaladkad sa presinto at pinagbintangang prostitute, patatawarin sana niya ito alang-alang sa kaguwapuhan nito. Pero ginalit siya nito kaya pasensiyahan na lang. Magbibigay na siya ng statement nang dumating si Tracy. Sinalubong agad ito ni Alondra. “Ma’am, tulungan po ninyo. Ako na nga po itong pinasok sa bahay at muntik mapagsamantalahan, ako pa po ang pinagbibintangang bayarang babae.” Namula ang mukha nito sa galit. “At talaga namang may ganoon pala kakapal na mukha ngayon sa mundo? Nasaan? Nasaan ang lalaking iyon? Chura no’n. Ipapabura ko ang mukha niya kay Duterte. May kalalagyan siya.” “Siya po,” aniya at itinuro ang lalaki. Malalaki ang hakbang na sinugod ni Tracy ang lalaki. Umangat ang gilid ng labi niya. Tingnan lang niya kundi maipamukha dito ang kalokohan nito. At hindi madadala si Tracy sa kaguwapuhan nito dahil guwapo din naman ang asawa nito. “Ikaw… dapat sa iyo ma-silya elekri…” Tinitigan nito ang lalaki. “M-Micah? M-Micah, bumalik ka na?” Hinawakan ni Tracy ang pisngi nito. “Hindi na kita nakilala. Nognog ka na. Anong nangyari sa iyo? May damo-damo ka pa sa mukha.” “It is just a few stubble.” “Nag-alala kami sa iyo. Akala namin wala kang balak na bumalik ng PIlipinas. Birthday mo ngayon tapos di ka nagpasabi. Nagpahanda sana ako ng party.” Niyakap ni Tracy ang lalaki. “It is good to see you home.” “Tracy, pwede bang patunayan mo sa kanilang lahat na ako si Micah Bergonia, ang may-ari ng penthouse B unit sa Robinsons Tower?” puno ng kompiyansang sabi ng lalaki at tumingin sa kanya. “Of course. He’s Micah Bergonia, my cousin. Ano po bang problema? Ano po bang nangyari?” tanong ni Tracy. Micah? Micah Bergonia ang pangalan ng pinaka-big boss niya. Home. Ibig sabihin ang lalaking ito ang pinsan ni Tracy at big boss niya. Drat! Sobrang guwapo nito at halos nakita niya ang buong katawan nito kanina. Nakakatulo ng laway. Pero itinumba niya ito kanina, napagkalamang multo, pinagbintangang rapist at muntik na niyang tuluyang gawing walang silbi ang Jun-Jun nito. Her boss. Mukhang pupulutin siya sa kangkungan nito. Anong gagawin niya? May rason pala ito para palayasin siya sa condo nito. Iyak na lang. Wala na nga siyang matutuluyan, baka mawalan pa siya ng trabaho. “May insidente po na kinikikilan siya ng isang prostitute,” kwento ng pulis kay Tracy. “Ma’am, hindi po ako prostitute,” depensa agad niya at pinagsalikop ang palad. “Alam po ninyo iyan. Matino po akong babae.” “Who is this woman anyway?” tanong ni Micah sa mataas na boses. Tumabi si Tracy sa kanya. “She’s my new assistant, Alondra Enriquez. Sinabi ko na sa iyo na kukuha ako ng assistant ko, hindi ba?” “At anong ginagawa niya sa comndo ko? Huwag mong sabihing extension ng opisina ang condo ko.” Tumaas ang kilay ni Micah. “Or baka naman may extra raket ‘tong si Miss Enriquez.” Nanlaki ang mata ni Alondra. “Hindi po iyon katulad ng iniisip ninyo, Sir. Wala akong alam sa ibinibintang niya.” “I am asking my cousin, Miss. Not you,” anang si Micah sa malamig na boses. Sungit! Masama bang magpaliwanag? Masama bang mag-explain at depensahan ang sarili? Siya naman itong pinagbibintangan nito nang masama. Kundi lang talaga ito ang pinaka-boss niya, pinaliparan niya ito ng sipa. Ngumiti si Tracy. “Micah, nasunugan si Alondra ng bahay kaya pansamantala muna siyang tumutuloy sa condo mo.” “Ano? At hindi ka man lang nagsabi sa akin?” Itinirik ni Tracy ang mga mata. “I sent you a message on your email. Hindi mo ba nabasa?” “I don’t have time for that.” “Hindi mo naman kasi binabasa ang mga message namin. Nagmagandang-loob lang naman ako. Ilang araw lang naman doon si Alondra. Saka wala namang tao sa condo mo. You also have several condos across the Metro. Nakakatakot kaya noong huling beses na dumalaw ako sa condo mo sa The Residences. It gave me creeps. Pakiramdam ko may multo. matagal na kasing walang tao.” “That’s stupid! Walang multo!” kontra naman ni Micah. “Ganoon kaya kapag walang tumitira sa isang bahay. Iyon ngang isang unit sa baba ng condo mo, anim na buwan lang daw di natirhan, may nagpapakita nang white lady sabi ng bagong may-ari. Sino pang titira sa unit mo kung may multo? Mabuti ngang matirhan kahit sandali. Saka walang ibang matutuluyan si Alondra. Doon lang naman siya hanggang makahanap siya ng bahay na malilipatan. Makikitulog lang siya. Makikiligo. Siya din daw ang maglilinis ng condo mo.” “And do you think I will allow her to take refuge in my condo after what she did?” Micah asked with vehemence in his voice. “Sir, dinepensahan ko lang naman ang sarili ko. Isipin na lang ninyo kung totoo pala kayong magnanakaw? E di nalimas na ‘yung mga gamit doon kung wala ako. Kaya magpasalamat na rin kayo…” Matalim siyang tiningnan ng lalaki. “Mahigpit ang security ng building. Paanong papasukin ng magnanakaw? And I have nothing to be thankful for. Lalo lang naging malas ang pag-uwi ko sa Pilipinas dahil nakilala kita.” Yumuko si Alondra dahil alam niya ngayong nasa balag siya ng alanganin. Di lang siya mawawalan ng tutuluyan sa gabing iyon. Posible rin siyang mawalan ng trabaho. Huwag naman sana. Di naman siya masamang tao. Biktima lang din naman siya ng pagkakataon. At lalong wala siyang kinalaman sa kamalasang dinanas nito. “Basta ipinagtanggol ko lang din po ang sairili ko. Magpasalamat nga kayo at iyan lang ang inabot ninyo. Ako nga pinagbintangan pa ninyong prostitute at nangingikil. Insulto naman sa akin iyon bilang babae,” katwiran niya. Puro at dalisay ako, uy! Never been kissed. Never been touched. Hinilot ni Micah ang sariling batok. “Ugh! What a mess! Gusto ko nang bumalik sa condo ko at magpahinga.” “Ano pong gagawin natin, Sir?” tanong ng pulis. “Magrereklamo pa ba kayo?” Lumingon sa kanya ang pulis. “Miss, magrereklamo ka pa ba?” Umiling si Alondra “Hidni na po. Misunderstanding lang, Sir. Hindi naman po pala rapist. Siya po pala ang may-ari ng bahay. Pasensiya na po sa abala.” “Oo nga. Magpahinga na lang tayo at umuwi. Pare-pareho na tayong pagod,” wika ni Tracy. Tahimik siya nang sa wakas ay i-release na sila ng pulis. Mabigat ang pakiramdam niya dahil parang wala nang katiyakan ang bukas niya. Anong gagawin niya? Kailangan na ba niyang magmakaawa kay Micah para huwag siyang paalisin? “Micah, ihahatid na kita sa bahay ni Tita Mildred. I am sure matutuwa sila kapag nalaman nilang nasa Pilipinas ka na,” alok ni Tracy. “No. Sa The Residences ako tutuloy. I will meet mom in my own time.” Napalunok si Alondra. “S-Sir, paano po ako?” nanginginig niyang tanong. “G-Gusto po ba ninyong umalis na lang ako?” Baka mapaiyak siya sa habag sa sarili. Kailangan niyang maging matatag. Di siya iiyak. Alam naman niyang maliit lang ang condo ni Tracy at naroon pa ang asawa at wala pang isang taong anak nito. Kaya nga di siya nito mapatuloy doon noong una dahil di siya magiging komportable. Ang mga kasamahan din niya ay pawang nangungupahan lang. Di siya kayang i-accommodate ng mga ito. Saka kalaliman ng gabi. Si Marlowe sana pero tiyak na mag-aalala ito sa kanya at si Nana Bertha. Dadagdagan pa niya ang problema ng mga ito. “Pagod na akong mag-isip, Miss. Sa palagay mo ba wala akong puso para palayasin ka sa kalaliman ng gabi? Kapag napahamak ka, kasalanan ko pa,” angil ni Micah. “Pero kayong dalawa lang sa iisang unit? Sigurado ka?” paniniyak ni Tracy at hinawakan ang braso niya. “Ihahatid ko siya sa apartelle…” “Wala po akong pambayad,” nasabi agad ni Alondra. Napalunok siya nang maalala kung gaano sila kalapit sa isa’t isa kanina ni Micah. Kung paanong akala niya ay pagsasamantalahan siya nito. “Don’t get any ideas, Miss. Prostitute or not, you are still not my type. Gusto ko lang matulog at masyadong malayo ang bahay ng parents ko para magpa-drive pa doon kay Tracy,” sabi ni Micah. “Saka may pamilya siya at may anak na naghihintay sa kanya. Masyado na natin siyang naabala. Sobrang lawak ng condo ko. Hindi ako rapist. Gusto mo magpa-post pa ako ng guwardiya sa labas ng guestroom para tiyakin na wala akong interes sa iyo.” “S-Sorry po, Sir,” aniya sa mahinang boses at yumuko. “Sorry? That’s the most stupid word ever invented. As if a simple sorry can make things right.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD