ELYSIA’S POV
Ilang beses pa akong pinilit ni Miriam para sumama ngunit naging matigas ang aking binitawan na salita at hindi sumama, sa halip ay naghanap na lang ako ng mga online job posts sa iba’t ibang job sites dahil hindi pa naman ako makapunta ng Manila. Pakiramdam ko ay hindi pa kaya ng katawan ko ang sumabak sa pangmatagalang trabaho. Sumama lang naman ako sa kanila isang beses dahil naakit ako sa laki ng ibabayad pero hindi ko inaasahan na sa isang beses kong pagsama sa kanila ay maibibigay ko sa isang estranghero ang aking iniingat-ingatan.
Nakapagtapos naman ako ng vocational kaya kahit papaano ay may mahahanap akong ibang trabaho. Naging mas mapili ako sa paghahanap ng trabaho at hangga’t maaari ay hindi muna ako papasok sa call center dahil iniiwasan ko ang magpuyat.
Kung anong kompanya ang aking matipuhan ay doon ako nagpapadala ng aking resume kahit pa alam kong yung iba ay may mataas na standard kagaya ng pagiging receptionist, accounting staff pati na rin ang casino dealer kahit na wala akong alam kung paano ang trabaho ng mga ito. Basta nakita kong hiring ay nagpasa na lang ako ng pasa. Hindi naman sa ipagyayabang ay may itsura rin naman ako. Sabi ni Lola noon, bagamat hindi ko kamukha si Mama na naging Bb. Sta Ignacia noong araw ay malamang nakuha ko ang aking ganda sa aking ama kung kaya may lakas ako ng loob na magpasa ng aking resume sa kahit anong trabaho na aking matipuhan. Sa kabilang banda ay napapatingin din ako sa mga hiring sa ibang bansa at nag-iisip kung subukan ko naman mag-abroad kapag naging mas stable na ang katawan ko.
Tatlong araw ang nakalipas ay muli akong inaya ni Miriam na sumama sa pag-cacatering.
“Ely, sumama ka na sa amin. Kulang kami sa tao,” panghihimok sa akin ni Miriam.
“Ayoko nga, I am not feeling well. Hindi pa ganoon kaayos ang katawan ko,” pagrarason ko.
“Sus. Dalawang linggo ka ng tambay dito, may budget ka pa ba? Baka wala na, sumama ka na kasi.”
“Sabi ko na ngang ayoko. Ang hirap ng trabaho niyo no, kayo na lang, iba na lang ang yayain niyo,” sabi ko kahit na sa totoo lang ay napakadali lang naman sa akin ang trabaho at sanay ako sa puyatan.
Napasimangot ito na parang namomroblema dahil sa aking pagtanggi.
“Sino naman kaya ang mayayaya ko nito?” tanong nito.
Tahimik na lang ako at hindi na sumagot pa. Sa halip ay muli ko na naman inabala ang aking mata sa panonood sa aking laptop habang nanonood ng kdrama. Sandali lang ay dumating si Gaway na may dalang plastic ng bananaque.
“Anong meron?” tanong nitong nakangiti saka inilapag sa ibabaw ng kawayang lamesa ang kanyang dala. Inialok niya iyon sa amin kaya wala akong hiya-hiyang kumuha ng isang stick.
“Ikaw na nga ang kumausap sa kanya, Gaway. Pilitin mo siyang sumama sa atin sa pag-cacatering. Ang sabi ni Madam Beth, kapag sinama raw natin si Elysia ay bibigyan tayo ng extra tip kaya kausapin mo na iyan. Sayang sa pandagdag ng ipon natin,” sabi ni Miriam. Kumuha ito ng isang stick ng bananaque saka umalis.
“Psst, sure ka ayaw mong sumama? Sayang naman ang kita kesa nandito ka lang sa bahay. Teka, magkano nga pala ang kinita mo noong nakaraan? Maliit ba kaya ayaw mo ng bumalik?” sunod-sunod na tanong sa akin ni Gaway habang ngumunguya ng saging.
“Hindi naman maliit, ayaw ko lang,” sagot ko at hindi ko na binanggit pa kung magkano ang sinahod ko noon. Alam kong ang sampung libong naging sahod ko noong nakaraan ay kapalit ng isang gabing aming pinagsaluhan ng mayamang lalaking si Xavier.
Xavier Jaxon Romanov.
Hindi ko inakala na ang lalaking iyon ay napakayaman talaga at ang isang katulad niyang higit pa sa bilyon ang yaman ay magkakainteres sa akin at makakasalo ko sa isang mainit na sandali.
“Naalala ko nga pala. May lalaking laging naghahanap sa iyo lagi. Nakatatlong event na kami pero lahat iyon dumadalo siya tapos lagi ka niyang hinahanap. Kilala mo ba iyon? May friend ka ng alta?” tanong sa akin ni Gaway.
Natigilan ako sa pagnguya.
Bumilis ang t***k ng aking puso.
Hindi man nito banggitin ang kanyang pangalan ay alam kong siya lang naman ang naghahanap sa akin dahil siya lang naman ang nakausap ko ng gabing iyon.
“Friend? Hindi ko iyon kaibigan. Baka yung nakausap ko lang noong party, may tinanong lang. Bakit, ano bang sabi niya sa iyo?” paliwanag at tanong ko kay Gaway.
“Hinahanap ka lang niya.”
“Tapos? Anong sabi mo?”
“Sinabi kong nasa bahay ka.”
“Binanggit mo ba ang address natin?” tanong ko sa kanya na tila naalerto ang aking utak. Hindi ko alam pero bigla akong kinabahan sa kung ano ang kanyang isinagot.
“Hmm, hindi ko maalala kung nasabi ko sa kanya pero parang,” nag-aalangang sagot ni Gaway na parang iniisip ang kanyang naisagot.
Habang kinakabahan sa takbo ng aming pag-uusap ay bumalik naman si Miriam.
“Ely, may delivery para sa iyo. Puntahan mo na sa kalsada,” anito sa akin. Napakunot ang aking noo dahil wala naman akong inorder sa kahit anong shopping apps ay nagtitipid din ako.
At dahil nasa likod bahay kami ay nagmamadali akong naglakad para puntahan ang sinabi ni Miriam, nahihiya kasi ako sa delivery rider dahil sobrang maalinsangan ang panahon at ayaw kong paghintayin
.
Isang kotse ang nakaparada sa tapat ng aming bahay at may nakatayong isang babae sa gilid.
“Kayo po ba si Ma’am Elysia?” tanong sa akin ng babae.
“Ako nga po.”
Pagkasagot ko ay binuksan nito ang likod ng kotse at saka ibinigay sa akin ang isang malaking bouquet ng bulaklak na may pinaghalong pink carnation, pink roses at lavender. Halos matabunan na ang aking mukha at medyo mabigat iyon dahil sa dami ng bulaklak na kung bibilangin siguro ay lalagpas sa singkwenta.
“Teka, ate. Kanino po ito galing?” takang tanong ko rito.
“Kay Mister Xavier po. Pahanap na lang po ang letter na kasama ng bouquet, nakasuksok po sa bulaklak.” Pagkasabi ay umalis na ang mga ito habang ako ay naiwang natutulala.
Pagkabanggit pa lang ng babae ng kanyang pangalan ay muli na naman naghurumentado ang aking puso.
Pumasok ako sa loob ng bahay upang hanapin ang sulat na kalakip ng malaking bugkos na bulaklak mula sa estrangherong si Xavier.
“Taray, may pa-flowers. Kanino galing? Pa-picture nga, pang myday lang,” sabi ni Gaway saka umupo at ipinatong sa kanyang kandungan ang bulaklak habang ako naman ay abala sa pagbuklat ng maliit na liham at iyon ay binasa.
“You are the memory that refuses to fade.”
-Xavier
Magpahanggang ngayon ay para akong nasa ulap habang tinitingnan ang magandang bulaklak na nasa aking harapan kahit na ilang oras na ang nakalipas buhat ng ito’y aking matanggap.
Isa lamang akong simpleng babae ngunit parang bumaba sa lupa ang isang Diyos mula sa langit para lang sa akin.
Walang paglagyan ang kilig, saya at tuwa na aking nadarama na kahit na sa aking pagtulog ay katabi ko ang bulaklak na ibinigay ni Xavier.