Sa ilang araw ang lumipas, hindi kami nagkikibuan ni Nikolai. Oo nga at madalas kaming magkita pero hindi na kagaya noon na kinakausap niya ako.
Well, may time naman na kinakausap niya ako kung may tanong ako. Pero kapag wala, paunahan na lang kaming mapanis ng laway. Hindi ko alam pero nasasaktan ako sa paraan niya. Alam ko naman na mali ako sa part na iniisip kong nakikipagbiruan siya sa akin pero normal na reaksiyon lang naman iyon, hindi ba?
Kagaya ngayon, kasama ko siya sa kuwarto ko. Hindi ko pa kasi talaga kayang maglakad nang matagal dahil nanghihina talaga ako. Parang ilang taon akong natulog kaya hindi ko kayang maglakad. Mabuti na lang talaga ay inaalalayan ako ni Nikolai.
Ngunit nakabibinging katahimikan naman ang yumayakap sa amin at hindi ko alam kung paano ko iyon babasagin. Natatakot kasi ako lalo na at iba talaga ang aura ni Nikolai. Naninibago ako. Mas gusto ko kasi iyong tinititigan niya ako at parang kinakausap niya ako gamit ang kaniyang mga mata. Kaso ano ang nangyari? Sinira ko ang lahat.
Wala pa nga akong ideya kung bakit nawalan ako ng alaala. Dahil sabi niya, soulmate niya raw ako—mate kung tawagin sa mundo nila. Ngunit bakit nga wala akong maalala? Ano ba talaga ang dahilan?
Kapag pilit ko itong tinatanong sa kaniya, hindi niya sinasagot. Minsan ay sinasabi niyang mas mabuting ako raw mismo ang makaalala pero paano? Paano ko maaalala kung pati ako ay naguguluhan?
“Gusto kitang maalala,” bulong ko na alam kong narinig naman niya ako.
Nakapulupot ang bisig niya sa aking bewang at hawak naman niya ang kanang kamay ko para ako ay alalayan. Kaya imposibleng hindi niya narinig kung ano ang lumabas sa aking bibig.
Tahimik rin naman sa garden nila. Walang kahit anong ingay maliban sa pagkanta ng mga ibon. Kagaya nga rin ng sabi niya, may lahi silang wolf. Malakas ang pang-amoy at pangdinig nila. Kaya kahit gaano pa kahina ang boses ko, maririnig ni Nikolai iyon.
Sumasakit na rin kasi ang puso ko. Parang nasasaktan kasi ako sa pakikitungo niya sa akin ngayon. Tapos kapag nagiging sweet sa akin si Nikolai, nandoon ang kilig at parang sobrang saya ko kapag ginagawa niya iyon. Pamilyar din siya sa akin. Ang bilis ko ring naging comfortable sa kaniya. Kaya isa lang ang ibig sabihin, nagsasabi talaga siya nang totoo.
“Huwag mong pilitin kung hindi mo kaya,” mariing wika ni Nikolai bago ako tulungang makaupo.
Hindi ko alam kung bakit nagagawa ni Nikolai na sabihin ang ganoon kung alam naman niyang matagal siyang naghintay. Alam ko ring doble ang pagpipigil ni Nikolai lalo na nang mawalan ako ng malay. Ngunit bakit? Dahil ba nawawalan ako ng lakas?
“Louve,” bulong kong muli na nagpatigil sa kaniya.
Hindi ko alam kung bakit bigla iyong lumabas sa bibig ko. Ngunit Nikolai Louvent Vanderhart naman ang pangalan niya, hindi ba? Ang ganda rin kasing pakinggan ng Louvent. Ang unique ng pangalan niyang iyon. Never kong narinig sa iba. Kaya bakit hindi ko siya tawagin sa pangalan niyang iyon?
“Louvent ang pangalan mo, hindi ba?” tanong ko sa kaniya.
Nang makaupo ako sa damuhan, mabilis naman siyang umayos ng tayo at pumuwesto sa aking tabi. Matiyaga naman akong naghihintay na sagutin niya ang tanong ko pero nanatili naman siyang tahimik.
“Louvent o Louve na lang ang itawag ko sa iyo,” sambit ko nang may ngiti sa aking labi pero napatigil din ako nang biglang may dumaang boses sa utak ko.
“Louve, ano ba?!” natatawang wika nang isang pamilyar na boses. “Nakikiliti ako! Louvent!”
Ipinilig ko naman ang aking ulo dahil sa pagtataka. Bakit bigla na lang may lumitaw na boses sa utak ko? Tapos parang pamilyar pa.
“Nakikinig ka ba?” tanong niya na nagpatigil naman sa akin.
Lumingon naman ako sa aking kanan at napansing nakaupo na rin pala siya sa aking tabi at nakasandal sa katawan ng puno. Napagpasiyahan kasi naming maupo rito kaysa sa gazebo nila.
Mas gusto ko kasi rito sa damuhan. Hindi ko alam. Parang nare-relax kasi ako kapag nandito ako. Kung ikukumpara naman sa gazebo, wala man lang lilim. Nasa gitna kasi iyon ng garden nila at medyo tirik rin ang araw.
Saktong malamig din dito pero wala namang ice. Hindi nga ako sigurado kung uulan ba ng yelo rito pero kung sakali man, sana masilayan ko.
“Sorry,” pahayag ko naman habang nakatitig sa kalahati ng kaniyang mukha.
Walang kung anong peklat ang mukha niya. Wala rin siyang balbas at bigote dahil madalas siyang mag-ahit. Pero bakit ang guwapo pa rin niya? Perpekto ang panga niya. Mapula ang labi niya. Matangos ang ilong. Mahaba ang pilik-mata at makapal ang kilay niya. Wala man lang bang nabaliw sa kaniya?
“Masiyado kang nalulunod sa mga iniisip mo,” komento niya at doon ko lang napansin na nakaharap na pala siya sa akin. Bahagya ring malalim ang kaniyang titig at gumagalaw rin ang kaniyang panga.
Unti-unti namang napaawang ang labi ko sa gulat lalo na nang ngumisi siya sa akin. Napasulyap pa siya sa aking labi kaya ganoon din ang ginagawa ko.
Medyo basa ang labi niya dahil pinadaan niya ang dila niya roon pero halatang malambot. Hindi alam kung bakit iniangat ko ang palad ko para haplusin ang kaniyang pisngi. Pero dahil sa ginawa ko, nawala ang ngisi sa labi niya. Umigting na rin ang kaniyang panga na halatang naaapektuhan din sa aking ginagawa.
“Huwag mong ubusin ang pasensya ko, Hyacinth. Alam mong mawawalan ka na naman ng lakas kung sakaling hindi ko mapigilan ang sarili ko,” paalala niya sa akin pero wala na akong pakialam.
Nauuhaw ako. Nadadala ako sa paraan ng pagtitig niya sa aking mga mata at hindi ko alam kung bakit nagsisimulang mag-react ang aking katawan.
Nahihirapan na rin akong huminga dahil sa bilis ng kabog ng aking puso. Para akong tumakbo nang napakalayo pero hindi naman ako pinagpapawisan.
“Louvent,” mahinang usal ko sa kaniyang pangalan.
Mas lalong dumilim ang kaniyang mga mata at naramdaman ko pa ang kaniyang palad sa aking bewang. Mabigat ang pagkahawak niya roon at parang may halong panggigigil pa. Ngunit hindi man lang ako nasaktan. I want more.
“Hyacinth,” nahihirapang sambit niya sa aking pangalan. “Nagmamakaawa ako. Tumigil ka.”
“Gusto nga kitang maalala,” nasasaktan na paliwanag ko sa kaniya at mabilis hinanap ang kaniyang mga mata. “Naguguluhan ako. Gusto kitang maalala. Sumasakit iyong puso ko sa mga nangyayari. Ayaw ko nang ganito.”
“Pero hindi sa ganitong paraan,” aniya. “Gusto kitang makaalala pero malaki ang epekto sa iyo kung hahalikan kita. Mahigit isang linggo kang nawalan ng malay. Halos mabaliw ako sa tuwing bibisita ako sa silid mo, Hyacinth.”
Bawat bigkas niya sa salita, may halong diin. Halatang pinipigilan niya ang kumakawalang emosyon sa kaniyang boses. Pero ano ba ang magagawa niya kung gusto ko nga siyang maalala? Gusto ko siyang halikan. I’m craving for his lips, for his touch. I wanted to feel him. But how can I do that if we both know that he might suck my strength again?
“Mas lalo mo lang ginugulo ang isip ko kung hindi natin gagawin iyan, Louvent. Gusto kong maalala ang lahat sa pamamagitan ng halik mo.”
Gumalaw ang kaniyang panga sa sobrang inis. “Hyacinth, mas lalo mo lang inuubos ang pasensiya ko.”
“Please,” naiiyak kong sambit. “Ipaalala mo sa akin. Hindi na mahalaga sa akin kahit ilang taon pa akong matulog.”
Ang mahalaga na lang sa akin ay ang malaman ang lahat. Para kahit papaano ay may rason naman ako upang maging masaya. Hindi ko kasi naranasan iyon nang nasa Earth ako dahil sa pressure na nanggagaling sa mga magulang ko. Kaya kung si Louve rin lang ang magpapasaya sa akin, bakit ako matatakot sa pagsugal?