Nagkaroon sila ng masinsinang pag-uusap ng señora sa gazebo kanina. Ibinahagi niya rito ang kaniyang problema. Matapos magtapat sa matanda ay pinayuhan siya nito. “Kung ako lang ang masusunod, Francesca, hija. Ipatitigil ko na kay Javier ang kalokohang ginagawa niya.” Naalala niyang saad nito. Mataman niyang tinitigan ang kaniyang mukha sa salamin. Hindi niya batid kung tama bang isiniwalat niya sa señora ang lahat-lahat ng tungkol sa kanila ng senador. Ang tungkol sa kung ano lamang ang batayan ng kanilang pagsasama bilang mag-asawa. Gayunpaman, gumaan naman ang pakiramdam niya matapos niyang gawin ang bagay na iyon. Matapos mag-usap, biglang nabuhay ang pagnanais niyang magkaroon ng lola o ina na katulad ng personalidad ng señora. Yaong makakausap niya palagi sa mga personal na bagay.

