ANDREI CASTRIEL
Isang marahang katok sa pinto ng aking silid ang nagpagising sa aking mula sa mahimbing na pagkakatulog. Pagkatayo ko ng kama ay agad akong napahawak sa ulo ko dahil ramdam ko ang pagkirot nito. Parang kagaya noong naroon kami sa mansion ng mga Ricafort. It’s the same level of pain. Mas malala pa yata ngayon.
Nang pagbuksan ko ang nasa labas ay agad na bumungad sa akin ang nakakunot na noo ni Eren.
“Tanghali na. Huwag mong sabihing kagigising mo lang?”
Kumunot ang noo ko.
“Tanghali na?” Medyo antok pa akong naglakad palapit sa wall clock. Nanlaki ang mga mata ko nang makita kong alas siete y media na ng umaga.
“Teka, sandali. Pasensiya na. Kung nagmamadali kayo ni Chandra, mauna na kayo sa Vacant Building. Susunod nalang ako. Pasensiya na talaga.”
Eren gave me a confused look. Kapagkuwa’y tumalikod na rin ito.
“Hihintayin ka namin sa parking area,” aniya bago tuluyang umalis. Isinara ko na ang pinto at nagmadaling nagtungo sa banyo. Nagkaroon pa ng power interruption sa camp kaya hindi na ako gumamit ng heater sa pagligo. Kahit malamig, tiniis ko para lang makaligo ako.
Today, I chose to wear a thick t-shirt and a thick trench coat. Tumingin din kasi ako sa labas at nakitang madilim ang paligid at mukhang uulan. Nagdala na rin ako ng bag na nilagyan ko ng tubig at ilang pirasong tinapay na sigurado akong makakain ko dahil wala namang malapit na bilihan sa vacant building. Pagkatapos kong magsuklay ng aking buhok, lumabas na ako ng kuwarto at nagmadaling sa paglalakad patungo sa parking lot.
Nasa malayo palang ako ay kitang-kita ko na ang sasakyan na papalapit sa akin. Bago pa nga ako makasakay sa backseat ay nagsimula ng umambon.
“Sorry talaga kung tinanghali ako. Alam kong excuse lang itong sasabihin ko, pero talagang ang sakit ng ulo ko.”
Bumaling sa akin si Eren.
“Bakit? Ano ba kasing nangyari sa’yo? Masama ba ang pakiramdam mo? Napuyat ka? Uminom ka ng alak?”
Umiling ako.
“Sa totoo lang, hindi ko rin alam. Ang huli kong naalala ay naghahanda ako kagabi para lumabas ng silid para manuod ng event. Pagkatapos niyon, wala na akong maalala.”
Pasimpleng lumingon sa akin si Chandra. Hindi siya nagsalita dahil abala rin siya sa magazine na binabasa niya. Nang tumingin ako sa rearview mirror, nakita ko namang nakatingin sa kaniya si Eren.
“Siya nga pala, may bagyo ba?” basag kong muli sa katahimikan.
“Ang sabi weather forecast meron daw. Malakas daw na ulan ang dulot ngayong araw. Naghihintay nga kami ng announcement ng camp kung magus-suspend sila ng event ngayong araw pero wala naman silang sinabi. Kaya nag-assume kami na tuloy ang training.”
Bumaling ako sa labas ng sasakyan at napansin ang mas malalaking patak ng ulan na tumatama sa bintana. Humugot ako ng malalim na hininga. Pagkarating namin sa building, napansin ko agad na iilan palang ang nandoon. Nag-uusap pa ang mga ito tungkol sa lagay ng panahon.
Samantala, huling lumabas ng sasakyan si Chandra. May bitbit itong medium-sized na paperbag. Pagkapasok niya sa loob ng building, inabot niya iyon sa akin.
Napaturo naman ako sa aking sarili.
“Bakit? Para sa akin? Ano ito?”
He sighed lightly.
“Breakfast. Hindi ka nag-agahan hindi ba?”
Alanganin naman akong ngumiti. Kinuha ko iyon sa kamay niya.
“Naku, sana hindi ka na nag-abala pa. Ayos lang naman ako.”
“Hindi ka ayos. Walang taong magiging maayos ang pakiramdam kapag nag-skip ng agahan. Don’t lie to me, Andrei.”
Para siyang teacher at ako ang estudyante na kaniyang kinagagalitan. Minsan, okay naman siya. Pero may pagkakataon na nakakatakot siya, katulad na lamang ngayon.
“Walang power sa buong building. Paano na?”
Sabay kaming napalingon ni Chandra sa mga babaeng nag-uusap.
“Kaya nga, dapat talaga hindi nalang tayo pumunta rito. Mukhang bubuhos na talaga ang malakas na ulan. Natatakot ako. Ang layo pa naman ng main camp sa lugar na ito. Hindi tayo agad makakabalik kapag nagsimula nang bumuhos ang ulan. Or worse, baka bumaha pa sa area na ito.”
Naiintindihan ko na kinakabahan sila. Ako rin naman. Medyo isolated ang area na ito. Baka kapag nagtuloy-tuloy ang ulan ay mahirapan na ang sasakyan na makatawid sa mataas na bahagi.
“Chandra…” nag-aalangang tawag ko sa kaniya.
Nilingon niya naman ako.
“Bakit? Natatakot ka rin kagaya nila?” diretsahan niyang tanong.
Hindi naman ako nagsinungaling. Marahan akong tumango.
“Me too.”
Napatitig ako sa kaniya nang marinig ang kaniyang sinabi.
“Ha?”
“Ang sabi ko, ako rin, natatakot. Nasaan ba si Eren?”
Nagkibit-balikat ako. Sa aming tatlo, si Eren ang unang pumasok ng building. Hindi ko alam kung saan siya nagtungo dahil mabilis siyang nawala sa paningin ko. Kaya nga hinintay ko nalang si Chandra para may makasama ako.
“Hindi ko alam.”
Chandra bit her lower lip. Kitang-kita ko iyon. And for some reason, biglang sumakit ang ulo ko kaya napahawak ako roon. Sa imahe sa isipan ko, nakita ko ang sarili ko at si Chandra na nag-uusap nang seryoso sa lugar na lagi kong pinupuntahan dito sa camp.
Nang tapikin niya ako sa balikat ay nawala ang imahe sa aking isipan.
“Okay ka lang ba?”
Nang mag-angat ako nang tingin kay Chandra, napansin ko ang pag-aalala sa kaniyang mga mata.
“May itatanong lang sana ako.”
She didn’t look away. Nanatili siyang nakatayo sa harapan ko para hintayin kung ano man ang sasabihin ko.
“This might be weird, pero magkasama ba tayo kagabi?”
Hindi naman siya sumagot. She was just looking at me.
“Sorry, wala talaga akong maalala. I feel like I my memory was being removed in purpose. I don’t know…” I trailed off.
“Sorry, hindi ko alam kung anong iisipin ko.” Tumawa ako para mawala kahit paano ang tensiyon na nararamdaman ko.
Ang kaniyang kamay na nakahawak sa balikat ko ay binawi niya. And then he reached for my hand. Magsasalita na sana siya nang biglang kumulog nang ubod nang lakas.
Nagtilian din ang mga kasama namin sa building dahil biglang lumakas ang hangin. Chandra let go of my hand and walked towards the main door. Malakas ang hangin na tumutulak doon pero nagawa niya itong maisara. Ganoon din ang ginawa niya sa mga bintana.
Kitang-kita ko ang paghagupit ng malakas na hangin sa mga puno sa labas. Ang ibang sanga ay nagliparan. Madilim sa labas. Aakalain mong dapit-hapon na dahil sa makakapal na ulap na tumatabon sa kalangitan. Konting liwanag lang din tuloy ang pumapasok sa loob. Dahil nagtitilian ang mga babaeng naroon, kinailangan pang harangan ni Chandra ng kurtina ang bintana para hindi makita ng ibang participants ang nangyayari sa labas.
Kinuha ko naman sa bag ko ang phone ko at agad na binuksan ang flashlight nito.
Lumapit si Chandra sa mga babae at sinabi sa mga ito na makabubuti kung papasok muna sila ng kani-kanilang silid. Kung tama ang pagkakabilang ko, pito ang mga ito.
“Kayo lang ba ang narito?” tanong ko sa isa sa kanila.
Umiling naman ito.
“Mayroon pang nasa taas. Sina Alissa. Ang kaso sa fifth floor sila.”
Humugot ng malalim na hininga si Chandra saka niya ako nilingon.
“Andrei, kailangan nating pumunta sa taas.”
“Ang kaso, hindi umaandar ang elevator dahil wala namang power,” sabi ng isang babae.
Napaisip naman si Chandra.
“Ano kaya kung maiwan ka nalang dito para may kasama sila? Ako nalang ang aakyat sa taas.”
Gusto kong tumanggi. Gusto kong sabihin na gusto kong sumama. Ayokong humiwalay sa kaniya. Pero sa hitsura niya, halatang nakapag-decide na siya sa kung anong gagawin. Kaya wala na akong nagawa kundi pumayag sa plano niya.
“Mag-iingat ka ha. Madilim ang paligid.”
Lumapit sa akin si Chandra at marahang yumakap. Nagulat ako sa ginawa niya pero hindi ko na ipinahalata iyon.
“Babalik ako para balitaan kayo. Babalikan kita.”
Tumango ako nang marahan ay yumakap na rin sa kaniya. Nang kumalas siya sa pagkakayakap ay agad siyang tumalikod at mabilis na umakyat ng hagdan hanggang sa mawala siya sa aking paningin, hanggang sa ingay ng paghampas ng hangin nalang ang aking naririnig.