“I already know everything,” pag-uulit nito sa sinabi.
Lalong dumami ang gatla sa noo niya hanggang sa unti-unting mamilog ang mga mata niya at maramdaman ang malakas na kabog ng kaniyang dibdib.
Yumuko si Jordan. “I’m sorry, Caitlyn. I really do . . .” mahinang wika nito habang yumuyugyog ang mga balikat.
Matagal niya itong tinitigan bago nakuhang tumayo at lapitan ito. Hindi na siya nag-iisip pang niyakap ang lalaki at tahimik ding nakiiyak dito. Matagal silang nasa ganoong posisyon nang magsalita siya.
“Wala kang kasalanan, Jay. Ako ang nagdesisyon niyon para sa sarili ko. Dapat ka pa ngang magalit sa akin dahil itinago ang totoo sa iyo– na hindi naman dapat,” wika ni Caitlyn sa pagitan ng paghikbi.
Tumunghay ito sa kaniya. Ang luhaan nitong mga mata ay lalong nagpahirap sa nararamdaman niya. “Please let me make it up to you and him. Please let me be a father to our son. Please, Cee. Please . . . I’m begging you . . .” Yumakap ito nang mahigpit sa kaniyang beywang.
Matagal na tinitigan ni Caitlyn ang lalaki. Hindi naman bato ang puso niya para pagbigyan ang hinihiling nito. Ang totoo, naghahangad rin siyang maipakilala ito kay CJ. Bagama’t hindi nagsasalita ang kaniyang anak tungkol sa ama nito, dama naman niyang nangungulila rin ito kay Jordan. Hindi naman kasi niya itinago sa anak niya ang totoo dahil wala naman itong kasalanan. Alam ni CJ kung ano ang totoong pangalan ng ama nito, kung ano ang nangyari, minus the bet portion. Natatakot kasi siyang baka magalit sa kaniya ang anak niya kapag nalaman nitong pumayag siyang paglaruan noon ang puso ng ama nito.
“Alright . . . Pumapayag na ako. Pero huwag lang natin siyang bibiglain.”
Napatingala sa kaniya si Jordan. Larawan na ng kasiyahan ang mga mata nito. “T-talaga?”
Nakangiting tumango siya rito. “Yes!”
“Oh, God! Thank you, Cee! Thank you so much!” At sa pagkagulat ni Caitlyn ay bigla itong tumayo at walang sabi-sabing hinalikan siya. Hindi siya agad nakagalaw sa kinatatayuan at ang tanging naririnig niya ay ang malakas na kabog ng kaniyang dibdib.
Nang maunawaan ni Jordan ang ginawa nito, agad itong lumayo. “I-I’m sorry. Na-excite lang ako.”
Nakagat niya ang pang-ibabang labi at lihim na napangiti. Somehow, naroon ang hindi matatawarang kilig sa puso niya.
Pagkatapos nilang mag-usap ni Jordan ay inihatid siya nito sa kanila.
“Would you mind if I could meet him now?” tanong nito habang nakatingin sa tinirhan nila na may ilaw na sa mga sandaling iyon. Alas-otso na kasi ng gabi.
“Okay . . .”
“Thanks!” Masiglang bumaba si Jordan at ipinagbukas siya ng pinto, pagkatapos ay sabay na silang pumasok sa loob ng kanilang bahay. Naabutan nila si CJ na nanonood ng TV sa salas.
“My!” Kaagad itong tumayo at sinalubong siya ng mahigpit yakap at halik sa pisngi. Nang pakawalan siya nito ay tumingin ito sa likuran niya. “May kasama po kayo?” tanong ng kaniyang anak na ngumiti pa Jordan at dinig na dinig niya ang pagsinghap ng lalaki. “Hi po! Friend ka po ba ni Mommy?”
Nilingon niya si Jordan. Titig na titig naman ito sa anak nila.
“Mommy?” untag sa kaniya ni CJ.
Ito naman ang kaniyang nilingon at hinaplos sa ulo. “Remember what we always talk?”
“Uhm . . . What about it?”
Tiningnan niya muna si Jordan na hindi na halos kumukurap, pagkuwa’y si CJ. “Siya ang pinag-uusapan natin,” sagot niya.
Namilog ang mga mata ni CJ. Pagakatapos, tinitigan nitong maigi si Jordan. “D-Daddy?”
Tuluyan ng bumagsak ang mga luhang pinipigilan ni Jordan at lumuhod sa harap ni CJ. Ibinuka nito ang dalawang kamay. Wala namang pag-aalinlangang pumaloob doon ang anak nila, na umiiyak na rin. Kaya naman hindi na rin niya napigilan ang sariling mga luha. Tahimik silang umiyak na tatlo. May ilang sandali rin ang itinagal niyon bago bumitaw sa pagkakayakap ang mag-ama.
“You’re so handsome, Daddy. Just like me!”
Nagkatawanan sila ni Jordan sa narinig. “Thanks, son. Hindi ko naman kookontrahin ang sinabi mong iyan dahil talaga namang mas gwapo ka sa akin,” wika nito.
Napailing na lang si Caitlyn. Mukhang may kakampi na ngayon si CJ sa kalokohan.
Pinatuloy niya si Jordan at hinayaan niya ang dalawa na magkwentuhan. Sa daldal ni CJ, walang ibang magawa si Jordan kung hindi pagmasdan na lang nito ang anak nila.
Nang malapit ng mag-alas diyes ay inaawat na niya ang dalawa. “CJ, anak, sa ibang araw na lang kayo ulit mag-usap ng daddy mo. May pasok ka pa bukas,” wika ni Caitlyn sa dalawa.
Napatingin si CJ sa ama nito.
“Huwag kang mag-alala, babalik ako rito bukas,” nakangiting wika ni Jordan.
“Talaga po?”
“Yes. Ihahatid kita sa school.”
“Yehey!” Nagtatalon pa si CJ bago humalik kay Jordan. “Thanks, Daddy. Sige po, matutulog na po ako. Mag-iingat po kayo sa pag-uwi,” masayang wika pa ni CJ bago pumasok sa kwarto nilang mag-ina. Siya naman ay inihatid si Jordan sa sasakyan nito.
“Thanks, Cee . . . Thank you so much.” Hindi pa ito nakontento at hinawakan pa ang kamay niya at pinisil iyon.
“Kanina ka pa. Baka naman malunod na ako sa kapapasalamat mo,” biro niya.
“Malunod na kung malunod, basta hindi ako magsasawang magpasalamat sa iyo, sa ginawa mo. I thought a lot of bad outcomes after we talked, pero hindi ganoon ang nangyari. At nagpapasalamat din ako sa iyo dahil hindi mo itinago ang totoo sa anak natin. Dahil hinayaan mong makilala niya ako kahit hindi niya alam kung nasaan ako. Dahil hindi mo siya hinayaang magalit sa akin, sa pagiging pabayang ama ko sa—”
“Jordan, no. Wala kang kasalanan dahil pareho pa tayong bata noon, at isa pa may mga pangyayari sa buhay natin na hindi natin hawak. Kaya hindi mangyayaring ipagkait ko siya sa iyo, lalo at wala namang kasalanan ang anak natin. Ako nga ang dapat na humingi ng tawad sa iyo dahil sa nangyari noon.”
Umiling si Jordan. “No, Cee. There’s no need for you to explain what happened before. Nalaman ko na ang lahat-lahat mula kay Jacky. And I feel ashamed of myself thinking that way. Sinisisi ko ang sarili ko dahil dapat pinakinggan na lang kita at hindi pinairal ang pride ko. Nalaman ko rin kay Jacky na nagalit ang mga magulang mo dahil buntis ka. Hindi ka tuloy nakapagpatuloy sa pag-aaral dahil doon.”
Huminga si Caitlyn nang malalim. “Yeah. My parents got mad, pero sa umpisa lang iyon. Nang dumating naman si CJ sa buhay ko— buhay namin, nagbago na lahat. At huwag mo ring sisihin ang sarili mo kung bakit hindi ako naka-graduate. Nakapagtapos din naman ako.”
“Oo nga pero dalawang taon lang. Hindi kagaya ng pangarap mong maging accountant.”
Napangiti siya. “You still remember that.”
“Of course! I still remember everything. Basta patungkol sa iyo, lahat iyan ay nakaimbak lang sa memorya ko.”
Nakagat niya ang labi at nag-iwas ng tingin. “Sige na. Saka na ulit tayo mag-usap. Baka hindi pa natutulog si CJ,” pagtataboy niya rito.
“Oh! Yeah! Sorry. Mauna ka ng pumasok sa loob,” wika nito.
“Sige.” Subalit pagtalikod niya ay muli siyang tinawag ni Jordan. Lumingon siya rito.
“I’ll make it up for everything. And when I say everything, I want us to start over.”
Para namang may mga daga sa kaniyang dibdib at nagwelga nang katakot-takot ang kaniyang puso. Hindi niya mapigilang mamula sa sinabi nito, pati na ang kiligin.
“P’wede pa ba? Cee?” tanong nito sa nagsusumamong tinig.
Mariing nagdikit ang mga labi niya upang pigilin ang pag-alpas ng impit na tili. “I-ikaw ang bahala . . .”
Malapad na napangiti si Jordan. “Thanks, Cee. I will also formally ask your parents permission tomorrow,” sabi pa nito.
Tumango na lang siya at mabilis na tumalikod. Kung hindi niya kasi gagawin iyon, baka magtitili na siya sa harap ng lalaki at ayaw naman niyang ipahiya ang sarili.