"He is Felan Carson's nephew and his second-in-command," pahayag ng head bodyguard ko habang walang katinag-tinag na nakatutok ang baril kay Cupid.
Lalo akong naguguluhan. Wala naman akong kilalang Felan Carson kaya hindi ko alam kung bakit tila isang delikadong tao ito sa paraan ng pagkakasambit ng tauhan ni Sloan sa pangalan nito.
Nang sulyapan ko si Cupid ay tiim ang anyo nito habang mas humigpit ang yakap sa anak. Wala akong mabasang anumang ekspresyon sa kanyang mukha, pero ang matalim at malamig niyang mga mata ay sapat na para magpahiwatig ng panganib.
Hindi ba ordinaryong dating app user lang itong si Cupid? Iyong pinsan kong si Fhel, kahit sa dating app ay gulo pa rin ang natatagpuan!
"He's the most dangerous operator in their syndicate," dugtong pa ng isa sa mga bodyguard ko.
Maang akong nagpalipat-lipat ng tingin kay Cupid at sa mga bodyguard ko. Kung hitsura ang pag-uusapan ay halatang mas dangerous ang mga pagmumukha nila kumpara kay Cupid.
Tapos idagdag pa na iyong tinatawag nilang most dangerous ay may hawak na cute na bata.
"Baka nagkamali lang iyong intel ni'yo," nagdududa kong wika. "Hindi naman siguro one hundred percent ang accuracy ng mga nahagilap ni'yong data. Kakilala iyan ng pinsan ko sa dating app. Paanong naging most dangerous chu-chu iyan?"
Humalukipkip ako habang nagpalipat-lipat ng tingin sa panig ng mga tauhan ni Sloan na bodyguards ko at sa mag-amang bago ko lang kakilala.
"Mommy, are they bad guys?" paanas na tanong sa'kin ni Chailyn kapagkuwan.
Sabay-sabay na napamulagat ang mga bodyguard ko. Ang lalaki ng mga katawan tapos mga mukhang hindi kukurap kahit barilin ng harap-harapan pero sa simpleng tanong ng bata ay talo pa iyong sinundot ng tinidor ni Kamatayan ang mga puwet nila.
"M-mommy?!" sabay-sabay pa nilang bulalas habang nagpalipat-lipat sa'kin ng tingin at kay Chailyn.
Hindi pala iyong tanong ang gumulat sa kanila, iyong tawag pala sa'kin ng bata.
"You're the mother?" pag-uulit pa talaga ng head bodyguard ko. Aligaga ang ekspresyon nito, na para bang hindi makapagdesisyon kung poprotektahan ba ako o tutukan din ng baril katulad sa ginawa nila sa mag-ama.
Kapag nakausap ko si Sloan, ay ipapa-pull-out ko 'tong mga pinadala niyang bodyguard. Mas gusto ko pa rin iyong mga tauhan namin ni Daddy kaysa rito sa mga kasapi ng mafia.
"Mukha ba akong nanganak sa gitna ng gabi sa Freglio?!" sigaw ko habang nanlilisik ang mga mata sa kausap na head bodyguard. "No'ng dumating ba ako rito ay may bitbit akong bata?! Dalaga ako at NBSB! Paano ako magkaroon ng anak?"
Kulang na lang ay isampal ko sa pagmumukha nila na mas virgin pa ako sa coconut oil! Nanggigigil talaga ako!
Pero ang mga tarantado, imbes na makinig at maniwala ay mas lalo lang naguluhan ang ekspresyon! Mukhang mas matimbang pa talaga sa kanila ang sinabi ng tatlong taong gulang na bata. Kung ganitong mga tauhan ang meron si Sloan ay baka bukas babagsak na ang sindikato niya!
"P-pero, Miss Kylie..." nauutal na giit ng lider, habang bumababa nang bahagya ang hawak nitong baril pero nakatutok pa rin sa direksyon nina Cupid. "Tinawag kayong 'Mommy' ng anak ni Cupid Carson. Kapag nalaman ito ni Mr. Sloan—"
"Kapag nalaman ni Sloan na ganyan kayo kabobong mag-proseso ng impormasyon, baka kayo ang ipakain niyon sa alaga niyang mga pating!" paasik kong putol sa pagsasalita niya. "Nag-iisip ba kayo?! Nakilala ko lang ang mag-amang 'yan kanina sa kaguluhan at nakitakbo na lang din ako kasama sila kaysa mabaril doon sa loob!" Parang gusto kong hingalin matapos magsalita.
"At ikaw," baling ko kay Chailyn habang pilit na pinapalambot ang mukha ko kahit nanggigigil pa rin ako, "Hindi ba sinabi ko na sa'yo na hindi nga ako ang mommy mo. Kapag tinawag mo pa akong mommy ay kukunin ka na talaga ng bad guys."
"Daddy won't let the bad guys get me," hindi kumukurap na tugon ng bata. May pa-ismid pa at tila niyayabangan pa ako. "And you're my Mommy. You can't make me stop calling you that," puno ng conviction nitong dugtong.
Nalaglag ang panga ko. Ang liit-liit pa ng bubwit na ito pero ang tapang-tapang na! Sinasagot-sagot ba naman ako na parang walang pinagdaanang habulan at barilan kani-kanina lang. Akala niya siguro ay chocolate bar lang ang nakatutok sa kanilang mag-ama ngayon at hindi mga tunay na baril!
Tiningnan ko ang ama nitong tuwid na tuwid pa rin sa pagkakatayo at walang katinag-tinag sa harapan ng mga nakatutok na baril. Imbes na pangaralan ang anak, nakataas lang ang isang kilay nito at tila nagpipigil pang mapangiti dahil sa narinig.
"She calls every pretty girl 'Mommy' when she wants something," seryoso ngunit may katiting na pang-aasar sa boses na paliwanag ni Cupid. Hindi nakaligtas sa'kin ang dumaang kislap ng kapilyuhan sa kanyang mga mata. " Sabi ko sa kanya kanina, kapag behaved siya, ibibili siya ng bagong doll ng Mommy niya."
"At ako ba iyong mommy na tinutukoy mo?!" maang kong tanong habang nakaturo sa sarili. Isang makahulugang ngiti mula kay Cupid ang kumumpirma sa akala ko. "Ang kapal mo rin sa part na nasangkot na nga ako sa gulo ninyong mag-ama, tapos ay ginawa mo pa akong dahilan para maging behave 'yang anak mo!"
Kasalanan talaga 'to ni Fhel at ng lintik na dating app na sinalihan niya!
"It worked, didn't it?" tugon ni Cupid, tila walang pakialam na limang armadong tauhan ng mafia ang nanonood sa aming dalawa na para bang isa kaming pamilyang nag-aaway sa gitna ng murder scene.
"Sir, ano na'ng ire-report natin kay Mr. Sloan?" Narinig kong tanong isang bodyguard sa head nila. "Ire-report ba natin na nahanap natin si Miss Kylie kasama ang isang Carson, o ire-report natin na may lihim na pamilya si Miss Kylie sa Freglio?"
"Shut the f**k up! If the family head hears that, he'll have us executed!" mahinang asik ng head bodyguard dito.
"Naririnig ko kayo, mga bwisit kayo!" singhal ko sa kanila habang naiinis na nagpapadyak. "Hindi na kailangan ang family head, ako na mismo ang babaril sa inyo."
Sa sobrang inis ko ay pinaputok ko ang huling lamang bala ng hawak kong baril sa mismong tapat ng mga paa nila.
Kilala na nila ako kaya sanay na sila sa paminsan-minsan kong saltik na basta na lang namamaril, pero ilan pa rin sa kanila ang hindi napigilang mapapiksi.
Nang mawalan ng bala ang hawak kong baril ay malakas ko itong binato sa pinakamalapit na pader.
"Walang lihim na pamilya! Walang anak! At lalong walang relasyon! Kung may relasyon man kami nitong si Cupid, 'yun ay ang relasyong 'Muntik na kaming mamatay pareho dahil sa kapabayaan ninyo!' Kaya magsitigil nga kayo sa pagmamarunong!" inis na inis kong litaniya pagkatapos ng outburst ko.
"Miss Kylie, kailangan po naming makasigurado," sagot ng head bodyguard, pilit na ibinabalik ang pagiging seryoso kahit halatang tensiyunado na ito. "Ang pamilya Carson ay hindi kaibigan ng The Pillars. Kung kasama ni'yo si Cupid Carson—"
"Kasama ko siya kasi siya lang ang may baril kanina no'ng pinaputukan kami!" pambabara ko sa kanya. "Samantalang kayo, kung kailan muntikan na akong mamatay at tsaka pa lang kayo dadating para magmarunong at manutok ng baril sa taong nagligtas sa 'kin! Nasaan ang mga utak ninyo?!"
Gulong-gulo ang mga mukha ng mga bodyguard ni Sloan. Para silang mga lalaking napasok sa isang telenovela na hindi nila kabisado ang script. Nakatutok pa rin ang mga baril nila kay Cupid, pero halatang wala nang kasiguraduhan kung ipu-pull ang trigger o hihingi muna ng panibagong info sa intelligence team nila.
Si Cupid naman, walang katinag-tinag sa puwesto niya. Sa kabila ng panganib at ng limang baril na nakatutok sa kanya, nanatili siyang nakatayo nang tuwid, hawak ang anak niya sa isang braso habang ang kabila ay maingat pa ring nakahawak sa sarili niyang baril. Pero ang tingin niya... nakatutok sa akin. Na para bang mas naaaliw pa siya sa pagwawala at pagtataray ko kaysa sa mga lalaking pwedeng bumaril sa kanya anumang segundo.
"Mommy..." muling tawag ng maliit na boses ni Chailyn, sabay hikab habang pikit na ang isang mata. " I want milk..."
Mabilis kong pinalipad ang matalim kong tingin kay Cupid.
"O! Narinig mo 'yan?!" singhal ko kay Cupid. "Milk daw! Asan 'yung gatas ng anak mo?! Imbes na nakikipagtitigan ka sa 'kin diyan, asikasuhin mo 'yang bata!"
"Nasa bag..." mahinahong sagot ni Cupid, ang labi ay bahagyang umangat sa isang pamilyar at nakakainis na ngiti. "Pakiabot nga sa loob ng bag, Kylie. Nakatutok kasi ang mga baril sa 'kin ng mga... bantay mo."
Napanganga ako sa kapapalang ng mukha niyang utusan ako. Ngayon ko lang din napansin na may sukbit siyang Sailor Moon baby bag.
Hindi ko tuloy magawang mainis nang tuluyang tumino sa'kin kung gaano katawa-tawa ang pormahan niya. May dalang baril, angas ng tindig, at nakamamatay ang titig—para bang handang makipagbarilan sa isang buong pangkat ng mercenaries. Pero kabaligtaran niyon, nakasabit sa balikat niya ang kulay pink na Sailor Moon baby bag na nakasuksok sa gilid ang mga makukulay na baby wipes, tsupon, at may maliit pang plushie mascot na nakasabit sa gilid nito.
Dahil sa gulo kanina ay hindi ko agad napansin ang baby bag na dala niya. Mas napansin ko pa ang matipuno niyang brasong nakahawak sa kanyang anak at ang kalibre ng balir na hawak niya.
Ngayong nabistahan ko nang maigi ang pormahan niya ay nagmumukha siyang bida sa isang action-comedy movie—isang lehitimong hitman na biglang napilitang mag-babysit sa gitna ng giyera! At least kahit gaano kagulo ang sitwasyon ay hindi niya nakalimutang dalhin ang mga kailangan ng anak niya.
Humarap ako sa mga bodyguard ko na hanggang ngayon ay nakatutok pa rin ang kanya-kanyang mga baril kay Cupid.
"Ibaba ni'yo nga 'yang mga baril ninyo!" utos ko sa kanila. "Bago ko kayo isa-isahing sipaing pabalik kay Sloan. Ibaba ni'yo 'yan at maghanap kayo ng sasakyan natin pabalik sa hotel!"
"B-but Miss Kylie, the enemy—"
"Hindi siya enemy, mukha siyang babysitter ngayon!" putol ko sa anumang reklamo ng mga bodyguard ko. "Ibababa ni'yo o ako na ang maghahanap ng masasakyan natin?" sarkastiko kong dugtong.
Nagkatinginan ang limang bodyguard, bago bumagsak ang mga balikat dahil sa pagkatalo at isa-isa nang ibinaba ang kanilang mga armas.
"Milk..." muli ay tila nagpapaalalang pahayag ng bata mula sa bisig ng ama, kumukurap-kurap pa ang mga mata na para bang nag-o-order lang sa drive-thru.
Binigyan ko si Cupid ng makahulugang tingin, siya iyong ama kaya obligasyon niyang tugunan ang pangangailangan ng sarili niyang anak. Kumilos na siya bago pa mauwi sa tantrums ang panghihingi nito ng gatas kahit nasa gitna kami ng panganib!