Kabanata 2: Si Matteo Leabres

1686 Words
“Kanina ka pa riyan nakangiti!” Nabalik ako sa katinuan nang tapikin ni Tricia ang balikat ko. Napairap naman ako sa kaniya at umayos na ng tindig. Oo, narito na si Tricia ngayong araw at pumasok na rin sa wakas. May katulong na ulit ko sa pagse-serve sa karinderya. Kanina ngang umaga, noong makita ko siya ay pinanggigigilan ko. Wala naman akon masamang ginawa, kinaladkad ko lang siya sa buhok. Ems! “Ganoon talaga kapag maganda!” Naalala ko kasi ang senaryo kahapon. Kaso nga lang, umalis agad ang guwapong lalaki dahil nga mabilisan lang dapat ang kain nila at balik agad sa gawa. Pagtapos magbayad, tumakbo agad! Hindi ko man lamang nalaman ang pangalan! “Nga pala, hindi raw tayo maglalako sa construction site doon sa Dampalit,” pagsasalita ni Tricia. “AT BAKIT HINDI NA?!” mabilis na angal ko. “Kung kailan ginaganahan na ako magpunta roon? Bakit? Ano’ng sabi ni Tita? Desisyon siya sa buhay?” “Hala siya? Parang dati lang, tamad na tamad ka sa paglalako, ah? Napasukan ba ng tubig iyang utak mo?” Nanahimik ang pagkatao ko. “Pero bakit nga kasi hindi?” Aminado naman ako sa sinabi ni Tricia, hindi ko maitatanggi. “Kasi kakain daw rito ang mga trabahador, sila raw ang darayo.” Nagliwanag ang buhay ko sa narinig. Tila ba nanalo ako sa lotto nang malaman ang magandang balita. Ibig sabihin lamang nito, makikita ko pa rin ngayong araw ang guwapong lalaki! “Tricia! Alyanna! Maghanda na kayo! Parating na yata ang mga trabahador doon sa Dampalit construction! Huwag puro chismis! Tanghaling tapat!” sigaw sa amin ni Tiya Isabel mula sa kitchen. Mula rito sa sala, amoy na amoy ang niluluto ngayong Sinigang na Gabi ni Tita. Siya kasi ang nagluluto ng mga ibinebentang lutong-ulam sa karinderya. Inayos ko ang sarili ko nang marinig ang boses ng mga kalalakihan. Kailangan kong magpaganda dahil mapapalaban ako. “Magandang tanghali po!” sabay-sabay na bati ng mga lalaki na kararating lang. Para silang galing sa giyera, isang kumpol! Ang dami nila! Magsasalita na sana si Tricia pero dahil pabida ako, “Welcome! Upo kayo! Feel at home kayo, ah? Walang problema!” Sabay ngiti nang matamis sa mga lalaki. Kani-kaniyang upo at puwesto naman ang mga trabahador. Agad akong naglilingon mula kanan at kaliwa, mahanap lamang ang guwapong lalaking sisira ng buhay ko na nakita ko kahapon. Narito ang mga kasamahan niya, tiyak na narito rin siya. Kahit mabali na ang leeg ko sa kalilingon, wala akong pakialam. Hanggang sa nakarinig ako ng mga bulungan at tilian mula sa paligid. Hindi rin nagtagal ay napahawak ako sa aking bibig nang makita ang guwapong lalaki kahapon na kararating lamang, nakasumbrero, bahagyang nakayuko. “Mare, ikakasal na yata ako ngayon...” rinig kong sabi ng katabi kong si Tricia. “Gaga, engaged na kami, tumabi ka!” Agad akong lumapit sa kararating lamang na guwapong lalaki at tinanong agad ang order nito. Agad naman itong napatingala. Bahagya lamang, mukhang nahihiya pa. “Hoy, Alyanna! Kami nauna, ah! Daya nito, oh!” puna ng isang construction worker at nagtanguan naman ang ibang trabahador. “Ay, mga kuya, may rule po ang karinderya namin. Kung sino po ang guwapo, sila po ang priority. Hindi po ito first come, first serve!” pagtataray ko na ikinatawa naman ng ilang lalaki ngunit ang iba ay napakamot sa ulo. “One order ng kanin and... isang chopsuey...” mahinahong saad ng lalaki. “Iyon lang? Walang softdrinks or juice?” tanong ko. Siyempre, gusto ko ang the best para sa kaniya. “Water is enough.” Tumango na lang ako at napangiti. Talagang kakaiba ang construction worker na ito, sa totoo lang. Para siyang elite o rich kid na naligaw rito sa Dampalit! English spokening dollar pa! Nang ma-serve ko na ang order ng guwapong lalaki, tumulong muna ako sa pagse-serve sa iba pang construction worker. Babalikan ko ang guwapong lalaking iyon, humanda siya. “Hindi halatang humaharot ka, ano? Kung makatingin ka sa lalaki, parang hinuhubaran mo na!” puna sa akin ni Tricia. “Letse, manahimik ka! Naalala ko pa ang pag-absent mo kahapon. Baka gusto mong ipalaman kita sa shanghai!” “Teka nga...” “Ano na naman iyon?” Bahagyang tumaas ang boses ko sa babaitang pakialamera. “Hindi ba, engineer, lawyer, pulis, piloto, doktor, ang gusto mong lalaki?” tanong ni Tricia. “Siyempre! Alam natin na sila ang mag-aahon sa akin sa hirap!” sagot ko na magkasalubong ang dalawang kilay. “Pero humaharot ka ngayon ng isang construction worker?” Parang sinampal ako nang sampung beses sa mga binitiwang salita ni Tricia. Parang sinampal ako back and forth ng katotohanang iyon. Hindi agad ako nakasagot. Walang imik ang apdo, atay, baga, at mga kasu-kasuan ko. Nilamon ang sistema ko ng nakabibinging katahimikan. “B-Bakit?” utal na singhal ko. “People change kaya! Nagbabago ang panahon, ano!” “Asus! Daming palusot! Kalandian mo!” “Bawal bang exception?!” buwelta ko pa. Napairap ako at binilisan ang trabaho bago ko pa ilibing nang buhay si Tricia sa lupa. Para siyang kontrabida sa buhay ko! Nang masigurong lahat ng mga construction workers ay kumakain na nang masigla habang nagkukwentuhan at nagtatawanan, habang isa-isa na ring naniningil si Tricia, sumimple muna ako at bumalik sa puwesto ng guwapong lalaki kanina. Kailangan kong malaman ang pangalan ng lalaking pakakasalan ko! Ems! Pero gumunaw ang mundo ko sa naratnan. Sa Table 13, kung saan siya nakapuwesto mag-isa, hangin na lang ang natira. Tanging pinggan, tinidor at kutsara na lamang ang makikita. “Nilayasan ako ng hayop!” disappointed at inis na bulalas ko. Paglapit ko sa table 13, naroon ang 50 pesos na bayad niya: 10 pesos para sa kanin at 40 pesos para sa isang order ng chopsuey. Pero hindi ako pumayag. Lumabas ako ng aming karinderya at inilibot ang paningin sa paligid. Nakahinga ako nang maluwag nang makita ang lalaki sa tindahan sa ‘di kalayuan na nakitatawag sa isang telepono. “Please, keep this secret, okay? Ikaw lang ang pinagkakatiwalaan ko.” Ibinaba na ng guwapong lalaki ang telepono. Pagtapos, nagtama kaagad ang paningin namin. “Sandali!” tawag ko at tumakbo palapit sa kaniya. “Naalala mo ako? Ako ‘yung magandang babaeng binilhan mo ng masarap na ulam kahapon.” “Alyanna Angeles...” “Tumpak!” Kinilig naman ang buong solar system dahil naalala niya ang kumpletong pangalan ko! “Hindi mo sinabi ang pangalan mo sa akin. Unfair, ‘di ba? Dali, name drop!” “Why would I tell you my name?” mahinahong tanong ng lalaki. Bakit ganoon? Kahit mahinahon ang boses niya, parang ang sungit ng dating sa akin? “Basta! Pangalan lang naman! Huwag kang madamot!” singhal ko. Natahimik ang lalaki. Napaisip ito, napahaplos sa kaniyang baba, para bang nakalimutan niyang isa siyang tao at may sariling pangalan. “M-Matteo Leabres...” “Matteo...” bulalas ko sa hangin. Ang guwapo ng pangalan! Bagay na bagay sa kaniya! “I’m not interested in you.” “Alam ko. Sinabi ko bang oo?” Grabe, napaka-straightforward niyang tao! “Now, would you mind if I take my leave?” sabi pa ni Matteo at tumalikod na. Hala? Tinatanong niya pa lang ako at wala pang sagot, tumalikod na agad? Mabilis maglakad ang lalaki kaya’t hindi na ako nakasabat pa. Bagkus, naiwan akong nagtataka sa kinatatayuan ko matapos may mapagtantong ilang mga bagay sa lalaki. Ang mga obserbasyon na ito, hindi na kailangan pang maging matalino para mapansin. “Ang puti niya, artistahin, parang naligaw lang dito sa Dampalit. Hindi kaya anak ito ng artista? Anak ng mafia boss?” tanong ko sa sarili habang naglalakad pabalik ng karinderya. Pero bakit niya gagawin iyon? Bakit siya magtitiis sa maalikabok, nakapapagod, nakauuhaw, at may disgrasyang hatid na trabaho? Parang imposible. “Construction worker na Englishero? All my life, ngayon ko pa lang naranasan...” wika ko pa habang malalim ang iniisip. Sa lalim ng iniisip ko, hindi ko namalayan na may biglaan palang humawak sa balikat ko kaya’t bigla akong napasigaw nang malakas! “Ay, bay*g mong malaki!” Agad ko ring tinakpan ang bibig ko ng dalawa kong kamay sa nasambit na salita. Napatingin tuloy sa akin ang ilang mga tao! “Buwisit ka! Nakita mong nag-iisip dito ang tao!” “May isip ka pala?” Agad na nakatanggap sa akin ng hampas sa ulo ang kababata kong si Jonard na gumulat sa akin. Napakamot naman sa ulo ang lalaki. Nagtatrabaho rin ito bilang construction worker sa Dampalit Pabahay Project at isa sa mga magiting na suki ng Angeles Carinderia. Matangkad si Jonard, kayumanggi ang balat pero bumagay naman ito sa kaniyang postura, may kanipisan ang kilay, at kulay rosas ang labi. Semi kalbo ang gupit ng buhok nito. “Gusto mong iluwa mo lahat ng kinain mo sa karinderya namin?” pagbabanta ko at napairap. “Ano ba’ng problema mo? Gandang-ganda ka na naman sa akin?” “Type mo ‘yung Matteo?” “Matteo?” agad na tanong ko. “‘Yung kausap mo kanina sa tapat ng tindahan! Narinig ko pa ngang tinatanong mo ang pangalan. Lakas mo talaga!” “Oh, ano naman kung type ko? Inggit ka, ‘no? Noong mga dalaga at binata pa kasi tayo, isa ka sa mga binusted ko!” Napatawa ako sa sariling sinabi habang si Jonard naman ay napailing na lang sa naalalang kalokohan. “Ang mysterious kasi ng Matteo na iyon,” pagkukuwento bigla ni Jonard. “Para siyang estudyante sa isang classroom; outcast, mapag-isa, magsasalita kung kailangan, misteryoso, palaging tahimik, dumidistansya.” “TOTOO BA?” hindi makapaniwalang tanong ko. “Parang sakto lang? Pero parang oo?” “Halata naman sa kung paano ka niya hinarap at kinausap, ang cold sa iyo.” “Pero bakit naman why kaya?” takang tanong ko. Siguro, pati ang buong universe ay nagtataka rin. “Atin-atin lang ito, ah?” Lumapit sa akin si Jonard kaya’t nag-abang ako ng sasabihin. “Bilis! Dali!” “Ang sabi ng boss namin...”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD