“Nikolai,” tawag nang isang pamilyar na boses habang palabas kami ni Louvent sa palasyo.
Sa mga nakaraang araw, medyo nakapag-adjust na rin ako sa mundo nila. Nalaman ko rin na may bansa talagang nakalaan lamang sa Lycan, werewolf, mermaid, mage, vampire o hindi kaya ay fairies. Kagaya na lamang sa Earth. May Asia, Europe, Africa, Oceana, North America o South America. Kung baga may mga continent. Bawat creature na nabanggit ko, may sarili silang continent. Kaya habang pinapakinggan ko ang paliwanag nila noon tungkol doon, napapaisip ako na sobrang lawak pala talaga ng mundo nila.
Wala rin silang ideya kung ano ang tawag sa mundo nila pero sa mismong continent ng mga werewolf at Lycans, Kósmos Lykanthrópon ang gamit nila. Kung hindi ako nagkakamali, Kósmos na word ay ibig sabihin naman nito ay mundo or world sa English. Ang Lykanthrópon naman ay nanggaling sa word na Lycanthrope o sa English ay werewolf. Kaya kung ita-translate ang lahat, ibig sabihin ay Lycanthrope world.
“Saan kayo pupunta?” tanong nito sa amin na nagpakunot naman ng aking noo.
Halata sa boses niya na kinakabahan ito pero hindi ko matukoy kung ano ang kaniyang dahilan. Ngunit imbis na magtanong, hinayaan ko na lamang silang mag-usap.
“Mahal na hari,” bati ni Louvent bigla na nagpalingon sa akin bigla sa kaniya. Nakita ko na kaagad na nakaluhod siya at bahagyang nakayuko ang kaniyang ulo. Ultimo ang kaniyang kanang kamay ay nasa kaniyang dibdib.
Nang mapalingon muli ako sa bagong dating, biglang sumagi sa aking isipan na siya nga pala iyong leader nila. Iyong Alpha ng buong lugar na ito. s**t! Hindi kasi kami madalas magkita kahit na sa hapag. Minsan kasi ay wala siya o hindi kaya ay may pinuntahan. Kaya nawala na sa isip ko ang mukha niya.
Dagli akong lumuhod pero napigilan ako kaagad ng kapatid ni Louvent sa pamamagitan ng kaniyang paghawak sa aking braso.
“Hindi na kailangan,” pigil nito sa akin.
“Pero kung kapares ko si Louvent, hindi ba magbibigay galang din ako sa iyo dahil ikaw ang pinuno nila?” paalala ko. Kaya mabilis akong lumuhod kahit na ayaw niya. Nabitawan pa nga niya ang braso para hayaan ako sa aking gusto.
Tama naman kasi ang ginawa ko, hindi ba? Dapat ay magbigay ako ng galang sa pinuno nila. Kung hindi rin naman dahil sa kaniya, baka kung saan na ako pupulutin.
“Tumayo kayo,” utos ng hari sa amin. Kaya mabilis naman kaming tumayo. Tinulungan pa nga ako ni Louvent kaya napalingon ako sa kaniya.
Nang makita kong nakatingin siya sa akin, bigla naman akong nahiya. Kaya inilihis ko na lamang ang aking mga mata dahil halos manindig din ang balahibo ko sa init ng kaniyang titig sa akin.
Iba pala kasi talaga ang epekto kapag mate ko na ang tumititig sa akin. May kakaiba. Kahit na hindi ganoon kalalim ang bond namin, nandoon pa rin ang lahat.
“Saan kayo patungo, Nikolai?” tanong bigla ng hari sa amin.
“Balak namin sanang magtungo sa bayan, mahal kong hari,” paliwanag ni Louvent habang hawak ang aking kamay. Pinagsaklop pa nga niya ’yon. Kaya halos masuka ako ngayon sa nararamdaman ko dahil hiyang-hiya at ninenerbyos ako.
Ang clingy kasi niya! Nasa harapan pa namin ang hari pero kung umasta siya ay akala naman niya, kami lang ang nandito ngayon. Hindi naman sa ikinakahiya ko siya. Pero iyong ganito na nasa harapan namin ang hari na kapatid din niya, hindi ba siya mahihiya?
“Hindi kayo maaaring magtungo roon, Nikolai. May mga namataan na kalaban ang kawal natin sa may sapa na may kalayuan sa bayan,” pahayag nito.
Napasinghap naman ako sa gulat. Wala kasi akong ideya na may kalaban sila. Kaya paanong nangyari ang bagay na ’yon? Ano ang nangyayari?
“Kalaban?” nalilitong wika niya Louvent. “Maaari ko bang malaman kung anong kalaban ang tinutukoy mo, mahal na hari?”
“Mga bampira,” mahinang usal niya.
Napahilamos naman si Louvent ng kaniyang mukha nang maupo ako sa ilalim ng puno. Nasa garden na naman kami at bahagyang nakasandal ang aking likod sa katawan ng puno.
Gumulo rin sa isip ko na kalaban pala ang turing nila sa mga vampire. Medyo naguguluhan ako kung bakit. Wala naman akong matandaan na may kalaban sila dahil hindi nila nabanggit iyon. Kaya ngayong narinig ko ang balitang ’yon, may mga tanong na naman sa isipan ko ngayon.
Magmula rin nang makausap kami ng hari, hindi na gaanong nagsasalita si Louvent. Parang malalim pa rin ang iniisip niya. Kahit gusto ko siyang tanungin, walang lumalabas sa bibig ko dahil sa sobrang takot.
Mabigat kasi ang aura ni Louvent. Kanina pa nagbabago ang kulay ng buhok niya. Kasi kung kanina na itim, may iilang hibla ng buhok niya ang nagiging puti. Ngunit kapag napapalingon siya sa aking gawi, nagiging itim na naman ang kaniyang buhok. Hindi ko alam kung dahil ba kumakalma siya o nadi-distract siya kapag nagtatama ang mga mata namin?
Ngunit kahit na ganoon, nagpapasalamat pa rin ako. Kahit papaano kasi ay malaki ang epekto ko kay Louvent. Kahit hindi pa ganoon kalalim ang ugnayan namin, kita ko sa mga mata niya ang mga emosyon.
“Alam kong naguguluhan ka na ngayon, Hyacinth,” sambit niya bago lumingon sa akin. “Kahit hindi ko nababasa ang isip mo ngayon, halata sa aura mo.”
Alanganin naman akong napangiti dahil hindi ko talaga kayang itago ang lahat. Kung magsisinungaling naman ako, malalaman niya. Labas sa ilong ba naman kung magsalita ako. Kaya para saan pa ang pagsisinungaling ko kung hindi rin lang naman niya hahayaang ang bagay na ’yon?
“Wala kasi akong alam sa nangyayari. Hindi ko alam kung bakit kalaban ang turing niyo sa mga bampira,” paliwanag ko sa kaniya.
Napaangat naman ang kaniyang kilay sa aking pagpapaliwanag at namaywang pa sa aking harapan. Napangiwi tuloy ako dahil nagsisimula na namang bumigat ang kaniyang aura.
Hindi ko talaga kasi mabasa ang ugali ni Louvent. Madalas kasi ay sweet siya pero kalaunan, bigla na lamang siyang magseseryoso o hindi kaya ay aatakihin nang pagiging masungit niya.
“Ayaw kong sabihin,” malamig na usal niya na nagpaawang ng aking labi.
Bakit pa niya ako tinanong kung hindi rin lang naman niya sasabihin sa akin kung ano ba talaga ang nangyayari?
“Ang gulo mo, Louvent!” inis na komento ko pero umiling lamang siya.
“Huwag mong isipin ang mga nilalang na ’yon,” utos niya sa akin.
Imbis na pakalmahin sana ako at tanggalin ang mga bumabagabag sa isip ko, mas lalo pa yatang dadami dahil sa ginagawa niya. Akala ko pa man din ay ang mga babae ang mahirap intindihin pero bakit parang mga lalaki yata?
“Paanong hindi ko iisipin kung kalaban ang turing niyo sa kanila?” tanong ko sa kaniya.
“Mas lalo ka ngang maguguluhan kapag sinabi ko, Hyacinth. Kaya ang tanging masasabi ko lamang ay huwag mong pipilitin ang sarili mo na makialam sa ganoong bagay dahil delikado para sa iyo,” paglalahad niya ng kaniyang damdamin.
Umiling ako at napilitang tumayo na lamang. Inilihis ko pa ang aking mga mata dahil sa pagkapikon sa kaniya ngunit mas lalo lamang sumama ang timpla ng kaniyang aura.
Kung ayaw niyang sabihin sa akin, sana hindi na lang ipinarinig, hindi ba?
Parang mas gusto ko tuloy kausapin ang mahal na hari. Gusto kong magtanong sa kaniya. Kaysa naman iyong magtatanong ako kay Louvent dahil halatang nag-aalala siya pero hindi niya naman sasagutin.
“Mas mabuti pang kausapin ko na lang ang mahal na hari,” bulong ko at sapat na iyon para marinig niya. Wala rin naman akong intensyon na lakasan iyon dahil baka kung sino pa ang makarinig sa pagtatalo namin ni Louvent.
“Subukan mo, Hyacinth. Gagawin natin ang ritwal sa iyong silid hanggang sa hindi ka na makalakad,” babala nito na ikinatigil ko.