"Okay, ito ang nangyari..."
Nakapalibot kay Pam sina Jules, Hannah, Father Markus at Dean at excited na inaantay ang kuwento niya. Sa mesa, umorder sila ng burgers, fries, softdrinks at hot coffee. Kinalat nilang magkakahalo na ang fries sa isang tray para madali nilang madampot at maisawsaw sa ketchup at sa ganoon, hindi maalis ang atensyon sa salaysay ni Pam. Madaling-araw, ang oras ay pasado alas-dos at may ilang patrons sa loob ng Mcdo sa Makati na pawang mga taga call center. Pumuwesto sila sa may dulong mesa malayo sa mga customers.
"Game, girl, kwento mo na," sabi ni Hannah habang kumagat sa double cheesburger niya.
Tumango si Pam.
"Okay, girl..."
At heto ang kwento niya, mula sa time na pumasok siya sa backstage kasabay ang mga death metal chicks hanggang sa paglabas:
"Pagpasok namin ng backstage eh marami ng tao. Mga musicians saka kung sino-sino pa. May mga hawak silang drinks pero bawal atang mag-yosi..."
Malaki ang pinasukang backstage nina Pam at mga kasama niyang death metal chicks. Isang open area kung saan nagkalat ang mga rig, speakers at iba pang kagamitan. Medyo may kadiliman ang loob although mataas ang kisame. Nagkalat din ang mga tao—mga band members, groupies at technicians na may tangan na bote ng alak at nagkukuwentuhan. Sa wall, nakapaskil ang malaking "No Smoking" sign—ito'y dahil maraming electrical at electronics na kagamitan na maaaring simulan ng sunog.
"Nandon ba si Juan Satan?" tanong ni Father Markus.
"At mga ka-band members niya?" dugtong ni Jules.
"'Yung mga Satanista!" bulalas ni Hannah.
Dinaanan sila ng tingin ni Pam.
"Hindi doon."
Mula sa backstage ay nagtungo sila sa makitid at madilim na hallway kung saan sa dulo nito ay may isang kuwarto na may kulay berde na pintuan.
"Ang Green Room!" saad ni Dean.
"Yes," tango ni Pam.
Literal ito, pagka't sa loob ng Green Room ay berde ang pintura ng pader, pati ang mga sofa at ibang mga furnitures. Traditionally, ang Green Room ang tawag sa kuwarto kung saan tumatambay ang mga banda bago sila umakyat ng stage. Ang nasabing kuwarto ay hindi kalakihan, nasa 50 sqm. ang sukat. Napupuno ito ng mga concert posters at litrato ng mga banda. May ilang plaka ang naka-frame at may autograph. May mga gitara na naka-mount sa wall. Siyempre pa, pwedeng-pwedeng uminom dito hanggang malasing. At dito, pwedeng manigarilyo, pagka't pagbukas pa lang ng pintuan ay sumalubong agad ang makapal na usok.
"Amoy juts din," sabi ni Pam. "At may kakaibang amoy na para bang sunog...although, ako lang ata ang nakapansin."
Nagkatinginan sina Jules, Hannah at Father Markus. Ang amoy ay maaaring senyales na may demonic presence sa loob.
"Sinong mga nasa loob?" tanong ni Jules.
Inisip mabuti ni Pam ang sasabihin.
"Iba-iba din. Hindi lang kami ang mga babae," aniya. "At may mga wasak na nakasandal na sa sofa. Nagkalat ang bote ng beer."
At naalala ni Pam ang turo ni Andy, at ito'y ang maging matalas sa mga kakaibang detalye.
"At oo, may napansin pala ako..." sabi ni Pam matapos humigop ng kanyang softdrinks. Sa mesa, mabilis na nauubos ang french fries sa tray.
"Ano 'yon?" tanong ni Hannah.
"May parang magkakahawig sila na simbolo," sabi ng waitress, promo girl at part-time model. "'Yun bang parang baliktad na cross..."
"Na may nakapaikot na parang buntot ng dimonyo," dugtong ni Jules.
"Yes! 'Yun nga!" nagliwanag mukha ni Pam. "Nakita ko ito sa mga suot nila."
"Ano kaya 'yun?" wonder ni Dean.
"Satanic symbol ng grupo ni Juan Satan," inform ni Jules.
"At si Juan Satan?" paalala ni Father Markus.
Tumingin sa pari si Pam, "Yes, father, andun siya."
Nasa hulihan ng pangkat ng mga death metal chicks si Pam at kanyang sinundan sila tungo sa dulo ng Green Room kung saan sa gitna ay may nakahiwalay na upuan—sofa na pang-isahan. At doon, natatabunan ng dilim ang pinakahahanap nila—si Juan Satan na tila nakaupo sa kanyang trono. May hawak siyang bote ng beer sa isang kamay at stick ng sigarilyo sa kabila. Una'y hindi aninag ang mukha niya nguni't nang mahawi ang usok ng sigarilyo ay na-come face-to-face nila, in the flesh, ang Satanistang lead singer.
"Hi, Juan..." matamis na bati ng death metal chick na nakausap ni Pam sa CR.
"Hello..." sagot ni Juan Satan. Magaspang ang boses nito, gawa na rin ng katatapos pa lang niyang pagkanta.
"Gusto ka lang naming makilala," sabi ng death metal chick sabay presenta sa pito niyang nagseseksihang mga kagrupo, kasama na si Pam.
Sa paligid, abala ang ibang mga tao sa pag-inom at paninigarilyo, maliban sa dalawang kasamahan ni Juan Satan na tinitignang mabuti ang mga death metal chicks.
"So, ngayong nakilala n'yo na ako, may gusto ba kayo sa akin?" ngiti ni Juan Satan.
Napaisip sina Jules, Hannah, Father Markus at Dean sa salaysay na ito ni Pam.
"Gusto? What do you mean gusto?" may pagtataka sa mukha ni Hannah. "As in, tinatanong ni Juan Satan kung type siya?"
"Hindi, girl," sagot ni Pam.
At tinuloy ni Pam ang kuwento niya.
Ang sinabi ni Juan Satan ay tila ba isang hudyat—isang code na alam ng mga death metal chicks. Nang sabihin ito ng Satanistang lead singer ay lumapit ang death metal chick at bumulong sa tenga ni Juan Satan. Tumango ang lead singer at kanya ring binulungan ang death metal chick.
Sa likuran, nagtataka si Pam sa nangyayari. Nang tignan niya ang ibang death metal chicks ay mga nakangiti ito. Ano ba'ng nangyayari? Tanong niya sa sarili. May something ba na hindi ko alam? Anong binubulong nila? Anong sikreto ito—
"Sure ka ba na hindi ka binastos?" biglang singit ni Dean.
"Hindi nga," sabi ni Pam, inis na na-interrupt ang kanyang train of thought.
"Dean," matalas na tingin ni Jules sa kanya. "Pwede ba mamaya na 'yang tanong mo? May mas importante tayong dapat malaman."
"Well, o-okay," taas ng balikat ni Dean.
Bumalik ang tingin ng lahat kay Pam, inaantay ang sagot sa tanong na anong binulong?
"Okay, nalaman ko later on," umpisa ni Pam. "Na ang sadya pala ng mga death metal chicks ay "eternal beauty."
Nagpalitan ng mga tingin ang iba.
"Eternal beauty?" pagtataka ni Jules.
"'Yun ang sabi nila," confirm ni Pam habang nag-sip muli ng softdrinks. "Sabi ng mga death metal chicks ay kaya daw i-promise ni Juan Satan sa kanila ang eternal beauty, pero may matinding kapalit."
"Ano?" tanong naman ni Hannah.
"Kapalit ng kanilang kaluluwa," si Father Markus ang sumagot.
"Yes, father," tango ni Pam. "Correct ka d'yan."
"At paano nila makakamit ito?" dugtong ng pari.
"Sa isang Satanic ritual," sabi ni Pam, may konting nginig sa kanyang boses.
"Satanic ritual?" nanlamig naman si Dean at kakagat na sana ng burger pero hindi niya naituloy.
"Anong klaseng ritual ito?" tanong ni Jules.
"Hindi pa namin alam," sagot ni Pam. "Pero, may kinalaman ito sa isang lalaki na ime-meet daw namin na siya daw magbibigay ng "gift" na eternal beauty. Actually, 'yung binulong ni Juan Satan? Invitation iyon para sa Satanic ritual."
Saglit silang nahinto nang sa kabilang table ay nasagi ng isang lalaki ang softrdinks niya at natapunan ang kasamahan niyang lalaki. Kapuwa sila mukhang taga-call center, naka-jacket at sweater. f**k! Sigaw ng natapunan.
"Itong imi-meet n'yo," balik ni Jules sa usapan. "Pano niya mabibigay ang eternal beauty?"
"Sabi ng nakausap ko eh 'yung lalaki daw na ime-meet namin eh may direct line mismo kay Satanas," ani ni Pam. "Like, nakakausap daw niya mismo si Satanas at nabibigyan siya ng power."
"Wow, girl, ha," react ni Hannah.
"Oo, girl!"
Natahimik sila. Inaabsorb ang hindi kapani-paniwalang nalaman, nguni't alam nilang tutoo. Isang ritual na nagbibigay ng eternal beauty para sa mga vain na tao? Nguni't, ang kapalit ay iyong kaluluwa? Anong role ni Juan Satan dito? Sino ang mahiwagang lalaking nakakausap ang diyos ng impiyerno na si Satanas? Lumalalim ang misteryo na may kinalaman sa demonic possession ni Miguel.
"Kailan pala magaganap ang Satanic ritual?" tanong ni Jules.
Nagaalangang sumagot si Pam.
"December 25."
"Pasko?" gulat na sabi ni Dean.
"Of course," tugon ni Father Markus na napasandal.
"Hindi nako nagtataka," dismayadong sabi ni Hannah. "There goes Christmas."
"That is, kung pupunta si Pam, right?" ma-argumentong tugon ni Dean.
Tumingin siya kina Jules, Hannah at Father Markus na hindi sumagot kung oo o hindi.
"Guys?"
Iniwan nila sa ere ang tanong ni Dean. Hindi rin sure at the moment ang JHS sa susunod na hakbang. Nguni't, magbabago ito maya-maya lang nang tanungin nila kung alam ni Pam ang pangalan ng nasabing lalaking nakakausap si Satanas.
"s**t," kamot ni Pam. "Hindi ko matandaan right now."
"'Di bale, 'pag natandaan mo na lang," sabi ni Hannah.
Sa mesa, naubos na'ng fries at ganun din ang mga burgers nila't softdrinks. Nakaramdam sila ng pagod at antok matapos ang mahabang usapan at napagdesisyunan nila na padaanin muna ang gabi—o umaga pagka't lagpas na ng alas-tres. Mungkahi ni Father Markus na kausapin muna nila si Bishop Israel at pagusapan ang susunod na gagawin. Kailangan din nilang ipagpatuloy ang exorcism ni Miguel kahit na futile ito. Nag-agree ang lahat at sila'y nagtayuan para umuwi.
Mga antok silang nagsisakayan sa Revo na maneho ni Hannah at kanilang nilisan ang 24-hour na Mcdo tungo ng apartment nina Jules at Father Markus, at kung saan makikitulog muna si Dean.
Habang binabaybay ang Buendia Ave. ay nagsindi ng sigarilyo si Hannah at magpapatugtog sana siya sa car stereo pero naisip niyang hayaan na lang makatulog ang mga kasama. Sa pinakalikuran ay magkatabi sina Dean at Pam na nakasandal sa balikat ng drummer. Napapikit na si Father Markus sa gitnang upan at si Jules sa harapan.
Nguni't, hindi pa sila nakakalayo nang biglang natanggal ang kanilang antok.
Pagka't biglang naalala ni Pam ang pangalan ng lalaking nakakausap ni Satanas—ang lalaking ime-meet nila. Ang lalaking umano'y makapagbibigay ng eternal beauty.
"Lucas!"
At kanya pang inulit.
"Lucas ang pangalan niya!"
Sa kahabaan ng Buendia Avenue ay biglang napapreno ang Revo.