“Ilang oras ba akong nawalan ng malay kahapon?” tanong ko bigla kay Nikolai.
Pumasok kasi siya sa kuwarto ko na may dalang tray. Punong-puno iyon ng pagkain na halos hindi ko alam kung para lamang ba sa akin iyon o para sa aming dalawa? Hindi ko masiguro.
Inilapag niya ang tray sa mesa na may kalayuan mismo sa aking kama. Kagaya ng mesang iyon, may mga gold din iyon. Halatang ipinasadya para sa palasyo nila.
Hindi rin nila ako ginulo kahapon. Baka dahil gusto nilang i-process ko muna ang mga sinabi nila. Hanggang ngayon kasi ay naguguluhan ako kung paano ako nakapunta rito pero mukhang may connection iyon sa liwanag na nakita ko sa sapa noon.
Portal yata iyon kung tawagin. Kasi hindi ko naman naramdaman na nabasa ako noon nang mahulog ako sa liwanag. Parang hinigop lang ako hanggang sa lamunin na nang kadiliman ang aking paningin.
“Oras?” nagtatakang ulit ni Nikolai sa aking sinabi. “Ilang linggo kang nawalan ng malay, Hyacinth.”
“W-what?” Napahawak naman ako nang mahigpit sa comforter na nakabalot sa aking ibabang katawan dahil sa gulat. Nakasandal din ako sa headboard ng kama at pilit kumukuha ng lakas dahil pakiramdam ko ay hinang-hina ako magmula pa kahapon.
Kaya pala ganito ang nararamdaman ko, nawalan pala talaga ako ng lakas dahil ilang linggo akong tulog. f**k! Bakit ba hindi ko iyon napansin?
“Pero bakit ako nawalan ng malay?” nagtatakang tanong ko sa kaniya.
Ang natatandaan ko lang naman ay naghalikan kami ni Nikolai. Kaya paanong ganito ang nangyari?
Nasaksihan ko naman kung paano siya humugot nang malalim na hininga. Kaya napakagat na lamang ako sa aking ibabang labi dahil sa sobrang hiya. Naalala ko kasi ang huli naming ginawa bago mangyari iyon. Kaya sa sobrang kahihiyan ko, nagawa kong ilihis ang aking mga mata. Hindi ko kasi kayang titigan ang mata ni Nikolai dahil parang may nagtutulak sa akin para lapitan siya. Saka inaagaw kasi ng labi ng ang atensyon ko na dapat ay nakatutok lang sana sa mga mata niya.
“Hindi kasi kita puwedeng halikan nang wala kang naaalala,” paliwanag niya sa akin na ikinatigil ko. “Hinihigop ko ang lakas mo.”
Hinihigop?
“Paanong hinihigop? Imposible naman kasing may kapangyarihan ka,” komento ko at napalingon muli sa kaniyang gawi.
Nakita ko naman ang pag-angat ng gilid ng kaniyang labi na para bang may nakatutuwa sa aking sinabi. Ngunit mabilis din iyon nawala at napalitan nang pagseseryoso ang kaniyang mukha.
“Lahat kami may kapangyarihan, Hyacinth. Ang panganay namin ay apoy ang kaniyang kapangyarihan,” paliwanag niya na ikinatigil ko. “Hangin naman ang akin pero maliban doon, may isa akong kakayahan at iyon ay ang higupin ang lakas ng kapares ko lalo na kung wala naman siyang maalala.”
Bigla naman siyang umayos ng kaniyang tayo at sinuklay ang kaniyang buhok gamit ang kaniyang mga daliri. Nanatili rin ang tingin niya sa aking gawi habang ako naman ay pilit iniintindi ang kaniyang sinabi.
Kasi paanong hihigupin niya ang lakas ng kapares niya kung wala naman siyang naaalala? Parang effect ba iyon lalo na kung iyon ang magiging kabayaran ng magagawa niya?
Pero teka, kapares niya?
“Ikaw iyon,” sambit niya bigla na parang nabasa niya ang nasa utak ko. “Kagaya sa mundo mo, may mga kapares, hindi ba?”
Tumango naman ako bilang sagot. Soulmate kung tawagin kasi iyon sa Earth. May iisang tao ang nakalaan sa isang tao. Kahit gaano pa kahirap ang buhay, may iisang tao ang inilaan nang tadhana sa kaniya.
“Mate ang tawag dito sa amin. Ang kinaibahan lang sa mundo mo, kapag nahanap na nang isang Lycan, vampire o werewolf ang kanilang mate, hindi na sila puwedeng maghanap pa nang iba,” saad niya.
Pamilyar ako sa ganitong senaryo. Iilan sa nabasa kong kuwento tungkol sa Lycan o ibang creature ay bawal maghanap nang iba, makaramdam nang pagnanasa o pagmamahal sa ibang creature lalo na kung nagawa na nila ang ritwal ng kaniyang mate.
Kapag kasi nangyari iyon o may kinakasama ang isang nilalang at nagtatalik sila, malaki ang epekto no’n sa mate niya. Possible na ikamatay dahil patuloy siyang sinasaksak at nasasaktan sa tuwing ginagawa ng mate niya sa ibang babae o lalaki.
“Posible na ikamatay dahil literal na nasasaktan talaga ang mate. Kapag kasi nagawa na nila ang ritwal, talagang wala ng ibang paraan para maputol iyon. Nababasa nila ang isip nang isa’t isa lalo na kung nakabukas ito. Kung nasaktan ang isa sa kanila dahil sa pagbugbog o nasaksak, mararamdaman din iyon ng mate niya. Ultimo paghinga at pagkabog ng puso, maririnig nila iyon.”
“Hindi ba naaamoy rin nila ang mate nila kahit gaano kalayo?” paninigurado ko dahil iyon ang natatandaan ko.
Tumango naman siya sa aking isinagot. “Oo. Kasi mas malakas ang koneksyon nila kapag nagawa na nila ang ritwal.”
Ang ritwal na tinutukoy niya ay ang pagsasalo nang magkapares sa iisang lugar. Pakikipagtalik kung tawagin. Kapag kasi nagawa na nila iyon, talagang malakas na ang puwersa at mararamdaman na nila ang isa’t isa.
“Wala bang paraan para matigil ang bagay na bond?” tanong ko sa kaniya. “Kasi sabi mo, kapag nangaliwa ang isa sa kanila, magdudusa ang mate niya.”
“Mayroon pero hindi mabisa. Babawasan lang niya ang sakit na nararamdaman ng mate niya. May ipapainom na gamot sa kaniya para hindi masiyadong masakit o malala ang maramdaman niya sa tuwing nakikipagtalik ang mate niya sa iba,” mahabang sagot niya na ikinatigil ko. “Pero hindi pa rin iyon sapat para maputol ang koneksyon na mayroon sila.”
“So, kapag namatay ang kapares niya sa pagsaksak o pagbugbog, mamamatay rin ang kapares niya?” nalilito kong pahayag.
Sabi kasi niya, iisa lang sila ng nararamdaman. Maliban na lang sa part na makikisiping ang isa sa mag-mate sa ibang nilalang dahil ang mapupuruhan dito ay ang walang ibang ginawang masama kung hindi ay mahalin siya.
“Ganoon na nga. Walang paraan para maputol ang koneksyon. Maliban na lamang kung pagbibigyan sila ng Diyosa ng Buwan.”
Ang Diyosa ng Buwan ay ang kanilang sinasamba. Kagaya sa Earth, may mga iba’t ibang sinasamba rin ang mga tao at may iilan ding hindi naniniwala sa sinasamba nila. Ganoon din sa kanila. Nabanggit kasi iyon sa mga nabasa kong libro na ang sinasamba nila ay ang Diyosa ng Buwan. Siya kasi ang nagbibigay ng mate ng mga creature o mas kilala siya bilang Diyosa at Tadhana sa pag-ibig.
Kaya kung sakali man na siya lang ang makapagpapatanggal ng bond ng isang pares, ibig sabihin lang no’n ay hindi niya binasbasan ang mga iyon. Kagaya rin sa mundo ko, sa Earth. May isang tao na aakalain mong soulmate mo pero hindi pala.
“Kumain ka na. Huwag mong piliting intindihin ang sinabi ko,” pag-aaya niya sa akin at mabilis akong nilapitan.
Napalunok naman ako ng aking laway lalo na nang tulungan niya akong makatayo. Ngunit kalaunan ay napangiwi ako dahil hindi ko talaga kaya.
Literal na wala talaga akong lakas para maglakad. Nanginginig pa ang mga hita ko habang nakatingin sa sahig. Nakapulupot kasi ang bisig ni Nikolai sa bewang ko at malapit din ako sa kaniyang katawan. Ramdam ko tuloy ang init ng katawan niya.
May kung anong kiliti rin ang namuo sa aking puson. Hindi ko alam kung dahil ba ngayon ko lang hinayaan ang isang lalaki na hawakan ako o dahil ba may epekto talaga sa akin si Nikolai?
“Tangina!” malutong na mura niya. Kaya kinagat ko na lamang ang aking ibabang labi.