Nagkalat ang naka-black na t-shirts. Karamihan ay naka-dark jeans. Sapatos ay Chuck Taylors o combat boots o rubber shoes. May mga naka-leather jacket bagama't medyo pinagpapawisan, at ang iba nama'y naka-fatigue o plaids. At sa loob ng mga pangitaas na ito?—more black t-shirts. Naka-print dito ang naglalakihang pangalan ng mga banda, disenyo na mga bungo, kurus at may kalansay pa na bumabangon mula sa hukay kung saan sa likod ang lapida na may R.I.P.
Nakatambay ang mga "death metalheads"—mga die-hard fans sa labas ng entrance ng club—isang parisukat na building na mukhang malaking bodega sa area ng Cubao.
Nagyoyosi at umiinom sila ng beer sa plastic cups. May mga pangkat, mga kumpol na magkakasama at nag-uusap. At kadalasan, ang topic of conversation nila'y tungkol sa kanilang musika, sa bagong labas na album ng paborito nilang banda, at sa last gig na kanilang pinuntahan.
"Man, hindi pa rin ako makapaniwala na nagpunta dito ang Slayer," nakangiting iling ng isang metalhead habang pinagmamalaki pa'ng t-shirt na nabili niya sa nasabing concert. "May hung-over pa ko!"
"Ako din, pare," sagot ng kausap. "Metallica na lang kumpleto na ang big four!"
"Gago!" sigaw ng isa na mas matanda sa kanila. "Nagpunta na dito ang Metallica, pero malamang nasa-Elementary pa lang kayo!"
Malakas na tawanan.
Sa may tabi, nakitawa sina Dean at Pam, although unsure kung ano ang anila, naging joke. Kapuwa sila naka-black shirt din, jeans at Chuck Taylors. At mukhang bagong bili pang t-shirts nila na ang nakatatak na pangalan ng banda ay Morbid Angel at Bathory. Si Pam ay may suot na earrings na pentagram habang si Dean ay may mga pekeng tattoo ng inverted cross at 666 sa braso.
"Matatanggal naman ito agad, 'di ba?" alala ni Dean sa kanyang mga tattoo.
"Oo naman, henna lang 'yan noh," kalabit ni Pam.
Tulad ng kanilang napagplanuhan, iinfiltrate ng dalawa ang grupo ng mga Satanista na kinabibilangan ni Juan Satan at ang banda nitong Satan's Shadow. At ito ang gabing iyon, dahil may gig ang satanic band, at ilang minuto na lang ay maguumpisa na ito. Medyo naiilang si Dean pagka't hindi ito ang "scene" niya, lalo na't hindi lang death metal ang nasa line-up ng gig kundi "black metal"—ang pinaka-Satanic na subgenre ng death metal. Bilang Christian Rock, and although metal din naman ang tugtugan nila, ilag pa din siya sa mga banda na nagpropropagate kay Satan. Iyon, at natatakot pa siya na baka mamukaan siya na drummer ng Christian rock band niyang Beatlehem. Para hindi siya makilala ay ibinagsak ni Dean ang long hair niya sa harap para matakpan ang mukha.
"Wag kang mag-alala, Dean," sabi ni Pam sabay hawak sa braso nito. "Ako bahala sa 'yo. Hindi ka mapapansin dito."
Tutoo naman, pagka't sa piling ng cute at seksing si Pam, ay panay ang tingin sa kanya ng mga metalheads at hindi kay Dean. Bago pumunta, iniwan ng waitress ang kanyang salamin at naglagay ng eyeshadow, eyeliner at dark red na lipstick kung kaya lalo siya naging kapansin-pansin, at totally "hot."
Pansamantalang natigil ang usapan ng mga tambay nang magdatingan ang grupo ng anim na mga death metal chicks. Malakas ang dating nila—mga naka-ripped jeans, leather boots at may mga magagandang tattoo sa katawan. At hindi maitatanggi na may mga hitsura sila. Mapuputi at sexy.
"Tignan mo 'yon," sabi ni Pam kay Dean. "May mga babae din pala, kala ko puro lalaki lang."
"Groupie 'yan ng mga banda," ani ni Dean. "Lalong-lalo na ni Juan Satan. Tingin ko, 'di naman mga tutoong metal fans mga 'yan. If I know, baka mga call girls 'yang mga 'yan."
Napaisip si Pam. Lalo na nang dire-diretso ang mga death metal chicks sa entrance at agad na pinapasok ng matipunong bouncer bagama't wala silang pinakitang mga tickets.
Tumingin si Dean sa kanyang relo.
"Malapit nang mag-start ang concert," aniya at kinuhang kanyang cellphone at nag-dial. "Hello, Jules..."
"Dean..." sabi ng boses sa kabilang linya.
Sa labas ng club, sa may open parking, nakaparada ang Revo kung saan lulan nito sina Jules, Hannah at Father Markus—na naka-civilian clothes lamang. Tahimik sila na nagmamatyag sa paligid at nagaabang ng mga kaganapan.
"Nagpapapasok na ng mga tao," sabi ni Dean mula sa cellphone.
"Okay, go," sabi ni Jules. "Ingat kayong dalawa."
"Good luck, girl!" pahabol ni Hannah para kay Pam.
Sa likod, nagsign of the cross si Father Markus at tahimik na nagdasal ng prayer na pang-protection. Nilapag ni Jules ang cellphone niya sa dashboard, nakaantabay sa next na tawag ni Dean. Nasa driver's seat si Hannah na siyang nagdrive at katabi si Jules.
"You think tama itong ginagawa natin?" tanong ni Hannah.
"Na gamitin sina Dean at Hannah?" balik ni Jules.
"Ano pa? E kung baka mapahamak 'yung best friend ko!" matigas na sabi ng psychic kay Jules. "Idea mo 'to, Jules! Baka kung anong mangyari kay Pam!"
"'Di 'yan," iling ni Jules. "Kasama naman niya si Dean."
"Isa pa 'yun eh," taas ng kilay ni Hannah. "Eh kung biglang mag-God Be the Glory 'yun sa loob at maisipang mag-recruit sa Christian fellowship n'ya, eh' di yari na!"
"'Wag kang mag-alala, Hannah," sabi ni Father Markus na sumandal sa upuan niya sa likod, may assurance sa kanyang boses. "Alam nilang ginagawa nila."
"Sana nga, Father."
Binuksan ni Hannah ang bintana ng Revo at nagsindi ng yosi.
"Disyembre bente," mahinang sabi ni Jules. "Limang araw na lang Pasko na."
Natahimik sila at nagmuni-muni. Ani nila sa sarili, magpapasko na pero imbes na nag-eenjoy at dinarama nila ang Christmas ay nagmistula silang nasa stake-out. Hindi lang 'yon, hindi pa sila tapos sa ginagawang exorcism—at hindi sila nakasisiguro kung magwawagi nga sila.
#
Black Nativity.
Ito ang titulo ng concert at ang main band ay walang iba kundi ang Satan's Shadow. May ilan pang mga local bands ang kasama dito tulad ng Random Kill, Sacramental Hospital, Unbless at Venomancer.
"Venomancer?" pagtaas ng kilay ni Pam nang makita ang poster habang papasok sila ng club. "Ano 'yon? DOTA lang?"
Bumilib naman si Dean nang malaman na nagdo-DOTA si Pam pagka't na-addict din siya rito before. At sinabi sa waitress na huwag basta-bastahin ang bandang Venomancer pagka't isa raw ito sa mga extreme pagdating sa live performance. Hindi nagkakamali si Dean, pagka't nang sumalang na sa stage ang Venomancer ay may mga pakulo ito—isa na rito ang pagbuga ng kulay green na usok mula sa bibig ng lead singer na nakamaskara ng cobra.
May iba ring stage gimmicks ang ibang banda. Sa set ng Sacramental Hospital ay may lalaking naka-straight jacket na nangingisay sa gitna. Ang Random Kill naman ay inspired ng school shootings at nagkalat sila ng dugo ng baboy at kunwa'y mga lamang loob sa stage. Mabilis ang tugtugan ng bandang ito kaya't nagkaroon ng mosh pit sa gitna kung saan nagkagulo ang mga tao. Samantalang ang mga miyembro naman ng Unbless ay mga nakasuot na pampari at kanilang binasbasan ang mga nanonood ng umano'y "unholy water."
Malapit sa stage sina Dean at Pam kaya't natalsikan sila ng unholy water na kulay pula. Namutla si Dean.
"s**t! Natalsikan ako! Pupunta akong impiyerno!" bulalas ng drummer.
"Ano ka ba, peke lang 'yan!" sambit ng waitress, promo girl at part-time model.
Nang matapos tumugtog ang Unbless, ay nagkaroon ng saglit na intermission at naglabasan ang ibang mga manonood para mag-yosi break.
"Mag-c-CR lang ako," paalam ni Pam.
"Okay, bilisan mo," sabi ni Dean.
Mahaba ang pila sa CR ng babae at nang makapasok si Pam ay nakasabay niya ang mga death metal chicks na nakita nila ni Dean sa labas. Nakatabi ni Pam ang isa sa mga ito at pinansin ang pentagram na hikaw niya.
"I like your earrings," sabi ng death metal chick na mahaba ang bangs.
"Thank you," ngiti ni Pam.
"Narito ka din ba para kay Juan Satan?"
Nagtaka si Pam sa tanong. Napatango na lamang siya.
"O-oo."
"Sumabay ka na sa amin mamaya after ng concert," sabi ng death metal chick. "Para ma-meet natin si Juan Satan sa backstage. Papapasukin naman tayo ng security."
"S-sure."
May ideya si Pam kung bakit siya umoo at paglabas niya ng CR ay hindi niya sinabi kay Dean ang encounter niya sa mga death metal chicks sa takot na pipigilan siya nito.
Dakong alas-dose ng gabi nang umakyat sa stage ang inaabangan ng dalawa, at ng lahat. Pagka't ang final act ay ang Satan's Shadow at dito nagkagulo ang mga matalheads in anticipation. Bilang hudyat na sila na ang tutugtog ay namatay ang ilaw ng ilang minuto at nang magliwanag muli ay kulay pula na ang ilaw ng stage at naroon sa gitna ay isang malaking baliktad na kurus na gawa sa kahoy at nakatali rito na pabaligtad din ay walang iba kundi si Juan Satan.
Naghiyawan ang mga tao at nag-chant ng:
"Juan Satan! Juan Satan! Juan Satan!"
Nakigaya siyempre sina Dean at Pam. Namangha sila sa reception at obvious na appeal ni Juan Satan at ng banda niya. Lumakas pang hiyawan nang kumanta si Juan Satan habang nakabaligtad pa sa higanteng kurus, hubad ang katawan sa pang-itaas at suot lamang ay itim na jeans. Kitang-kita ang mga demonic tattoos niya sa katawan—pentagrams, 666, inverted crosses at iba pa.
Bukod sa kurus, ay walang makulay na gimmick ang Satan's Shadow. Dala na ng chrisma ng kanilang lead singer ang lahat. Mabilis at mabigat ang tono ng mga awitin nila. Dropped D sa gitara. Garalgal ang boses ni Juan Satan at hindi na maintindihan ang kanyang mga lyrics, nguni't sumasabay ito sa tempo na tila nakakaakit, nakakapang-headbang at ang pakiramdam na nilalamon ka ng kanilang musika. Maging si Dean na hindi fan ng kanilang music ay napapa-headbang. Sa lublob niya, ayos din ang instrumentation nila.
Nang matapos ang tugtugan ay nagchant pa ang mga tao ng Juan Satan! Juan Satan! hanggang sa paglisan ng banda sa stage at tuluyan nang magliwanag ang venue. Pagod, hinihingal at tahimik na naglabasan ang mga manonood.
Sa labas ng club sa dating tambayan ay makikitang nagsipagyosihan pa ang mga metalheads. Pasado ala-una na ng madaling-araw at naglalabasan na ang mga sasakyan mula sa parking kaya't may konting traffic. Ang ilang mga metalheads ay naka-big bike at maiingay ang mga tambutso nito. Nagpalingon-lingon si Pam.
"Halika!" hatak ni Pam kay Dean tungo sa likod ng club.
"Saan tayo pupunta?" pagtataka ni Dean.
"Sa backstage."
"Anong meron? Bakit—"
Nang makarating sila sa backstage ay nakita nila na may mga tao doon na nagaabang—marahil sa paglabas ng mga band members para kanilang makunan ng litrato, mag-selfie o makakuha ng autograph. Nakabantay ang dalawang malalaking bouncer sa nag-iisang maliit na bakal na pintuan.
"Doon!" turo ni Pam.
Nang makalapit sila'y nakita ni Pam ang grupo ng mga death metal chicks at kanyang tinawag ang nakausap niya sa CR. Kinawayan siya nito at inanyayahang sumama sa kanila. Agad na lumakad si Pam papalapit.
"Pam! Saan ka pupunta? Pam!" habol ni Dean.
Sumabay si Pam sa mga death metal chicks at sila'y walang atubiling pinapasok ng mga bouncer sa loob. Sinubukang pumasok ni Dean pero agad siyang pinigilan ng bouncer, ang higanteng kamay nito sa kanyang dibdib. Magpupumilit pa sana si Dean pero may isang lalaking metalhead ang lumapit sa kanya at sinabing:
"Pre, pamilyar ka. Ikaw ba 'yung drummer ng Beatle-hem?"
Napaatras si Dean.
"Ha? Ako? H-hindi," deny niya.
"Ah, okay," sabi ng nagtanong na nagkakamot ng ulo. "Sorry."
"Okay lang," sabi ni Dean at habang naglalakad palayo ay hindi niya napigilang sabihin sa lalaki: "At Beat-lehem! Hindi Beatle-hem!"
Sabay lakad nang mabilis si Dean habang nagtataka ang metalhead na lalaki.
Nang makabalik sa tapat ng club ay agad na tinawagan ni Dean si Jules at sinabi ang ginawa ni Pam.
"Sa backstage?" sabi ni Jules sa phone. "Baka imi-meet nila si Juan Satan. Diyan ka lang, Dean. Abangan mong lumabas si Pam!"
"O-okay," kunot ng noo ni Dean. Sa tono ng boses niya'y matindi ang pag-aalala niya para kay Pam at nagawa pa niyang magdasal. "To God Be the Glory. Lord Jesus, paki protektahan po si Pam."
Tumakbo ang mga minuto sa relo ni Dean habang pumuwesto siya sa corner ng club kung saan tanaw ang entrance ng backstage. Nabawasan na ang mga nakatambay doon at bukod sa dalawang matipunong bouncer ay may iilan na lamang ang nagtitiyaga na pumuporma ng abang. Panay ang tingin ni Dean sa kanyang relo at sa cellphone, nilalamon ng kaba.
After exactly 42 minutes ay bumukas ang bakal na exit door ng backstage at lumabas si Pam. Nagliwanag ang mukha ni Dean nang makita siya at agad niya itong sinalubong at sabay silang naglakad paalis.
"O-kay ka lang ba?" tanong ni Dean. "Anong nangyari?"
"Okay lang ako," assure ni Pam.
"Binastos ka ba nila?" tanong pa ni Dean. "Hinipuan ka ba? Tell me."
Natawa si Pam, nasa harapan na sila ng club.
"Nagalala ka ba sa akin, Dean?"
"Ah eh, oo naman," medyo nahihiyang sabi ni Dean.
Napangiti si Pam. Saglit silang nagkatinginan at nagpalitan ng malalagkit na sulyap. Tapos ay hinawakan ni Pam ang kamay ni Dean at hinatak ito tungo sa parking lot.
"Tara na! May mga ikukuwento ako!"
Pagsakay ng dalawa ng Revo ay agad silang binulabog ng mga tanong mula kina Jules, Hannah at Father Markus. Nguni't agad silang sinaway ni Dean at mariin na sinabi sa kanila na hayaan munang makahinga ni Pam. Nagkatinginan ang tatlo saglit at pumayag. Sinuggest ni Jules na dumaan sila sa 24-hour na McDonald at doon mag-usap. Masayang tumango sina Dean at Pam pagka't gutom din sila.
Kinambyo ni Hannah ang Revo at lumabas sila ng parking lot, at kanilang dinaanan ang harapan ng club kung saan wala ng mga tao bukod sa isang security guard na inaabot ang light switch para para patayin ang neon sign na pangalan ng club.
At ang pangalan ng club ay Gemini.