IKA-SIYAM NA KABANATA

1347 Words
PAULINE POINT OF VIEW Medyo basa nga dahil sa ulan sila inay at itay nang dumating sa bahay. Agad ko rin silang naabutan ng tuwalya matapos magdasal pagkarating. Kasalukuyan ko ring hinahain ang aming hapunan habang wala pa sila. Katulad lamang sa mga nagdaang gabi ay kompleto na ang nakahain sa lamesa. May mga kubyertos, plato at inumin na. “Kain na po tayo inay, itay,” saad ko nang makita ko na sila. “Salamat 'nak,” tugon nila habang may ngiti sa labi. Batid kong pagod na sila at nakikita ko 'yon sa kanilang mga mata. “Magpakabusog po kayo. Alam ko naman pong pagod at gutom kayo inay, itay,” ani kong muli at ako na naglagay ng kanin at ulam sa kanilang mga pinggan. “Kumusta pala 'nak iyong pagtatanim niyo?” tanong sa akin ni itay nang makaupo na ako. “Ayos lang naman po itay. Saka pahapyaw lang din po ang pagtuturo sa amin katulad noon,” sagot ko at naglagay ng kanin at ulam sa sarili kong plato. Nanalangin kami pagkatapos katulad noon bago nagsimulang kumain. “Hindi ba kayo naabutan ng malakas na ulan kanina ni Achiara?” tanong naman ni inay sa 'kin. “Ahm, naabutan po. Pero huwag po kayong mag-alala. Nakasilong naman po kami kaagad sa silungan. Pinatila rin po muna namin ang ulan bago umuwi. Naligo rin po ako nang makapagpahinga para iwas po sa sakit,” tugon ko kay inay at ngumiti. “Mabuti naman kung ganoon. Sige, kain lang nang kain.” Pinagpatuloy namin ang pagkain ng hapunan. Katulad din noon, ako pa rin nagbulontaryong maghugas ng mga pinagkainan namin. Nang matapos ay diretso ako kaagad sa kuwarto ko at nilatag ang higaan. Habang nakahiga ay napaisip ako bigla nang maalala ang pinag-usapan namin ni Achiara kanina. 'Alam mo kasi, may posibilidad din kayong mahulog sa isa't isa ng young master. Parang ang hari at reyna lang natin ngayon. 'Di ba ganoon din sila dati pero tingnan mo, sobrang mahal na mahal na nila ang isa't isa! Saka ano bang pinagsasabi mong posibleng may iba pang babae na katulad mo?! Na may kulay puting buhok at magkaibang kulay ng mata! Ipapaalala ko lang sa 'yo ah? Base sa datos, ikaw lang ang babaeng may kulay puting buhok at magkaibang kulay ng mata ang maaaring ikasal sa young master! Mayroon diyan ngang katulad mo ngunit masyado pa silang bata.' Tama talaga ang sinabi ni Achiara na ako lang talaga ang babae sa amin na maaaring ikasal sa young master. Ngunit wala rin namang kasiguraduhan kung magiging katulad kami ng hari at reyna ngayon. Na habang tumatagal ay mahuhulog din kami sa isa't isa. At paano kong hindi ko nga talaga mabigyan ng anak ang young master? Mababalewala rin, paano kung mangyari ngang mapamahak kami sa isa't isa pero 'di ko siya nabigyan ng anak? Mapapawalang bisa ang kasal namin at hindi ko na alam ang susunod na mangyayari. Ikakasal ba siya ulit sa ibang babae na kapareho ko ang buhok at mga mata kung sakaling mangyari iyon? Naguguluhan ako, alam kong darating ang araw na mangyayari na ikakasal ako sa young master. Dapat hindi ko ito iniisip ngayon. Masyado pa akong bata para isipin 'to ngunit 'di ko mapigilan ang aking sarili. “Bakit ba naman kasi napag-usapan namin 'to ni Achiara?! Nakakainis! Hindi tuloy ako makatulog!” bulong ko sa sarili at naiinis. “Anak?” Napatayo ako kaagad at nakita si inay. Narinig niya ba ang binubulong-bulong ko?! “Ayos ka lang ba anak?” tanong ni inay at dahan-dahang lumapit sa akin. “O-opo, inay,” sagot ko at medyo nautal pa. Dahan-dahan din akong umupo at tumabi sa 'kin si inay. “Hmm, ano ba ang binubulong-bulong mo tungkol sa napag-usapan niyo ni Achiara? Parang naiinis ka yata? Handa naman akong makinig,” saad ni inay sa 'kin. “Ahm, bigla po kasi naming napag-usapan ni Achiara 'yong m-mangyayari sa 'kin sa pagdating ng araw na dalawampu't isang taon ako. Alam ko pong 'di ko naman kailangang masyadong isipin ito ngayon dahil masyado pa akong bata pero 'di ko maiwasang hindi isipin. Maraming katanungan ang nabubuo sa isipan ko inay,” sagot ko at huminga nang malalim. “Ano-ano ba ang mga katanungang pumapasok sa iyong isipan?” tanong muli ni inay. “Nag-aalala lamang ako sa mga ibang bagay inay. Huwag niyo na po ako alalahanin,” sagot ko. “Hindi na kita pipiliting sabihin ang gumugulo sa isipan mo. Kung handa ka na sabihin sa 'kin, huwag ka na magpatumpik-tumpik na lumapit sa 'kin. Matulog ka na at may klase ka pa bukas,” ani ni inay. “Opo inay.” Pagkatapos ng aming maikling pag-uusap ni nanay ay lumabas na siya sa aking kuwarto. Naiwan ako na hindi pa rin makatulog at iniisip pa rin ang kanina. Baka pati sa aking panaginip dumalaw ito. Bakit ba kasi naging ganito ako? Bakit naging puti pa ang buhok ko at magkaiba ang kulay ng mata? Gusto kong magkaroon ng normal na buhay na katulad kayla inay. Hindi alam kung ano ang magiging takbo ng buhay ko sa pagsapit ng ika-dalawampu't isang kaarawan ko. Hindi ako sigurado kung magiging maganda ba ito o hindi. Walang kasiguraduhan ang lahat ng mangyayari pa lamang sa hinaharap. Palipat-lipat na ako ng posisyon sa paghiga pero wala pa ring nangyayari. Naisipan kong bumangon na muna at magtungo sa maliit na kusina para uminom ng tubig. Kumuha ako ng isang baso at uminom. Pagkatapos ay halos mapatalon ako at mapasigaw dahil sa lumilipad na ipis. Agad kong kinuha ang isang sapin sa paa at tiyenimpuhan ang ipis. Dumapo ito sa pader at dahan-dahan akong naglakad palapit dito. Dahan-dahan ko ring nilapit ang sapin sa paa na hawak-hawak ko. Pagkatapos ay kaagad ko itong hinampas at napatay ko ito. “Bakit may ipis na naman dito sa bahay? Mukhang may ginamit na naman ang kapit-bahay para mawala ang ipis sa kanila at ngayon ay napunta na naman sa amin,” bulong ko at naiinis pa rin. Maingat kong nilapag ang hawak-hawak ko sahig at nilagay sa basurahan ang napatay na ipis. Napadaan ako sa kuwarto nila inay at itay. Medyo sinilip ko sila at nilapit ang tainga sa pintuan. “Nag-aalala ako para sa anak natin, mahal,” ani ni inay. “Ako rin mahal, ilang taon na lang ay ikakasal na siya. Kung puwede lang sana na palitan natin ang kulay ng kaniyang buhok at gawing magkapareho ang kulay ng mga mata niya ginawa na natin. Pero hindi, kailangan na nating tanggapin na ito ang nakatakda sa 'ting anak, mahal. Ayaw man natin pero wala na tayong magagawa. Ang kailangan na lamang nating gawin ay suportahan, mahalin at alagaan siya palagi. Nakakalungkot man ngunit iyon na lamang ang magagawa natin,” tugon naman ni itay kay inay. Napabuntong hininga naman ako. Pati sila nag-aalala rin sa 'kin. Ang iba palaging sinasabing ang swerte ko kasi ganito ako. Na ang swerte ko dahil ako ang mapapangasawa ng young master sa mga susunod ng taon. Kami naman, iniisip namin ang magiging kalagayan ko pagdating ng araw na 'yon. “Tama ka, nakakalungkot dahil wala na tayong magagawa. Ngunit sa tingin ko ay magiging maayos din ang buhay niya kung sakali. Napakabait ng mahal na hari at ng mahal na reyna. Kailanman 'di niya rin tayo pinabayaan. May kabaitan ding tinataglay ang young master. Kaya siguro, hindi naman natin kailangang mag-alala nang husto,” saad ni inay. Oo nga pala, sa palasyo sila nagtatrabaho at nakikita nila malamang ang mahal na hari at mahal na reyna. Siguro mangyayari rin nga naman ang sinabi ni inay. “Sana nga...” “Tulog na ba ang anak natin?” tanong bigla ni itay kay inay. “Hindi ko alam, mahal. Pero kanina kasi gising pa rin siya. May kung anong gumugulo sa isipan niya at tila naiinis siya. Sa tingin ko ay napag-usapan nila ni Achiara ang tungkol dito. Pinapatulog ko na siya bago ako tuluyang lumabas sa kaniyang kuwarto,” sagot ni inay. “Matulog na rin tayo mahal. Maaga pa tayong gigising bukas.” Medyo napangiti pa rin ako sa huli. Bumalik na ako sa kuwarto ko at matagal bago ako dinapuan ng antok.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD