Chapter 1
“Late ka na naman!” asik ni Lyn sa akin.
“Kasi naman ang trapik!” kakamot-kamot sa ulong sagot ko rito.
“Ewan ko sa’yo! Ba’t kasi hindi mo na lang iwanan ang mga extracurricular activities na ‘yan? Kulang na nga ang oras mo sa pag-aaral at nagtatrabaho ka pa sa gabi, tapos sinasabayan mo pa ng mga extracurricular activities na ‘yan,” mahabang litanya nito sa akin.
“Hayaan mo ‘pag hindi na talaga kaya ng powers ko, iiwan ko rin.” Kinindatan ko ito.
“Ay, ewan ko sa’yo! Basta, hindi ako nagkulang sa’yo nang paalala!” Nginitian ko ito at niyakap.
Matalik na kaibigan at kaklase ko si Lyn, siya ang madalas tumutulong sa akin sa mga lesson na nahihirapan akong maintindihan.
Ako si Jamie Ann De Castro short for Jana, twenty-one years old at graduating student sa kursong Marketing. Nag-aaral ako sa umaga at nagtatrabaho naman sa gabi. Kasali rin ako sa isang organization kung saan volunteer kaming nagtuturo sa mga high school students. Ito ang napiling turuan ng samahan dahil ang mga ganitong edad daw ang madaling maligaw ng landas. Itinuturo nila sa mga kabataan ang halaga ng isang pamilya at pakikipaglapit sa Panginoon.
Lahat kaming mga nagtuturo ay pawang mga estudyante rin. Isinisingit namin ang pagtuturo ‘pag mahaba ang breaktime o ‘di kaya naman ay wala kaming pasok ng araw na ‘yon.
Nang una ay sumali lang talaga ako sa samahan dahil kay Christian San Rafael, ang crush kong leader, at habang tumatagal ay nag-e-enjoy na rin ako sa aming mga ginagawa lalo na sa pagtuturo. Tuwang-tuwa ako nang malaman kong si Christian ang na-assign sa aking leader na sasama sa bawat tuturuan ko.
Mas malapit kasi siya sa aking pinapasukang campus at dahil diyan mas madalas ko tuloy nakakasama ang binata. Ang siyang aking inspirasyon!
Naalala ko tuloy ‘yon training namin na pinagdaanan at masasabi kong hindi rin madali ito. Marami rin ang bumagsak!
Flashback!
“Umpisahan na ang pagsubok para sa mga bagong kasapi.” narinig kong sigaw ni Pinuno.
“Parang ayoko na, mukhang mahihirapan ako sa training na ‘to,” sabi ng aking katabi na ‘di ko nakikita dahil nakapiring ang aming mga mata.
Lumapit sa'kin ang isang leader na babae at hinawakan ako nito sa aking braso upang dalhin sa kung saan. Kinabahan ako nang paluhurin niya ako at padipahin.
Hindi kaya hazing ‘to?” tanong ko sa isipan.
May limang minuto rin ako sa ganoong ayos nang bigla akong patakbuhin naman ng isa pang leader.
Sinigawan, pinaiyak, pinatalon at kung anu-ano pa ang pinagawa sa amin ng iba pang mga leader. Hanggang sa makalapit sa akin ang isang taong boses pa lang ay lumulundag na agad ang puso ko.
“Alam mo ba Jana, na hindi ka nababagay rito?” Nagtayuan lahat ng balahibo ko sa batok nang maramdaman ko ang kaniyang hininga malapit sa aking tenga.
“Mas hindi ka bagay rito Kuya!" nauutal kong anas sa kaniya.
"Ang gwapo mo kasi!” Nagkandabuhol-buhol lalo ang dila ko sa pagsasalita.
“Bakit kilala mo ba ako?” nagtataka niyang tanong sa'kin at tumango naman ako bilang tugon sa kaniya.
“Nakapiring ang mga mata mo ‘di ba?” sabi pa nito.
"Ang cute talaga ng boses niya!" impit kong tili sa aking isipan.
“Sus! Boses mo pa lang alam ko ng ikaw ‘yan Kuya,” turan ko naman sa kaniya.
"Kinabisado ko kaya ang boses mo,“ bulong ko pa sa isip.
“Mali ka lang nang akala.” Habang ginigiya ako nito sa parang batong upuan at doon pinaupo.
Umirap ako sa kaniya at narinig ko siyang bumuntong hininga bago nagsalita.
“Hihintayin ko ang tamang panahon para sa ating dalawa,” sabi nito na hindi ko masyadong maunawaan gawa ng ingay sa paligid.
“Congratulations! Sila ang mga pumasa sa pagsubok.” Sabay turo sa amin ni Pinuno.
At isa nga ako sa mga nakapasang iyon. Lumapit sa amin isa-isa ang mga leader at kinamayan kami upang batiin.
“Congrats and welcome to the family!” Paawit na bati sa'kin ni Christian at hinawakan ang aking mga kamay.
Pinisil pa niya ito nang mahina at lihim naman akong kinilig sa ginawa nito.
“Salamat Kuya!” utal kong sagot sa kanya.
Kulang na lang ay himatayin na ako sa ginawang pagpisil nito sa aking kamay. Libo-libong boltahe ng kuryente ang dumaloy rito.
End of Flashback!
Tunog ng cellphone ang nagpabalik sa aking isipan. Binasa ko kung kanino galing ang text at napangiti ako nang makita ko sa screen ang pangalan ng binata.
Christian: Hi! Bz k b?
Me: Hnd nmn! Brektym ko ngaun Kuya, bkt po?
Christian: Labas ka muna, hntayin kta sa fastfood malapit sa gate ng campus.
Me: Cge po, wait lang!
Niligpit ko ang mga gamit at mabilis na lumabas ng campus para puntahan ang binata sa fastfood na sinabi nito sa text.
Nakita ko siyang nakatayo sa tabi ng pinto ng fastfood.
"Kuya!” sigaw ko rito sabay kaway sa kaniya.
Ngumiti ito sa'kin at kumaway rin pabalik.
Habang papalapit ako kay Christian ay masusing sinuri ko ito.
Matangkad si Christian na umabot sa 5’9 ang taas, moreno at maskulado rin ang kaniyang pangangatawan. Sa pagkakaalala ko ay nasa bente-otso anyos na rin ito at vocalist ng isang banda, kung saan minsan ay nasabi rin niya ‘yon sa'kin habang papunta kami sa klase na aming tuturuan.
Ang gwapo nito sa suot na polo shirt at maong jeans. Kahit ano naman ‘ata ang isuot nito na damit ay bagay na bagay pa rin sa kaniya. Hindi mo nga iisipin na nag-aaral lang din ito.
Aakalain mo lang talaga na nagtatrabaho siya sa corporate world.
Napansin ko ang mga babae sa gilid niya na panay ang pa-cute.
Inirapan ko ang mga ito.
“Sarap sundutin ng mga mata nila!” bulong ko sa sarili.
“Hi! Kumusta klase mo?” tanong niya sa'kin nang makalapit na ako sa kaniya.
At inalalayan pa niya ako sa aking mga dalang libro.
"Okay naman, Kuya! Ba’t mo nga pala ako pinapunta rito? May tuturuan ba tayo?” balik tanong ko sa kaniya.
“Wala naman, aayain lang kitang kumain.” Habang ginigiya niya ako papasok sa loob ng fastfood. Sa may bandang itaas kami pumuwesto.
“Naku, kumain na ako sa canteen,” sabi ko sa kaniya habang pinaghihila niya ako ng upuan at doon pinaupo.
“Ganoon ba? O sige, maghalo-halo na lang tayo.” Tumayo ito at pumunta sa cashier upang um-order doon.
Pagbalik nito sa lamesa namin ay inilapag niya ang bitbit na halo-halo.
Hinalo muna niya ito bago inilagay malapit sa aking harapan.
"Gwapo na nga, gentleman pa!” ani ko sa isipan.
Palihim kong tinitigan ang binata at nakita kong nakatitig din pala ito sa'kin.
Kumabog ng malakas ang dibdib ko at bigla akong nailang sa titig niya.
Sumubo ako ng isang kutsaritang halo-halo at napaigik nang makaramdam ako ng ngilo sa aking ngipin. Wrong move!
“Ouch!” daing ko.
“Oh, ano’ng nangyari sa’yo?” nag-aalalang tanong niya sa'kin.
“Nangilo ang ngipin ko,” mangiyak-ngiyak kong sagot dito. Ang sakit talaga!
“Binigla mo ‘ata ang subo eh, dapat kasi dahan-dahan lang. Ganito oh…” Ipinakita pa nito sa’kin kung pa’no niya isinubo at dilaan ang kutsarita.
Napanganga naman ako sa kaniyang ginawa.
Tumingin ito sa akin at pakiramdam ko ay namumula na ang mga pisngi ko. Gosh!
Umiwas ako nang tingin sa kaniya at saglit na namayani ang katahimikan sa pagitan naming dalawa.
“Alam mo ba Jana, kung bakit tahimik sa lugar na ‘to?” kapagkuwa'y tanong niya sa'kin.
“Hindi!” Umiling-iling ako at nilinga ang paligid.
Napansin kong napakatahimik nga ng paligid.
"Baka naman nagkataon lang,” sabi ko pa sa kaniya.
"Puro mga pipi ang madalas na umuupo at kumakain sa lugar na ‘to,” patuloy na sabi nito.
"Huh? Niloloko mo na lang ‘ata ako niyan, Kuya. Pa’no mo naman nasabi ‘yan?” natatawang tanong ko sa kaniya.
“Tingnan mo ‘yong nasa tabi natin, nag-uusap sila gamit ang pagsenyas ng kanilang mga kamay,” nakangiting hayag nito.
Nilinga ko ang nasa tabi namin at napansin ko nga na panay sign language ng kanilang mga kamay. Paglingon ko naman sa may bandang likuran ay ganoon din ang ginagawa ng dalawang taong magkaharap.
"Teka nga Kuya, ba’t mo alam? Siguro dito ka nakikipag-date ‘no?” sabi ko pa sa kaniya.
"Ba’t parang nakaramdam ako ng selos sa isiping ‘yon?” bulong ko naman sa sarili.
“Hindi ‘no! Dito kasi kita hinihintay tuwing may tuturuan tayong mga bata. Kaya napansin ko lang din,” pahayag naman niya sa'kin.
"Iyon naman pala Jana, masyado ka kasing advance mag-isip!” Kastigo ko sa sarili.
“Nangingilo pa rin ba ang ngipin mo? Hindi mo na kasi ginalaw ‘yang halo-halo sa harapan mo,” malungkot na sabi nito.
Tumango naman ako sa kaniya bilang tugon.
Bumuntong hininga muna ito at saka ako tinitigan nito.
Nailang ako sa mga titig niya kaya ibinaling ko ang ulo sa glass wall kung saan tanaw na tanaw ang mga taong naglalakad sa may labas.
“Sayang, ito sana unang date nating dalawa. Kaso mukhang bad timing naman!” bulong niya na umabot naman sa aking pandinig.
Lumingon ako sa gawi niya at nakita ko ang lungkot sa kaniyang mga mata.
Nakaramdam naman ako ng hiya sa kaniya.
Pero teka, tama ba ‘yong narinig ko sa sinabi niya? First date raw namin?! Gosh!
Bigla akong napangiwi sa isiping ‘yon.
Bad timing ka naman ngipin.
“Tara na at baka mahuli ka pa sa sunod mong klase.” Tumayo na ito at inalalayan ako sa pagdala ng mga libro.
Inihatid niya muna ako hanggang sa may gate ng campus.