Ang Simula
Chapter One
Hindi magkamayaw sa pagsigaw ang mga nanonood ng motorsport. Taon-taon ay may tournament na ganito sa Barangay Balanoy. Isa ito sa mga hilig ni Shyve bukod pa sa sport niyang taekwondo, hindi niya nakakaligtaang sumali rito.
Kahit saan pa man nagaganap ang paligsahan ay naroon siya para lumahok at para manalo dahil sa nais niyang makabili ng bagong motor na gagamitin tuwing sasali sa tournament.
“Red, ano? Handa ka na bang sumabak sa track?” tanong ng niya sa pinsan niyang nakasuot na ng gear para sa paligsahan. Magkapatid ang kanilang mga ina.
“Handang-handa na!” sagot nito sa kaniya. “Ikaw, bakit hindi ka pa nakahanda?”
“Maghahanda na rin ako mayamaya. May isang oras pa naman tayo bago sumabak,” sagot ni Shyve.
“Siya nga pala, huwag mong kalilimutan ‘yung lahat nang inensayo natin noong isang araw. Huwag na huwag kang lilingon at takbo lang nang takbo ng motor mo. At saka, ibigay mo na rin ‘yung buong puwersa nito. Malaki ang mapapanalunan dito kapag nagkataong manalo ka. Tiyak! May bagong motor ka na, Shyve.” paliwanag ni Red sa kaniya habang nanlalaki ang mga mata dahil sa malaking perang mapapanalunan kung saka-sakali.
Si Red ang palagi niyang kasa-kasama mula sa ensayo hanggang sa sumabak na sa tournament. Bukod sa pinsan niya ang binata, ito rin kasi ang nagsisilbing coach niya bilang beterano na sa ganitong klase ng karera. Ilang beses na rin siyang nanalo at natalo. At sa pagkakataong ito ay magiging magkalaban sila ni Shyve.
“Huwag kang mag-alala, Red, tatandaan ko ‘yan,” sagot ni Sheyve habang naghahanda na para sa magaganap na labanan. “At good luck sa atin!” dagdag pa niya.
Pagkatapos mag-usap ng magpinsan, kaniya-kaniya na nilang inihanda ang kanilang motor. Ilang minuto na lang ay magsisimula na ang karera. Ang lahat ng mga kalahok ay pumuwesto na at nagsipaghanda na rin. Suot-suot na ang kani-kanilang helmet na magsisilbing proteksiyon ng kanilang ulo sa posibleng aksidenteng mangyayari.
Kasabay nang pagpuwesto ng mga kalahok sa karera, nasa gitna na rin ang may hawak ng green flag na magsisilbing hudyat na kailangan na nilang simulan ang pagpatakbo ng motor. Nasa ika-anim na puwesto si Shyve kaya naman nang magsimula ay nahuli agad siya. Ang pinsan niyang si Red ay nahuli rin subalit bigla nitong pinatulin ang pagpapatakbo ng motor kaya nakahabol ito sa tatlong naunang mga kalaban.
Nakatutok nang maigi si Shyve sa karera. Goal niyang manalo para sa bagong motor na bibilhin.
“Kailangang maunahan ko ang apat na naunang mga iyon,” bulong ni Shyve sa sarili habang minamaneho ang kaniyang motor.
Agad rin namang pinabilisan ni Shyve ang pagpapatakbo at sa wakas, nahabol niya ang dalawa sa apat na nauna kanina. Ngayon ay dalawa na lang ang kaniyang hahabulin at isa roon si Red.
Mula sa side mirror ng motor ni Red, nakita niyang papalapit na si Shyve sa kaniyang likuran. Lihim siyang natuwa dahil kapag maunahan ni Shyve ang isa pa, dalawa na lang sila ang maglalaban hanggang sa huli. Tatlong laps ang kailangan nilang matapos at heto nga, narating na nila ito.
Nawalan ng kontrol ang minamanehong motor ng isang kalahok na sinusundan ni Shyve kaya natumba at tumilapon ito palabas ng track. Mabuti na lang at agad naiwasan ng dalaga bago pa man ito bumangga sa kaniya.
Dalawa na lang sila ng pinsan niyang si Red. Sabay lumingon sa isat-isa. Malayo na sila sa iba pang kalahok na naiwan sa likod kaya malabo na kung maabutan pa ng mga ito. Nag-thumbs up si Red sa pinsang si Shyve. Tila ipinapahiwatig na isa na sa kanila ang mananalo. Nang malapit na sila sa finish line, biglang pinaharurot ni Red ang kaniyang motor. Ngunit hindi papatalo si Shyve, pinabilisan din niya ang pagpapatakbo. Buong puwersa ng kaniyang motor ang pinakawala niya upang makahabol sa pinsan nitong nauuna.
“Whoa! whoa!” sigaw pa rin ng mga taong nanonood ng karera.
“Malapit na sila sa finish line!” excited na wika rin ng isang manonood.
Hiyawan pa rin ang mga taong naroon at naghihintay kung sino ang mananalo sa mahigpit na labanan sa pagitan ng mag-pinsang sina Shyve at Red. At pagkatapos ng karera, isa-isang binati si Red ng mga kaibigan nilang naroon din. Si Red ang nanalo sa paligsahan. Natalo niya si Shyve.
“Binabati kita, Red,” wika ni Shyve sabay nakipagkamay sa pinsan.
“Salamat, Shyve. Sa susunod baka ikaw na ang suwertehin,” sagot ni Red at sabay abot sa kamay ng dalaga. “Kita tayo mamaya sa bahay, ililibre kita.”
“Sige ba! Hintayin mo ako mamaya,” masayang saad ni Shyve.
Matapos ang nakakapagod na karera na nauwi naman sa pagkatalo ni Shyve, nagpasya siyang magpahinga at matulog nang makauwi sa kaniyang bahay.
Ilang oras din siyang nakatulog. Sinulit ang kaniyang pagpapahinga. Hindi na siya ginising ng kaniyang ina dahil sa lingid dito ang pagsali niya sa karera ng motorsports. Labag man sa kalooban ng ina ang napili niyang karera sa buhay, hindi na lamang nito pinakikialaman ang anak dahil malaki rin ang naitulong ng dalaga sa pagkakarera niya. Nariyang nalugmuk sila sa utang dahil sa nakasanlang bahay ngunit nabayaran nila ito dahil sa perang napapalunan niya.
Nang magising ang dalaga, agad siyang nagpaalam sa ina at pumunta sa bahay ng pinsan. Dahil sa pangalawa siya sa nanalo sa naganap na karera kanina, ibinigay niya sa ina ang napalunan niyang pera at nagbawas lang ng kaunting halaga.
“Salamat, anak,” sabi ng ina niyang si Estela. Kinuha nito ang perang iniaabot niya. “Mabuti naman at ayos lang ang takbo ng motor mo. Ikaw, kumusta ka naman? Nakapagpahinga ka ba ng mabuti?” nag-aalalang sambit nito.
“Ayos lang po ako, Mama. Nagdadasal naman ako bago sumabak sa labanan,” ngiting sagot ni Shyve sa ina. “Aalis na po ako. Naghihitay na si Red sa bahay nila.”
“Oh, s’ya sige. Mag-iingat ka, ha. Huwag kang magpapagabi. Mahirap na,” paalala nito sa anak.
“Mama, huwag po kayong mag-alala, marunong po akong makipaglaban. Taekwondo po yata itong anak ninyo!” lakas-loob niyang sagot.
“Oo na! Sige, umalis ka na. Ikumusta mo na lang ako sa mga magulang ni Red.”
“Opo, Mama. Alis na po ako.” Hinalikan niya ang pisngi ng kaniyang ina.
Pagdating sa bahay ng pinsan niyang si Red, nag-door bell agad ang dalaga. Ito na mismo ang nagbukas ng gate para sa kaniya. Pagkapasok ng dalawa sa bahay, bumungad kay Shyve ang konting salo-salo para sa pagkapanalo nilang dalawa sa karera. Naroon rin ang mga magulang ni Red. Lumapit siya sa mga ito at saka nagmano. Bumeso sa Tita niya na siyang kapatid ng kaniyang ina. Ang asawa naman nito na si Andrei Ilano, ay nag-resign sa pagiging engineer at nagpasyang tutukan na lamang ang kanilang negosyo.
“Congratulations, Shyve! Hindi ka man nanalo ng first price, pumangalawa ka naman,” wika ng mama ni Red. Inabutan siya nito ng baso na may lamang wine pagkatapos niyang makipagbeso rito.
“Salamat po, Tita. Kumusta po kayo ni Tito?”
“Heto, nakikita mo naman. Maayos lang kami ng Tito mo,” sagot nito sa kaniya.
“Mabuti naman po kung ganoon.”
“Teka. Mamaya na ‘yang kuwentuhan. Kumain na muna tayo,” sabat ni Red sa kanilang usapan.
“Mabuti pa nga. Nagugutom na rin ako,” wika naman ng papa ni Red na katabi lang ng asawa.
“Tara na sa mesa. Shyve, kumuha ka na lang ng plato mo at kumain ka hanggang gusto mo. Marami akong pinaluto sa kasambahay namin,” nakangiting sabi ng Tita niya habang papalapit sa mesa. Naglagay agad ng pagkain sa platong hinahawakan.
“Siya nga pala, iha. Bakit hindi mo kasama ang iyong Mama? Sayang naman, hindi siya nakadalo ngayon. Matagal na rin kaming hindi nagkikita.”
“Pasensya na po kayo, Tita Dolor. Akala ko po kasi ililibre lang po ako ni Red ng pagkain. Eh, hindi ko naman po alam na marami siyang pinahanda,” paliwanag ni Shyve habang kumakain sila sa harap ng mesa. “Hayaan n’yo po, sa susunod yayayain ko pong pumunta rito si Mama kapag libre po ako. Nangangamusta rin po siya sa inyo ni Tito,” dagdag na sabi ng dalaga.
“Ganoon ba? Aasahan ko ‘yang sinabi mo na dadalhin mo siya rito at nang magkakamustahan naman kami ng personal. Sabik na rin kasi akong makita ang kapatid kong iyon,” masayang sagot ng ina ni Red.
Matapos ang konting salu-salo, nagpasya munang manatili sandali si Shyve dahil na rin sa sinabi ni Red. May mahalaga raw silang pag-uusapan. Nasa balkonahe siya ng bahay habang hinihintay ang pinsan na pumanhik.
“Pasensya ka na, tinulungan ko muna sandali si Mama sa ibaba. Nagliligpit kasi siya,” ani Red habang papalapit kay Shyve.
“Ayos lang,” sagot nito. “Ano ba ang mahalagang pag-uusapan natin?” tanong ni Shyve habang naka-upo at hinihintay siya.
“Nalaman ko na may gaganaping karera na naman sa makalawa, kaya naisip ko na sumali tayo. Mas malaki ang perang mapapanalunan ngayon kasi ‘yung track na dadaanan natin, sobrang mahirap.”
“Gaano naman kahirap?” nagtatakang tanong ni Shyve na nagkasalubong pa ang mga kilay. “Lahat naman yata ng track na dinadaanan sa motorsport ay mahihirap.”
“Kakaiba raw ito. Dadaan tayo sa loob ng gubat. May madadaanan pero medyo makitid at sakto lang ang isang motor ang makakalusot,” paglalarawan ni Red.
“Ang ibig bang sabihin ay kailangang mauna para ikaw ang unang makakaraan sa makitid na daanan na iyon?”
“Ganoon na nga.” Sabay tango.
“Ibang klaseng motorsport naman ‘yan. May sasali ba kung ganoon kahirap ang dadaanan na track?” Ngumisi siya. Parang hindi makapaniwala sa mga sinasabi ng pinsan.
“Sa laki ng perang mapapanalunan? Tiyak, meron!” sabi ni Red na nakatayo at nakasandal sa kapirasong haligi ng kanilang bahay. “Sali na tayo! Sikapin mong manalo sa pagkakataong ito para makabili ka na ng bagong motor.” pamimilit nito.
Natahimik sandali si Shyve at pinag-iisipan kung sasali nga ba siya o hindi. Subalit may punto din naman ang pinsan niya. Nais niyang makabili ng bagong motor at kakailanganin niya ng malaking pera para makabili ng isa pa.
“Oh, ano na?” tanong ni Red. “Sasali na ba tayo? Magpapalista na ako.”
“Sige. Sali tayo!” Buo na ang kaniyang pasya.
“Ayos! Magpapalista na ako ngayong gabi. At bukas na bukas, tutungo tayo sa Barangay Tala.”
“Barangay Tala?”
“Oo. Doon gaganapin ‘yung karera. Kaya umuwi ka na at maghanda na rin dahil aalis tayo bukas. Magpaalam ka na agad sa Mama mo.”
“Bukas na agad?”
“Oo! Bukas agad,” ulit ni Red.
“Sige. Aalis na ako. Magpapaalam na muna ako kina Tita at Tito bago umalis. Tawagan mo ako bukas kung papunta ka na sa bahay namin. Sunduin mo ako.”
“Tatawagan kita bukas. Mag-iingat ka sa pag-uwi mo,” paalala ni Red.
“Ikaw rin, bukas mag-iingat ka,” sagot naman ni Shyve sa pinsan saka tuluyang bumaba.
Pagkatapos magpaalam sa mga magulang ni Red, umuwi na rin agad si Shyve. Pagdating sa bahay, nagpaalam rin siya sa kaniyang Mama. Naghanda na rin ng dadalhin para sa biyahe kinabukasan.