chapter 6

1761 Words
Habang nagkakagulo sa paligid at nagliliparan ang mga kung anu-ano ay may pagtatalo namang nagaganap sa isip ko, kung aalis ba ako o hihintayin pa rin iyong hindi ko kilalang ka-meet-up. Wala pang thirty minutes, hindi pa lumagpas ang palugit ko. May fifteen minutes pa, maghihintay na lang ako—. "Eeeeh?!" pumiyok kong bulalas nang biglang may maliit na mga kamay na humawak sa binti ko. Sunud-sunod akong napamura sa gulat at muntikan pang nabitiwan ang basong hawak. Nang makahuma ay nanggilalas akong napatingin sa paanan ko at para akong tinulos sa kinauupuan nang sumalubong sa'kin ang asul na mga mata ng isang batang babae. Nakasabit sa leeg niya ang strap ng isang malaking feeding bottle habang nakangiting nakatingala sa'kin. "M-mommy!" inosenteng tawag sa'kin ng bata habang bilog na bilog ang mga nangingislap na mga matang. Nakaluhod siya sa sahig at mukhang pagapang na nakarating sa paanan ko. Naligaw yata ang bata at ngayon ay tinatawag na akong mommy habang nakahawak ang dalawa niyang maliliit na kamay sa binti ko, tila kumukuha ng balanse at buwelo upang tumayo. "Pusang gala! Kaninong anak ka?" patili kong tanong na nilunod lang ng magulong ingay sa paligid. Hindi ako makagalaw sa kinauupuan ko, kahit nga iyong pagkaka-de-kwatro ng mga binti ko ay hindi mabago lalo na at nakakapit doon ang chanak— este bata na sa tantiya ko ay three years old yata! "Mommy!" pag-uulit ng bata. Nangingislap pa ang mga mata na tila ba tuwang-tuwa na nakita ako. Ang cute niya sana, sarap niyang ibulsa tapos iuwi, pero hindi ako pwedeng mag-smuggle ng isang bata palabas ng bansang ito! Turista lang ako rito, may death penalty sa bansang ito! Hindi rin sakop ng illegal naming mga negosyo ang human trafficking at child crimes! Pero ang tanong ay kung paanong may isang bata sa ganitong lugar? Anong klaseng mga magulang ang magdadala ng bata sa isang club? Tsaka imposible nagpapasok din ng bata ang ganitong establishment sa bansang ito. Pero bago ang lahat ay kailangan ko munang mag-isip kung ano ang gagawin dito sa batang natagpuan ko— mali, hindi ko ito natagpuan, siya iyong nakatagpo sa'kin! Painom-inom lang naman ako rito habang naghihintay sa ka-meet-up ko nang biglang dumating ang paslit na ito! Hindi pa man ako nakapag-isip nang maayos ay biglang sunud-sunod na putok ang umalingawngaw sa paligid. Maliksi akong kumilos sabay buhat ng bata mula sa sahig at tago sa likuran ng bar counter. "Where's daddy?" bigla ay tanong ng batang yakap-yakap ko. Sa tingin ba niya ay hanapan ako ng nawawala niyang ama? "Help Daddy..." kausap pa niya sa'kin habang namumula ang mga mata sa pagpipigil na maiyak. Mukhang hindi naman siya natakot dahil sa mga putok, mas lamang iyong nag-alala siya para sa walang kwenta niyang ama! "Don't cry," babala ko sa kanya. Sinamahan ko pa ng pandidilat upang matakot. "If you cry, the bad guys will get you!" pananakot ko pa. Nanlaki ang mga mata niya at sunud-sunod na tumango sa'kin. Bigla ay parang may kumurot sa puso ko dahil sa inosente niyang mukha na sa kabila ng batang edad ay pilit na nagtapang-tapangan. Parang gusto ko itong ampunin, ako na lang ang magpapalaki sa batang ito, tutal mukhang irresponsible naman ang mga magulang nito. "What's your name, baby?" tanong ko sa kanya gamit ang malumanay kong boses. Nakonsensya ako bigla sa ginawa kong pananakot sa kanya. "My name is Chailyn," sagot ng bata. Matapos sumagot ay dumede pa siya sa feeding bottle na nakasabit ang strap sa kanya leeg. "Gatas pa ang iniinom mo, pero napadpad ka na sa lugar na 'to," hindi ko napigilang pahayag. "Kapag nakita ko iyang mga magulang mo. Makakatikim sa'kin ang mga iyon." Habang tumatagal na napatitig ako sa bilugang mukha ng cute na bata ay mas lumalala ang gigil ko, gusto kong manakit! Hindi safe para sa isang bata lalo na babae ang mapabayaan sa ganitong lugar. Nasa tabi-tabi lang iyong mga halang ang kaluluwa. Hindi naman ako matatawag na mabuting tao, pero may mas malala pa sa'kin! Habang nagsasalita ako ay titig na titig sa'kin ang bata. Kung hindi lang asul ang mga mata nito at halatang may ibang lahi ay iisipin ko talagang naiintindihan nito ang mga pinagsasabi ko. "Okay, Chailyn, be a good girl, I'm getting you out of here," kausap ko sa bata. Kung kanina ay balak kong maghintay pa ng ilang minuto para sa ka-meet-up ko, ngayon ay mas gusto ko nang umalis upang mailigtas sa gulo ang batang kasama. "Noooo!" seryoso tutol ng batang karga ko. Nagpumiglas pa ito mula sa pagkakahawak ko. "My Daddy is there," patuloy niyang hiyaw habang nakaturo sa second floor ng club. "We can't leave him!" Natigilan naman akong napatitig sa seryoso niyang mukha bago tinuon ang tingin sa direksiyon ng kaguluhan. Iniisip ko na baka modus itong napasukan ko, at ang batang ito ang pain upang mabitag ako. Pero sa ayos ng bata at kutis nito ay hindi naman ito mukhang sangkot sa anumang pandurugas. Malinaw na galing sa mayamang pamilya ang bata, mula ulo hanggang paa pati ang hawak nitong feeding bottle ay may tatak ng kilalang luxury brand. Mas kapani-paniwala kung biktima ito ng kidnapping at iyong kaguluhan sa itaas ay dahil sa pumalpak na negosasyon ng dalawang panig. "Mommy, please let's go to Daddy," muli ay kausap sa'kin ng bata na pumutol sa mga iniisip ko. Hindi ko na naitama ang tawag niya sa'kin dahil nahagip ng tingin ko ang isang lalaki mula sa itaas na nakatutok ang baril sa direksiyon namin. Mabilis akong gumulong paiwas sa sunud-sunod na putok na pinuntirya sa'min habang maingat na yakap-yakap ang bata. Napamura ulit ako nang maalalang wala akong dalang baril. Nang masigurong ligtas na ulit kaming natatakpan ng counter mula sa attacker sa taas ay chineck ko ang kasamang bata. "Are you okay?" kausap ko sa bata. Hindi ko mapigilang mas mag-alala lalo na at hindi man lang ito sumigaw o umiyak dahil sa takot. Baka dahil sa sobrang trauma ay natulala na ito. Ang mas malala ay kung baka natamaan ito kaya hindi na nagsasalita. Pero nabawasan naman ang pag-alala ko nang masigurong wala itong tama. Magaling naman ang personal therapist ng pinsan kong si Ate Florae kaya hindi ko na muna poproblemahing masyado ang tungkol sa trauma ng bata. "Are you hurt, Mommy?" tanong sa'kin ni Chailyn na nagpahinto sa ginagawa kong pag-check sa kanya. "N-no, I'm okay... We're just playing." Pinagsigla ko pa ang boses upang pagaanin ang sitwasyon at hindi ito matakot "With the bad guys?" kunot-noo niyang tanong. "No, we can't play with them. They're going to hurt my Daddy," seryoso pa nitong dugtong. Sa reaksiyon nito ay mukhang nakagisnan na nito ang magulong buhay. Kung anu-anong hindi magandang senaryo ang nabubuo sa utak ko. Dalawa lang ang naiisip kong dahilan kung bakit mukhang sanay na ang bata na makarinig ng putukan at makasaksi ng kaguluhan. Una ay katulad ko itong lumaki sa pamilyang may ugnayan sa malaking sindikato at maraming kalaban. Pangalawa ay biktima ito ng sindikato. Bahagyang nanginig ang mga kamay ko nang marahan kong hawakan ang braso ng bata upang tingnan kung mayroon bang kahit konting senyales ng pang-aabuso. Mulat ako sa lahat ng uri ng mga demonyo, at alam kong ang ilan sa kanila ay hindi pinalalagpas kahit ang mga sanggol. May kung anong takot na umusbong sa puso ko, para sa nakaamba kong matutuklasan. Nakasuot ng pares ng mamahaling pajamas si Chailyn, wala akong nakitang kahit na ano sa braso nito. Inipon ko lahat ng lakas ng loob ko upang tingnan ang tiyan nito. Akmang itataas ko ang damit nito nang mahagip ng maramdaman kong may nakatayo sa tagiliran ko. Bago pa ako makakilos ay naramdaman ko ang malamig na dulo ng baril na itinutok sa ulo. "One move and you're dead." Malamig at mapanganib ang boses na nagsalita. Nagsitunugan lahat ng alarm bells ko sa katawan, pero pinanatili kong maging kalmado. Hindi lang buhay ko ang malalagay sa panganib kung magpadalus-dalos ako. Mapapahamak pati ang batang kasama ko. Kahit ngayon ko lang ito nakilala ay may kung ano sa loob ko na gusto itong protektahan. "Daddy!" bigla ay masayang sigaw ng batang kalong-kalong ko. Mabilis pa itong lumundag mula sa pagkakandong sa'kin upang lapitan ang taong tinatawag na Daddy. Nag-angat din ako ng tingin sa kabila ng baril na nakatutok sa'kin. Hindi ko alam kung dahil lang ba sa ilaw na nasa likuran ng lalaki, pero bigla ay parang nasilaw ako nang tuluyang mabistahan ang mukha nito. Kinurap-kurap ko pa ang mga mata ko para masigurong hindi lang ba dala ng lighting ng lugar kaya parang ang gwapo nito sa paningin ko. Matangkad ito, kapansin-pansin ang lapad ng mga balikat sa kabila ng three-piece na suot. Medyo magulo ang may kahabaan nitong buhok na lalong nagpadagdag sa misteryoso nitong karisma. Matangos ang ilong nito na pinaresan ng manipis at natural na mamula-mulang mga labi na parehong bumagay sa lalaking-lalaking hulma ng kanyang mukha. Ngunit ang pinaka-agaw pansin ay ang mga mata nito. Kulay asul ang mga ito at nakakalunod kung tumitig, at ngayon ay matalim na nakatingin sa'kin. Nahimasmasan ako sa saglit na pagkatulala nang walang kahirap-hirap nitong buhatin si Chailyn gamit ang isang kamay, habang nanatiling nakatutok sa'kin ang hawak na baril nung isa pa niyang kamay. "Daddy, look who I found!" excited na pagbabalita ni Chailyn sa lalaki. "It's Mommy!" dugtong pa nito habang nakaturo sa'kin. Hindi pa rin ako gumagalaw mula sa pagkakaupo sa sahig kaya medyo dehado ako sa posisyon ko habang nakatunghay sa'kin ang matangkad na lalaking ama pa yata ni Chailyn. Ngayong nakaharap ko na ito ay naglaho na iyong mga pagdududa ko na maaaring biktima ng pang-aabuso ang bata dahil malabong hahayaan iyong mangyari ng taong kaharapm Sigurado rin akong mag-ama ang dalawa dahil para silang pinagbiyak na bunga. Ang hindi ko lang maintindihan kung paanong nalagay ang bata sa gitna ng kahulugang malinaw na kinasangkutan ng ama nito. "She's not your mother," mahinahon pero buo ang boses na sagot ng lalaki sa pahayag ng anak. "Then she will be!" tila proud na tugon ng bata. Inilagay pa nito ang isang kamay sa baywang habanh tila nanghahamong tiningnan ang ama. "No, she can't be," puno ng pinalidad na sagot ng lalaki. Nagtagisan pa ng tingin ang dalawa, mukhang nakalimutan yata ang kaguluhan sa paligid namin at ang baril na nakatutok pa rin sa'kin. Uunahin pa yata nila ang pagpatigasan kahit na nasa gitna ng panganib, at nadadamay pa ako! Ang sarap sanang mag-selfie para remembrance pero may baril na nakatutok sa bungo ko kaya ipagpaliban ko na lang muna!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD