Halimaw sa ilog

2004 Words
“Ayos ka lang ba?” nag-aalalang tanong ni Red kay Shyve habang tinitingnan ang hitsura nito. “Oo. Mabuti at nakita mo ako. Ikaw, ayos ka lang ba?” Siya rin ay nag-aalala sa pinsang binata. “Ayos lang.” Tinanguan niya si Shyve. “Ano iyan?” tanong niya nang makita ang marka ng kagat sa braso ng dalaga. Itinuro pa niya ang braso nito. Hinawakan ni Shyve ang kaniyang braso na nakagat. “I-Iyong paniking puti ang mga mata, kinagat ako,” nauutal niyang tugon habang nakatingin sa pinsan. “Sandali!” Ikinumpara ni Red ang kaniyang kamay na may marka rin ng paniki sa braso ni Shyve na nakagat. At nalaman niyang magkapareha ang mga ito. Saka sila nagkatinginan sa isa’t isa. “Ikaw rin,” ani Shyve nang makitang may kagat din si Red ng kakaibang paniki. Saka binalingan niya ang lalaking kasama. “Ikaw ba, mayroon din?” “Wala akong ganiyan,” kalmadong sagot nito sa kaniya. “Tara na. Maghahanap pa tayo ng daan palabas sa kuwebang ito. Baka abutan na naman tayo ng mga paniki. Tulog ang mga iyon ngayon kaya samantalahin na natin.” Tumalikod na siya kina Shyve at Red at naunang maglakad. “Mabuti pa nga,” pagsang-ayon ni Shyve sa kaniya saka sumunod na rin sa paglakad. Sumunod rin si Red sa kanila. Ngunit hindi pa rin maalis-alis sa isipan ang kagat na natamo nila mula sa paniki. Ilang oras na silang palakad-lakad at naghahanap ng labasan. Kapuwa pagod at gutom na ang tatlo subalit hindi sila maaaring sumuko. Kailangan nilang makalabas sa kuweba para makahanap na ng pagkain kung sakaling magtagumpay man silang makalabas. Binabagtas pa rin nila ang daang hindi nila alam kung saan patungo. May kadiliman at nakabibinging katahimikan. Hindi nila alam kung saan sila dadalhin ng kanilang mga paa. Ang alam lang nilang tatlo, kailangan nilang mahanap ang labasan. Ngunit biglang may naaninag si Red sa may dulo ng kuweba. Isang liwanag na nangagaling sa labas. “Hayun! May nakikita ako!” Itinuro pa ni Red ang liwanag na kaniyang nakita. “Tara dali. Takbo na! Baka labasan na iyan!” sigaw ni Shyve sabay takbo patungo sa dulo kahit na medyo may kadiliman. Bumakas ang saya sa mukha ni Shyve nang masigurong labasan nga ng kuweba ang nakita ng kaniyang pinsan. Nauna pa siya sa dalawang lalaki. “Sa wakas! Makalalabas na tayo!” nasasabik na wika ng dalaga. “Lumabas na tayo.” Kalmado pa ring naglalakad ang lalaking kasama nila. Nang nasa labas na silang tatlo, hindi napigilan ni Shyve ang humanga sa napakagandang tanawin na bumungad sa kanilang harapan. Hindi ito kasing-ganda ng mundong pinagmulan nila. Napakahiwaga kung ito'y pagmasdan. Hindi niya akalain na may ganito pa lang uri ng mundo. Saglit niyang nakalimutan na nawawala nga pala sila. “Wow!” Hindi niya mapigilang humanga. “Ang ganda! Ngayon lang ako nakakita ng ganitong napakagandang lugar,” dagdag pa niyang sabi na halos hindi maalis-alis ang mga matang tila isang bituin na kumikislap sa langit sa gabi. Napakaganda nga naman ng paligid. Berdeng-berde ang kulay ng mga d**o sa naglalakihang mga puno. Matatayog at napakalaki ng mga sanga nito. Sa laki nito ay maaari ka nang magtayo ng bahay sa ibabaw. Ang mga dahon naman ay malalapad din. Sa lapad ay tiyak na hinding-hindi ka mababasa kapag dito sisilong kung sakaling uulan. Ang mga nakapaligid na magagandang mga bulaklak, napakaayang tingnan sa paningin. Marami itong kulay at tila nag-uudyok na pumitas ng isa. Dumagdag ito sa kagandahan ng buong paligid. “Nasaan na ba tayo?” maang na tanong ni Red. “Nasa ibang mundo ba?” tanong niya ulit. Tinatanaw niya rin ang paligid ng kakaibang mundo na kinaroroonan nila ngayon. “Hindi ko alam. Ang alam ko lang, kailangan nating makabalik kung saan tayo nanggaling bago tayo nakapasok sa mundong ito,” saad ng lalaking kasama nila na ang mga mata ay nasa buong paligid din. Iniisip niya kung saang mundo sila napadpad. “Pero saan tayo pupunta? Papaano tayo makababalik sa mundong pinanggalingan natin?” tanong ni Shyve na ngayon ay nakaharap na sa lalaki, matapos niyang pagsawaang tingnan ang magandang paligid. “Nawawala tayo! At hindi natin alam kung ano ang lugar na ito.” Natahimik lamang ang dalawang lalaki sa sinabi ni Shyve. Tama naman ang dalaga. Nawawala sila at hindi nila alam kung papaano bumalik sa kanilang pinanggalingan. Hindi rin nila alam kung ano ang mangyayari sa susunod pa na mga araw habang nasa kakaibang mundo sila. Kapuwa nag-alala ang tatlo sa kanilang kinakaharap ngayon. Hindi nila malaman kung ano ang gagawin. Pero sa huli, nagpasiya na lamang silang makipagsapalaran at hahanapin ang daan patungo sa kanilang mundong kinabibilangan nang walang katiyakan kung mahahanap ba nila ito o hindi. Nagsimula na ang kanilang paglalakbay. Hahanapin ang daan patungo sa lagusang magdadala sa kanila patungo sa mundong naiwan. Una nilang nadaanan ang malinis na ilog. Sa gilid nito’y may mga maliliit at katamtamang laki na mga bato. Saglit silang huminto at nagpahinga nang makaramdam ng pagod. “Shyve! Saan ka pupunta?” pagtatakang tanong ni Red. Nakita kasi niya itong lumalayo sa kanila. “Maghihilamos lang,” tugon naman ng dalaga. Umupo si Shyve sa hindi kalakihang bato. Tumingin muna sa buong paligid bago maghilamos. Hindi pa rin makapaniwala sa kaniyang nakikita. Sadyang nakabibighani ang mundong nasisilayan niya ngayon. Hindi nakasasawang tingnan. Nang matapos sa pagmamasid, yumuko na siya at saka naghilamos. Wala siyang gamit pangkuha ng tubig kaya, idinikit na lamang niya ang kaniyang mga palad at ito ang ginamit na pang-salok ng tubig saka ipinanghilamos sa kaniyang mukha. Pakiramdam kasi niya, malagkit na ang kaniyang mukha at kailangan na niyang maglinis ng katawan kahit na hilamos lang. “Ang lamig,” saad niya habang ipinapahid ang tubig sa kaniyang mukha. Habang naghihilamos ang dalaga, may nakita siya sa tubig. Hindi malinaw sa kaniya kung ano ito kaya naman bahagya niyang idinilat ang kaniyang mga mata. Pilit na inaalam kung ano ito. Hindi pa siya nakontento kaya inilapit pa niya ang kaniyang mukha sa tubig. Ngunit bigla ring napaatras nang malinaw na niya itong nakikita. “Ah!” malakas niyang sigaw na naging dahilan nang paglingon ng kaniyang dalawang kasama. Isang nakakatakot na mukha ang kaniyang nakaharap sa tubig. Malalaki at pulang-pula ang mga mata nito. Nanlilisik na para bang gustong kumain ng tao. Mahahaba ang buhok na palutang-lutang sa tubig. Napaatras ang dalaga. Sa sobrang takot, napako na lamang ito sa kinauupuan at hindi na nakagalaw. Agad namang lumapit si Red sa pinsang dalaga ngunit maging ang lalaki rin ay nagulat. Nasaksihan niya rin kung gaano nakakatakot ang nilalang na nasa ilog. Nanlaki rin ang mga mata ni Red. Isang nilalang na matangkad at maraming balahibo ang katawan. Galit na galit ito habang nakatitig sa dalagang napako na lamang sa isang tabi. “Shyve!” sigaw ni Red sa kaniyang pinsan na tila hindi na gumagalaw dahil sa takot. “Shyve! Tayo!” Hinawakan niya ito sa braso saka hinila patayo. Doon lamang natauhan ang dalaga. “Red!” Papalayo na sana sila sa halimaw subalit nahawakan nito ang buhok ni Shyve saka hinablot. At pagkatapos, iwinaksi siya papunta sa tubig. Binalingan naman nito si Red at saka kinalmot. Matutulis ang mga kuko ng halimaw kaya napunit ang damit ni Red. Nag-iwan ito ng tatlong linya sa kaniyang dibdib. Makikita na lamang na may pulang likido ang umaagos sa katawan ng lalaki. “Ah . . .” daing ni Red dahil sa sakit na nararamdaman dulot ng sugat. Muling binalikan ng halimaw si Shyve. Nang makita naman ito ng dalaga, nagmamadali siyang lumangoy palayo rito. Subalit lubhang mabilis ang halimaw kaya naabutan siya nito at hinawakan ang magkabilang balikat. Sa galit ay sinuntok ni Shyve ang nilalang. Sunod-sunod na suntok at hampas ang ginawa ng dalaga ngunit ang lahat ng ito ay balewala sa nakakatakot na nilalang. Mas lalong nanlisik ang mga mata nito at sinigawan pa siya nang malakas. “Wah!” singhal ng halimaw sa harap ng dalaga. Hinampas ng nilalang ang dalaga gamit ang likod ng kamay nito. Sa lakas ay tumilapon si Shyve sa tabi ng ilog. Hinawakan siya uli nito. Hinang-hina na ang dalaga dahil sa lakas ng pagkahampas sa kaniya. Dumugo ang kanang bahagi ng ulo niya. Nagkasugat nang bahagya dahil tumama rito ang kuko ng halimaw. Hinawakan siyang muli ng halimaw para saktan. Nanlilisik pa rin ang mga mata nito. Sa takot, napapikit na lamang si Shyve ng mga mata. Wala na siyang magagawa kundi tanggapin na lamang ang kaniyang kamatayan sa kamay ng mapanakit na halimaw. Alam niyang hinding-hindi siya mananalo rito. Subalit ganoon na lamang ang kaniyang pagtataka at gulat nang hindi siya nasaktan ng halimaw. Pikit man ang kaniyang mga mata, alam niyang bumagsak ito dahil sa kaniya mismo natumba. Marahan niyang iminulat ang mga mata at nakita niya sa kaniyang harapan ang lalaking kasa-kasama nila mula pa kanina. Ito ang nagligtas sa kaniya. “Tumayo ka na riyan bago pa magising ang halimaw na iyan,” kalmadong wika ng lalaki at seryoso ang mukha nito. Agad na kumilos si Shyve. Natatakot man sa halimaw, pero nagawa niyang iwaksi ito papunta sa kaniyang tabi saka tumayo at sumunod sa lalaking nagligtas sa kaniya. Isang malaking bato ang nakita ng lalaki at pilit na binuhat kanina nang makita niyang nanganganib si Shyve. Nahihirapan man ngunit sinikap niyang buhatin ito para mapigilan ang sumusugod na halimaw sa dalaga. Umuubo pa si Shyve habang papalayo sa halimaw na nakabulagta. Nakasunod naman sa likuran niya ang lalaking nagligtas sa kaniya. Nakita ng dalaga si Red at nag-alala siya rito dahil nakita niya ang sugat ng pinsan sa dibdib. “Ayos ka lang ba, Red?” Nilapitan niya ang pinsan at hinawakan ang balikat. “Oo, ayos lang ako,” sagot ni Red kahit na halatang nanghihina. “Mahapdi nga lang,” dagdag pa niya. “Kailangan natin gamutin iyan,” ani Shyve sa kaniya. “Tara na. Kailangan na nating magpatuloy sa paglalakad,” sabat ng kasama nilang lalaki at saka tumalikod na sa kanila upang maunang maglakad. Nagkasalubong naman ang mga kilay ng dalaga at pinigilan ang lalaki nang marinig ang sinabi nito. “Sandali! Bulag ka ba? Hindi mo ba nakikita na may sugat ang pinsan ko? Tapos heto ka, parang nagmamando na maglakad na!” Sinundan ni Shyve ang lalaki at galit na galit siya rito. “Hindi ka ba naaawa sa kaniya? Sa halip na tulungan mo siya, lagusan pa rin ang inaalala mo.” Hinarap ng lalaki si Shyve na parang naiinis sa tinuran ng huli. “At ano’ng gusto mo? Magngangawa ako?” naiinis na sagot ng lalaki sa dalaga. “Wala tayong ibang gagawin kundi ang hanapin ang lagusan para makabalik na tayo. Lalaki ang pinsan mo, siguro naman kaya na niya ang kaniyang sarili. Mabuti nga at kalmot lang ang natamo niya. Dahil kung minalas siya kanina, malamang sa malamang, hindi mo na nakakausap ang pinsan mo ngayon!” “Kahit na! Dapat pa rin siyang magamot!” Hindi naman nagpatalo si Shyve sa lalaki. “Shyve,” tawag ni Red sa kaniya bago tuluyang napaluhod sa lupa habang hawak ang dibdib. “Red!” Dali-daling lumapit si Shyve kay Red para alalayan ito. “Nanghihina ako,” mahinang wika ni Red. “Red, kayanin mo,” mangiyak-ngiyak na saad ng dalaga. “Bakit ba kasi napadpad pa tayo sa lugar na ito?” Hinawakan niya ang isang kamay ng pinsan at saka inilagay sa kaniyang balikat. Inalalayang tumayo ng dalaga si Red. Kikilos na upang magpatuloy sa paghahanap. Magsisimula na sana silang maglakad ngunit saglit na huminto nang may marinig na isang ungol na nagmumula sa isang mabangis na hayop. Kapuwa natigilan si Shyve at ang lalaki habang si Red naman ay nakayuko at hinang-hina na. Dala marahil sa kalmot ng halimaw na nagdulot ng hapdi sa kaniyang dibdib. “Ano na naman kaya iyon?” tanong ni Shyve habang nakatingala sa langit. Halatang nangangamba sa susunod na mangyayari.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD