Dahan-dahang iminulat ni Lana ang kanyang mga mata habang unti-unting pumapasok ang liwanag ng umaga sa silid. Kinusot niya ang kanyang mga mata at nagpakawala ng isang malalim na pag-unat upang alisin ang natitirang antok sa kanyang katawan.
Inaasahan niyang makikita ang lalaking kasama niyang natulog kagabi, ngunit nagtaka siya nang mapansing wala na ang bakas ni Cyrus sa kanyang tabi. Malamig na ang bahagi ng kamang kinahihigaan nito, na tila matagal na itong bumangon bago pa siya magising.
Bumangon siya mula sa pagkakahiga at lumapit sa lumang tokador na may salamin sa gilid ng kuwarto. Inayos niya ang kanyang sarili gamit ang mga daliri, sinusubukang itama ang magusot na buhok mula sa kakahiga.
Lalabas na sana siya ng silid upang hanapin ang Mayor nang biglang may narinig siyang umuugong sa ilalim ng kumot. Tumigil siya sa paghakbang at mabilis na napaatras. Nag-vibrate ang kanyang cellphone.
Dali-dali niyang hinanap ang cellphone at sa loob ng ilang segundo ay nakapa rin niya ito sa kailaliman ng kama. Bago sinagot ang tawag, kinuha muna niya ang kanyang bra na nakasabit sa itaas ng tokador at mabilis na isinuot sa ilalim ng kanyang damit, bago tuluyang pinindot ang answer button.
Isang matinis at napakalambing na boses ng batang lalaki ang agad na pumuno sa kabilang linya.
"Mama!"
Awtomatikong napangiti si Lana nang marinig ang boses na iyon. Napawi agad ang lahat ng pagod at kaba na nararamdaman niya sa nakalipas na araw.
"Aba... marunong ka nang tumawag sa number ni Mama, 'nak?" kunwari ay nagagalit na usal ni Lana, subalit nakangiti pa rin ang kanyang mga labi.
Bahagyang humagikgik ang bata sa kabilang linya na lalong nagpalambot sa puso ng dalaga.
"Mama, good morning! How are you? Lero missed you very, very, very much! I love you in one thousand words!" kasunod nito ang malakas na tunog ng isang flying kiss mula sa bata.
Natuwa nang husto si Lana sa natanggap na lambing mula sa anak.
"Good morning, my Lero," malambing na tugon ni Lana habang nauupo sa gilid ng kama.
"Mama's fine, baby. Medyo marami lang work si Mama kaya hindi pa nakakatawag kaagad. Hindi ba nagtatampo ang Lero ko?"
"Hindi na po! Nag-warning kasi si Tita Brods na hindi daw ako lalaki at maging good boy kapag nagtatampo ako... Totoo po ba 'yon, Mama?" tanong ng bata sa inosenteng tono.
Napakamot sa likod ng kanyang batok si Lana habang napapailing sa kakulitan ng kanyang kaibigan. "Just listen to Ninang, ha?
'Wag kang mag-act na bad diyan para makauwi nang maaga si Mama sa 'yo, okay?"
Narinig niyang nagtatakbo at tumatalon ang bata sa kabilang linya, tila tuwang-tuwa sa narinig. "Tita Brods, Mama's calling! Come, quick!"
Ilang segundo lamang ay narinig na niya ang medyo natatarantang boses ng kanyang kaibigan sa kabilang linya. "Ayy, jusko! Muntik na akong mabulunan sa kape! Bakit 'di mo sinabi agad na sumagot na ang Mama mo, inaanak? Akin na nga 'yang phone!"
Rinig pa ni Lana ang bahagyang pangaral ni Brods sa bata bago ito tuluyang humawak sa telepono. "Go finish your food na, Lero. Ako muna ang kakausap sa Mama mo."
"Hello freeny kamusta!" energetic na pagbati nito sa kanya.
Habang masayang nagpapatuloy ang kanilang kumustahan at kuwentuhan ni Brods tungkol sa lagay ng bata at sa mga nangyayari, lumapit si Lana sa may bintana ng silid upang silipin ang ibaba. Mula sa kanyang pwesto, natanaw niya sa may malaking gate si Cyrus na seryosong nakikipag-usap sa kanyang mga bodyguard.
Awtomatikong napadikit si Lana sa gilid ng bintana upang magtago habang patuloy na pinagsusuklay ang buhok gamit ang kanyang mga daliri. Wala siyang dalang suklay o anomang gamit pampaganda, kaya't bahagya siyang nagmamadali dahil batid niyang baka umalis na rin sila anumang minuto mula sa bahay-ampunan.
Habang nakikinig sa daldal ni Brods sa kabilang linya, napatalon siya sa gulat nang biglang may sunod-sunod at malakas na katok na pumuno sa pintuan ng kanyang silid.
"Brods patayin ko muna ang tawag natin chika mo ko later babuuu."
Mabilis niyang pinatay ang tawag pagkatapos magpaalam sa kaibigan at anak, tsaka naglakad patungo sa pintuan upang buksan ito.
"Good morning, 'neng! Kamusta ang tulog mo?" bungad ng isang matandang madre na may napakainit na ngiti.
Si Mother Lily pala iyon. Akala niya ay si Cyrus ang kumatok dahil bigla na lamang itong nawala sa may gate nang hindi niya namamalayan.
"Okay lang po, Mother Lily. Ang presko nga po ng hangin dito, walang katapat na aircon," nakangiting sagot ni Lana habang maayos na itinatago ang cellphone sa bulsa.
"Mabuti naman at maayos ang tulog mo," pahayag ng matanda habang nakatingin sa kanya nang maaliwalas.
"Ahh, inutusan kasi ako ni Mayor na daanan ka rito. Sa loob ng ilang minuto ay aalis na raw kayo."
"Sige po. Maraming salamat din po sa pagpapahiram ng damit na ito, Mother Lily," pasasalamat ng dalaga habang tinitingnan ang simpleng damit na ipinahiram sa kanya kagabi.
"Walang anuman, 'neng. Naghilamos ka na ba?" tanong ng matanda.
"Hindi pa po, papunta pa lang po ako doon sa banyo," sagot ni Lana.
"O sige, sabay na tayong bumaba pagkatapos mo," tanging tango lamang ang isinukli ni Lana bago nagtungo sa banyo.
Mabilis siyang naghilamos at napilitang kumuha ng kaunting mouthwash na nakalagay sa may lababo upang magmumog. Wala siyang dalang toothbrush o pampalit na gamit.
Sino nga ba naman ang mag-aakala na dito sila magpapalipas ng gabi ng Mayor?
Pagkatapos niyang ayusin ang sarili at siguraduhing presentable na siyang titingnan sa harap ng mga tao, sakto namang may naririnig siyang sigaw sa labas—tumatawag na si Cyrus upang sabihing bababa na sila.
Naglakad silang dalawa pababa at maayos na nagpaalam sa mga bata at kay Mother Lily.
"Sana ay makabalik ka pa rito, 'neng," puno ng pag-asang sabi ni Mother Lily habang nakahawak sa mga kamay ni Lana.
"Opo, Mother Lily. Babalik po ako," nakangiting pangako ng dalaga.
Sumingit naman si Cyrus na nasa kanyang tabi, na may simpleng ngiti sa mga labi. "Salamat po, Mother Lily, sa mainit na pagtanggap niyo sa amin dito sa bahay-ampunan."
Inakay ni Cyrus si Lana patungo sa nakaparadang sasakyan at pinagbuksan ito ng pinto. Dahil sa gentlemanship na ipinapakita ng Mayor, hindi maiwasang magkaroon ng kaunting tuksuhan mula sa mga batang nakatayo sa may pintuan ng ampunan. Nagkaroon ng maliliit na hagikgik at kantiyawan, habang ang ilang mga taong nasa paligid ay hindi rin nakaligtas sa tingin ni Lana—
nagbubulungan ang mga ito habang nakatitig sa kanilang dalawa.
Isang simpleng ngiti lamang ang isinukli ni Lana kay Cyrus bago tinanggap ang kamay nitong nakalahad sa kanya upang tulungang makapasok sa loob ng sasakyan.
Nang makapasok na silang dalawa at umandar na ang sasakyan, pumasok ang isang napakabigat na katahimikan sa loob. Walang anumang imik na namamagitan sa kanila. Kahit ang simpleng pagtatanong kung "Okay ka lang ba?" ay wala ring nanggaling sa labi ng lalaki.
Nakatitig lamang si Lana sa labas ng bintana habang katabi ang nananahimik na Mayor sa back seat. Bahagya niyang nilingon si Cyrus nang palihim. Nakasandal ito sa upuan, nakatingin sa malayo, at halatang may napakalalim na iniisip. Ang kanyang mga kilay ay bahagyang nakakunot at ang kanyang mga labi ay nakatikom nang mahigpit.
'Ahh... siguro stressed lang ito sa politika,' sa isip-isip na lamang ni Lana.
Hindi na niya pinilit na kausapin pa ang lalaki. Hinayaan na lamang niya ang katahimikan at nagpatuloy sa pagmumuni-muni habang pinagmamasdan ang mga punong mabilis na dumadaan sa labas ng kanilang bintana. Ang tanging naririnig lamang sa loob ng kotse ay ang mahinang hum ng makina habang mabilis silang ibinabyahe pabalik sa mansion.