TAKE CARE, my princess. See you tonight.
Kinikilig pa rin si Umi habang binabasa sa ikasampung pagkakataon ang text ni Luke. Bago sila naghiwalay ng landas ay niyaya siyang lumabas ng lalaki. Hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa. She wanted to get to know him more at mas makikilala niya si Luke kung lalabas sila. Habang nagkakape sila kanina ay may ilang importanteng bagay na siyang nalaman tungkol kay Luke. Katulad ng isa pala itong successful bar owner.
Yup, at kalaban ng bar niya ang Partee-Partee Club ni Alaude.
Speaking of the devil...
"He didn't even offer to take you home," Alaude greeted her with that sarcastic comment.
Nakasandal si Alaude sa pulang Ferrari habang may hawak na paper cup ng kape mula sa KopeeBook. Nakasuot din ng dark-rimmed eyeglasses na lalo nitong ikinaguwapo. He had a nice car, a handsome face, and a hot body. Masama nga lang ang ugali nito.
"May meeting pa raw sila ng mga kasosyo niya sa negosyo kaya hindi niya ako maihahatid. At hindi naman niya ako kailangang ihatid because I have my own car," ani Umi habang ipinapasok ang susi sa driver's side ng Audi. Nakakunot-noong nilingon niya si Alaude na nakasandal pa rin sa passenger's side ng Ferrari kaya halos magkalapit lang sila. "And why are you here?"
Itinaas ng lalaki ang paper cup na hawak. "Coffee. Isusumbong nga pala kita kay Genna dahil tumangkilik ka ng kape ng iba. Hindi ba afford ng tisoy na 'yon ang kape sa KopeeBook?"
Bumuga ng hangin si Umi para kalmahin ang sarili at saka iwinasiwas ang kamay. "Just go to hell!"
Kumilos si Alaude at binuksan ang pinto sa passenger's side ng Ferrari para kunin ang kung ano, pagkatapos ay iniabot sa kanya ang isang may-kalakihang paper bag. "Here. No need to thank me." Pagkuwa'y mabilis na lumigid sa driver's side. Without further ado, he drove away.
Napatingin na lang si Umi sa laman ng paper bag. Naroon ang pancake box na pinag-agawan nila kanina sa grocery store. At isang medium-sized Tinkerbell stuffed toy. She liked things that were connected to fairy tales. How did he know that? Saka bakit naman siya bibigyan ni Alaude ng regalo?
Maybe he's apologizing...
Dahil doon, nakalimutan na niyang pinagtawanan lang siya ni Alaude imbes na tulungan nang madulas siya sa Shop-o-pop kanina.