Kabanata 3: Aksidenteng Halik

1717 Words
“Palakas nang palakas ang karinderya mo, Tita Isabel!” “Siyempre, may maganda siyang pamangkin na nagngangalang Alyanna!” “Bruha!” Nagtawanan kaming tatlo nina Tita Isabel at Tricia. Katatapos lamang namin magligpit at magsara ng karinderya. Tuwang-tuwa kaming tatlo dahil bagaman pagod, tiyak na malaki ang kita ng karinderya. “Tita Sabel, huwag kang kuripot. Mag-hire ka na ng dalawa o tatlo pang katulong namin ni Tricia! Pagoda kaming dalawa lang!” “Saka na! Ang atupagin mo ay ‘yang bagong hinaharot mong lalaki!” Nagtawanan sina Tita Isabel at Tricia. Napairap naman ako at napangiti. Matteo Leabres. Masyadong misteryosong nilalang. “Parang dati lang, pangarap niyang lalaki ay seaman, engineer, lawyer, pulis, piloto, o doktor. Ngayon, construction worker na!” hirit pa ni Tricia dahilan para tumaas ang kanang kilay ni Tita Isabel. “Kung nandito lang ang Mama Sabeth mo, baka kinurot na iyang singit mo!” singhal sa akin ni Tita Isabel. “Tiyang!” Biglang tumaas ang boses ko. “Puwede ba? Sabi ko na ngang tigilan ninyo na ang pagbanggit sa pangalan ng nanay ko!” Natahimik si Tricia at Tita. Hanggang ngayon kasi, masakit pa rin sa loob ko. Hanggang ngayon, hindi ko pa tanggap. “Wala kang balak na hanapin siya? Makasama?” taka ngunit concern na tanong ni Tricia. “Para saan pa? Masaya naman ako rito. Saka hindi niya option na iwan ako, choice niya iyon. Ang mahalaga, importante.” Nagbiro man ako sa huling pangungusap pero sign na iyon para tigilan ko na ang usapan tungkol kay Mama. Ayaw ko na muna. Hindi pa kasi siya napapatawad. Tuloy ay hindi ko pa rin napapatawad ang sarili ko. Ano ba kasi ang dahilan para iwan niya ako? Para sumama siya sa ibang lalaki? Piliin niya akong anak niya kaysa sa ibang pamilya? Pangit ba ako? Kapalit-palit ba ako? Suwerte ng mga taong hindi gaanong nakakikilala sa tunay na ako. Ang alam lang kasi nila, araw-araw akong masaya at kuwela. Hindi nila alam, may lalim pala ako. Ayos lang. Ang mahalaga, napasasaya ko ang ibang tao. Sa ngayon, hanggang doon na lang muna ako. “Magpapahangin lang muna ako,” paalam ko kina Tricia at Tita Isabel. “Baka pag-untugin ko pa ang bungo ninyong dalawa.” Palihim na natawa si Tricia. “Bruha, huwag ka nang uuwi, ah? Sinong tinakot mo? Diyan ka na matulog sa kalye!” Natawa na rin ako kahit namumuo na naman ang mga luha sa mata ko. “Ems lang, Tita! Kailangan ko lang huminga, okay?” Lumabas na ako ng bahay at naglakad-lakad. Nakikita ko na sa kalangitan ang bukangliwayway na sa tuwing nasisilayan ko ay nagbibigay sa akin ng lakas, determinasyon, at pag-asa. Pag-asa na isang araw ay makakapang-asawa ako ng 4M na mag-aahon sa akin sa hirap ng buhay: Matandang Mayamang Madaling Mamatay. Ems! “Saan nga ba ako pupunta? Para akong tangang naglalakad ng walang patutunguhan...” bulong ko sa sarili habang kinakamot ang ulo. Wala akong kuto at lisa sa buhok, sadyang dagdag lang ‘to sa eksena ng drama ko. Hanggang sa isang lugar ang pumasok sa isipan ko. Dire-diretso akong naglalakad, pinalitan ang nakasimangot na mukha ng nakangiting mukha at muling naging masigla. “Matteo Leabres...” Pagdating ko sa construction site ng Dampalit Housing Project, halos tatlong tuwid na kalye mula sa aming bahay at karinderya, naabutan kong tahimik na ang paligid. Malamang, umuwi na ang mga construction workers na hindi stay-in. Ilang minuto na lang ay alas-siyete na rin. “Wala namang aso rito, ano? Kung mayroon man, aba, hindi ako natatakot! Sige, kahit magkagatan pa kami!” Nakabukas naman ang bakal na gate kaya’t pumasok ako sa loob ng marahan. Maingat ako sa paglalakad dahil baka biglang bumulaga si kamatayan sa harap ko. Nang ilibot ko ang paningin sa paligid, isang tipikal na construction site ang bumungad sa akin. Nagkalat ang mga semento, buhangin, graba, mga hollow blocks, mahahabang bakal, at mga kagamitan sa construction. Ang kaibahan nga lang, bago pa kung titingnan ang project na ito dahil halos hindi pa nga tapos ang unang palapag ng tatlong building na ginagawa. “Huy, trespassing ka, miss!” Namilog ang mga mata ko at halos mapatalon palabas ng universe nang biglang may nagsalita sa likuran ko! “Sira-ulo kang hayop ka! Bakit naman nanggugulat, ‘di ba?!” Napahawak tuloy ang kamay ko sa tapat ng puso ko! “Ano’ng ginagawa mo rito? Tanghali ka lang naghahatid ng ulam, ah!” anang lalaki na kung hindi ako nagkakamali, madalas na kasa-kasama ni Jonard. “Baka mamaya...” Dahil narito ang gunggong na lalaki, tiyak na stay-in ito at natutulog sa mga barracks. “Ang malisyoso mo! Huwag kang ano...” Napaisip ako ng idadahilan ko. Ang bobita ko naman kung sasahihin kong gusto kong makita si Matteo, ‘di ba? “Ano... May ilan kasi sa mga customer sa karinderya namin na mamaya na lang daw magbabayad, ang sabi, which is ngayon iyon. Naniningil ako, bakit? Angal ka?” Natahimik ang kumag na lalaki. Dahil speechless, umalis na rin ito at itinuro pa ang ilang mga kahoy na barracks. Tumango lang ako at nakahinga nang maluwag. Tanga ng lalaki, naniwala sa sinabi ko. Hindi niya yata alam na hangga’t hindi nagbabayad kapag kumakain sa aming kainan, hindi makalalabas ng buhay sa aming karinderya. Nagpatuloy ako sa paglalakad. Maingat. Dahan-dahan. Masyado akong maganda para sa ganitong lugar. Hanggang sa narating ko ang limang magkakatabi at magkakasunod na barracks, bandang likuran ng building number 3. Nakabibingi ang katahimikan. Tanging naririnig ko lang ay ang malakas na ihip ng hangin, ang pagaspas ng mga dahon mula sa mga puno ng aratalis, at ang mahinahon kong paghinga kasabay ng munting tunog ng bawat pagtapak ng aking dalawang paa sa buhangin. “What if hindi stay-in si Matteo? What if uwian pala siya?” tanong ko sa sarili, mahina lamang ang boses dahil kapag may nakarinig sa akin ay baka tadyakan ako palabas ng earth. Napailing-iling ako sa sarili ko. “Bakit ‘di ko naisip iyon? Bobita ko!” frustrated na turan ko sa sarili at tumalikod na. Ngunit saktong pagtalikod ko naman, sunod-sunod na buhos ng tubig ang narinig ko. Rinig ko ang pagtama ng tabo sa isang timbang may lamang tubig. Maging ang tunog ng lumalabas na tubig mula sa isang gripo... Nagapi ako ng aking kuryosidad at pinakinggang mabuti ang mga tunog. Lakad-lakad, nakarating ako sa likod ng panghuling barracks kung saan hindi ko inasahan ang tumambad sa pagkatao ko. Isang imaheng nagpatibok sa atay, bituka, apdo, baga, at kasu-kasuan ko. “What the hell? Totoo ba?!” hindi makapaniwalang bulong ko sa sarili. Kitang-kita ng dalawang mga mata ko si Matteo Leabres... Hindi lamang iyon. There’s more! Tumambad sa buong mundo ko ang naliligong si Matteo! Shirtless, basang-basa ang buong katawan, maputi, talaga nga namang napakainam na obra sa mata! Napahawak na lamang tuloy ako sa gilid ng labi ko, baka kasi may tumutulo ng laway! “Nananaginip yata ako. Kung nasa panaginip man ako, ‘di na ako gigising...” bulalas ko sa sarili at tinakpan ang kanang mata ko—pero ang kaliwa ay malinaw pa rin na nakikita si Matteo. Napakaputi ng katawan niya! Ang ganda rin ng hubog! Matipuno! Pandesal na pandesal ang abs! Diyos ko po, nagkakasala ang mata ko! Marahan at tahimik lamang na naliligo ang guwapong lalaki. Naka-side view ito kaya hindi ito kumpletong makita. Mabula ang sabon ng lalaki, hindi ito safeguard o bioderm dahil charcoal gray ang kulay nito. Ilang sandali pa, sinabon na rin ng lalaki ang kaniyang mukha. Nagulat na lamang ako nang bigla na lamang huminto ang paglabas ng tubig mula sa gripo—dahilan para matigilan sa ginagawa si Matteo. Mariin kong tinakpan ang bibig ko. “What’s going on?” rinig kong tanong ni Matteo at kinapa ang gripo. Bigla itong nataranta sa napagtanto. “What the f*ck? Why do it has to be now?!” Bigla ring naalarma ang buong sistema ko. Tiyak na maghihilam ang mata niya dahil punong-puno ng sabon ang mukha niya! “Ah... Hey? Anyone there? Can somebody help me, please?” sunod-sunod na ani Matteo. Napakagat ako sa labi ko. Wala akong nakikitang kahit na sinong lalaki ang makatutulong sa kaniya! Ang malas pa ni Matteo dahil saktong-sakto! “Ah, mga pare? T-Tulong? Tubig...” Kinagat ko nang mariin ang labi ko at lumingon-lingon sa paligid. Hindi ko naman siya puwedeng hayaan na lang! Naisip ko tuloy, baka kaya rito ako dinala ng mga paa ko dahil may plano ang Diyos sa akin? Na maging tagapagligtas ako ng taong nananakit na ang mata sa sabon? Ems! Nagmamadali akong nagtungo sa kinaroroonan ng lalaki. Dahil hindi niya naman ako nakikita, pasimple kong kinuha ang timba at tumungo sa malaking drum hindi kalayuan sa barracks. Natatandaan kong ginagamit ang tubig na ito sa paghahalo ng semento at buhangin. Hindi ako sure kung malinis pero bahala na! Nang makabalik sa pinagliliguan ng lalaki, mas lalo akong nataranta dahil kulang na lang ay gumulong-gulong na si Matteo! Kapa siya nang kapa habang dumadaing! Agad kong inilapag ang timba na may lamang tubig at tabo sa gilid niya nang may pag-iingat. Agad niya naman itong nakapa at sumalok ng tubig sabay buhos sa mukha niya. “Takbo!” turan ko sa aking isip at nagmadaling tumakbo bago pa man makadilat ang lalaki at makita ang presensiya ko. Kaso, dahil ipinanganak akong bobita sa mundo... Nagulat na lamang ako nang may matapakang madulas na bagay sa semento. Para bang bumagal ang takbo ng mundo sa pagkawala ko sa balanse dulot ng katangahan ko. Kaya naman, naunang tumama ang likuran ko sa semento. “ARAY! Medyo masakit iyon, ah?!” malakas na sigaw ko nang maramdaman ang matinding pagpihit sa likuran ko. Napapikit ako para indahin ang sakit. Pero may pumasok na bagay sa isip ko. Napalunok ako nang may mapagtanto. Dahan-dahang namulat ang mga mata ko habang nakahiga sa basang semento—at hindi ko inasahan ang tumambad sa akin. Bumilis ang t***k ng puso ko. Parang sasabog ang dibdib ko sa kaba. Bumulaga sa akin ang napakalapit na mukha ni Matteo, seryoso ang mga mata, tila ba handa na akong ilibing nang buhay... “Alyanna...” Patay... Ito na yata ang end of the world!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD