"I WANT an open area because I want a fireworks display at the end of the party," excited na sabi ni Umi. "And I would love to see everyone dancing here. I want this garden to be magical."
"Yes, Ma'am."
Nagbigay pa siya ng ibang instructions sa event organizer na kinuha niya. Nasa Moon Garden sila, isa sa mga property ng kanyang pamilya. Isang Victorian-style mansion ang naroon at isang napakalawak na hardin. Doon gaganapin ang twenty-second birthday niya two weeks from now.
Dumako ang kanyang tingin sa double swing sa garden. Napangiti siya nang makita roon si Alaude. Sinamahan kasi siya ng lalaki na dalawin ang Moon Garden. "Excuse me. You can take it from here," paalam niya sa event organizer.
Seryosong-seryoso si Alaude sa binabasang papel nang lapitan niya. And his eyeglasses looked good on him.
"Good afternoon, Alaude," bati niya.
Nag-angat ng tingin ang lalaki. "Good afternoon, Umi." Tinapik nito ang espasyo sa tabi. "Sit here."
Tumalima siya. She did not know why but as soon as she sat beside him and sniffed his masculine scent, napawi bigla ang pagod niya mula sa maghapong personal na pag-o-organize ng kanyang birthday party. Itinakip niya ang mga kamay sa kanyang bibig nang mapahikab siya.
"Tired?" Itinapik ni Alaude sa balikat ang hawak na ball pen. "You can use my shoulder if you want to sleep."
"Eh? Nakakahiya naman sa 'yo."
Kumunot ang noo ng lalaki. "Bakit ka mahihiya? I used your lap as a pillow before, remember? Para makabawi naman ako sa 'yo."
Napangiti si Umi. "Okay." She rested her head on his shoulder. She could not help but think how perfectly her head seemed to fit the space between his neck and his shoulder.
Kumportable ang pakiramdam niya habang nakahilig ang kanyang ulo sa balikat ni Alaude. Ang bango-bango pa ng lalaki. Pero siya lang yata ang nakakaramdam niyon dahil hindi pa rin nagbabago ang seryosong mukha ni Alaude habang nagsusulat sa papel. How could he be indifferent while she was affected by his presence this much? Ang unfair tuloy. "Ano ba 'yang isinusulat mo?"
"Inililista ko ang mga paborito mong pagkain."
"Ah..." Tumango-tango si Umi. Kahit hindi catering service ang Violet Cloud ni Alaude, nag-volunteer pa rin ang lalaki na mamahala sa paghahanda ng food sa kanyang party. Napaisip siya. "Alaude, alam mo ang mga paborito kong pagkain?"
"Of course. How long do you think we've known each other?"
Napangiti siya. "Oo nga, 'no? Ang tagal na nating magkakaibigan. Lahat tayo, Luna babies. Simula yata nang ipanganak tayo, magkakakilala na tayo. Kahit madalas ay busy tayo sa trabaho, we still stayed friends over the years."
Come to think of it, all of her life, she had known Alaude. Sa halos lahat ng kabanata ng kanyang buhay, naroon ang lalaki. Pero alam niyang hindi naman permanente ang kanilang pagkakaibigan. Darating pa rin ang panahong kakailanganin nilang maghiwa-hiwalay. She would get married someday, he would, too. Magkakaroon sila ng kanya-kanyang pamilya.
Parang bigla siyang nalungkot.
"Bakit bigla kang natahimik, Umi?"
She sighed. "Napagod lang siguro talaga ako."
"Is that so?" Kumilos si Alaude, mayamaya lang ay ipinulupot na ang isang braso sa kanyang balikat at kinabig siya. "You'll be more comfortable this way."
"Hmm." She just closed her eyes and buried her face against his chest, pasimpleng sininghot-singhot ang lalaki. "Yes, it's more comfortable."
Natawa ito nang marahan. "Cute."
Mayamaya lang ay naramdaman ni Umi ang malakas na pag-ugoy ng duyan. Napadilat tuloy siya at napayakap kay Alaude nang walang sa oras.
"Damn you, Melvin!" bulyaw ni Alaude kay Kuya Melvin na kadaraan lang sa harap nila, at siguro ay salarin sa pagtulak ng swing.
"Good afternoon, too, lover boy!" nakangising sigaw ni Kuya Melvin.
"Istorbo ka sa moment!" sigaw naman ni Ate Genna na nakasunod lang, saka binatukan si Kuya Melvin.
Dahil sa komentong iyon ay agad napahiwalay si Umi kay Alaude. Saka lang niya na-realize na masyado silang naging intimate. Her cheeks felt like they were burning up.
"s**t. Why are they here, anyway?" pabulong na reklamo ni Alaude, hindi rin makatingin sa kanya. At kung titingnang mabuti, parang namumula rin ang magkabilang pisngi.
Her heart went into "abnormal mode" again. "Ahm... s-sinabihan ko kasi silang puwedeng t-tumulong sa pag-aayos nitong Moon Garden."
"Umi."
Nalingunan ni Umi si Ate Charly, na kasama si Zagg. "Hi, Ate Charly. Zagg, what a surprise."
"Hello, Umi," nakangiting bati ni Zagg.
"I saw him at the entrance. Isinabay ko na siya, since hindi naman nakakapasok dito sa Moon Garden ang... outsider," pagbibigay-alam ni Ate Charly, saka nagmamadaling umalis nang pandilatan niya.
"Excuse me, too," parang iritadong paalam ni Alaude, saka umagapay ng lakad kay Ate Charly.
Inokupa naman ni Zagg ang puwesto ni Alaude kanina. "I'm sorry kung hindi ako nakapagpasabing darating ako. I was in the area, so naisip kong bisitahin ka. Ang higpit pala ng security dito."
"Ito kasing Moon Garden ang paborito namin ni Kuya sa lahat ng properties namin kaya mahigpit ang security dito. I designed this when I was eighteen. Hindi ko alam na nakita pala ni Kuya 'yon, at lihim niyang ipinatayo ang Moon Garden. This was his graduation gift to me," pagkukuwento ni Umi.
"What a luxurious gift," namamanghang komento ni Zagg.
Ngumiti lang siya. Para sa kanyang kuya, normal lang iyon at hindi luxurious. "Anyway, bakit naisipan mong bumisita?"
Nagkibit-balikat ang lalaki. "Yayayain sana kitang mag-dinner."
Napapansin niyang madalas siyang yayaing lumabas ni Zagg. Nararamdaman din niyang may ibig sabihin ang pagyaya sa kanya. "Ahm— Aahh!" Napatili na lang siya nang bigla silang mabasa ng tubig.
"Oops! Sorry!"
Tinapunan ni Umi ng masamang tingin sina Ate Genna at Kuya Melvin. Mukhang naghaharutan ang dalawa gamit ang water hose, pareho nang basa.
"Ito kasing si Melvin," paninisi pa ni Ate Genna. "Sinabi nang ako na ang magdidilig ng mga halaman!"
"I just want to help out, labs."
Napailing na lang si Umi. Dumako ang kanyang tingin kay Zagg na basang-basa ang suot na polo. "Naku, Zagg. Pasensiya ka na, ha?"
Ngumiti lang ang lalaki at may kung anong dinukot mula sa bulsa. "I'm okay. Aw, poor Umi. Basang-basa ka rin." Marahan nitong pinunasan ng panyo ang kanyang mukha.
Kumunot ang noo niya habang tinititigan ang panyong dumadampi sa kanyang mukha. May nakita kasi siyang pamilyar na mukha roon. Hinawakan niya ang kamay ni Zagg at pinakatitigan ang panyo. Napasinghap siya. "OMG! A SpongeBob hankie!"
Sa lakas ng sigaw niya, napatingin sa kanya sina Ate Genna at Kuya Melvin na nag-aagawan pa rin sa water hose. Sa di-kalayuan naman ay nakita niyang napatingin din sa kanya sina Ate Charly at Alaude na siguro ay narinig din siya.
Zagg laughed nervously. "Regalo sa 'kin 'yan ng pamangkin ko. Tuwing dumadalaw kasi ako sa kanya, ang gusto niya ay nakikita niyang gamit ko 'yan. I hope hindi nabawasan ang pogi points ko."
The first sign!
"Shut up, Anne!"
Gulat na nilingon ni Umi ang pinanggalingan ng ingay. Si Alaude ang sumigaw. Mukhang kaaway si Ate Charly. Natakot siya.
Did Alaude just call Ate Charly by her second name?!
And then it happened. Binitbit ni Ate Charly ang isang monobloc chair at iniitsa kay Alaude.