Kakaibang Mundo

1509 Words
Chapter Three “A-Aray ang likod ko,” wika ni Red habang hawak-hawak ang likod niyang napasama yata ang bagsak sa lupa.  “Nasaan ba ako? Teka, si Shyve. Shyve! Shyve!” sigaw nito nang maalala ang pinsang dalaga. Agad siyang tumayo at nagpalingon-lingon. Nagbabakasakaling nasa paligid lang ang pinsan at kasama niya. Ngunit ni anino nito ay hindi niya makita. Nagsimula na lamang siyang maglakad at naghanap. “Shyve! Nasaan ka? Sumagot ka naman. Shyve!” sigaw niya ulit. Malayo na ang kaniyang nalakad nang makarinig siya ng isang boses. “Ah!” sigaw ng isang babae sa ‘di kalayuan. “Shyve?” Narinig ni Red ang boses na iyon na kilalang-kilala niya. Dali-dali niyang tinungo ang pinagmumulan ng sumisigaw. Nakita niyang nakalambitin si Shyve sa may kataasan na bato. Ikinagulat ni Red nang makita sa ganoong ayos ang pinsang si Shyve. Nakakapit ito nang mahigpit sa isang matulis na bato para hindi mahulog. “Red, dali! Tulungan mo ako. Bumabaliktad na ‘yung sikmura ko. Nalulula na ako rito!” sigaw ni Shyve sa pinsan niyang nakatingala pa rin sa kaniya. “Paano ka napunta riyan?” pagtataka nitong tanong. “Hindi ko rin alam. Red, tulungan mo ako pakiusap. Takot ako sa matataas!” hayag ng nagmamaka-awang dalaga. “Sandali lang!” sigaw ni Red at saka lumapit nang husto. “Tumalon ka at sasaluhin kita,” saad niya sa dalagang nangangawit na sa pagkakahawak sa bato. “Sigurado ka?” nag-aalangang sambit ni Shyve. Takot na takot na ito. “Wala ka nang pagpipilian, kaya, tumalon ka na at ako na ang bahalang sumalo sayo. Dali na! Ipikit  mo na lang ang iyong mga mata.”  Noon pa man ay takot na ang dalaga sa matataas na lugar. Ewan niya kung bakit ganoon na lang ang pakiramdam sa tuwing nasa mataas siya na lugar. Humihilab nang husto ang kaniyang tiyan. Nakumbinsi naman siya ni Red at saka tumalon nang nakapikit ang mga mata. Sinalo siya ni Red gamit ang dalawang matitipunong braso nito. Subalit hindi lang ang pinsan niya ang sumalo sa kaniya kundi pati na ang kanina’y kalaban na lalaki. Nagulat si Red sa biglang pagsulpot nito sa kaniyang harapan at saka inalalayan siyang saluhin si Shyve mula sa itaas. Maging ang dalaga ay nagulat din sa pagsalo sa kaniya ng lalaki.   “Magtititigan na lamang ba tayo rito?” sabi nito. “Ha!” Natauhan si Shyve sa tanong ng lalaki. “Red, ibaba n’yo na ako,” baling niya kay Red na karga-karga pa rin siya. Nagpasalamat naman agad siya matapos maibaba ng dalawa. “Nandito ka rin pala,” ani Red habang nakatingin sa lalaki na tahimik lang. “Sandali, nasaan ba tayo?” nagtatakang tanong ni Shyve nang mapansing nasa loob sila ng kweba. “At ano’ng klaseng liwanag ‘yung nakita ko?” Ang tinutukoy niya ay ang lagusan na kanilang napasukan kanina papunta sa kung saan sila ngayon. “Pareho nating hindi alam kung ano ‘yun,” sagot ni Red sa pinsan. “Ikaw, alam mo ba kung nasaan na tayo?” baling nito sa lalaki. “Huh! Magkasama tayong napadpad  sa lugar na ito kaya anong malay ko kung nasaan na tayo,” tugon nito kay Red na may halong pagka-inis. “Ikaw! Kahit saan talaga ang yabang mo,” sabat ni Sheyve. Hindi pa rin na-aalis ang inis siya sa lalaki. “Mayabang? Sinasabi ko lang naman ang totoo,” anas ng lalaki. “Tama na nga ‘yan! Mabuti pa, maghanap na lang tayo ng daan palabas. Siguro naman mayro’n kahit isa.” Pinigilan ni Red ang dalawa bago pa man mauwi sa awayan ang kanilang usapan. Nagsimula na silang maglakad at humanap ng daan palabas sa kuwebang kinaroroonan nila ngayon. “Nakakatakot naman dito. Ang lamig pa.” Nakaramdam ng lamig ang dalaga sa loob ng kuweba kahit walang hangin ang dumadampi sa kaniya. May kadiliman sa loob ng kuweba pero may mga mumunting liwanag naman na nagmumula sa itaas nito na siyang naging ilaw nila para makakita kahit papaano. Habang naglalakad, may naramdamang kakaiba si Red. Isang presensya na tila kanina pa sumusunod sa likuran niya. Nagsitayuan ang kaniyang mga balahibo sa batok hanggang sa braso niya. Hinimas-himas ni Red ang batok nang makaramdam ng lamig. Napaharap na lang bigla nang may humawak sa kamay niya. Ngunit laking gulat na lamang nang wala siyang nakita. “May problema ba, Red?” nagtatakang tanong ni Shyve sa kaniya nang makita nito ang kaniyang reaksyon. “Ha! Parang. . . Para kasing may humawak sa kamay ko,” sagot nito na magkasalubong ang mga kilay. “Red, ha! Huwag kang ganiyan.” Huminto si Shyve sa paglalakad pati na ang lalaking hindi pa niya alam kung ano ang pangalan. “Hindi ako nagbibiro, Shyve. Talagang may biglang humawak sa kamay ko.” Halata ang takot sa mukha ni Red. “Tama na nga ‘yan. Tara na. Maghanap na tayo ng lagusan,” sabat ng lalaki at saka muling naglakad.   Sumunod na lang sina Red at Shyve. Hindi na lamang pinansin ni Red ang nangyari at nagpatuloy na ito sa paglalakad. Nasa kalagitnaan na sila ng kuweba nang nagsiliparan ang mga paniki na nakabiting patiwarik, tila nabulabog sa kanilang pagdating.  Sunod-sunod na hampas ang ginawa ng tatlo upang mapatigil ang pagsugod ng nangangalit na mga paniki. Pulang-pula ang mga mata at nakakatakot na hitsura. Walang pakundangan ang mga paniki sa pagsugod kung kayanagkahiwa-hiwalay silang tatlo. Ngunit, sa napakaraming paniki na nasa kuweba, may kakaibang isa. Ang isang ito ay kulay puti ang mga mata. Tinitigang maigi ni Shyve ang kakaibang paniki. “Kakaiba ang isang ito, ah,” bulong ng dalaga. Ngunit maging ang isang ito ay hindi siya pinalagpas.  Sinugod siya ng paniking kulay puti ang mga mata at kinagat siya sa braso. Napahawak siya sa brasong nakagat at nag-iwan iyon ng marka. Malalim ang sugat na iniwan niyon. Mahapdi at maiinit ang dulot niyon sa katawan niya. Unti-unting lumabo ang paningin ng dalaga. At saka bumagsak ang nanghihina niyang katawan sa lupa. Samantala, hingal na hingal na rin si Red sa kakatakbo upang tuluyang maka-iwas sa mga nagngangalit na paniki. Masuwerteng nailigaw niya ang mga ito.  “Nasaan na kaya si Shyve at ang lalaking kasama namin?” tanong nito sa sarili habang nagmamasid sa may ‘di kadilimang paligid.  Nang makasiguro na wala na ang mga paniki ay saka lamang nagpasyang lumabas si Red mula sa kaniyang pinagtaguan. Tumayo siya at nagpatuloy na sa paglalakad. Hinanap niya si Shyve subalit hindi niya ito makita. Sa halip, ang ‘di kilalang lalaki ang kaniyang nakita at nakikipag-tunggali sa mga paniki na naroroon. Tumakbo si Red papunta sa kaniya at tinulungan niya itong paghahampas-hampasin ang mga paniki. “Nakita mo ba si Shyve?” tanong ni Red habang hinahampas ang mga paniki gamit lang ang kaniyang mga kamay.  “Hindi!”  Lumitaw bigla sa kanilang harapan ang paniking may puting mga mata. Gaya ni Shyve, sila rin ay nagulat. Tinitigan din nila ito nang mabuti at sabay baling sa isa’t isa. Hindi nila namalayan na nakalapit na pala ito sa kanya at agad siyang kinagat. Napahawak si Red sa kamay na nakagat saka tumingin sa paniki na lumilipad papalayo sa kanila. “Ah,” tanging sambit ni Red habang damang-dama ang pinaghalong init at hapdi ng kagat mula sa paniking puti ang mga mata. Nag-alala ang lalaking kasama kaya hinawakan nito ang kamay ni Red.  “Ayos ka lang?”  “Ang init at . . . ang hapdi,” daing ni Red at hawak-hawak ang kamay niyang nakagat. “Kailangang makahanap tayo ng lagusan para maka-alis na rito.”  “Si Shyve. Hanapin na muna natin siya.” Sumang-ayon naman ang lalaki kaya hinanap nila si Shyve. Ang mga paniki na kanina lang na sinusugod sila ay biglang naglaho. Lumipad ang mga ito palayo na sa kanila. Maaring hudyat iyon na mag-uumaga na. Babalik ulit sa puwestong nakalambitin patiwarik habang natutulog.  Dahan-dahang iminulat ni Shyve ang kanyang mga mata matapos mawalan ng malay. Paunti-unti siyang bumangon habang hawak ang ulo niyang nauntog kanina nang bigla siyang hinimatay. Umupo siya saglit at nagpalingon-lingon sa paligid. Wala na ang mga paniki.  “Nasaan na kaya si Red?” bulong niya. Tumayo na si Shyve nang maramdamang kaya na niya. Napansin niya ang marka sa kaniyang braso. Marka ng isang kagat mula sa paniki na puti ang mga mata. Tiningnan niya ito at nagbalik-tanaw sa nangyari. Panaka-nakang hapdi na lang ang kaniyang nararamdaman. Nawala na ang init na humalo sa hapdi kanina. Nagsimula na ring maglakad at naghanap kay Red.  “Red! Red!” sigaw niyang paulit-ulit. Sa kaniyang walang tigil na sigaw sa pangalan ng pinsan, narinig naman siya nito. “Shyve!” Nabuhayan ng loob si Red nang marinig ang pangalan niya na tinatawag ng huli. “Red, nandito ako. Nasaan ka?” “Shyve! Huwag kang aalis diyan. Pupuntahan ka namin.” Sa wakas, nakita ng dalaga si Red at kasama ang lalaki at nag-isip kung paano makakalabas sa kuwebang iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD