PAULINE POINT OF VIEW
Nakangiti kong inilagay sa isang baunan ang apat na tinapay na pinalamanan ko. Nilagay ko rin sa isang lalagyan ng tubig ang timpladong inumin. Pagkatapos ay isinilid ko ito sa isang lalagyan at maingat itong binuhat. Nanalangin din muna ako bago tuluyang lumabas ng bahay.
“Sa wakas mahahatiran ko na ulit ng makakain sila inay at itay!” bulong ko at natutuwa ako nang sobra. Ilang araw din akong abala sa pag-aaral.
Nagdala ako ng payong. Medyo mainit pa ngayon at mamaya-maya pa yata lulubog ang araw. May malawak akong ngiti sa labi habang tinatahak ang daan patungong palasyo.
“Tiyak na matutuwa sila inay at itay! Sana mapawi man lang kahit paano ang kanilang pagod pagkakain nila nito mamayang oras ng meryenda,” saad ko muli sa aking sarili. Nang matanaw ko na ang tarangkahan ay napangiti ako lalo. Binilisan ko pa ang paglalakad ko patungo roon.
Nang ako ay malapit na, biglang bumukas ang napakalaking tarangkahan at nanlaki ang mga mata ko.
“Mga kabayo...”
Parang hindi ako makagalaw sa aking pwesto kahit na batid kong patakbo ang kabayo patungo sa direksyon ko. Biglang-bigla ako at ang buong katawan ko.
“Binibini! Tumabi ka riyan!” sigaw ng isang isang lalaking hindi ko kilala.
“Binibini!” Hindi pa rin ako makagalaw. Malapit na malapit na sa akin ang mga tumatakbong kabayo. Maya-maya pa ay naramdaman ko na lang na may humila sa akin nang buong lakas. Napaupo kaming dalawa dahil doon.
“Patawarin mo ako binibini kung ikaw ay aking nahawakan!” saad agad ng lalaki na nagligtas sa akin. Natulala ako bigla dahil sa sobrang gwapo niya. Ang lakas ng dating niya sa 'kin kahit na ngayon pa lamang kami nagkita.
“Ayos ka lang ba, binibini?” tanong niya sa 'kin na may bahid na pag-aalala. Dahan-dahan akong napatango bilang tugon sa kaniya. Hindi pa rin ako halos makakilos sa sobrang pagkabigla sa lahat.
“Mahal na reyna! Mahal na hari! Patawarin niyo po ako kung nahawakan ko ang binibini! Nais ko lamang po siya iligtas dahil tila nabigla siya at 'di makagalaw. Mabubunggo na po kasi siya ng mga kabayo,” saad ng lalaki at yumuko pa. Tumingin ako sa aking harapan at nabigla. Nakita kong muli ang mahal na hari at reyna. Agad akong umayos ng tindig at yumuko rin.
“M-magandang araw po, mahal na hari at mahal na reyna! I-ipagpaumanhin niyo po sapagkat ako ay nabigla kaya hindi po ako n-nakakilos kaagad. Pasensya na po muli! Patawarin niyo po ako,” saad ko rin at ramdam ko ang panlalamig ng mga palad ko. Medyo pinagpapawisan din ako at parang nilalamig dahil sa kabang nararamdaman.
Ramdam ko ang titig nila sa 'kin. Alam ko namang alam na nila kung sino ako. Napalunok ako nang paulit-ulit.
“Ikaw ginoo, hindi mo kailangang humingi ng tawad dahil ang intensyon mo lamang ay iligtas ang binibini. Makaaalis ka na at mag-uusap-usap lamang kami,” sabi ng mahal na reyna.
“Masusunod po, kamahalan. Aalis na po ako,” tugon ng lalaking nagligtas sa 'kin. Sinundan ko pa siya ng tingin hanggang sa makaalis na siya.
“Ikaw si Pauline, tama ba ako?” Dahan-dahang umangat ang paningin ko sa kanila. Tinataning ako ng mahal na hari.
“O-opo, ako nga po kamahalan. Paumanhin muli,” sagot ko at magalang kong sinambit 'yon sa harapan nila.
“Hindi mo naman kailangang humingi ng paumanhin, binibini. Kami dapat ang humingi ng paumanhin sa iyo at muntikan ka na mabangga ng mga kabayo namin. Naparito ka ba para maghatid ng makakain sa iyong ina at ama?” ani naman ng mahal na reyna.
“Opo, ganoon na nga po kamahalan. Nais ko lamang bigyan ng meryenda ang aking inay at itay. Ngayon na lang po ako ulit nakapaghatid sa kanila ng meryenda sapagkat naging abala po ako sa aking pag-aaral,” magalang kong tugon.
“Napakabait mong bata, Pauline. Napakaswerte talaga sa iyo nila Rolin at Pia. Oh siya, aalis na kami at may importante kaming pupuntahan. Ikinagagalak naming makita kang muli Pauline,” ani ng reyna.
“Ako rin po, mahal na reyna. Ikinagagalak ko rin pong makita kayong muli ng mahal na hari. Mag-iingat po kayo.” Matapos ang makapigil na hininga na usapan namin ay umalis na rin sila. Nang makalayo na sila sakay ng kanilang kabayo ay parang nabunutan ako ng tinik sa aking dibdib.
“Akala ko pagagalitan nila ako,” bulong ko at huminga nang malalim. Pinagpagan ko nang kaunti ang aking suot na damit bago nagpatuloy sa paglalakad.
“Ginoo, maaari po bang iabot niyo ito sa aking inay at itay?” tanong ko.
“Sige, kami na bahala rito binibini. Makakaasa kang ibibigay namin ito sa kanila,” tugon ng tagapagbantay na ginoo.
“Maraming salamat po! Nawa ay patuloy kayong pagpalain ng Panginoon,” ani ko at ngumiti sa kaniya.
“Walang anuman at maraming salamat din!” Nang pumasok na ang tagapagbantay para iabot kayla inay at itay ang ginawa kong meryenda ay napanatag na ako. Pinalibot ko muna ang paningin sa buong paligid bago tuluyang umalis doon.
Araw ng Linggo ngayon at walang pasok kaya naman hinatiran ko sila inay ng makakaing meryenda. Hanggang sa malaking-malaking tarangkahan papasok sa mismong palasyo lang ako nakarating. Hindi ako pwedeng pumasok sapagkat hindi naman ako nagtatrabaho roon. Isa pa ay wala namang nagpapatawag sa 'kin na may matataas na posisyon. Kahit na sabihing ako ang babaeng nakatakdang ikasal young master ay hindi pa rin ako pwedeng papasukin.
Habang naglalakad ako pakiramdam ko may sumusunod sa akin kaya naman lumingon ako. Wala naman akong nakita kaya nagpatuloy ulit ako sa paglalakad. Pero nang tumagal ay pakiramdam ko may nakasunod na naman sa akin. Napahinto ako ulit at lumingon sa aking likuran pero wala pa rin akong nakita. Ang mga taong nakikita ko ay pasalubong sa akin kaya imposible namang sila ang sumusunod sa akin. Medyo kinakabahan na ako. Palinga-linga na ako habang naglalakad.
“Sana pala niyaya ko si Achiara. Kinakabahan na talaga ako,” bulong ko at nakakaramdam na rin ng kaunting takot. Mas binilisan ko pa ang bawar hakbang ng paa ko. Habang tumatagal din ay dumidilim na naman ang kalangitan. Mukhang uulan na naman ngayong araw.
Umihip din bigla ang malamig at medyo may tunog na hangin. Mas kinabahan ako at nagsitayuan ang mga balahibo ko. Napapanalangin na rin ako nang paulit-ulit sa aking isipan. Nang umihip muli ang malamig na hangin ay nanginig na ako nang sobra. Nayakap ko na ang sarili.
'Panginoon, gabayan niyo po ako. Kayo na po bahala sa 'kin. Ingatan niyo po ako.'
Maya-maya pa ay nararamdaman ko na ang paunti-unting pagpatak ng ulan. Umaambon na kaya agad akong huminto sa aking paglalakad at binuksan ang payong.
“Bakit ba ganito ang araw ko ngayon?!” tanong ko sa sarili at naiinis. Halos tumakbo na ako at papalakas din nang papalakas ang patak ng ulan. Kung kanina ay paminsan-minsan ko lang nararamdaman na may sumusunod sa 'kin, ngayon naman ay palagi na.
Nanginginig na ang mga tuhod at kamay ko. Mas nanlamig pa at nagpawis ang palad ko at halos dumulas na mula sa pagkakahawak ko ang aking payong. Malayo rin ang bahay sa palasyo kaya hindi ako makauwi agad-agad. Nanghihina na ang paa ko ngunit ayaw ko namang huminto at magpahinga. Wala pang maaaring masisilungan sa mga paligid at isa pa may kutob akong may sumusunod sa 'kin.
Nang tumagal na ay medyo malayo pa ako sa may parte na silungan. Wala na akong nakakasalubong na mga tao. Halos lahat sila ay wari ko pumasok na sa kani-kanilang bahay.
Nakahinga ako nang maluwag nang matanaw ko na ang silungan. Malapit-lapit na ako sa bahay.
“M-mabuti naman,” bulong ko at hinihingal na ako. Hindi na ako makahinto sa paglalakad para maibsan ang uhaw na nararamdaman dahil mas lumalakas ang ulan. Nababasa na ang pangbaba kong kasuotan.
“Makapagpahinga na muna nga rito,” ani ko sa sarili nang tumapat sa silungan. Inayos ko ang dalang payong at naupo. Uminom na rin ako ng tubig dahil uhaw na uhaw na ako. Mamaya-maya maglalakad na ulit ako pauwi. Lumingon-lingon ako pa ako at may biglang nagsalita.
“Binibini—”
“Ahh! Ahh!”