Chapter 3

2636 Words
Napasok si Alondra ng magnanakaw...magnanakaw ng puri. Saan ba galing ang guwapong rapist na ito? Kailangan niyang lumaban. Subalit maagap nitong sinapo ang kamay niya nang tinangka niya itong kalmutin. "Miss, ano 'to? Modus-operandi mo para makakuha ng maraming pera? I am sorry, Miss. It won't work on me. Ikaw ang ipapakulong ko." Natilihan siya. Siya pa ang ipapakulong nito ngayon samantalang ito nga ang may tangka sa puri niya. "Lasing ka 'no? Ako ang ipapakulong mo samantalang ikaw ang basta-basta na lang pumasok dito at umaastang pag-aari mo 'to." Binitiwan siya nito at sinapo ang ulo."W-wait. Pinagbibintangan mo ako na nag-trespass sa bahay ko? Ikaw na isang prostitute. Miss, nakainom nga ako pero di ako lasing. You can leave peacefully. Babayaran na lang kita kahit walang nangyayari sa atin o kakaladkarin kita sa presinto?" Ang lakas ng loob nito. Akala siguro ay masisindak siya nito. "Mister, lasing ka. Ikaw ang ipapakulong ko dahil hindi mo alam ang ginagawa mo." Ito ang nag-trespass kaya ito ang ipapakulong niya. Baka matapos siyang rape-in ay magnakaw pa ito. "Alam ko ang ginagawa ko. And i know that you are one scheming..." Ubod ng lakas niyang inumpog ang ulo nito. Tinapakan niya ang paa nito saka ubod ng lakas niya itong itinulak. Dali-dali siyang tumakbo palabas ng kuwarto. Di niya alintana kung wala siyang suot na sapatos. Di niya alam kung tatawag ng security sa telepono pero wala na siyang oras. Alam niyang di sapat ang pagkakaumpog niya sa ulo nito. Ng Baka maabutan siya nito. Ayaw niyang ma-rape kahit ng isang guwapo at machong rapist pa. Humihingal siya nang makarating sa elevator. Malakas ang kaba niya nang pindutin ang down button. Kailangan... Kailangan niyang makalayo agad doon. Dali-dali siyang pumasok ng elevator at sumandal nang sumara iyon. Napatili siya nang may kamay na humarang sa papasarang elevator. Bumukas iyon at pumasok ang lalaki. Nakasuot na ito ng bathrobe. Pero mas nakakatakot ito kaysa kanina. Sunud-sunod na tili ang pinakawalan niya at sumiksik sa gilid ng elevator. "Akala mo siguro matatakasan mo ako. Ako mismo ang magtuturo sa iyo ng leksiyon. Di lahat ng tao maloloko at mapapaikot mo. Di lahat masisilaw sa ganda mo." "Lasing ka. Rapist ka pa. Sa itsura nating dalawa, sinong makukulong sa atin?" "Oo nga. Ikaw na prostitute na gusto akong huthutan ng pera o ako na biktima mo dito?" "Hindi ako prostitute. At humanda ka sa akin. Makikita mo." Bumukas ang elevator at bumungad agad ang dalawang security. Isang malakas na sigaw agad ang pinakawalan niya. "Manong guard, tulungan ninyo ako. Rapist 'tong lalaking 'to." Pinakawalan siya ng lalaki at nahintatakutan siyang tumakbo sa mga guwardiya. "Hulihin po ninyo siya, Manong." "Sir, ito po ba ang itinawag ninyo sa amin na prostitute na gustong mang-extort sa inyo?" biglang tanong guwardiya. "You are right," puno ng kompiyansang sagot ng lalaki. "Muntik na nga akong takasan niya." "Pasensiya na, Miss. Kailangan ka naming dalhin sa presinto." “MA’AM TRACY, pasensiya na po pero sana po mapuntahan ninyo ako dito. Wala na po kasing ibang makakatulong sa akin. Saka sa condo naman po ng pinsan ninyo nangyari ang insidente. Natatakot na po talaga ako dito,” anang si Alondra sa nanginginig na boses habang kausap ang amo niya. Hindi na yata niya matatagalan ang nakakabaliw na gabing iyon. Masama ang tingin sa kanya ng ilang pulis sa presinto. Nang marinig na mababang klase ang trabaho niya gaya ng sinabi ng lalaki, parang kakainin na siya ng buo ng mga lalaki. At parang kalaban niya ang buong mundo. Walang gustong maniwala na di naman siya bayarang babae at ang lalaking nagsasabing customer niya ito ay isang rapist na basta na lang pumasok sa condo na tinutuluyan niya. “Sige. Papunta na ako. Just be calm. Everything will be okay. Titiyakin kong mabubulok sa kulungan ang nagtangkang mang-rape sa iyo. Maniac talaga nagkalat sa ngayon.” Matalim ang mata niyang tiningnan ang lalaki bago bumalik sa mesa kung saan ito kinukuhanan ng statement. Guwapo nga ito pero maniac naman. At ang nakakainis, dahil guwapo ito ay ito agad ang in-entertain ng mga pulis. Ang lalaki agad ang in-entertain ng mga ito. Ni hindi man lang binigyan ng bearing na siya ang babae at pinagtangkaang gahasain. Napakadali para sa mga ito na paniwalaan ang isang lasing at naghahalusinasyong lalaki. Ganito na ba siya kamalas? Nasunugan na nga siya, ngayon ay pinagbibintangan pa siyang prostitute na nanghuhuthot ng pera. “Paglabas ko ng shower room, nakita ko na lang siya na nakaluhod sa gitna ng kuwarto ko. Hindi ko alam kung style niya iyon. Basta ang alam ko, siya ang iniregalo sa akin ng mga kaibigan ko para sa birthday ko,” kwento ng lalaki sa mga pulis na kumukuha ng statement nito. Lutang na nga ang utak niya at wala siyang maintindihan kanina dahil di niya alam kung anong kahihinatnan niya. Di niya alam kung kanino tatakbo. tinawagan niya ang boss niyang si Tracy. Hindi niya alam kung dadating ito para tulungan siya. Pero ito lang ang pwede niyang asahan. Problemado pa ang kaibigan niyang si Marlowe dahil kasusunog lang ng boarding house ng nanay nito. Si Tracy lang din ang maasahan niya. Ito naman kasi ang nagpatuloy sa kanya sa condo kaya dapat malaman nito na may nagtangkang gumahasa sa kanya. “Sir, nagso-solicit po ba kayo ng serbisyo ng mga prostitute? Alam po ninyong bawal iyon,” anang pulis. Umiling ang lalaki. “Hindi. Of course, I won’t do that. Kaya nga sinabi ko sa kanya na umalis na lang siya kasi di ko kailangan ng serbisyo niya. Doon na siya nagsisigaw ng rape.” Tumango-tango ang pulis. “Sabagay hindi ito ang unang beses na nakakuha kami ng ganitong kaso, Sir. Magaling nang magpanggap ang mga prostitutes ngayon. Palalabasin na sinubukan silang rape-in para makakuha ng pera sa customers nila.” saka puno ng akusasyon siyang tiningnan. “Hoy, Mamang Pulis. Huwag ninyo akong tingnan ng ganyan. Hindi ako prostitute. Kaysa huntahin ninyo ‘tong rapist na ‘to bilisan ninyong kunin ang statement niya para makuha ninyo ang statement ko. Hindi ko talaga maintindihan kung bakit naniniwala agad kayo sa isang lasing.” “Hindi ako lasing, Miss. Nakainom lang ako pero hindi ako lasing,” matapang na sabi ng lalaki. “Baka gusto mong isama ko pa sa kaso mo nang batuhin mo ako ng krus. Tumama sa ulo ko. Masakit ‘yon.” “Nabutas sana ang ulo mo,” nausal na lang niya. Bakit di tinalaban ng krus ang impaktong katulad nito? “Hindi ka na nahiyang magdala ng krus sa trababo mo. Sabi mo hindi ka prostitute. What are you then? My spiritual adviser?” Gusto na niyang maiyak sa inis. Hindi talaga niya maintindihan. Kahit ang mga guard sa condo ay mas pinaniwalaan pa ang lalaki. Ano bang meron sa lalaking iyon at lahat na lang ay naniniwala dito? Siya ang biktima dito! “Trespasser siya,” giit niya. “Paanong naging trespasser ako sa sarili kong pag-aari? Baka ikaw ang trespasser, Miss,” anang lalaki. “Sino sa mga kaibigan ko ang nagbigay ng passcode ko? Must be Arice. Well, alam din iyon ni Steele.” “Ikaw ang may-ari?” Isang malakas na tawa ang pinakawalan niya. “Anong may-ari? Nasa abroad kaya ‘yung may-ari niyan.” “Well, I had just arrived. Ikaw, anong ginagawa mo sa condo ko?” “Manong pulis, painumin muna ninyo ‘yan ng matapang na kape para mahimasmasan. Lasing ‘yan,” aniya at tumawa. “Makikita mo mamaya. Parating na ang amo ko at malalaman ninyong lahat ang lalaking ‘yan ang nagpapanggap. Titiyakin kong siya ang makukulong.” Siraulo pala ang lalaking iyon. Magpapanggap pang may-ari. Oras na dumating si Tracy, mapapatunayan niyang hindi siya babaeng bayaran at magpapalipas ng hangover ang lalaking ito sa kulungan. Sayang talaga ang kaguwapuhan at magandang katawan nito. Hindi pa ginamit sa tama. Kundi lang siya nito kinaladkad sa presinto at pinagbintangang prostitute, patatawarin sana niya ito alang-alang sa kaguwapuhan nito. Pero ginalit siya nito kaya pasensiyahan na lang. Magbibigay na siya ng statement nang dumating si Tracy. Sinalubong agad niya ito. “Ma’am, tulungan po ninyo. Ako na nga po itong pinasok sa bahay at muntik mapagsamantalahan, ako pa po ang pinagbibintangang bayarang babae.” Namula ang mukha nito sa galit. “At talaga namang may ganoon pala kakapal na mukha ngayon sa mundo? Nasaan? Nasaan ang lalaking iyon at nang mabura ang mukha.” “Siya po,” aniya at itinuro ang lalaki. Malalaki ang hakbang na sinugod ni Tracy ang lalaki. Umangat ang gilid ng labi niya. Tingnan lang niya kundi maipamukha dito ang kalokohan nito. At hindi madadala si Tracy sa kaguwapuhan nito dahil guwapo din naman ang asawa nito. “Ikaw… dapat sa iyo ma-silya elekri…” Tinitigan nito ang lalaki. “M-Micah? M-Micah, bumalik ka na?” Hinawakan ni Tracy ang pisngi nito. “Hindi na kita nakilala. Nognog ka na. anong nangyari sa iyo. May damo-damo ka pa sa mukha.” “It is just a few stubbles.” “Nag-alala kami sa iyo. Akala namin wala kang balak na bumalik ng PIlipinas. Birthday mo ngayon tapos di ka nagpasabi. Nagpahanda sana ako ng party.” Niyakap ni Tracy ang lalaki. “It is good to see you home.” “Tracy, pwede bang patunayan mo sa kanilang lahat na ako si Micah Bergonia, ang may-ari ng penthouse B unit sa The Residences,” puno ng kompiyansang sabi ng lalaki at tumingin sa kanya. “Of course. He’s Micah Bergonia, my cousin. Ano po bang problema? Ano po bang nangyari?” tanong ni Tracy. Micah? Micah Bergonia ang pangalan ng pinaka-big boss niya. Home. Ibig sabihin ang lalaking ito ang pinsan ni Tracy at big boss niya. Drat! Sobrang guwapo nito at halos nakita niya ang buong katawan nito kanina. Nakakatulo ng laway. Pero binato niya ito ng kamagong na krus, inumpog ang ulo nitong may bukol pa at pinagbintangang rapist. Mukhang pupulutin siya sa kangkungan nito. Anong gagawin niya? “May insidente po na kinikikilan siya ng isang prostitute,” anang pulis. “Ma’am, hindi po ako prostitute,” depensa agad niya at pinagsalikop ang palad. “Alam po ninyo iyan.” “Who is this woman anyway?” tanong ni Micah sa mataas na boses. Tumabi si Tracy sa kanya. “She’s my new assistant, Alondra Enriquez. Sinabi ko na sa iyo na kukuha ako ng assistant ko, hindi ba?” “At anong ginagawa niya sa bahay ko? Huwag mong sabihing extension ng opisina ang condo ko.” Tumaas ang kilay ni Micah. “Or baka naman may extra raket ‘tong si Miss Enriquez.” Nanlaki ang mata niya. “Hindi po iyon katulad ng iniisip ninyo, Sir.” Iniisip nito na nagtatrabaho siya sa bar bilang prostitute? “I am asking my cousin, Miss. Not you,” anang si Micah sa malamig na boses. Ngumiti si Tracy. “Micah, nasunugan si Alondra ng bahay kaya pansamantala muna siyang tumutuloy sa condo mo.” “Ano? At hindi ka man lang nagsabi sa akin?” Itinirik ni Tracy ang mga mata. “Come on! Wala ka naman sa Pilipinas. Ilang araw lang naman. Saka wala namang tao sa condo mo. Nakakatakot kaya noong huling beses na dumalaw ako. Kinilabutan nga ako at pakiramdam ko may multo. matagal na kasing walang tao.” “That’s stupid! Walang multo!” kontra naman ni Micah. “Ganoon kaya kapag walang tumitira sa isang bahay. Iyon ngang isang unit sa baba ng condo mo, anim na buwan lang daw di natirhan, may nagpapakita nang white lady sabi ng bagong may-ari. Sino pang titira sa unit mo kung may multo? Mabuti ngang matirhan kahit sandali. Saka walang ibang matutuluyan si Alondra. Doon lang naman siya hanggang makahanap siya ng bahay na malilipatan.” “At sa palagay mo ba papayag akong tumira siya sa bahay ko matapos ang pananakit niya sa akin?” angil ni Micah. “Sir, dinepensahan ko lang naman ang sarili ko. Isipin na lang ninyo kung totoo pala kayong magnanakaw. E di nalimas na ‘yung mga gamit doon kung wala ako. Kaya magpasalamat na rin kayo…” “Mahigpit ang security ng building. Paanong papasukin ng magnanakaw? And I have nothing to be thankful for. Lalo lang naging malas ang pag-uwi ko sa Pilipinas dahil nakilala kita.” Yumuko siya dahil alam niya ngayong nasa balag siya ng alanganin. Di lang siya mawawalan ng tutuluyan sa gabing iyon. Posible rin siyang mawalan ng trabaho. Huwag naman sana. Di naman siya masamang tao. Biktima lang din naman siya ng pagkakataon. At lalong wala siyang kinalaman sa kamalasang dinanas nito. “Basta ipinagtanggol ko lang din po ang sairili ko. Magpasalamat nga kayo at iyan lang ang inabot ninyo. Ako nga pinagbintangan pa ninyong prostitute at nangingikil. Insulto naman sa akin iyon,” katwiran niya. Hinilot ni Micah ang sariling batok. “Ugh! What a mess! Gusto ko nang bumalik sa condo at magpahinga.” “Ano pong gagawin natin, Sir?” tanong ng pulis. “Magrereklamo pa ba kayo?” Lumingon sa kanya ang pulis. “Miss, magrereklamo ka pa ba?” Umiling siya. “Hindi lang po kami nagkaintindihan, Sir. Hindi naman po pala rapist. Siya po pala ang may-ari ng bahay. Pasensiya na po sa abala.” “Oo nga. Magpahinga na lang tayo at umuwi. Pare-pareho na tayong pagod,” wika ni Tracy. Tahimik siya nang sa wakas ay i-release na sila ng pulis. Mabigat ang pakiramdam niya dahil parang wala nang katiyakan ang bukas niya. Anong gagawin niya? Kailangan na ba niyang magmakaawa kay Micah para huwag siyang paalisin? “Micah, ihahatid na kita sa bahay ni Tita Mildred. I am sure matutuwa sila kapag nalaman nilang nasa PIlipinas ka na,” alok ni Tracy. “No. Sa penthouse ako tutuloy. Bukas na lang ako uuwi sa bahay.” Napalunok siya. “S-Sir, paano po ako?” nanginginig niyang tanong. “G-Gusto po ba ninyong umalis na lang ako?” Baka mapaiyak siya sa habag sa sarili. Kailangan niyang maging matatag. Di siya iiyak. Alam naman niyang maliit lang ang condo ni Tracy at naroon pa ang asawa at wala pang isang taong anak nito. Kaya nga di siya nito mapatuloy doon noong una dahil di siya magiging komportable. Ang mga kasamahan din niya ay pawang nangungupahan lang. Di siya kayang i-accommodate ng mga ito. Saka kalaliman ng gabi. Si Marlowe sana pero tiyak na mag-aalala ito sa kanya at si Nana Bertha. Dadagdagan pa niya ang problema ng mga ito. “Pagod na akong mag-isip, Miss. Kumikirot pa ang ulo ko dahil sa pagkakabato mo. sa palagay mo ba wala akong puso para palayasin ka sa kalaliman ng gabi? Mapahamak ka pa diyan, kasalanan ko pa,” angil ni Micah. “Pero kayong dalawa lang sa iisang bubong? Sigurado ka?” paniniyak ni Tracy at hinawakan ang braso niya. “Ihahatid ko siya sa apartelle…” “Wala po akong pambayad,” nasabi agad niya. Napalunok siya nang maalala kung gaano sila kalapit sa isa’t isa kanina ni Micah. Kung paanong akala niya ay pagsasamantalahan siya nito. “Don’t get any ideas, Miss. Prostitute or not, you are still not my type. Gusto ko lang matulog at masyadong malayo ang bahay ng parents ko para magpa-drive pa doon kay Tracy,” sabi ni Micah. “Saka may pamilya siya at may anak na naghihintay sa kanya. Masyado na natin siyang naabala. Sobrang lawak ng condo ko. Hindi ako rapist. Gusto mo magpa-post pa ako ng guwardiya sa labas ng guestroom para tiyakin na wala akong interes sa iyo.” “S-Sorry po, Sir,” aniya sa mahinang boses. “Sorry? That’s the most stupid word ever invented. As if a simple sorry can make things right.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD