Nang sumunod na araw ay finalization na para sa biyahe namin pauwi ng bansa kinabukasan. Ito rin iyong araw na kakatagpuin namin ni Fhel iyong Cupid na nakilala niya sa dating app.
"Patingin nga ulit ng hitsura nung Cupid," kalabit ko kay Fhel habang papasok kami ng Apex Club na meeting place nila.
Agad namang ibinigay sa'kin ni Fhel ang cellphone niya, pero bago ko pa ito mahawakan ay may bumangga sa'min kaya nahulog iyong cellphone.
"Iyong 120k ko!" hiyaw ni Fhel habang tigalgal na pinapanood ang cellphone niyang tumalbog-talbog kahit hindi naman bola.
Tapos nang tuluyang lumagapak ay napangiwi ako sa nilikhang tunog. Iyon pa lang ay alam ko na agad na kailangan na niyang bumili ng bago.
"Wala akong kasalanan," mabilis kong depensa bago pa man makabawi si Fhel. "Siya iyong bumangga." Tinuro ko pa ang lalaking nasa harapan namin.
Dahil siguro sa gulat kaya hindi rin agad ito nakakilos at ngayon ay tatlo na kaming nakatitig sa basag na cellphone ni Fhel sa makintab na sahig ng Apex Club. Hiwalay ang screen sa mismong katawan nito, at ang casing ay tumalbog pa malapit sa sapatos ng lalaking nakabangga sa amin.
Matangkad ang lalaki, nakasuit ng dark charcoal, at may bakas ng matinding pagmamadali at kayabangan sa mukha. Sa halip na humingi ng paumanhin nang makabawi sa pagkabigla ay inayos lang nito ang suot na coat at malamig na tumingin sa amin.
"Watch where you're going, woman," asik ng lalaki sa malamig at iritableng boses, kapansin-pansin sa accent nito na local itong taga- Freglio. "You were too busy staring at that useless gadget."
In short ay wala siyang pera pambayad sa cellphone. Sayang ang pormahan kung hindi naman pala kami kayang sampalin ng pera, inuna pa ang kaantipatikohan!
Tulad ng inaasahan ay nagpanting ang tainga ni Fhel at biglang sumabog ang tinatagong kamalditahan.
Kahit naman mapera itong Fhel at kayang bumili ng isang daang unit ng kaparehonng cellphone na nahulog ay saksakan ito sa pagkakuripot sa sariling pera. Siningil nga ako nito nung aksidente kong nakagatan ang nilagay niyang imported chocolate sa ref na nasa kwarto ko. Sariling ref ko iyon, at wala siyang paalam na naglalagay ng kung anu-ano roon pero ako pa iyong nasingil ng kabuuang presyo ng chocolate kahit isang kagat lang iyong nakuha ko.
"What did you just say?!" naniningkit ang mga matang tanong ni Fhel sa lalaki. Hindi pa tumataas ang boses nito, pero halatang bumubwelo.
Bago ko pa man siya maawat, mabilis na humakbang si Fhel at marahas na hinawakan ang kwelyo ng mamahaling suit ng lalaki. Nanlaki ang mga mata ng Freglian man sa labis na pagkagulat. Marahil ay hindi nito inaasahan na ang isang maliit na babae ay may lakas ng loob na kwelyuhan siya sa gitna ng isang pampublikong lugar.
Nakakakuha na kami ng atensiyon, pero mukhang sanay na sa mga ganitong eksena ang mga tao sa bansang ito. Karamihan ay saglit lang na napapasulyap tapos balik na agad sa kani-kanilang mga pinagkakaabalahan.
"Hey! Get your hands off me!" galit na utos ng lalaki habang pilit na tinatanggal ang mga kamay ni Fhel. "Are you out of your mind?!"
"You pay for my phone, you arrogant prick!" gigil na pahayag ni Fhel, sinamahan pa niya ang sinabi ng pandidilat. "It costs one hundred twenty thousand pesos! Ikaw na mag-convert dahil ginigigil mo ako!"
Hinigpitan pa niya ang pagkakahawak sa kwelyo ng lalaki.
"You bumped into us," mariing pagpapatuloy ni Fhel. "So, you better pay up, or I'll cave your face in with what's left of my ruined phone!"
"Is that a threat?!" mabilis na ganti ng lalaki.
Itinutulak niya ang mga braso ni Fhel ngunit hindi niya magamit ang buong lakas nang ikiniling ko ang sariling ulo sa direksiyon ng mga bodyguard namin ni Fhel.
May dumaang pagkabalisa sa mukha ng lalaki, pero mabilis din agad itong nakabawi at patuloy pa ring umaktong matapang. Siguro, malakas din ang loob nito dahil marami pa rin namang tao sa paligid kahit mistulang walang pakialam ang karamihan. At isa pa ay hindi gumagalaw ang mga kasama naming bodyguard ni Fhel dahil tinuruan ko ang mga itong maghintay ng utos. Nakatayo lang ang mga ito ilang hakbang mula sa amin ni Fhel kaya pwede ring mapagkamalang hindi namin kasama.
"You were the one who was blocking the way," katuwiran ng lalaki. "It's entirely your fault! I won't pay a single cent for your stupidity!"
"Stupidity?!" mas lalong humigpit ang hawak ni Fhel sa kwelyo nito, halos magkalapit na ang mga mukha nila sa sobrang galit ng pinsan ko. "Look at the floor! You stepped right into my path! I have witnesses, you arrogant piece of trash!"
"Release me right now, or I'll have you arrested!" banta ng lalaki, namumula na ang leeg sa matinding inis at pagkapahiya.
Akmang hahawakan ko na ang balikat ni Fhel para pigilan siya sa balak niyang pananapak nang biglang umalingawngaw ang isang maawtoridad na boses mula sa entrada ng club.
"Step back! Both of you, stand down!"
Dalawang kalalakihang nakasuot ng navy blue at gold ceremonial-style uniforms na may opisyal na insigniya ng kaharian ang mabilis na humakbang palapit sa amin. Sila ang Royal Police Force ng Freglio. Naging alerto bigla ang mga bodyguard namin ni Fhel pero pasimple kong sinenyasan ang mga ito na huwag makialam.
Ayokong madamay sa maliit na gulong ito ang mga tauhan ni Sloan, at maging ang mafia na nasa likod ng mga ito.
"Is there a problem here?" pormal na tanong ng nangungunang officer.
Mabilis na kumawala ang lalaki mula sa pagkakahawak ni Fhel at inayos ang kaniyang lukot-lukot na kwelyo.
"Officer, thank goodness!" kausap nito sa mga pulis. "This crazy woman assaulted me! She was walking without looking at her way, dropped her own phone, and now she’s demanding money while physically attacking me!"
"Liar!" tili ni Fhel habang itinuturo ang mukha ng lalaki. "Officer, he ran into us like a mad bull! Winalang-hiya niya ang cellphone ko! Brand new 'to at kakakarga ko lang ng panibagong insurance last week! I want him arrested and forced to pay every single dollar!"
Sa pananalita pa lang ni Fhel, halata nang natukoy ng pulis na turista siya sa bansa. Nagpalitan pa ng tingin ang dalawang officer at sumulyap muna sa wasak na cellphone sa sahig bago ibinalik ang tingin sa dalawang nagtatalo.
"Alright, calm down," mahinahon saad ng isa dalawang pulis. "Since there is damage to property and physical altercation involved, both of you need to come with us to the precinct to file formal statements and check the CCTV footage."
"Gladly!" iritableng sagot ng lalaking Freglian. "I will also file charges for physical assault!"
"Kahit magdemanda ka pa hanggang sa korte suprema ng Freglio, hindi ako aatras sa 'yo!" palaban na ganti ni Fhel habang nag-flip hair pa.
Napatingin ako sa suot kong relos. Alas-syete na ng gabi. Ito na ang eksaktong oras ng pakikipagtagpo namin doon sa 'Cupid' na pakay namin dito sa club.
"Fhel," pabulong kong kalabit sa pinsan ko, "Sasamahan na kita sa presinto. Ako na lang ang magbabayad sa cellphone mo para matapos na 'to—"
"Ay hindi pwede!" mabilis niyang putol sa pagsasalita ko. "Naalibadbaran ako sa pagmumukha ng gagong 'to kaya pagbabayarin ko 'to," gigil niyang dugtong habang masama ang tingin sa kasagutang lalaki.
Hindi man naintindihan ng lalaki ang pinagsasabi ni Fhel ay malinaw namang naiparating ng ekspresyon sa mukha ng pinsan ko ang kahulugan niyon.
"I'll call my lawyers," pabuntonghininga kong pahayag. Kapag ganito ang tono ni Fhel ay mahirap nang baguhin ang isip nito kaya walang saysay kung makipagtalo pa ako.
Susuportahan ko na lang siya sa trip niya.
"Kaya ko na 'to," bigla ay pahayag ni Fhel. Humarap pa siya sa'kin at seryoso akong tiningnan. "Kailangan mong katagpuin si Cupid," dugtong pa niya.
"Uunahin pa ba natin iyong Stupid— este Cupid mo?" iritable kong tanong sa kanya. "Mas importanteng ma-settle natin ito agad dahil bukas na iyong alis natin."
"Kaya nga ikaw na iyong makipag-meet kay Cupid," giit niya. "Mukha mo naman iyong alam niyang ka-meet niya ngayon. Ang alam niyang pangalan mo ay Ash kaya iyon ang ipakilala mo sa kanya."
"Tapos? Pagkatapos naming mag-meet ay ano ang gagawin ko?" kunot-noo kong tanong.
"Mag-usap kayo," aniya. "Getting to know each other, gano'n! Kumain, uminom... malaki na kayo, kaya ni'yo na iyon!"
Pinoproseso ko pa nga iyong mga pinagsasabi niya pero humarap na ulit siya sa pulis at sa lalaking galit na galit pa rin.
"Let's go to your station, Officers," kausap ni Fhel sa dalawang pulis. "I'm ready to make this guy broke." Inismiran pa niya ang lalaki.
Walang nagawang pinanood ko na lang kung paano inakay ng dalawang opisyal ng Royal Police Force si Fhel at ang lalaking Freglian palabas ng main entrance ng Apex Club. Habang naglalakad sila, naririnig ko pa rin ang walang patid na pagtatalo ni Fhel at ng lalaki.
Hindi ko mapigilang mag-alala para kay Fhel ko kaya tinawagan ko si Sloan, habang hinahatid ng tanaw ang papalayong likod ng pinsan ko at ng mga kasama niya.
"Yes, Kylie," mabilis na bungad ni Sloan sa kabilang linya. "May problema ba?"
"Papuntang police station si Fhel," walang paliguy-ligoy kong sagot. "Mukhang determinado ang pinsan ko na palakihin ang maliit na bagay."
"Ako na ang bahala," sagot ni Sloan kahit na hindi kumpleto ang impormasyong binigay ko.
Pinatay ko na ang tawag at humugot nang malalim na hininga habang nakikita si Fhel na isinakay sa police car. Mabuti na lang at magkahiwalay sila nung lalaking kaargumento niya.
Kampante akong walang mangyaring masama kay Fhel dahil alam ko kung paano kabilis kumilos ang mga tauhan ni Sloan.
Nang tuluyang mawala sa paningin ko ang kinalululanang sasakyan ni Fhel ay ibinalik ko na ang atensiyon sa loob ng Apex Club. Sa kabila ng nangyaring kumosyon ay mukhang hindi naman naalarman ang mga nagkakasiyahan sa loob ng club.
Binigyan ko muna ng huling sulyap ang walang kagalaw-galaw kong mga bodyguard na hindi pwedeng sumunod sa loob ng club bago ako tuluyang humakbang papasok.
Nang tuluyang makapasok ay tsaka ko lang naalala na hindi ko nga pala nakita ang mukha nung Cupid. Lihim akong napamura habang pinaraanan ng tingin ang bawat ukopadong mesa rito sa loob ng club.
Sino sa mga lalaking nandito si Cupid? O talaga bang nandito ito? Baka ma-ghost pa ang pinsan kung iyon!
Sana pala ay noon ko pa inalam ang hitsura ng Cupid na iyon!
Sana ay makilala ako nito at ito na mismo ang lalapit sa'kin. Upang makita agad ako ng hindi kilalang ka-meet-up ay pinili kong pumuwesto sa bar area kung saan ay tanaw ko iyong mga nasa paligid at mabilis din akong makita ng mga bagong dating.
Um-order ako ng ladies drink habang hinihintay na may lalapit sa'kin at magpakilalang Cupid. Bibigyan ko lang ito ng thirty minutes, at kapag hindi pa rin ito lilitaw ay may maidadahilan ko na kay Fhel na hindi ito sumipot sa usapan.
Ipinatong ko ang dalawang braso sa makintab na bar counter habang inililibot ang tingin sa buong Apex Club. Hindi basta-basta ang lugar na ito. Kung sa labas ay kapansin-pansin na ang marangya nitong arkitektura, sa loob ay mas lalong nag-uumapaw ang karangyaan at kapangyarihan ng mga nanditong customer.
Tama nga ang nakarating sa'king impormasyon na ang Apex Club ang tinaguriang kanlungan ng mga pinakamayayaman at pinakamakapangyarihang personalidad sa Freglio. Ang mga ilaw na nakasabit sa mataas na kisame ay gawa sa mamahaling kristal na nagbibigay ng malamlam na liwanag sa buong paligid. Bawat mesang nakapwesto sa ground floor ay halatang malalaki at mga kilalang pangalan sa alta-sosyedad na nakasusuot ng pormal at mamahaling kasuotan ang umuukopa.
Napakahigpit din ng seguridad. Sa bawat haligi at sulok ng pinto ay may nakatayong mga bouncer at private security na nakatuck-in ang mga tainga sa ear piece at naka-suit, parang mga personal security team lang ni Sloan. Sa entrance pa lang kanina, walang nakabantay na guard pero may detector na para sa anumang armas o pinagbabawal na gamit na dala ng customer.
Mabuti na lang at hindi ko dinala iyong baril ko, iniwan ko sa kotse.
Nang inilapag na ng bartender ang inorder kong ladies drink na kulay pink at may bahagyang usok ng dry ice, ay casual akong nagpasalamat. Sumimsim ako sa aking baso habang muli na namang sumulyap sa suot kong relos.
Sampung minuto na ang nakalilipas. Dalawampu na lang, makakaalis na ako sa lugar na 'to.
Ngunit bago ko pa man tuluyang maibaba ang aking baso ay may kumusyong umagaw sa pansin mula sa ikalawang palapag ng club. Ang second floor ay ang kilalang VIP area, mas eksklusibo, mas pribado, at mukhang naroon ang mas malalaking tao sa bansang ito. Hindi na ako magtataka kung may mga miyembro ng mafia na naligaw roon.
Habang nakatanaw sa ikalawang palapag ay isang lalaking nakaitim na suit ang biglang sumadsad sa salamin na balustre ng VIP balcony.
Kumunot ang noo ko dahil sigurado akong hindi iyon karaniwang pagkakadapa. Bago pa man makahuma ang sinuman sa ibaba, ay narinig ang isang malakas na tunog ng pagkabasag kasunod ng matinding kalabog at sigawan mula sa itaas.
"Get him!" nangibabaw na sigaw ng isang malaking boses mula sa ikalawang palapag.
Hindi pa nakakagalaw ang mga security guards sa ibaba nang biglang lumipad mula sa balustre ng second floor ang malalaking bote ng mamahaling wine. Ang ilan sa mga ito ay direktang humampas sa sahig ng ground floor at sa mga katabing mesa.
Nagsimulang mag-panic ang mga customer, at mga staff habang sabay-sabay na nagtalsikan ang mga matutulis na basag na bubog sa paligid. Ang klasikal na musika sa club ay agad na napalitan ng nakatutulig na tili ng mga kababaihan at sigawan ng mga taong nag-uunahang tumakbo palabas at iyong iba ay nagsitago sa ilalim ng mga mesa!
Isang malaking bote ng Remy Martin ang dumaan sa mismong itaas ng ulo ko at sumabog sa bar counter, ilang pulgada lang ang layo sa'kin. Mabilis kong pinaikot ang kinauupuan kong stoll upang iiwas ang sarili mula sa mga tumalsik na kristal at basag na bubog.
Syempre hindi ko binitiwan ang inumin ko, sayang kasi at hindi pa ito nangalahati.
Nang mag-angat ako ng tingin, napansin kong lumala na iyong kagulu sa ikalawang palapag. Nagkaroon na ng rambulan at barilan sa gitna ng usok at gulo. Patunay lang ito na kahit gaano kahigpit ang seguridad ng Apex Club, ang panganib ay nakatambang pa rin sa bawat sulok.
Sigurado akong miyembro ng mafia ang sangkot sa nagaganap na gulo.
Pero wala pa rin kahit anino ng ka-meet-up ko!