Hindi ko pa nga tapos hangaan ang ngiti ni Cupid ay biglang sunud-sunod na putok ang umalingawngaw sa paligid.
"Letse! Akala ko ba safe tayo rito?" sumbat ko kay Cupid habang maliksing nagtago sa likod ng pinakamalapit na poste.
Hindi gano'n kaliwanag ang paligid, pero alam kong napapaligiran kami ng mga kalaban.
Ilang bala na lang meron ang hawak kong baril, at hindi ito sasapat para sa mga nandito.
Nag-alala kong tinapunan ng tingin si Cupid at si Chailyn na nasa kabilang poste rin nagtatago. Kailangan naming makanap nang mas magandang pagkukublian habang hinihintay ang sinasabing backup ni Cupid. Ilang metro din iyong pinakamalapit na lumang gusali. Pero kumpara sa kasalukuyan naming lokasyon ay mas ligtas kami roon.
Iyon nga lang, kailangan naming tumakbo papunta roon habang makipagpatintero sa mga bala ng kalaban.
Napahigpit ang kapit ko sa hawak na baril. Nanggigigil ako sa kinasasadlakan kong sitwasyon ngayon. Pinagpasalamat ko na lang talaga at hindi ko ngayon kasama si Fhel. At sana lang ay magtagal pa muna ito sa prisinto. Ayokong humabol pa ito sa'kin sa club. Kapag malaman nitong may gulo ay hindi ko ma-imagine kung ano ang gagawin ng luka, baka tawagan nito si Daddy.
Sanay ako sa pagharap sa panganib pero sa pagkakataong ito ay hindi ko maiwasang pagpawisan nang malamig. Kung hindi lang talaga ako nakumbinsi ni Fhel sa meet-up na ito ay hindi ako ngayon makipaghabulan kay Kamatayan kasama ang mag-amang ngayon ko lang din naman nakilala!
Ni hindi ko man lang kaano-ano ang mga ito pero heto ako, matataya pa ang sariling buhay! Ako yata ang magiging kauna-unahang Garcia na magiging bayani!
"Ash!" sigaw ni Cupid mula sa kabilang poste.
"Kylie nga ang pangalan ko," pagtatama ko sa kanya.
"On my count, tatakbo tayo papunta sa lumang gusali!" sabi niya sa'kin at hindi man lang binigyang pansin ang sinabi ko. "Let's cover each other's back!"
Sa kabila ng mga bala na tumatama sa semento at nagtatalsikang mga durog na bato ay nananatiling kalmado ang boses niya.
"Bakit, may baril ka ba?" maanghang kong tanong sa kanya.
Mabilis kong pinalipad ang tingin sa kinaroroonan niya at natigilan ako nang makitang may hawak na nga siyang baril.
"Meron nga..." bulong ko sa sarili ko. Meron naman pala siyang extra na baril, hindi agad sinabi.
Mula kay Cupid ay napadako ang tingin ko sa maliit na si Chailyn. Nakasiksik ang mukha ng bata sa leeg ni Cupid habang nakatakip ang maliliit nitong kamay sa sariling mga tainga. Halatang nagtapang-tapangan ito sa kabila ng malakas na putukan sa paligid, pilit nitong ginagawa ang lahat para hindi maging pabigat sa ama.
Para sa bata, hindi ko muna kokontrahin ang ama nito.
"Kylie, trust me!" sigaw uli ni Cupid, mas higpit na isiniksik ang anak sa kanyang dibdib. "Let's run on three! One... two... THREE!"
Pagkatapos magbilang ay lumabas si Cupid mula sa poste at gamit ang isang kamay ay sunod-sunod na nagpaputok sa direksyon ng mga lalaking humahabol sa'min. Walang lingon-lingon siyang tumakbo habang karga-karga si Chailyn.
Hindi pa man nakabuo ng plano ang utak ko ay kusa nang gumalaw ang katatawan ko! Mabilis akong tumakbo sa likod nila patungo sa lumang gusali. Ang ingay ng mga putok ng baril ay parang kulog sa tainga ko. Naririnig ko ang pagsipol ng mga balang dumadaan sa mismong tabi namin. Hindi ako kumukurap kahit pa no'ng lumilikha na ng spark ang mga balang tumatama sa sementadong daan na binabagtas namin.
Habang tumatakbo kami ay isang lalaki ang biglang sumulpot mula sa gilid ng isang nakaparadag sirang van, nakatutok ang baril nito sa direksiyon ni Cupid at Chailyn.
Isang mura ang namutawi sa mga labi ko. Dala ng kasanayan sa paggamit ng baril at liksi ng reflexes ko ay walang kurap na binaril ko ang lalaki. Nabuwal ito at bumagsak sa lupa, pero hindi kami tumigil ni Cupid at tuloy-tuloy lang sa pagtakbo patungo sa pakay naming gusali.
Pagkarating namin sa sirang pinto ng lumang gusali ay unang pumasok si Cupid habang protektado ang ulo ni Chailyn, at mabilis akong sumunod sa loob. Agad kong sinuyod ng tingin ang loob ng gusali, tinitiyak na hindi kami malilibing ng buhay rito kung sakaling guguho ito.
Lumipad ang alikabok sa paligid, at ramdam ko ang mabilis na pagtibok ng sarili kong puso. In fairness, ngayon lang ulit ako nakaramdam ng ganitong excitement.
Hindi na rin pala masamang makisawsaw sa problema ng ibang tao. Paminsan-minsan ay maganda rin sa pakiramdam ang makaranas ng real action.
Tuloy-tuloy si Cupid hanggang sa kabilang dulo ng gusali, kaya wala nagawang sumunod na lang din ako. Nang makahanap ng tagong puwesto ay tsaka pa lang siya huminto at ibinababa si Chailyn para suriin kung may galos ang bata.
Hindi kumibo ang bata, dumede lang ulit ito sa hawak na feeding bottle habang inosenteng nakatingin sa ama.
"I wanna go home..." inaantok na sabi ni Chailyn pagkatapos ng ilang sandali.
Hindi ko mapigilang samaan ng tingin si Cupid! Dibdib ko iyong parang naninikip para sa anak niya! Walang kamuwang-muwang ang bata pero nakakaladkad sa dilikadong sitwasyon dahil sa kanya.
Ramdam siguro ni Cupid ang tingin ko kaya sumulyap siya sa'kin. Tila nagtataka niya pa akong kinunutan ng noo. Wala na talagang pag-asa ang lalaking ito! Hindi talaga siya karapat-dapat maging ama!
"Let's just wait for Tito Blake, okay?" malumanay na baling ni Cupid sa anak.
Tumango lang ang bata at muling nagpakarga sa ama.
"Kaya mo pa?" kausap niya sa 'kin matapos kargahin si Chailyn.
"Paubos na ang bala ko," paingos kong sagot. "Marami pa akong gustong barilin." Hindi ko na dinagdag na isa siya roon.
"I-I'm sleepy..." muling hikab ni Chailyn bago ipinatong ang maliit niyang ulo sa balikat ng ama, hawak-hawak pa rin ang feeding bottle na halos wala nang laman.
Akmang hahabol pa ako ng panibagong pambabara kay Cupid nang biglang umandar na naman ang instinct ko. Sinenyasan ko si Cupid na huwag maingay habang pinakiramdaman ko ang paligid namin.
Nahagip ng matalas kong pandinig ang ilang mga galaw mula sa kadiliman at tunog ng mga ikinasang baril mula sa iba't ibang sulok ng abandonadong gusali.
"Tâng'inà..." mahina kong mura sabay taas ng hawak kong baril kahit alam kong tatlo na lang ang natitirang bala sa loob nito.
Mabilis ding kumilos si Cupid habang mahigpit na yakap-yakap ang kargang anak sa isang braso, kasabay ng alertong pagtutok ng kanyang baril na hawak ng kabila ng kamay. Napalibutan kami. Mula sa mga lumang haligi at sirang pader ng gusali, isa-isang lumabas ang humigit-kumulang labinlimang armadong lalaki. Lahat ay nakaitim, at nakatutok ang mga automatic rifle sa kinaroroonan naming tatlo.
Masyado kaming naipit sa gilid at walang pwedeng taguan o kahit konting daan upang makatakas. Kahit makipagsabayan kami ng barilan ay hindi pa rin kami makakaligtas.
"Great," pabulong kong usal sa tabi ni Cupid habang malamig na pumasok sa utak ko ang reyalidad. Dito na yata matatapos ang magandang lahi ng Daddy ko. "Mali talagang hindi ako nagdala ng baril."
"Kylie, get behind me," seryoso at mababang utos ni Cupid. "Kargahin mo si Chailyn, gagawa ako ng pagkakataong makatakas kayo,"
"Manahimik ka nga, Cupid," iritable kong sagot. "Huwag kang pakabayani! Kailangan ka ng anak mo!"
Hangga't buhay pa kami ay aasa pa rin ako sa himala. Ramdam ko sa loob ko na hindi pa ako kukunin ng liwanag, masyado pa akong bata upang mamatay. Ni hindi pa ako nagka-jowa!
Tiyak na mas lalong lalala ang sira sa utak ni Fhel kapag mawala ako!
Bago pa man ulit makapagsalita si Cupid ay sunud-sunod na putok ang umalingawngaw sa paligid kasabay nang pagkaalarma ng mga kalalakihang nakapalibot sa'min. Kasunod niyon ay ang pagbagsakan ng ilan nilang mga kasamahan na nasa unahan.
Biglang nag-panic ang mga naiwan at tarantang nagsipulasan upang iligtas ang kani-kanilang mga sarili mula sa mga bagong dating na nagpapaulan ng bala.
Umalingawngaw ang matinding sigawan at ingay ng barilan sa buong gusali. Nagkaroon ng matinding kaguluhan sa hanay ng mga nakapalibot sa amin kaya sinamantala ko iyon at maliksing nilapitan ang nasa pinakamalapit na nakahandusay na kalaban.
Kinuha ko ang nabitiwan nitong automatic rifle habang sa sulok ng mga mata ko ay binabantayan ko ang pangkat ng mga armadong kalalakihan na nakipagbarilan sa mga humahabol sa amin ni Cupid.
Akmang babalik na ako sa direksiyon nina Cupid at Chailyn nang mapansin ko ang kilos at tactical gear ng mga bagong dating.
"Wait a minute..." napakurap kong usal nang makilala ang suot ng mga ito. "Mga tauhan ni Sloan ang mga ito, ah!"
Iglap lang ay nagsitakasan na iyong mga natira sa kalaban kasunod niyon ang mabilis na paglapit ng grupo ng mga bagong dating sa harap ko. Unang humakbang ang tila lider nila, isang matangkad at may katandaang lalaki na may maliit na peklat sa kilay.
Ito iyong head bodyguard ko.
Nang magtagpo ang mga mata namin ay agad nitong ibinaba ang hawak na baril at bahagyang yumuko.
"Miss Kylie," magalang nitong bati. "Ligtas po ba kayo? Pasensya na po at medyo nahuli kami."
Gusto ko sana silang sermunan dahil sa bagal ng mga kilos nila. Pero wala namang nangyari kaya palalampasin ko na lang. Isa pa, ayaw ko na sanang masangkot pa sila sa gulong ito... walang choice na talaga ako kaya tatanggapin ko na lang na nailigtas nila ako sa pagkakataong ito.
Akmang ibubuka ko na ang mga labi ko upang pasalamatan sila nang biglang magbago ang hangin sa paligid.
Isang sulyap lang ng mga kaharap kong mga tauhan ni Sloan sa kasama kong nasa likuran ay sabay-sabay na nagtaas ng mga baril ang mga ito at tinutok doon.
Sa isang iglap, tila napawi ang maaliwalas na ekspresyon sa mukha mga tauhan ni Sloan. Direktang nakatutok ang hawak na baril ng bodyguard ko sa mismong direksiyon ni Cupid! At ang limang iba pa ay tinutukan si Cupid mula sa iba't ibang anggulo!
"T-teka lang! Anong nangyayari?" naalarama kong tanong habang nagpalipat-lipat ng tingin kay Cupid at sa mga bodyguard ko. "Kasama ko sila!" kausap ko pa sa head bodyguard ko patungkol sa mag-amang nasa likuran ko.
"Lumayo po kayo sa kanila, Miss Kylie," seryoso at tensiyunadong utos ng head bodyguard ko. "That's Cupid Carson," nagngangalit ang ngiping dagdag pa nito. Sa pagkakabigkas nito sa pangalan ni Cupid ay tila ba sapat na iyong sundin ko ang utos niyang lumayo sa lalaki.
Lalo akong naguluhan, tila kilalang-kilala kasi ng mga tauhan ni Sloan itong si Cupid. Pamilyar naman ang apilyedo nito, pero alam kong hindi rin iyon konektado sa alinmang illegal transaction.
"He's an enemy," pahayag ng head bodyguard ko.
"Kaninong enemy? Sa inyo?" kunot-noo kong tanong. "Kasi, sigurado akong walang atraso sa pamilya ko ang isang iyan," balewala kong dugtong sabay turo kay Cupid.
Totoo naman kasing wala kaming kaaway na kasing gwapo ni Cupid! Mas gwapo pa nga ito sa asawang artista ng pinsan ko na si Fafa Rave.