“Aalis na po ako ‘Tay!” paalam ni Kristina sa ama matapos asikasuhin ang dalawang nakababatang kapatid na sina Mona at Jimbo, mga edad sampu at labindalawa. Pareho itong nasa elementarya pa lamang. Siya naman ay kumukuha ng kursong Bachelor in Secondary Education sa Unibersidad ng San Marcos.
Nakaabang na sa labas ng kanilang bakuran ang tricycle na service niya tuwing papasok sa Unibersidad. Nagmamadali niyang tinungo iyon. Kulang na kulang ang kanyang oras sa umaga. Gigising siya ng alas kwatro ng madaling araw upang magsaing at magluto ng ulam. Pagkatapos ay isisingit niya ang kanyang pagligo. Mamamalantsa siya ng kanilang uniporme habang pasulyap sulyap sa kwadernong naglalaman ng kanyag mga aralin. Pagsapit ng alas singko y medya ay gigisingin niya naman ang mga kapatid at aasikasuhin ang paliligo at pagkain ng mga ito at ang natitirang oras ay para na sa kanyang sarili. Siya na ang tumatayong ina ng kanyang mga kapatid. Ang kanyang ama naman ay laging abala sa maliit nitong repair shop na kahit papaano ay kumikita.
“Kristina!”
Napalingon ang dalaga nang marinig ang boses ng matalik na kaibigan at kababatang si Gino. Pauwi na siya ng mga oras na iyon.
“Hindi ka pumasok?” usisa ng dalaga. Hindi niya ito napansin kanina. Katulad niya ay nasa kolehiyo na ito at kumukuha ng BS in Mechanical Engineering. Ulila na ito sa mga magulang at ang Lola na lamang nito ang kasama sa buhay.
“Hindi na ako papasok,” tugon ng binata.
Nagsalubong ang kilay ni Kristina at inalihan ng pag-aalala. Bigla niyang naalala ang ikinuwento ni Gino sa kanya kamakailan lang. Inalok ito ng tiyahin nito sa Maynila na sasagutin ang pag-aaral hanggang makapagtapos ito ng kolehiyo ngunit kailangan nitong lumuwas at doon na manuluyan. “Tuloy na ba?” matamlay na tanong niya. Marahang tumango si Gino. “Kailan ang alis mo?”
“Mamaya na,” tugon ng binata.
Bumagsak ang mga balikat ni Kristina sa narinig. Halos buong buhay niya ay kasama niya si Gino. Para na niya itong kapatid. Sa lahat ng lalaking kilala niya ay kay Gino lamang siya komportable.
Napasinghap si Kristina nang bigla na lamang siyang kabigin at yakapin ng mahigpit ni Gino. Sumubsob sa balikat niya ang binata. Kasunod niyon ay paghikbi. “Ayaw ko sana Tin, gusto ko dito lang kasi andito ka, pero hindi ko pwedeng pakawalan ang isang bagay na tutupad sa mga pangarap ko.”
Hindi rin napigilan ni Kristina ang pagbagsak ng kanyang mga luha. Gumanti siya sa yakap ng kaibigan. “Ok lang iyan! Masaya ako para sa’yo,” aniya habang hinahaplos ang likod ng kaibigan. “Hindi mo na kailangang pumasok sa iba’t ibang part-time jobs para lang matustusan ang pag-aaral mo. Tapos hindi ka na malilingat kay Lola mo kasi may mag-aalaga na sa kanya habang nag-aaral ka. Babalik ka pa naman ‘di ba?” wika niya.
Kumalas sa pagkakayakap si Gino. “Syempre naman! Babalik ako para sa’yo,” tugon nito.
“Mag-iingat ka, ha?” Patuloy ang pagpatak ng mga luha niya. Iyon ang unang pagkakataon na magkakahiwalay sila ng matalik na kaibigan.
Tumango ang binata at muling niyakap si Kristina. “Ayaw kong sumama ka sa paghatid mamaya. Baka magbago ang isip ko at hindi na ako umalis,” anito.
“Ang daya mo naman Gino!” Marahang itinulak ni Kristina ang binata. “Kapag umalis ka na, matagal tayong hindi magkakausap. Matagal tayong hindi magkikita, tapos ayaw mong sumama ako sa paghatid sa’yo?”
“Please, Tin. Seryoso ako! Kapag nakita kita mamaya bago ako umalis, baka hindi na ako tumuloy,” wika ng binata.
Napabuntong hininga na lamang si Kristina kasabay ng muling pagbagsak ng mga luha. “Baka kapag nandoon ka na, bigla mo na lang akong makalimutan. Marami kang makikilala ro’n!”
“Ikaw, makakalimutan ko?” nakangiting wika ni Gino. “Imposible! Makakalimutan ko pa ang huminga, pero ikaw, hinding hindi!” Inakbayan nito si Kristina. Pinahid nito ang mga luha ng dalaga. “Pinaiyak tuloy kita. Ayaw na ayaw pa naman kitang umiiyak pero ako pa ang nagpaiyak sa’yo ngayon. Parang gusto kong sapakin ang sarili ko!” biro nito.
Bahagyang natawa si Kristina. “Baliw!” aniya. “Paano iyan, kapag nagka-girlfriend ka, hindi ko na malalaman.”
Napatitig sa kanya ang binata. “Hindi mo talaga malalaman!” wika nito. “Hindi mo malalaman kasi hindi naman ako mag-gi-girlfriend!”
“Maniwala!” Umirap ang dalaga. “Basta mag-iingat ka ro’n ha? Alagaan mo ang sarili mo.”
Tumango ang binata. “Ako dapat ang nagsasabi niyan sa’yo, kasi hindi na kita maaalagaan.” Bumuntong hininga ito.
“Ok lang ako Gino. Malulungkot lang ako kasi ma-mi-miss kita pero mas masaya ako kasi alam kong magiging mabuti ang kalagayan mo ro’n. Sigurado nang magiging engineer ang bestfriend ko! Ngayon pa lang proud na proud na ako sa’yo.”
“Salamat,” wika ng binata. Ngumiti ito. “Ma-mi-miss kita.” Muli nitong niyakap si Kristina.
Nang gabi ngang iyon ay nakaalis si Gino.
“Hoy!” Halos magpanting ang kanang tainga ni Kristina nang sigawan siya ng malapitan ni Seanna, isa ring malapit niyang kaibigan. Palagi siya nitong pinupuntahan sa bahay tuwing gabi dahil iyon lamang ang oras na parehas silang bakante. “Tulala ka riyan! Ano ba ang iniisip mo, ha?” anito.
Nagbuntong hininga si Kristina. “Umalis na si Gino,” tugon niya.
“Ha?! Ba’t hindi ko alam?” salubong ang mga kilay na wika ni Seanna.
“Hindi nga ako pinasama sa paghatid e,” dismayado pang wika ni Kristina.
“Siraulong Gino iyon ah! Napakaduga!” Umupo ito sa tabi ni Kristina. Maya maya ay siniko nito ang kaibigan. “Tin, nagtapat ba?”
Kumunot ang noo ni Kristina. Hindi niya maunawaan ang ibig sabihin ni Seanna.
“Nagtapat ba si Gino sa’yo bago umalis?” tanong muli ni Seanna. This time ay mas malinaw na.
“Nagtapat ng ano?” Ngunit nanatiling clueless si Kristina.
“Hindi mo ba halata?” naiinis na wila ni Seanna. “May feelings sa’yo si Gino!” bulalas nito. “Wala kang kamalimalisya sa katawan, ang manhid manhid mo!”
Sandaling natulala si Kristina sa paghahanap ng itutugon sa kaibigan. “Kilabutan ka nga sa sinasabi mo Seanna!” wika niya habang mariing hinahaplos ang magkabilang braso. “Magkaibigan lang kami ni Gino! Para na kaming magkapatid!”
“Exactly! Kaya hindi nagtapat sa’yo si Gino dahil iyan ang tingin mo sa kanya, kaibigan lang at kapatid!” Umikot ang mata ni Kristina. “Alam ni Gino na i-re-reject mo siya kaya hindi siya nagtapat. Kawawang Gino! Mas pinili niyang kimkimin ang nararamdaman kaysa mawala ang kanyang bestfriend.”
“Huwag ka ngang mag-imbento riyan!” naiinis nang wika ni Kristina.
“Hindi ako nag-iimbento! Hindi ako matalino gaya mo, pero hindi ako manhid!” Lumabi ang dalaga.
“Kung totoo ang sinasabi mo, tama lang ang ginawa niya,” seryosong sagot ni Kristina sabay iwas ng tingin.
“Hay naku, Maria Kristina, ewan ko sa’yo!”
Napaisip si Kristina. May damdamin nga kaya si Gino sa kanya na higit pa sa isang kaibigan? Ganoon na ba siya katanga para hindi iyon mapansin? Sa tagal ng pagkakaibigan nila ni Gino ay hindi naman nagbago ang pagtrato nito sa kanya simula’t sapol, kaya akala niya ay normal lang lahat ng ginagawa nito.
Napa-second look siya nang may dumaang tatlong lalaki sa labas ng kanilang bakuran. Kilala niya ang dalawa sa magkabilang gilid, ang magkapatid na sina Mike at Dan. Nakaagaw ng kanyang pansin ang lalaki sa gitna. Matangkad iyon, at kahit hindi niya gaanong nasilayan ang mukha nito, ay sigurado siyang gwapo ito. Hindi niya alam kung bakit napasunod siya ng tingin sa lalaking iyon. Basta may iba lang sa kanyang pakiramdam.
“Seanna...” usal niya.
“Bakit?” nayayamot na tugon naman ng isa na hindi pa maka-move on sa argumento nila ni Kristina.
“Kilala mo ‘yon?” sabay nguso sa lalaking nakaagaw ng kanyang pansin.
Nagsalubong ang kilay ni Seanna. Umiling ito. “Hindi eh!” Pagkatapos ay biglang tinapunan ang kaibigan ng malisyosong tingin. “Bakit?” malisyosong usisa nito kay Kristina.
“Anong bakit? Wala! Nagtatanong lang. Para kasing hindi taga rito,” paliwanag ng dalaga.
“Hindi ko kilala eh!” tugon ni Seanna. “Pero balita ko, umuwi ‘yong anak at apo ni Don Manuel na galing Amerika. Binata na raw ‘yong apo. Feeling ko siya ‘yon!”
Tumango tango si Kristina. “Siguro.”
Sa labis na pagkaabala ay ni minsan hindi sila nakapunta sa burol ni Don Manuel pati na rin sa libing nito.
“Gusto ko ngang makita e. Sabi nila pogi raw!” wika ni Seanna na halatang kinikilig. “Sana wala pang girlfriend.”
Inirapan lang ito ni Kristina. May pagkakalog talaga ito, pero katulad niya ay hindi pa ito nagkaka-boyfriend.
Wala pa talaga sa isip niya ang pag-ibig. Pakiramdam nga niya ay tatanda siyang dalaga. May mga nais namang manligaw sa kanya pero ni isa ay wala siyang pinapansin. Bukod sa ayaw niyang mag-entertain ng manliligaw dahil sa nakatuon ang buo niyang atensyon sa pag-aaral ay labis ang pagiging mahiyain niya. Maski siya ay natatawa sa sarili sa kanyang mga ikinikilos dahil sa labis na pagkamahiyain na hindi niya alam kung saan nanggagaling.
Isinasakripisyo niya ang maliit na halaga ng baon niya araw-araw para sa pagsakay ng tricycle dahil ayaw niyang maglakad papunta sa Unibersidad. Iniipon niya iyon para sa buwanang bayad kay Toper na siyang drayber ng tricycle na kanyang service. Sa tuwing maglalakad siya ay pakiramdam niya ay matutunaw siya sa tingin ng mga tao. Hindi siya makalakad nang nakatingin sa malayo, bagkus ay palagi lamang nakayuko ang ulo at kung may dalang panyo ay palaging tatakpan ang bibig. Sa tuwing gagawin niya ito, ay nagbibigay iyon ng comfort sa kanya kahit papaano. Kung may dala namang payong, kahit walang ulan o hindi pa kainitan ang araw ay magpapayong siya upang maikubli ang sarili mula sa mata ng madla. At kung maglalakad siya ay kung maaari nga lamang sa kanal na siya dumaan ay ginawa na niya. Nakakaramdam lamang siya ng confidence sa loob ng classroom, tuwing mag-re-recite siya o mag-re-report. Ang classroom ang kanyang comfort zone.
Ayaw niyang maniwala sa sinabi ni Seanna. Hindi pwedeng may gusto sa kanya si Gino. Na-misinterpret lang ni Seanna ang mga kilos nito. Kung totoo man iyon, mabuti na ring hindi niya narinig mula mismo sa bibig ng kanyang matalik na kaibigan...