CHAPTER 12

1359 Words
“MAY naaamoy ka ba, Sir? Ang baho ’no?” kunwari ay reklamo ko habang pisil-pisil ang dulo ng aking ilong. “Yep, may nagpasabog yata ng sama ng loob,” nakangisi niyang sagot, halatang nang-aasar na naman. Nakahawak ang hintuturo niya sa pagitan ng bibig at ilong na animo nagpipigil ng tawa kaya parang gusto ko na lamang lumubog sa kinatatayuan ko. Bakit ba kasi bigla na lang siyang sumusulpot?! Pero bahala siya. Wala namang CR para sa utot, a! “S-Sige, Teacher Rain, mauna na po ako sa inyo,” paalam ko at agad na ibinaba sa estante ang hawak kong crimping tool at tester. Basta ko na lamang din isinuksok sa bag ang hawak kong envelope bago pumihit patalikod para lumabas. “Sandali, wait lang, Ma’am Sunshine!” pigil sa akin ni teacher Rain pero hindi na ako nag-abalang lumingon pa dahil sa sobrang hiya. May kung anong tumunog nang makalabas ako. Rinig ko rin ang pagtawag ng guard para pigilang lumabas ang kung sino. Panay ang kagat ko sa aking mga kuko sa daliri habang mabibilis ang bawat kong hakbang. Ngunit nagulat ako nang bigla na lang humarang sa harap ko ang security guard ng store na nilabasan ko kasama ang isang staff na lalaki na matangkad at medyo may kalakihan ang pangangatawan. “Sandali lang, Miss.” Tumaas ang isang kilay ko dahil sa biglang pagsulpot ng mga ito. Magkagano’n pa man ay nagawa ko pa ring magtanong nang mahinahon sa kabila ng pag-usbong ng inis ko. Nagmamadali ako, e. “Bakit, kuya? May problema po ba?” tanong ko sa guard na siyang nagsalita at nakaharang sa daraanan ko. “Tumunog po kasi ’yong alarm. Kailangan po ninyong sumama sa amin pabalik sa store para ma-check kung bakit.” So, iyon pala ’yong narinig kong tunog kanina. “Puwede naman pong dito mo na lang i-check, kuya, para hindi na ako bumalik doon.” “Hindi puwede, Miss. Makakaabala tayo sa ibang tao kapag dito.” Tumango ako. “Okay para matapos na. Baka naman kasi sira lang ’yong alarm niyo kaya tumunog na lang basta,” turan ko saka nauna nang maglakad pabalik. Gusto ko mang tumanggi pero alam kong pag-iisipan lang nila ako ng masama kaya wala akong nagawa kun’di sumama sa kanila pabalik. Napapakamot na lang ako ng sentido. Bakit ba sunod-sunod ang kamalasan ko ngayon, Lord?! Pagpasok ay una kong hinagilap ng tingin si Rain pero mukhang lumabas na. Kahit paano ay nakahinga ako nang maluwag. Kinapkapan ako sa katawan ng sa tingin ko ay ang manager ng store. Kulang na lang ay hubaran nila ako rito para hanapin ang bagay na dahilan ng pagtunog ng alarm nila. Wala naman silang mahahanap sa akin kaya hinayaan ko lang sila sa ginagawa. Ginagampanan lang naman nila ang trabaho nila. “Tapos na? Wala naman kayong nakapa, ’di ba? Puwede na po ba akong umalis?” sunod-sunod kong tanong. “Pati po ’yang bag niyo, Ma’am,” turan ng babaeng manager, sabay turo sa bag na nakasukbit sa balikat ko. “Bakit pati bag?” “Kasama po sa procedure, Ma’am.” Huminga na lang ako nang malalim bago binuksan ang bag para ipakita sa kanila ang laman. Lumapit ang guard. Gamit ang stick na hawak niya ay kinalkal niya ang bag ko. Maya-maya pa’y may dinukot siyang bagay sa loob at ipinakita sa akin. “Ano ’to, Ma’am?” Tukoy niya sa bagay kulay bughaw na wire na nababalutan pa ng plastic. “Cable wire — P-Pero hindi ko alam kung paano napunta ’yan sa bag ko, kuya. Ibinalik ko naman ’yong mga kinuha ko sa estante kanina bago ako lumabas.” “Mabuti pa’y sumama na lang po kayo sa akin sa security room, Ma’am, para doon magpaliwanag.” Bigla akong nag-panic sa sinabi ni kuya guard. Diyos ko, napagkamalan pa akong shop lifter! Ang mga bumibili na narito sa loob ngayon ay pinagtitinginan na ako. Iyong iba ay mga estudyante pa naman. “Teka, bakit kailangan pa no’n? Ibabalik ko na lang, kuya, o kaya naman bayaran ko na lang. Hindi ko naman talaga kinuha ’yan,” umiiling kong tanggi. Wala naman talaga akong matandaan na inilagay ko sa bag ko ’yong cable wire. Ang natatandaan ko lang na basta ko na lang isinuksok kanina ay ’yong envelope. Hindi kaya nakasama siya sa paglagay ko, hindi ko lang napansin? “Kasama po sa procedure namin ang idaan lahat sa security room ang lahat ng nahuli naming magnanakaw—” “Hindi siya magnanakaw,” singit ng isang malalim na boses mula sa aming likuran. Nang lingunin ko kung sino ay gusto ko na namang hilingin na sana ay lumubog na lang ako sa kinatatayuan ko. Dahan-dahan siyang lumapit. Hindi niya tinatanggal ang malamig na tingin sa guard na ngayo’y nakahawak sa aking siko para dalhin sa sinasabi nilang security room. “Let go of her. Bayad ko na ’yang sinasabi niyong ninakaw niya,” aniya at siya pa mismo ang nag-alis ng kamay ng security guard mula sa pagkakahawak sa siko ko. Mula sa kaniyang bulsa ay may maliit na papel siyang kinuha. “Here.” Inabot niya sa manager ang papel na hawak. Agad namang kinuha iyon ng manager para i-check. “Nasabi ko na sa cashier kanina ang tungkol diyan. You can ask her para maniwala kayo. Sasabihin ko rin sana kay guard. Ang kaso, lumabas siya at hinabol pala ang girlfriend ko.” Nagulat ako nang bigla na lang hawakan ni Rain ang kamay ko at sapilitang pinagsalikop ang mga daliri namin! Pumunta iyong isang staff sa may kahera na kasama kanina ng guard na humarang sa akin. Mukhang kukumpirmahin niya ang sinasabi ni Rain. Ay teka, sinabi ba niyang . . . Girlfriend niya ako? Mabilis at marahas akong lumingon kay Rain nang sabihin iyon. Pilit kong inaagaw ang kamay mula sa kaniya pero tiningnan niya lang ako at nginitian na para bang sinasabi ng ngiti niya na tumigil ako. Mas hinigpitan pa niya ang pagkakahawak sa aking kamay. Inilabas niya ang cell phone mula sa bulsa ng kaniyang pantalon at ibinibigay iyon sa akin. Tinaliman ko lang siya ng tingin at hindi pinansin ang cell phone niya. “Babe, sorry na, huwag ka nang magalit sa akin,” malambing niyang sabi sabay pilit na namang binibigay ang cell phone. “Anong Babe —” “Huwag ka na ngang magalit, sorry na nga,” putol niya sa akin. This time, sapilitan na niyang ipinahawak ang cell phone sa akin. “Basahin mo ulit ’yong text. Mali naman ang pagkakaintindi mo, Babe,” dagdag niyang wika. Kahit hindi ko makuha kung ano ang gusto niyang ipakita, kinuha ko na lang ang cell phone niya. Pagkakuha ay bumungad sa akin ang na-compose na message. Maki-ride ka na lang sa sasabihin ko, Ma’am Sunshine. Huminga ako nang malalim at saglit siyang tiningnan. Kinindatan niya ako kaya agad kong binawi ang tingin. Ibinalik ko ang phone sa kaniya. Sakto namang bumalik iyong staff kanina at bumulong sa manager. Matapos pakinggan ang sinasabi ng staff sa kaniya ay tumikhim ang manager. Bakas sa kaniyang mukha ang hiya. “We apologize for the misunderstanding, Ma’am, Sir—” “See? Next time, present your evidence first before accusing someone of stealing, unless you caught them in the act,” turan niya sa tatlo. “Let’s go, Babe.” Pagkasabi no’n ay hinila na niya ako palabas. Babe. . . Diyos ko po, kinikilabutan ako! Patawarin nawa ako ng namayapa kong asawa. Sorry, Mahal, kung nasaan ka man ngayon. Nang makitang nakalayo na kami sa store ay huminto ako at hinatak ang kamay para bitiwan niya. “Sir Rain, bitiwan mo na ako!” Napahinto rin siya at napatingin sa mga kamay namin. Tila napapaso naman siya kaya agad na bumitaw. “Thank you po pala sa pagtulong,” malapad ang ngiti kong sabi sa kaniya. Tumikhim naman siya bago tumingin sa ibang direksiyon. “Huwag mo akong ngitian ng ganiyan, Ma’am Sunshine. Baka makalimutan kong nanay ka ng estudyante ko at nagpanggap lang tayong mag-syota. Baka mamaya niyan. . . totohanin ko nang maging boyfriend mo. . .”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD