Chapter 2

1544 Words
"Ikaw na muna ang bahala sa kanila, Manang," wika ng isang lalaking sa tingin ni Marcus ay kasing tanda lang kanyang Tatay. Binuksan nito ang magarang kotse na nakahinto sa tapat ng main door ng mansyon at inilagay ang dalang gamit. "Where's Stacey?" tanong naman nito sa isa pang katulong na nasa pinto. "Palabas na ho, sir," sagot ng katulong. Maya maya ay lumabas naman sa pinto ang isang batang babae na tila labanos sa kaputian. Naka uniporme ito na may mahabang necktie na puti at ang lagpas balikat niyong buhok ay sumasayaw sa bawat paggalaw nito. Ngayon lang siya nakakita ng ganito kagandang bata dahil sa probinsiya nila ay kalimitan nang morena ang mga balat. Stacey Albano. Kahit ang pangalan nito ay kaakit-akit pakinggan. Sa tingin niya'y marami itong paiiyaking kalalakihan paglaki nito. Umalis na ang sasakyan at naiwan silang lahat sa may hardin. Malaki at magara ang bahay ng amo ng Tiyang Mely niya na mahigit sampung taon na nito pinapasukan. "Pumasok muna kayo at magpahinga. Ikukuha ko kayo ng inumin," wika ng Tiyang niya. Pumasok sila sa kabahayan at tumuloy sa kusina. "Salamat sa pagrerekomenda mo sa amin dito," wika ng Tatay niya sa pinsang buo nito. "Walang anuman, buti nga at hindi na ako nahirapan pang maghanap ng hardinero. Bagama't alam kong pansamantala lang ang pag-alis niyo sa San Fabian," malungkot na wika ng Tiyang niya. "Ano ba ang nangyari sa inyo ng Tatay mo?" "Ibinahay niya na si Lilet sa Villa Rosa. Kung alam kong malinis ang intensyon ng babaeng iyon ay hindi ako tututol, Mely. Pero wala pang kwarenta ang babaeng iyon samantalang si Tatay ay nasa sitenta na." "Kahit naman ang mga kamag-anak natin doon ay alam na pera lang ang habol ng babaeng iyon sa Tatay mo. Pero dahil umalis ka'y nagtagumpay lang ang Lilet na 'yun na maangkin ang villa at ang kita ng bukid." "Hayaan mong matauhan ang Tatay sa ginawa niya. Kapag naubos ang ari-arian niya'y makikinig na siguro siya sa akin," malungkot na wika ng Tatay niya. "Pero paano ang pag-aaral ni Marcus?" Tumingin ang tiyahin sa kanya nang may simpatya. "Ano ang gusto mong kurso, anak? Ipapakiusap ko kay Sir Zane na pag-aralin ka sa malapit na kolehiyo dito." "Hindi na kailangan, Mely. Tutulong na lang sa kin si Marcus sa pagtatrabaho dito sa bahay. Kapag maayos na ang lahat, uuwi rin kaming muli sa San Fabian," pagtanggi naman ng Tatay niya. Siya ay tahimik lang na nakikinig sa usapan nilang dalawa. "Ano ka ba naman, Antonio! Hindi maaaring hindi makatapos si Marcus. Ako ang magpapa-aral sa kanya. Wala na tayo sa sinaunang panahon, kailangang makapatapos siya ng kolehiyo at makahanap ng magandang trabaho." "Aanhin niya ang kursong tatapusin? Siya rin naman ang mamamahala sa lupain ni Tatay. Kapag nakatapos siya'y baka lalong hindi niya gugustuhin pang bumalik sa San Fabian," sagot naman ng Tatay niya. "Hayaan mong magdesisyon si Marcus sa kung anong landas ang gusto niyang tahakin," pamimilit naman ni Mely. Tumitig ang Tatay niya sa kanya kaya't umiwas siya ng tingin. Nagpapatianod lang naman siya sa gusto ng ama nang sabihin nitong tumigil muna siya sa pag-aaral dahil wala itong katulong sa bukid. Lumapit ang Tiya Mely niya at hinawakan ang kamay niya. "Ako ang bahala sa pag-aaral mo, anak. Anong kurso ang nais mo?" masuyo nitong tanong. "Huli na rin para mag-enroll dahil nagsimula na ang pasukan Tiyang," nahihiya niyang sagot. Hindi niya gustong iasa ang pag-aaral sa tiyahin dahil sa kanilang magkakamag-anak, ang Lolo niya ang may sinasabi sa buhay dahil sa malawak nitong lupain. "Huwag kang mahihiya sa akin, Marcus. Alam mong ikaw ang paborito kong pamangkin," nakanigiti nitong wika na ginantihan niya ng matamis ding ngiti. Kapag umuuwi ito sa probinsiya nila'y siya ang lagi nitong hinahanap dahil sa pagkagiliw sa kanya. Ito na rin ang maituturing niyang ina-inahan mula nang iwan sila ng totoo niyang ina para sumama sa lalaking mas magara manamit katsa sa Tatay niya na palaging nasa bukid. Pitong taon pa lang siya nang umalis ang Nanay Emy niya. "Tutulungan ko muna si Tatay sa mga gawain dito, Tiyang. Pag-iisipan ko ho muna ang kursong kukunin ko sa susunod na pasukan." "Sige, mabuti kung ganoon. O siya, ihahatid ko muna kayo sa magiging silid niyo at nang makapagpahinga." Dinala sila ng Tiyang Mely niya sa extension ng bahay kung saan may malaking silid at dalawang kama sa loob. Inilipag niya ang dalang bagahe sa upuang sofa at isinandal ang likod sa malambot na upuan. Ang Tatay niya'y lumabas muli at sinuri ang kabuoan ng hardin. Hindi alam ni Marcus kung ano ang aasahan sa biglaang desisyon ng ama na lumuwas sila sa Maynila. Labag din ito sa kalooban niya dahil malayo ito sa buhay na nakasanayan niya. At tulad ng sabi ng tiyahin niya, kailangan niyang matapos ang kolehiyo katulad ng mga kaklase niya. Binalak nilang sa Baguio sana mag-aral sa kursong Civil Engineering. Pero dahil nagkaproblema ang Lolo at Tatay niya'y kailangan niyang isantabi ang pansariling kagustuhan. Dumaan sa matagal na depresyon ang Tatay niya matapos itong iwan ng kaniyang ina. Silang tatlo ang palaging magkakasama ng Lolo niya mula noon, at ngayon at nasisira ang samahang iyon dahil nakilala ng Lolo niya si Lilet - na naging dahilan ng matinding alitan ng Lolo at Tatay niya. Kailangan siya ngayon ng ama. Saka na ang mga pangarap niya. Lumabas siya silid at sinundan ang ama sa hardin ng mansyon. Malaki at malawak ang lawn at hanggang sa may swimming pool area ay napapalibutan ng kung ano-anong halaman. Pero walang wala ang trabahong iyon kung ikukumpara sa bukid. "Magtatanggal muna ako ng tuyong dahon, 'Tay," wika niya sa ama saka isa-isang sinuri ang mga halaman. Inabala niya ang sarili sa pag-aayos ng mga bagong tubo at inilagay sa bakanteng paso. Inabala niya ang sarili sa paglilinis sa hardin para hindi mainip. Pagdating ng alas kwatro ng hapon ay nakita niya ang isa pang sasakyan na sakay ang isang batang lalaki na naka uniporme rin. Narinig niyang tinawag ito ng katulong sa pangalang Jayzee. Umalis din ang sasakyang naghatid dito. Alas siyete naman dumating ang mag-asawang Zane at Selena kasama si Stacey at isa pang bata na si Laurenti. Sa hapunan ay kinausap ni Zane ang Tatay niya tungkol sa mga gawain nila at kaunting pagtatanong sa buhay nila sa probinsiya at kung bakit sila biglang lumuwas. Siya ay tahimik lang na nakikinig habang paminsan minsang nahahagip ng tingin si Stacey. Sa loob ng mahigit isang taon ay namuhay silang tahimik ng Tatay niya sa poder ng mga Albano. Maayos naman ang buhay nila at nakakaipon siya ng sariling pera dahil wala naman na silang ginagastos maliban sa mga personal na bagay. Gusto niyang ipagpatuloy ang pag-aaral pero tumututol ang ama na noon ay inaatake ng alta presyon. Kahit ang Tiyang Mely niya ay wala na ring nagawa nang magdesisyon siyang siya ang hahalili sa ama sa mga mabibigat na gawain sa mansyon. Pero tuwing makikita niya ang anak ng among lalaki na si Jayzee ay naiinggit siya. May mga pangarap din siyang gustong abutin. Gusto rin niyang baguhin ang kapalaran niya para hindi matulad sa ina na tila nalugmok mula nang iniwan sila ng ina. Alam niyang sa kaibuturan ng puso ng Tatay niya ay dala pa rin nito ang sakit sa pag-iwan sa kanila ni Emy. "Marcus, tawag ka ni Sir Zane sa komedor," wika ni Tess na isa sa mga katulong sa mansyon. Kasalukuyan siyang nagdidilig ng mga halaman. Ang Tatang niya ay nasa silid pa dahil wala pa halos alas sais ng umaga. "Bakit daw?" tanong niya habang ipinupunas ang kamay at braso sa pantalong maong. "Hindi ko alam, baka may iuutos," sagot ng katulong. Tumuloy siya sa komedor at naabutan ang amo na humihigop ng kape habang nagbabasa ng dyaryo. "Maupo ka Marcus. Nagkape ka na ba?" tanong nito sa kanya. "Tapos na ho, sir," tipid niyang sagot. "Nabanggit sa akin ni Mely na marunong ka raw magmaneho. I believed you just turned eighteen," panimula nito. "I am thinking of getting you a license." "Para saan ho?" tanong niya. "Nag-resign na si Manong Danny." Ang tinutukoy nito'y ang matagal nang drayber ng mga Albano. "Kailangan ko ng magda-drive kapag kailangang mag-grocery ng mga katulong at kung ano-ano pang kailangang lakarin. Minsan ay kailangan ko ring ipahatid si Jayzee sa school dahil iba ang schedule niya kay Stacey. What do you think?" Marahan siyang napatango bagama't gusto niyang tumanggi. Kung sa pagmamaneho lang ay sanay na sanay siya dahil katorse pa lang siya'y siya na ang nagmamaneho ng jeep nila sa probinsiya. Kahit matagal siyang hindi nakahawak ng manibela ay alam niyang maayos pa rin siyang magmaneho. Pero ang tinututulan ng puso niya ay ang ihatid si Jayzee sa eskwelahan nito kapag nagkataon. Mas lalo lang manananaig ang inggit sa kanya kung bakit hindi pa rin siya nakakapag-aral hanggang ngayon. Halos magkaedad lang sila pero lumalayo na ang agwat nila sa buhay. Ni hindi niya ito nakakausap tungkol sa mga bagay na maaari nilang maging common interest. Pero katulad ng dati ay wala pa rin siyang nagawa para ipaglaban ang pangarap niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD