Chapter 2
Lutang ako. Habang nagb-biyahe kami pauwi sa mansyon gamit ang van ay wala ako sa sarili. Tahimik lang ako at hindi umiimik. Sinubukan akong kausapin ni Janice pero inignora ko siya. She's worried. Akala niya siguro ay labis akong nagtatampo dahil hindi dumalo si daddy. Which was somehow true. Pero hindi iyon ang dahilan kung bakit ako tahimik. Naalala ko kasi si pogi.
Seth daw pangalan niya.
Tapos pwede ko raw siya tawaging Blue if gusto ko. Luh, ano 'yon? Rhed ako ta's Blue siya? Was he flirting with me? Pero parang hindi naman. Mabait siya dahil tinulungan niya ako kanina sa baklang Jose na 'yon. Aba'y, inapakan pa talaga niya sa leeg. Tsaka feeling ko nag-j-joke lang iyon kanina eh. Bakit ko naman siya tatawaging Blue?
Baka nickname niya Blue? Or baka naman mama niya Blue? Charot.
Napahagikhik ako sa aking mga pinag-iisip. Nagtataka namang lumingon sa akin si Janice, akala siguro nababaliw na ako. I rolled my eyes at her at pursed my lips into a thin line. Naiinis ako sa kaniya. Ang sabi niya kanina pupunta si daddy pero hindi naman dumating. Sinungaling silang pareho.
Hindi naman nagtagal ay narating na rin naman ang subdivision kung saan ako nakatira. Di bale nasa pinakadulo ang bahay namin. Binuksan kami ng isang body-guard ng pintuan sa van habang ang driver naman ay binitbit ang mga gamit ko kanina sa pageant.
Agad akong bumaba sa van at pumasok sa bahay. Sinalubong naman kaagad ako ng isang kasambahay at naihanda na nito ang paborito kong tsinelas na may mukha ni Mickey Mouse.
Wala akong sinabi at dumeritso na paakyat sa second floor kung saan naroon ang malaking kwarto ko. Pagkapasok ko roon ay agad kong tinalon ang queen size bed ko at dumapa roon kasabay ng pagpikit ng mga mata ko.
Wala pa si daddy. Parang hindi na naman ata siya uuwi ngayon. Halos mag-iisang buwan na siya roon sa Saudi pero 'di pa rin siya nakakabalik. Ang sabi niya ay sisiguraduhin niyang makakauwi siya para dumalo sa araw na ito. Pero hindi naman iyon nangyari. Hindi na naman natupad ang mga ipinangako niya.
Uminit ang mata ko kahit nakapikit ito. Bumigat na naman iyong dibdib ko. Parati nalang ganito. Parati nalang siyang busy. Nakakatampo.
Tumunog bigla ang phone ko na nasa bulsa. Kinuha ko iyon at tiningnan ang caller.
Daddy Calling. . .
Sinagot ko kaagad iyon.
“You didn't came...” nanginginig ang boses na sumbat ko sa kaniya pagkasagot ko sa tawag.
[ I'm sorry, sweetheart. I really tried. Kaso na-delay 'yong flight ni daddy—] I cut him off.
“I hate you.”
I ended the call with a heavy heart. Sinubsob ko ang mukha sa kama at hinayaan ang sariling umiyak doon. Tangina lang, sana sinabi niya nalang na hindi siya makakapunta para hindi na umasa iyong tao. Nahihiya ako sa mga estudyanteng may mga magulang na dumalo kanina. Ako lang iyong walang magulang. Kanina, habang nakatayo ako sa gilid ng backstage at inaabangan si daddy, nakita ko pa iyong simpatya sa mga mata ng mga kakilala ko. They knew me and they knew my dad wouldn't came. As always. Kapag nga may PTA meeting, ako lang walang parents.
Umiyak ako nang umiyak noong gabing iyon. I was crying out of pity for myself. Kung sana lang may mommy ako eh, siguro hindi ko ito mararanasan.
Kinabukasan ay maaga akong nagising. Namamaga iyong mga mata ko kakaiyak kabagi. Gayunman ay sinikap kong bumangon at maligo. Hindi na akong nakapagbihis kagabi dahil sa sobrang pagod kaya tig dadalawang beses akong nagsabon at nag-shampoo ngayon.
Nang lumabas ako sa banyo ay nakalatag na sa ibabaw ng kama ko ang bagong plantsang uniporme. Nagsuot muna ako ng simpleng pambahay dahil papatuyuin ko pa ang buhok ko gamit ang hair dyer. Baka kasi mabasa iyong uniform at magusot if susuotin ko na agad.
Labing limang minuto kong pinatuyo ang buhok ko. My hair has a unique color. Naghahalo ang kulay pula sa itim nito. Para tuloy akong nag-highlights. Si Mommy ko raw kasi sabi ni daddy natural na pula daw ang buhok kaya siguro namana ko. At kaya rin siguro pinangalanan akong Rhed kasi red din iyong hair ko.
After kong magpatuyo ng buhok ay sinuklay ko na ito at hinayaang nakalugay. Naglagay ako ng pulbo sa mukha tsaka liptint bago ko isinuot ang uniform ko. Maiksi ang palda ko hanggang kalahati lang ng makinis at maputi kong hita. Bawal talaga iyon sa school's dress code namin pero wala namang nag-report sa akin. Pati teachers hindi naman ako sinita kaya gora pa rin ako.
Bitbit ang Chanel bag ko ay bumaba na ako. Janice was already there with a lunch box. Nakangiti niya iyong inilahad sa akin. Tumaas lang ang kilay ko at tinalikuran siya. I don't bring lunch boxes to school. Ilang ulit ko na iyong sinabi sa kaniya pero sige pa rin siya nang sige kung maghanda para sa akin. Sa totoo lang, mas grabe pa siya roon sa mga nanay na napapanood ko sa TV. Sobrang hands-on.
“Hija, hindi ka pa kumakain!” sigaw ni Janice sa akin.
Itinaas ko ang kamay sa era. “Diet ako!”
“Jusko, disesyete ka palang! Kumain ka muna rito at matagal pa naman bago magsimula ang klase niyo.”
“Diet nga ako, Janice!” I stomped my feet and turned around to glare her.
Umiling siya at naglakad palapit sa akin. Wala na akong magawa nang hinawakan niya ako sa pulso at dinala sa kusina. Pinaupo niya ako sa isang stool chair at naglagay ng plato sa harapan ko. Pinagsandok niya ako ng kanin at ulam na ham at itlog.
“Kabilin-bilinan ng daddy mo na kailangan mong kumain bawat umaga. Alam mo ba ang kasabihan na, breakfast is the most important meal? Kailangan mong kumain, hija. Kahit ilang subo lang. Tsaka isang basong gatas.”
“I don't like milk!” maktol ko at padabog na kinuha ang kutsara at tinidor. Nakasimangot na kinain ko ang mga iyon.
“Oh, edi chocolate-milk nalang,” aniya at nilapag ang isang mug ng chocolate-milk. Mainit pa iyon.
“Want it cold!” I whined.
“Baka sumakit tiyan mo kay aga-aga malamig na agad ang iniinom mo. Eto nalang,” sabi niya sa malumanay na ulit na boses. Sinamaan ko siya ng tingin pero ininom pa rin naman ang binigay niya. “Hija, dahilhin mo na rin iyong lunch box na inihanda ko sa'yo. Baka magutom ka,”
“Marami akong pera pambili ng pagkain sa canteen. And gosh, I'm not an elementary student anymore!”
Tumayo na ako at halos patakbong lumabas sa bahay. Kalahati lang kinain ko sa kanin na hinanda niya tsaka ilang higop lang ng choco-milk ang ininom ko. Hindi niya kasi talaga ako titigilan hangga't hindi ako nakakakain sa umaga.
“Ingat!” pahabol na sigaw ni Janice sa akin.
“Bye!” sagot ko sa malakas na boses. OA rin minsan itong si Janice eh. Wala naman si daddy dito kaya malamang hindi nito malalaman kung hindi ako kakain ngayong umaga. Bata pa si Janice, parang nasa 38 pa ata. Matanda lang sa kaniya ang daddy ko ng tatlong na taon since 41 pa naman si daddy. Simula noong ipinanganak ako ay nandiyan na siya bilang personal assistant ko. Wala pang sariling pamilya si Janice dahil busy ito kakatrabaho para lang suportahan ang mga nakababatang kapatid na mga kukupad at walang mga utang na loob.
Tsaka dagdag pa iyong parents niya. Yung Mama niya is labandera lang pero natigil na ito mula nang ma-stroke. Iyong tatay naman niya hanggang ngayon lasenggo pa rin. Bread winner kumbaga ng pamilya si Janice. Sa totoo lang, naaawa ako sa kaniya. Mabuti nalang triple ang sweldo na ibinibigay ni daddy sa kaniya. Deserve niya naman iyong ganoon kalaking halaga ng pera. Ikaw ba naman maging personal assistant ng isang demontiyang katulad ko.
Aminado naman akong maldita talaga ako. Kung mabait pa ako, tiyak na hindi ako susugurin no'ng baklang kapatid ni Mary Grace na ang pangit naman ng mukha. Aba't sinabunutan ako! Mabuti nalang at maganda ako kaya keri ko iyon. Tsaka may nagligtas sa akin...
Nang mabanggit iyon sa akin utak ay pumasok naman ang imahe ng gwapong mukha ni life saviour ko na si Seth.
Ano kayang ginagawa niya ngayon? Doon ba siya nag-aaral sa school na pinapasukan ko? Ba't parang hindi ko pa siya nakikita kahit kailan? Halos lahat ng estudyante sa school ay kilala ako. At paniguradong makikilala ko siya if doon nga siya nag-aaral sa school namin. Sa gwapong itsura ba naman niya...
Nasaan kaya siya ngayon? Ni-report ba talaga niya iyong si Jose kagabi? Naku, ewan ko nalang ko kapag nga oo. Baka umabot ang nangyari kagabi kay daddy at baka ano na naman ang magawa niya. The last time may nanakit sa akin ng pisikal ay pina-kick out niya sa school at timing pa na nag-t-trabaho iyong magulang nito sa firm ni daddy. Ayun, halos halikan nito ang lupa kakahingi mg patawad sa akin. Pero ayaw talaga ni daddy kaya walang nagawa ang mga ito kundi umalis na lang. Ang huling sinabi pa nito bago umalis ay sana raw karmahin kami. Gaga.
__
NAKARATING ako sa school bandang mga alas otso na ng umaga. Nagpahinto pa kasi ako kanina sa driver sa 7/11 para bumili ng siopao. Paborito ko kasi iyon.
Sobrang ingay ng school namin at makalat. May mga workers naman ang naglilinis sa paligid at nagpupulot noong mga basura kahapon. Private school kasi ito kaya iyong mga magulang ayaw pumayag na iyong mga anak nila ang maglinis sa paligid. Tama nga naman. Malaki ang tuition naman kaya dapat tratong mga prinsesa at prinsepe kami rito.
Habang naglalakad patungo sa building ng Grade 11 STEM building ay may mga nakasalubong akong binabati ako sa pagkapanalo kahapon at deserve ko raw iyon. Nagpasalamat ako at kumaway sa kanila. Mabait ako sa taong mababait sa akin.
Pagkapasok ko sa room ay halos mabali ang mga leeg ng nga kaklase ko sa paglingon sa akin.
“Wooh! Nandito na ang Miss Intrams natin!” sigaw ni Freed, isang kaklase kong gwapo nga hambog naman.
“OMG! Congrats, Rhed!” Tinakbo ako nang yakap ni Thelma. Nagtitili siya sa sobrang saya. Siya iyong classroom president namin.
“Thank you!” ngiti-ngiting saad ko at niyakap siya pabalik.
Nakangising naglakad si Freed sa amin, kita tuloy ang malalim niyang biloy sa magkabilang pisngi. Nakakainggit ang dimples niya pero hindi ko iyon sinabi. Baka mas lalong maging hambog lang ang isang 'to, eh.
“Libre na 'yan!” he exclaimed.
Kung sa ibang pagkakataon ay talagang tinarayan ko na siya. Pero dahil good mood ako ngayon, ngumiti ako nang matamis.
“Sure! Mamaya sa canteen, libre ko kayong lahat,” nakangiting sabi ko. Nanlaki ang kaniyang mata at napasuntok sa ere kasabay ng paghiyawan ng mga kaklase pa namin.
Nahuli kong umismid iyong bida-bida naming classmate na si Zenaida sa pinakaunahang silya sa room. Hindi ko nalang pinansin kasi nga good mood ako today.
Nagsimula na ang klase bandang alas nuebe na. Hindi kasi pumasok ang first subject teacher namin dahil abala ito sa pag-aasikaso sa mga SSG officers. Siya kasi ang adviser ng mga ito. Bago nagsimula ang klase ay pinatayo pa ako sa harapan ng blackboard para i-congratulate. Nagpasalamat ulit ako.
Noong next subject na ay biglang may dumating. Estudyante mula sa lower year, parang grade 8 pa ata.
“Yes?” tanong noong math teacher namin. Ngumiti ang batang estudyante at yumuko nang bahagya.
“Good morning po, Sir Enzo. Pinapatawag po si Salvestre sa office, sabi ni Ma'am Montes ay kung pwede raw po ba na i-excuse muna raw po siya sa klase niyo,” sabi nito.
Agad naman akong naalerto nang marinig ko ang apelyido ko. Ako lang ang Salvestre rito so it means, ako ang tinutukoy niya.
Napatayo ako.
“Bakit daw?” tanong ni Sir Enzo.
Nagbikit balikat ang babaeng estudyante. “Hindi ko po alam, eh. Siguro ay tungkol po ito sa pageant kagabi,”
Tumango si Sir at nilingon ako. Ngumiti ako at yumuko nang kaunti.
“Excuse me po, Sir.”
“Sure, go ahead.” Inimuwestra niya ang pintuan. Dumaan ako roon at dumeritso sa office, doon iyon sa pinakadulong bahagi ng school. Medyo malayo-layo rin kaya pinagpawisan ako at hiningal.
Nang makarating doon ay pinunasan ko muna ang pawis ko gamit ang panyo at pinahupa muna ang paghingal ko. Nang pakiramdam ko ay ayos na ako ay tsaka lamang ako kumatok. Pero bago niyon ay inayos ko muna ang buhok ko. Baka kasi may pictorial na naman na gaganapin since ako 'yong nanalo kagabi. Hindi ko kasi nagawang makapag-picture kasama ang mga teacher kagabi dahil bad trip ako.
“Come on in," isang pamilyar na boses ang sumagot sa mga katok ko. Boses iyon ni Ma'am Montes. Hinawakan ko ang seradura ng pintuan at inikot ito upang buksan.
Pumasok ako sa loob. Nakita ko siyang nakaupo sa table niya habang may eye-glass sa kaniyang mga mata. Sa harapan ng table niya ay nakaupo roon na lalaki, mukhang hindi naman estudyante dahil naka-casual lang ang kasuotan nito. “Good morning po, ma'am. Pinapatawag niyo raw po ako?” magalang kong tanong.
Kunot ang noo ni ma'am at naroon sa kaniyang mata ang labis na pag-aalala. She gestured me to sit across her table where a vacant seat was located in front of the other person.
Hindi ko ito nilingon. Pakiramdam ko kasi parang importante ang sasabihin ni ma'am ngayon base sa kaniyang mukha. Napalunok ako. Baka may nagreklamo na naman sa aking binully ko nitong mga nakaraang araw tapos papagalitan ako ni ma'am. I don't care about what other teachers might think of me but Ma'am Montes is different. I don't know why pero nai-intimidate ako sa kaniya. I don't want to disappoint her for some reason.
“Ms. Salvestre,” seryosong boses ni ma'am ang nagpaupo sa akin nang tuwid.
Napalunok ako. “Yes, ma'am?”
“Are you okay now? Wala ka bang natamong sugat o gasgas kagabi?”
“Ma'am...?” naguguluhang tanong ko.
“The incident last night came to me. Sinugod ka ng isa sa mga estudyante kagabi. Lalaki. Jose Quinto ang pangalan. Tama ba?”
Nanlaki ang mga mata ko at napasinghap. Dahan-dahang lumingon ang leeg ko sa lalaking nasa harapan ko at seryosong nakatingin sa akin.
My jaw dropped when I recognized him. He was the same man last night.
“It's a good thing na may nakakita kagabi at natulungan ka,” rinig kong boses ni ma'am. Nanatili akong nakatingin kay Seth—iyong tumulong sa akin kagabi habang nakanganga ako.
Kunot naman ang kaniyang noo at nakatingin sa akin ng seryoso ang kaniyang kayumangging mga mata. Tumalon ang puso ko sa nang bahagya.
“The boy who harassed you last night is absent. Pero magpapadala na ako ng notice para sa dito at sa kaniyang mga magulang,” ani ma'am. “Ngayon, hija. Gusto kong malaman ang nangyari kagabi at kung bakit ka sinugod.”
Nanginig nalang bigla ang mga daliri ko. Umiwas ako ng tingin sa seryoso at malamig na titig ng kaharap ko. Humarap ako kay ma'am at ngumiti nang maliit.
“Simpleng away lang po iyon. Hindi naman po iyon big deal tsaka hindi naman niya po ako ganoon nasaktan kasi may tumulong sa akin kagabi. Okay lang po ako, at okay lang din na hindi na palakihin itong gulo.”
I saw through peripheral vision that he snapped his head towards me. Pinanatili ko naman ang aking paningin sa harapan at hindi siya nilingon.
“Are you sure, hija? Hindi ito simpleng pangyayari lang. It's assaulting. Puwede kang mag-reklamo. Our school is aiming to be a friendly institution and this incident cannot just be slip. Your parents or guardians sent you here and expected you to be good in our hands, so that's why we're doing this action to fulfill our promises.”
Umiling-iling ako. “No!”
Kumunot ang noo ni ma'am. Napatikhim naman ako sa hiya.
“I-I mean, it's okay lang po talaga,” nahihiyang sabi ko. “Hindi na kailangan...”
Nagulat ako nang biglang tumayo ang matangkad na lalaki na tumulong sa akin kagabi.
Tiningnan ko siya at nakitang nakaigting ang kaniyang mga panga habang magkasalubong ang kaniyang maitim at makapal na kilay. Ang kaniyang kulay brown na mga mata ay nakatingin sa akin. Umiwas din naman siya ng tingin sa akin at tumingin sa wrist watch niya.
“Excuse me, ma'am. Our class is about to start,” aniya. Ang kaniyang boses ay mahina at mababa.
Tumingin siya sa akin. Ngumiti ako nang bahagya. “Uhm, salamat pala sa pagtulong sa akin kagabi—”
“I'm leaving.”
Umawang ang labi ko nang pinutol niya ako sa pagsasalita at basta nalang tumalikod at lumabas sa opisina ni ma'am Montes.
Nakasunod ang tingin ko sa kaniya. Nakasuot siya ng simpleng kulay puting t-shirt at maong jeans. Isang puting sneakers naman ang sa paanan niya. He so tall. May kalaparan ang kaniyang balikat at mahahaba naman ang kaniyang nga hita. Hindi ganoon kalaki ang kaniyang pangangatawan ngunit hindi siya payat. Kumbaga sakto lang.
Hindi ko alam kung bakit, ngunit nang umalis siya ay tila mabigat na bagay ang dumagan sa dibdib ko. Hindi ko maintindihan ang sarili ngunit pakiramdam ko ay may mali akong nagawa. Pakiramdam ko ay nagkamali ako.
“Ms. Salvestre,” ang boses iyon ni ma'am ang nagpukaw sa aking atensyon.
Lumingon ako sa kaniya.
“That is Seth Dawn Marcus. The boy who helped you last night and reported us what happened. Hindi siya pumasok sa unang klase niya para lang pumunta rito dahil nag-aalala siya sa'yo. He wanted to help you that's why he's here and yet...” Ma'am Montes trailed off.
Daig ko pa ang binuhusan ng malamig na tubig dahil sa narinig. Nanuyo ang aking lalamunan at napatayo ako nang tuwid. Umawang ang kaniyang labi upang magsalita ngunit wala ni isang lumabas na boses dito.
Tinikom ko ito nang magsalitang muli si ma'am. “Isa siya sa mga estudyante ko rito noong siya'y high school pa lamang. He's an advocate of women and children welfare so he's probably kind of disappointed. He's a top student of their class but he still spare a time to go here,”
Mas lalo akong nanlamig sa narinig. Parang gusto kong maiyak sa pagkapahiya sa sarili. Napayuko ako at kinagat ang ibabang labi, lihim na kinutusan ang sarili dahil sa katangahan.
Ilang minuto pa akong nanatili sa opisina ni ma'am bago niya ako pinaalis at pinabalik sa klase. Tinanong pa kasi niya ulit ako kung desidido ba ako sa aking desisyon. Tumango naman ako at nakiusap na sana hindi na ito makaabot sa daddy ko. Naiintidihan naman ni ma'am ang aking ibig ipahiwatig kaya tumango siya at nangakong hindi iyong sasabihin sa daddy ko, pero kapag naulit daw ay hindi siya mag-aatubiling ipatawag ang parents nung nanakit sa akin.
Imbes na makahinga nang maluwag dahil pumayag si ma'am ay iba ang nararamdaman ko. Mabigat ang aking dibdib.
Nanghihinang napaupo ako sa silya ko sa loob ng klase. Lumapit sa akin si Freed at inakbayan ko nang makaupo siya sa vacant seat na katabi ng akin.
“Bakit parang nag-iba ata mood mo? 'Wag mong sabihing nagbago na ang desisyon mong i-libre kami? Uy, 'wag ganiyang kapatid. Bawal iyan sabi ni Papa Jesus.”
Hindi ako sumagot. Una dahil tinatamad akong sumagot at pangalawa ay ayaw kong masayang ang lawag ko para sa isang taong kagaya niya na wala naman kwenta.
“Hoy. Problema mo, Pula?” Kinatok niya ang ulo ko kaya sinamaan ko siya nang tingin. Gwapo si Freed kaso lang 'di ko siya bet. Ganoon din naman siya sa akin so the feeling is mutual. Barkada lang kami at magkaklase.
“Pangit mo talaga, Freed.”
Tumaas ang isa sa makakapal niyang kilay. Tiningnan niya ako na para bang naghahamon.
“Ah, talaga? Gusto mo papuntahin ko rito mga admirers ko, eh. Pati na rin iyong mga babaeng nabaliw sa akin, papipilahin ko sa harapan ko nang magising ka sa katotohanan.”
“Baliw!” Siniko ko siya sa tagiliran. Umungol siya sa sakit at napalayo sa akin.
“Gago! Ang sadista mo talaga kahit kailan, Pula!” aniya habang nakalukot ang mukha. Ilang mura pa ang narinig ko mula sa kaniya bago siya tumigil.
“Ang bastos ng bunganga mo, Freedrick!” Mula sa labas ng classroom ay pumasok si Thelma na nakasimangot. “Abot hanggang canteen ang mga bad words na lumalabas diyan sa mouth mo!”
“Walang maysabing makinig ka,” pilosopong sagot ni Freed.
Naiinis naman na nagpadyak palapit sa amin si Thelma at sinabunutan si Freed. Todo mura at daing naman ang huli. Ayan, bagay nga. Dezurv.
Nang sa tingin ko ay maiiyak na talaga si Freed dahil sa pagkakasabunot sa kaniya ni Thelma ay tsaka lang ako umawat. Sakto namang dumating na rin ang teacher namin at magsimula na ang klase. Nagbati naman na sila dahil sinuyo ni Thelma ang lintek na si Freed.
___
“INGAT!” Kumaway sa akin si Thelma habang papasok ako sa loob ng SUV namin. Uwian na kasi.
“Likewise!” Kumaway ako pabalik. Babati pa sana sa akin ni Freed nang sinara ko na ang pintuan ng sasakyan. Nakita ko siyang sumimangot sa labas ng bintana at nag-dirty finger pa sa akin. Ang sarap sagasaan ng gago.
Sumandal ako sa backrest habang dahan-dahang umaabante ang SUV na sinasakyan. Marami pa kasing estudyante dahil hindi pa kami nakakalayo sa school kaya dahan-dahan lang ang takbo namin.
Habang papauwi ay hindi ko maiwasang hindi mapaisip sa sinabi ni ma'am kanina at iyong mukha ni Seth kanina na blangko at walang emosyon. Hindi ko maiwasang mapaisip kung tama ba ang naging desisyon kong palampasin nalang ang nangyari kagabi. I felt so guilty kahit ako pa 'yong sinabunutan noong si Jose.
“Ma'am, pwede po bang huminto muna tayo sandali. May pinapabili po kasi si Misis,” boses iyon ng driver na si Mang Esto. “Diyan lang naman po sa tindahan.”
“Bilisan niyo nalang, Mang Esto. Nagugutom na ako, eh,” sabi ko at tumango. Nagpasalamat muna si Mang Esto bago niya ipinarada ang sasakyan sa isang gilid at lumabas. Tumawid siya ng kalsada at may biniling kung anong chichirya roon. Buntis kasi ang asawa na si Aleng Ema na kasambahay din sa bahay. Pangalawang anak na nila ito ngayon. Iyong isa ay nasa ina ng asawa ni Mang Esto, nag-aaral na kasi ang bata. Ngayon namang buntis ulit ito ay titigil muna sa pagt-trabaho at babalik nalang four months after makapanganak.
Hindi naman katagalan ay nakabalik na si Mang Esto. Humingi ito ng pasensya sa akin dahil medyo natagalan daw siya kahit hindi naman talaga.
Aalis na sana ulit kami nang may mahagip ang mga mata kong pamilyar na bultong nakatayo sa may tindahan. Nanlaki ang mga mata ko.
“Sandali, Mang Esto!”
“Bakit, Ma'am?”
“Sandali. Ihinto mo muna ang sasakyan, bababa ako.” Ginilid naman niya ang kotse sa daan.
Agad akong bumaba sa sasakyan at tinungo kung saan naroon siya.
“Hey!” I exclaimed. Ang ibang estudyante ay napapalingon sa akin dahil sa biglaang pagsigaw ko. Sinamaan ko ng tingin iyong ibang mga estudyanteng nakataas ang kilay sa akin.
Kumaway ako sa hangin. “Hey!”
Medyo malayo-layo ang agwat ng distansya naming dalawa kaya marahil hindi niya ako naririnig. Tumawid ako ng kalsada at lumapit sa kaniya. Tsaka lamang siyang tumingin sa akin.
Sinalubong ko ang kulay kayumanggi niyang mga mata. “H-Hi!” nauutal at hinihingal kong bati sa kaniya.
His brows creased. Wala siyang sinabi.
Ngumiti ako. “Uh, sorry pala kanina. Tsaka thank you na rin kagabi—”
Bigla siyang tumalikod at umalis.
Nahulog ang panga ko. Walang modo!
Narinig kong nagtawanan ang ibang mga estudyanteng nanonood sa amin. Mga chismoso't chismosa!
Nilingon ko sila at sinamaan ng tingin. “Kayo, tatawa-tawa kayo ang babaho naman ng mga hininga niyo!”
Natahimik sila. Ang iba ay namula ang mukha marahil ay natamaan. Iyong iba naman ay pasimpleng inamoy ang mga bumanganga.
Inis na napapadyak ako. Bukod sa napahiya na ako ay pakiramdam ko ay para akong tangang nagmamaktol sa gilid ng kalsada.
May mga taga ibang school kasi ang nandito kasi malapit lang ang school namin sa public school. Marami ring street food sa gilid-gilid at may mga estudyanteng kumakain doon.
“Bwisit!”
Tumalikod ako at naglakad pabalik sa kinaroroonan ng sasakyan namin.