“NATATAE ka ba kaya kanina ka pa hindi mapakali diyan?”
Napatingala ako kay Monina nang sabihin iyon at i-abot sa akin ang softdrink. “Ano kamo?” tanong ko at kinuha ang inumin na nagpapawis pa ang bote dahil sa lamig.
She made a ‘tsk’ sound before putting down her bag on the table. Hinila niya ang upuan sa tapat ko bago siya umupo roon at mula sa kaniyang bag ay inilabas niya ang isang plastik na malabo na naglalaman ng bananaque. Kumuha siya ng isang tuhog at inilagay sa gitna ang natitira. Isinenyas niyang kumuha ako bago kumagat sa hawak.
Pagkatapos nguyain at lunukin ang saging na nasa kaniyang bibig, uminom siya ng softdrink bago magsalita. “Ang sabi ko, natatae ka ba kaya hindi ka mapakali diyan?” ulit niya.
Umiling ako bago uminom sa hawak. “Hindi naman. Pero sumasakit ang ulo ko kakaisip kung bakit lagi nalang nagkukrus ang landas namin ng koreanong hilaw na ’yon.”
Nanlaki ang mga mata niya matapos marinig ang sinabi ko. “Si Rain?” tanong niya habang may pagkain sa bibig.
Tumango ako at kumuha ng bananaque. Tinanggal ko ang dalawang nakatuhog na saging mula sa stick at inilagay sa pinilas kong leaves ng notebook. Ewan ko, pero mas prefer kong kumain ng bananaque sa ganitong paraan. Gusto kong ako ang tumutuhog-tuhog sa saging.
“O, magkuwento ka, dali!” Hinawakan niya ako sa kamay at hinila dahilan para mahulog ang saging na dapat ay isusubo ko. Kulang nalang ay hilahin niya ako para lang magkuwento.
“Ano ang gusto mong i-kuwento ko? Iyong pagkapahiya ko dahil napagkamalan ko siya kanina na kinukuhanan ako ng litrato pero feeling ko lang pala? O gusto mong i-kuwento ko kung paano ko siya tinuhod sa itlog saka ko siya tinakbuhan, pero dahil naiwan ng inaanak mo ang tubigan niya sa bag ko, kinailangan kong bumalik sa classroom niya only to find out na ang adviser niya ay si koreanong hilaw?”
Tumahimik siya at walang imik na nagpatuloy sa pagkain. Akala ko ay hindi na hihirit pa ngunit nang akmang susubo na ako ay siya namang pagtili niya sabay hampas ng malakas sa mesa na dahilan para ikalingon sa amin ng ibang kumakain rito sa karinderya. Katatapos ng klase ko sa umaga. Si Monina naman ay kakauwi lang din mula sa shift niya. At dahil malapit lang dito ang workplace niya ay dinaanan niya ako para sabay na kaming kumain ng tanghalian dito sa karinderya sa may tapat ng university.
“Hoy, ano ba? Eskandalosa ka!” saway ko sa kaniya’t hinampas siya sa kamay na nakalapag sa mesa ngunit tila wala lang iyon sa kaniya. Sa halip ay tumayo siya mula sa upuan at lumipat sa tabi ko.
“Friendship, iyon na ang senyales na hiningi ko,” aniya at inangkla pa ang kamay sa braso ko, ang ulo ay ihinilig niya sa aking balikat habang parang timang na nakatingin sa binubukbok na kisame ng karinderya.
“Senyales para maging jowa mo?”
“Duh! Jowa mo! Crush ko lang iyon dahil mahilig ako sa mga oppa. Alam mo na, korean-korean, kdrama,” sagot niya na naka-heart finger sign pa.
“Siraulo! Tigil-tigilan mo ako sa ganiyan. Sinabi ko naman sa ’yo na hindi ko na kailangan ng lalaki sa buhay ko. Okay na okay na ako. Hindi ko papalitan si Kristof sa buhay ko.”
“Huwag kang magsalita ng patapos, friendship at baka kainin mo lahat ng sinasabi mo pagdating ng oras na muling pinana ni kupido iyang puso mo. At ang sa akin lang naman, gusto ko lang na maging masaya ka at magkaroon ng mag-aalaga sa inyo ni Kristofer.”
I sighed. “Masaya ako, Monina. Sapat na kami sa isa’t isa ng anak ko kaya hindi namin kailangan ng papalit may Kristof,” I said with finality. Siya naman ang napabuntonghininga at nagkibit ng kaniyang balikat.
“Saka Diyos ko, Monina. Kung may irereto ka, maghanap ka naman ng iba dahil kung siya rin lang, no way. Delivery nga lang kaya na niyang manloko, sa relasyon pa kaya?”
Napaayos siya ng upo at inismiran ako. “At nakahugot ka naman agad. Alalahanin mo, adviser na siya ngayon ng anak mo kaya dapat huwag kang judgerist. Saka malay mo naman, hindi naman talaga siya nagkamali ng deliver sa ’yo kay Vaybie. Baka naman na-order mo talaga tapos nakalimutan mo lang.”
Nangunot ang noo ko. “Ha? Sino si Vaybie?” tanong ko sa kaniya dahil first time kong marinig iyon sa kaniya.
Nilingap muna niya ang paligid bago inilapit ang bibig sa tainga ko. “Vibrator,” bulong niya kaya tinampal ko siya sa noo.
“Aray naman!” reklamo niya habang hinahaplos ang noo.
“Hindi mo tinapon?” tanong ko.
Umiling siya. “Hindi. Ang cute kasi, e.”
Napahugot na lang ako nang marahas na buntonghininga bago hinugot ang cell phone mula sa bag ko para i-check ang lazapee account ko para ipakita sa kaniya na wala talaga akong ino-order na gano’n.
Pagka-log in ay pinindot ko agad ang ang successful deliveries. Nagsalubong ang mga kilay ko nang makitang naka-marked na successful ang deliveries ng dalawang item na hindi ko naman maalalang in-order ko mismo rito sa lazapee. Iyong isa ay hindi naman dumating sa akin pero marked as successful. Pagkatapos iyong isa naman ay iyong vibrator na idineliver sa akin ni Rain noong nakaraan. Sa may pending ay may dalawang nakalagay din at napapikit nalang ako ng mata nang makitang dild* ang mga iyon. Agad kong kinansel ang mga pending bago mag-log out.
“O, ano na?” untag sa akin ni Monina. Pero dahil alam kong marami na naman siya masasabi, sinabi ko nalang na wala akong load.
So, hindi pala talaga ako na-scam. Kung gano’n, sino ang nag-o-order sa account ko? Na-hack kaya? Alangan naman si Nanay? Aanhin niya naman ng mga iyon? Nakamot ko nalang ang sentido ko.
*
*
*
PAGKATAPOS ng klase ay dumaan muna ako sa computer store para bumili ng kailangan ko para sa activity namin sa networking. Kanina pa masama ang tiyan ko pagkatapos naming kumain ng bananaque. Hindi naman ako na-tatae pero panay ang pakawala ko ng mabahong hangin.
Agad kong hinagilap ang mga materyales na kailangan ko para makauwi agad at baka mamaya ay hindi na lang mabahong hangin ang ibuga ng puwet ko. Baka mamaya, iba na ang kasunod.
Kumuha ako ng isang box ng rj45 connector, at 3 meters ng cable wire. Pagkakuha ng dalawang materyales ay hinanap ko naman ang crimping tool. Nasa dulong bahagi iyon katabi ang mga tester. Nakalimutan ko iyon kaya bibili na rin ako.
Saktong dampot ko sa crimping tool ay nakaramdam ako ng paghilab ng tiyan. Mukhang pasama na nang pasama ang lagay ng tiyan ko. Iginala ko ang tingin sa paligid. Nang makitang wala namang ibang tao bukod sa akin ay pasimple kong pinakawalan ang mahinang utot pero alam kong mas mabaho iyon kaysa sa malakas na utot.
“Wow! Ang sama yata ng loob natin, ah? Lakas ng amoy.” Nagulat ako at mabilis na napalingon sa pinanggalingan ng boses.
Parang gusto ko na lamang tumalon sa bintana dahil sa kahihiyan nang bigla na lang sumulpot si Rain. Ang gilid ng daliring hintuturo niya ay hinahagod-hagod niya sa butas ng kaniyang ilong habang nakangising nakatingin sa akin.
“Hi, Ma’am Sunshine!”