“Bakit ang lalim ng mga salita niyo?” bulalas ko bigla nang wala akong maintindihan.
Marunong naman akong magsalita nang Tagalog, pero mas marami talaga ang English. Nasanay kasi ako no’n lalo pa at namulat ako sa mundo ng mga magulang ko, ang business. Madalas kapag nakikipag-usap, puro English. Madalang lang ang Tagalog. Kaya talagang mababaw lang ang vocabulary ko sa Tagalog.
Ngunit ngayon, mukhang mapapasabak yata ako. Nagsasalita naman kasi sila nang English pero kapag nagagalit na sila. May accent nga rin ang English nila, halatang foreigner ang dating.
“Malalim? Hindi naman malalim ’yon,” paliwanag sa akin ni Louvent.
Napangiwi naman ako lalo na nang maging formal na ang boses niya. Ibang-iba sa nakasanayan kong Tagalog. Madalas ba naman kapag nakikipag-usap ako noon nang Tagalog sa mga kaklase ko o kahit sa boss ko, may halong English. Iyong kanila? Wala. Diretso at minsan formal pa o sobrang lalim.
“Parang mga sinaunang tao kayo sa mundo ko,” komento ko na ikinangisi niya.
“Paano ba magsalita ang mga sinaunang tao sa inyo?” kuryusong tanong nito sa akin.
Napanguso naman ako dahil nahimigan ko pa ang paghamon niya. Parang gusto niyang subukan kung ano nga ba ang natutunan ko noong nag-aaral ako.
Ang problema, hindi naman ako magaling sa Filipino. Ayaw na ayaw ko ang subject na ’yon. Ang hirap kasing intindihin! Mas gusto ko pa ang English na subject. At least, aayusin lang ang grammar o hindi kaya ay mas madaling intindihin ang ibang term lalo na kapag malalim.
Kapag sa Filipino? Ang dami. Pati mga Espanyol, madadamay. Kung paano nila patayin ang mga Pilipino no’n dahil sa digmaan o hindi kaya ay pahirapan. Kaya sa tuwing naririnig ko ang subject na Filipino, hindi ako nakikinig. Kinikilabutan kasi ako kapag naririnig ko ang salitang digmaan. Parang may kakaiba akong nararamdaman na hindi ko maipaliwanag.
“Hindi ko alam. Ngunit kapag nagbabasa ako dati ng libro lalo na at kailangan ’yon sa pag-aaral ko, naiiyak ako kasi ang lalim,” pagkukuwento ko na ikinatawa naman niya. Napairap naman ako sa naging reaksyon niya dahil tuwang-tuwa pa talaga sa paghihirap ko no’n. Hinampas ko tuloy ang kaniyang braso at pinanglakihan pa ng aking mga mata. Wala naman kasing nakatutuwa pero sobrang genuine ng tawa niya?
“Bakit?” tanong niya sa akin. “Hindi naman kita inaasar.”
“Anong hindi? Tumatawa ka kahit walang nakatutuwa,” masungit na sagot ko. “Ginagago mo ba ako?”
Bigla namang nawala ang ngiti sa kaniyang labi at napalitan ng pagseseryoso. Hindi ko alam, pero tinaasan ko lamang siya ng kilay dahil halatang hindi niya nagustuhan ang binitawan kong salita. Nagmura ba naman ako. Talagang magbabago ang mood niya.
“Iba talaga ang tabas ng dila mo kapag napipikon,” sambit niya.
“Pinupuri mo ba ako o nilalait?” dagdag ko pa, pero umiling lamang siya bilang sagot. Parang pagod na sa biglaan kong pagsusungit.
Well, hindi niya ako masisisi. Inisin ba naman niya ako tapos aakto siyang ganito? Manigas siya. Hindi ako magpapatalo.
Ilang oras na rin ang lumipas nang matapos ang halikan namin. Ang nakapagtataka lang ay hindi ako nawalan ng malay. Pakiramdam ko ay bumalik pa nga ang lakas ko kanina. Kaya ang weird. Super weird.
Sabi niya, mawawalan ako ng malay dahil wala naman akong maalala tapos nakipaghalikan pa ako sa kaniya. Pero bakit ganito?
Kung tutuusin ay dapat akong magpasalamat. Subalit alam ko namang nagtataka talaga si Louvent kung ano ang nangyari. Pilit niya lang ’yon hindi pinapansin nang sa gayon ay hindi ako ma-stress.
“Magandang tanghali po, Prinsipe Nikolai.”
“s**t!” mura ko nang mapatalon ako sa gulat.
Habang nagbabangayan kasi kami, biglang lumitaw ang isang royal guard sa aking tabi na may kasamang maid. Ang malala pa ay hindi ko man lang narinig ang paglalakad nila. Kaya halos panawan na ako ng ulirat dahil sa biglaan nilang pagsasalita.
Napahawak pa ako sa aking dibdib dahil parang gustong kumawala ng puso ko sa nangyari. f*****g hell! Madalas bang manggulat ang mga kagaya nila?
Mabilis namang humingi ng tawad ang dalawang bagong dating habang si Louvent naman, dinaluhan ako. Kaya para hindi makonsensya ang royal guard at ang maid, ngumiti lang ako sa kanila at kinayawan. Baka kasi kung ano pa ang maging punishment nila. Magiging kasalanan ko pa kung sakali.
“Ayos ka lang?” tanong sa akin ni Louvent.
Napalingon naman ako sa kaniya at kita ko sa mga mata niya ang pag-aalala. Kaya napatango na lamang ako bilang sagot.
“Nagulat lang. Hindi ko kasi narinig ang kanilang yabag nila,” paliwanag ko.
Kung sila ay sensitive ang tainga at ilong para marinig ang lahat, ako hindi. Una sa lahat, hindi naman ako kagaya nila na taong lobo. Wala rin akong kapangyarihan para maging makipagsabayan sa kanila. Ang tanging alam ko lamang ay kumain o magsulat lamang ng kuwento. Kaya ang mga ganitong maliliit na bagay, nagugulat na ako. Mas gusto ko kasi ang tahimik kaysa ang maingay.
Napahugot naman nang malalim si Louvent at mabilis na lumingon sa mga bagong dating. Seryoso na ang kaniyang mukha at hindi na makitaan ng emosyon. Kaya mas lalo akong napangiwi. Mukhang hindi talaga siya ang lalaking handang ipakita ang emosyon niya sa iba maliban sa taong mahalaga sa kaniya.
“Bakit kayo nandito?” malamig na tanong niya.
“Nandito po kami para ihatid ang inyong pagkain, aming prinsipe. Inutusan ho kasi kami ng Haring Caelum na dalhan kayo ng pagkain dahil hindi na raw po kayo dumating sa hapag,” paliwanag ng maid na nagpatigil sa akin.
Tanghalian na?
Bakit hindi ko man lang napansin ang oras sa tuwing kasama ko si Louve? Goodness gracious! Kaya pala tumutunog ang tiyan ko kanina. Akala ko ay nagrereklamo lang dahil marami akong kinain kanina.
“May dala ho kaming banig kung sakaling gugustuhin niyong kumain dito,” ani ng royal guard. “Puwede ko rin pong sabihan ang ilang katulong para ihanda po ulit ang hapag.”
“Hindi na,” pigil ni Louvent sa kaniya bago ko maramdaman ang kaniyang mga mata sa aking gawi. Napalingon naman ako sa kaniya at kaagad na nakasalubong ang mainit niyang titig. “Dito na lang kami kakain. Mas gusto ni Hyacinth dito.”
Pinigilan ko namang mamangha lalo na nang tumayo siya at kinuha ang mga gamit na dala ng dalawa. Hindi ko alam kung bakit nakaramdam ako ng saya lalo na nang sabihin niya ang bagay na iyon.
Gusto ko kasi talaga rito. Tahimik at maganda ang simoy ng hangin. Ngunit nagugulat ako dahil simpleng bagay lang ay napagtutuunan na niya ng pansin.
Matapos ayusin ni Louvent ang banig sa damuhan, mabilis niyang inayos ang mga pagkain para ihain. Nag-picnic tuloy kami nang wala sa oras ngayon sa garden. Wala ito sa plano pero natutuwa ako ngayong nakikita ko kung paano siya mag-effort. Napapaisip tuloy ako kung ganito rin ba siya noon o hindi?
“Hyacinth.”
Napatigil naman ako sa pag-iisip nang bigla niyang tawagin ang pangalan ko. Nakatingin na siya sa akin ngayon dahil tapos na siya sa pag-aayos ng pagkain. Medyo nagulat pa ako dahil sobrang dami pala ng dala ng dalawa kanina. Hindi ko man lang napagtuunan ng pansin.
“Kain na tayo,” aya niya sa akin bago tumayo. Hindi naman siya malayo sa akin. Kaya ko rin namang maglakad papunta roon. Ngunit lumapit pa rin siya sa akin para tulungan akong makatayo.
“Hindi naman na kailangan,” bulong ko nang ipulupot niya ang kaniyang bisig sa aking bewang. “Kaya ko naman.”
“Huwag kang magsinungaling. Labas sa ilong ang pagkasabi mo,” sita niya sa akin.