Habang nag-aabang na matapos ang tagisan ng tingin ni Chailyn at ng ama niya ay nahagip ng tingin ko ang isang papalapit na lalaking may dalang pamalo.
Ang pakay nito ay ang walang kamalay-malay na lalaking abala sa pakikipagtitigan sa kargang anak.
Ilang hakbang na lang ang lapit ng panganib sa kinatatayuan ng mag-ama nang napilitan na akong kumilos. Sa isang mabilis na galaw ay naagaw ko ang baril na nakatutok sa'kin at mabilis na pinutukan ang papalapit na lalaki.
Kasabay nang pagbagsak ng lalaking binaril ko ay ang balewala ko namang pagtayo. Nang masigurong wala ng ibang panganib ay tsaka ko pa binalingan ang mag-amang kaharap.
Pareho nang nakatingin sa'kin ang dalawang pares ng asul na mga mata. Bakas sa mukha ng bata ang pagkamangha habang gulat naman iyong nasa mukha ng ama nito.
Kimi akong ngumiti sa ama ni Chailyn bago ibinalik sa kamay nito ang baril na inagaw ko.
"Sorry, hiniram ko lang," sabi ko. "Thank you."
Nakabawi na mula sa pagkagulat ang lalaki at kasalukuyan nang kunot-noong nakatitig sa'kin. May pagtataka akong naramdaman dahil sa napansin kong rekognasyon na dumaan sa mukha niya habang sinusuri ako ng tingin.
"Ash?!" maya-maya ay bulalas nito. Sa paraan nang pagkakasambit niya sa pangalang tinawag niya sa'kin ay tila kilalang-kilala niya ako.
"No, hindi ako si Ash," umiiling kong sagot. "Kylie ang pangalan ko," pagtatama ko pa.
"I'm sure you're Ash," giit niya.
Kumpirmadong hindi siya local dito sa Freglio at sa kabila ng asul niyang mga mata at aristrokatong kagwapuhan ay naiintindihan niya ang salita ko.
"Hindi ko kilala ang sinasabi mong Ash—"
"I'm Cupid," bigla niyang putol sa pagsasalita ko.
Awang ang bibig na inilapit ko pa ang mukha sa kanya. Kasabay niyon ay naalala ko iyong ginamit na pangalan ni Fhel sa dating app.
"Tama..." wala sa sarili kong usal. "Ako nga pala si Ash," parang tanga kong dugtong.
"I told you, she's Mommy," muli ay singit ni Chailyn bago muling dumede sa hawak na feeding bottle.
"M-may anak ka?" bulalas ko pa habang nagpalipat-lipat ng tingin sa kanilang dalawa ng batang karga niya.
Iyong tono ko ay parang babaeng naloko ng kakilala sa dating app na isa palang single dad.
"Nakalimutan mo bang nabanggit ko siya sa'yo?" kunot-noong balik-tanong ni Cupid. "Hindi ba sabi ko sa'yo na isasama ko siya sa meet-up natin?"
"Baliw ka ba?" hindi ko mapigilang asik sa kanya. Kusa nang tumaas ang boses ko. "Sinama-sama mo iyan dito na para bang child friendly _tong meeting place n'yo— natin pala!" Kandamali-mali na ako sa sobrang panggigigil ko!
"What's wrong with this place?" nagtataka niyang tanong sa'kin.
Hindi makapaniwalang pumalatak ako, tinanong niya pa talaga iyon at sa ekspresyon niya ay parang wala talaga siyang nakikitang mali sa lugar.
Kahit na patuloy pa rin ang kaguluhan sa paligid namin, ay hindi pa rin niya nakikita iyong mali. Nagkaputukan na nga, at halos mawasak na ang buong lugar dahil sa nagaganap na gulo ay kapansin-pansing wala pa ring rumespondeng awtoratidad!
Kanina, nagkasigawan lang si Fhel at ang nakabangga naming lalaki ay may dumating na agad na pulis, ngayong putukan na ay nag-break time yata sila!
"Bobo ka ba?" nang-uuyam kong tanong sa lalaki. Medyo tanga rin ako sa part na alam ko naman ang sagot, pero nagtanong pa talaga ako. "Tingnan mo, mukha ng war zone ang lugar, tapos naisipan mo pa talagang magdala ng bata rito?"
"Hindi naman laging ganito kagulo rito," katuwiran ng lalaki. "Nataon lang talaga ngayon."
"At nagpapaliwanag ka pa?!" nayayamot kong angil. "Dapat kasi, kung balak mong dalhin ang anak mo ay sa park o 'di kaya ay sa church ka nakipag-meet-up," sermon ko sa kanya.
Hindi ko na dinugtong iyong oras ng meet-up, dapat ay pinag-uusapan nila ni Fhel na sa umaga magkikita. Hindi sa gabi na dapat ay oras na ng tulog ng bata. Naka-pajamas na nga ito at may feeding bottle nang tangay-tangay, handa nang matulog pero dinala pa ng magaling na ama upang makipag-meet!
Anong klaseng ama ito! Napaka- irresponsible!
"Ito lang iyong pinaka-convenient na meeting place mula sa tinutuluyan ko," patuloy na paliwanag ni Cupid. "Hindi ko kasi pwedeng iwanan si Chailyn —"
"Kaya dinala mo rito? Tanga ang gâgó!" gigil kong sansala sa kanya.
"Ash, kanina mo pa ako minumura," salubong ang kilay niyang puna.
"Gusto nga sana kitang barilin, eh," matalim kong sagot. "Dapat nakipagkita ka sa tinutuluyan mo na lang."
"Kaya nga rito tayo nagkita... Because I own this building, and I'm residing on the top floor," sagot niya.
Natigilan naman ako at napakurap-kurap.
"Sa unit namin ni Chailyn nagsimula ang gulo kaya napadpad kami rito sa baba," dugtong niya pa.
Napipilan naman ako dahil may punto naman pala iyong mga una niyang pahayag. Siya naman pala ang may-ari ng lugar na ito at sa itaas lang sila tumutuloy ng anak niya... sorry naman na-carry away lang ng emosyon ko.
Hindi na nadugtungan ang usapan namin dahil biglang may nagpaputok sa direksiyon namin. Sabay kaming napayuko at narinig ko pa ang gulat na sigaw ni Chailyn.
Sa gitna ng kaguluhan ay narinig ko ang mahinahong boses ni Cupid na kinakausap ang anak at sinabihang huwag matakot.
Pero hindi ito ang oras upang pakinggan ko at panoorin ang interaksiyon nilang mag-ama lalo na at nahagip ng tingin ko ang isang grupo ng mga armadong kalalakihan na pababa mula sa second floor.
"Let's go!" Alerto akong hinila si Cupid.
Kinuha ko ulit iyong hawak niyang baril at pinagbabaril iyong ilan sa mga kalalakihan, upang mapaatras iyong mga gustong humabol.
Hindi ko kabisado ang establishment, pero magaling ako sa paghahanap ng exit kaya iglap lang ay nakalabas na kami ng gusali gamit iyong pintuan sa likuran. Sa pagkakataong ito ay si Cupid na iyong humihila sa'kin.
"Ano ba ang atraso mo sa kanila?" tanong ko sa kasama habang papaliko na kami sa madilim na eskina palayo sa pinanggalingan namin at sa ilang mga humahabol sa amin.
Hindi ko alam kung saan kami papunta, basta sumunod na lang ako sa panghihila niya.
"Iyon din ang hindi ko alam," sagot niya.
"Hindi mo kilala ang mga iyon?" nagdududa kong usisa.
"Wala akong pagkakataong itanong mga pangalan nila dahil pinagbabaril na agad nila ang security team ko," sarkastiko niyang sagot.
Parang nangangati na rin akong barilin siya. Pilosopo makasagot, eh! Kung wala lang si Chailyn ay baka ako na ang kumaladkad sa kanya pabalik doon sa mga humahabol sa'min.
"May cellphone ka?" tanong ko sa kanya nang mapagtantong naiwan ko sa club iyong bag ko at cellphone.
"Hindi ko dala," sagot niya. "Nahulog ko siguro."
Kahit malayo-layo na ang tinakbo namin at may karga siyang bata ay pansin kong pantay pa rin ang paghinga niya. Hindi na nakapagtataka kung may alam siya sa self-defense, gayong nakita ko iyong paraan ng paghawak niya ng baril.
Nang makalabas kami ng makipot na eskinita ay bumulaga sa'min ang isang mataong kalsada. Pasimpleng kong naitago sa ilalim ng damit ko ang hawak na baril habang lihim na pinag-aralan ang kilos ng bawat taong nasa paligid namin.
"Kailangan nating makahingi ng saklolo," pahayag ko habang alerto ang mga mata.
Naghahanap ako ng payphone upang matawagan si Sloan. Mabuti na lang talaga at hindi ko kasama ngayon si Fhel. Malaya akong makakakilos kung magiging mas mapanganib ang sitwasyon.
Pero agad akong natigilan nang mahagip ng tingin ko si Chailyn na tila inaantok nang nakapatong ang mukha sa balikat ng ama. Hindi ko sila pwedeng iwan!
Napahigpit ang kapit ko sa hawak na baril. Iyong kasama kong mga bodyguard na tauhan ni Sloan na lang ang pag-asa kong makapansin sa kaguluhan sa loob ng Apex Club.
Nagpalinga-linga ako sa paligid, maaga pa at nasa sentro kami ng Freglio, sa pinakamaunlad na siyudad ng bansa na karaniwang dinadagsa ng mga turista at mamamayan. Sa paligid ay makikita ang matataas na gusaling may kakaibang arkitektura kung saan nagsasama ang sinaunang karangyaan ng monarkiya at ang modernong kaunlaran ng bansa. Nakahanay sa malalapad na kalsada ang mga klasikong stone-paved na sidewalk, mga mamahaling boutique, at mga pampublikong fountain na may mga estatwa ng mga dating royalty ng Freglio. Mula sa kinatatayuan namin ay natatanaw ko ang mararangyang mga sasakyan na bumabagtas sa kalsada, at ang mga royal guard na nakaimpormeng kulay ginto at berde na kasalukuyang nagpapatrolya sa kalapit na pampublikong plaza.
Sa gitna ng napakagandang tanawin ng lungsod na ito, tila hiwalay ang mundo ng Apex Club kung saan mag nagaganap na gulo.
Mas lalo akong nabalisa. Sa ganitong klase ng lungsod na mahigpit ang seguridad ng Kaharian ng Freglio, imposibleng hindi agad napansin ng awtoridad ang gulo. O baka naman hindi sila pwedeng makialam?
Mabilis kong ibinalik ang tingin kay Chailyn at sa ama nito. Nakikita ko ang mabigat na paghinga ng bata, ang munting kamay nitong nakakapit sa damit ng ama habang unti-unting pumipikit ang mga mata. Nakakabilib na mukhang hindi naman ito traumatized sa nangyari, pero halatang pagod ito at antok na antok habang mahigpit na yakap ang malaking feeding bottle. Ang inosenteng mukha ng bata ang nagpaalala sa akin kung bakit hindi ako pwedeng tumakbo lang at iligtas ang sarili ko.
Kasabay rin niyon ay ang reyalisasyon na may pagkakatulad kami ni Chailyn. Kaya siguro una pa lang ay parang ang gaan na ng loob ko sa bata dahil nakikita ko ang sarili sa kanya. Pareho naming hindi piniling isilang sa magulong mundo ng mga ama namin, pero gano'n pa man ay walang pagdadalawang-isip namin itong niyakap. At paglaki ni Chailyn, siguradong katulad ko rin siyang paninindigan ang apelyidong kinagisnan niya at matutong maging masaya sa kabila ng mabigat na pamana ng isang buhay na pinaliligiran ng panganib, kapangyarihan, at walang katapusang pakikipaglaban.
Marahan kong ginalaw ang daliri na nakatapat sa trigger ng baril, ramdam ko ang lamig at bigat ng bakal sa aking palad. Kung walang darating na saklolo mula sa mga tao ni Sloan, ako mismo ang gagawa ng daan para ligtas kaming makalayo mula sa mga humahabol sa'min.
Muli kong naramdaman ang paghigpit ng kapit ni Cupid sa kamay ko bago niya ako hinila sa kung saan. Walang reklamo akong nagpaubaya habang alertong sinuyod ng tingin ang paligid. Ilang metro mula sa'min ay natanaw ang ilang kalalakihang lumabas mula sa eskinitang pinanggalingan namin.
"Hindi pwedeng maalarma ang mga pulis," sabi sa'kin ni Cupid habang malalaki ang hakbang na nakihalo kami sa ilang mga pedestrian.
Mukhang tama nga ang hinala ko na away sa pagitan ng mga mafia sa bansang ito ang nagaganap.
Mukhang mas makadagdag sa gulo kung makikialam ang mga tauhan ni Sloan, sana nga ay mag-isip muna ang mga ito bago kumilos.
Ilang sandali pa at nakalayo na kami sa maraming tao. Pakiramdam ko ay hindi na ito ang unang beses ni Cupid sa lugar na ito, malinaw na alam niya ang pasikot-sikot sa sentro ng lungsod. Bawat pagliko namin sa mga makikitid na eskinita at pag-iwas sa mga kalyeng may nagpapatrolyang mga Royal Police ay mabilis at sigurado. Walang pag-aalinlangan ang bawat hakbang niya, na parang kabisado na ng mga paa niya ang mga daang ito.
Nang makarating kami sa isang tahimik at medyo tago na eskinita na napapaligiran ng matataas na lumang gusaling gawa sa ladrilyo, saka lang siya bahagyang huminto at binitiwan ang braso ko.
Inayos niya ang pagkakakarga kay Chailyn, na sa kabila ng ingay at kaba ay nananatiling mahimbing ang tulog sa kanyang balikat. Hinaplos ni Cupid ang likod ng bata bago ibinaling ang seryosong tingin sa akin.
"We're safe here," pabulong niyang usal, habang mabilis na sumusulyap sa pinanggalingan naming kalsada. "Dito natin hintayin ang paparating na back up."
Nakatingin lang ako sa kanya habang pilit na pinapanatili ang composure ko, kahit na mabilis pa rin ang t***k ng dibdib ko mula sa mabilis naming paglalakad.
"Sino ka ba talaga, Cupid?" tanong ko sa kanya sa gitna ng malamig na hangin ng Freglio. "At paanong kabisado mo ang lugar na 'to na parang dito ka mismo lumaki?"
Isang makahulugang ngiti ang binigay niya sa'kin pero hindi na niya sinagot ang tanong ko.