“OH, ANAK, behave ka sa classroom. Iyong mga bilin ko sa ’yo kanina sa bahay, huwag mong kalilimutan, ha? Makikinig lagi kay teacher.”
“Opo, Mama.”
Unang araw ng klase ngayon. Hinatid ko muna si Kristofer dito sa bago niyang eskuwelahan bago ako pumasok sa university. Tapos si Tatay na ang bahalang sumundo sa kaniya mamayang uwian. Orientation palang naman namin ngayon at mamayang alas-nuwebe pa iyon kaya may oras pa akong ihatid ang anak ko rito.
Yumuko ako nang tumingkayad si Kristofer para halikan ako sa pisngi. Matapos ang ilang maliliit na halik ay niyakap niya ako nang mahigpit bago siya tumakbo sa pila kung nasaan ang mga kaklase niya. Tumingin pa ulit siya sa akin habang nakangiti. Kinawayan ko siya at sumenyas na aalis na ako na sinagot niya naman ng okay sign.
Para makasiguradong hindi makaligtaan ni Tatay ang oras ng pagsundo kay Kristofer, umupo muna ako sa pahabang upuan na gawa sa bakal na narito lang sa loob ng eskuwelahan. Pagkaupo, inilabas ko mula sa aking bag ang cell phone at nagsimulang magtipa ng mensahe para ipadala kay Nanay para maipaalala niya kay Tatay. Pagkasend ng mensahe ay itinago ko na ang cell phone sa bag. Patayo na ako nang mahagip ng mata ko ang pamilyar na lalaking nakaupo dalawang upuan lang ang pagitan mula sa kinauupuan ko.
Nakataas ang phone niya at ang lens ng camera ay halatang nakatutok sa akin. Napangisi ako at napailing.
“Hanggang dito ba naman?!”
Marahas kong isinara ang zipper ng aking bag bago tumayo para komprontahin ang lalaki.
“Excuse me!” kuha ko sa atensiyon niya pero hindi niya ako pinansin.
“Excuse me!” ulit ko na bahagyang ikinataas ng aking boses.
“Oh, Ma’am Sunshine, kamusta na?” nakangiti niyang turan na tila walang ginagawang kalokohan.
Diyos ko, at may gana pa talagang mangamusta!
Kung akala niya uubra sa akin ang kabulastugan niya, puwes nagkakamali siya!
Pinag-krus ko ang aking mga braso sa tapat ng aking dibdib, saka siya inirapan. “Ano’ng ginagawa mo rito? Ano ’yang ginagawa mo?”
Umiling siya bago magsalita. “Wala naman po,” sabi niya na muli na namang ibinalik ang tingin sa phone habang patuloy sa pagpipindot doon. Pero ngayon ay sa ibang direksiyon na at hindi na sa akin nakatutok.
“Anong wala naman? Eh, obvious naman na kinukuhanan mo ako ng picture! Sinusundan mo ba ako, ha? Sinundan mo ako rito, ano?” singhal ko kay Rain na nakataas pa rin ang cellphone.
Tumaas ang isang kilay niya. “Of course not,” kaila niya.
“Hoy, koreanong hilaw, huwag mo akong ma-english-english diyan! Alam mo, kung ako sa ’yo, buburahin ko na ’yang picture na kinunan mo sa akin dahil kung hindi, ipapa-Tulfo kita!” Pero imbes na masindak, tinawanan pa ako ng lintik.
“Huwag kang tumawa diyan! Burahin mo ang kuha mo sa akin dahil kung hindi, babasagin ko ’yang cell phone mo hanggang sa magkapira-piraso ’yan! Pèrvert ka ba?”
Natigil siya sa pagtawa, napahawak sa dibdib at napalabi na para bang nasaktan sa sinabi ko. Ngunit pagkuwan ay ngumiti rin bago at nagsalita. “Ano? Pakiulit nga ng sinabi mo, Ma’am Sunshine?” aniya na halatang nang-iinis dahil sa uri ng pagkakangiti niya. Ibinaba niya na ang phone at tumayo.
Napairap ako at mataray na sumagot. Pinamaywangan ko siya at taas noong tumingin nang deretso sa kaniyang mga mata. “Sa dami ng sinabi ko, ipapaulit mo talaga sa akin? Alin ba roon ang gusto mo? Iyong sinabi kong p*rvert ka? Okay fine, p*rvert ka, manyak! Okay na ba? Kung okay na, burahin mo na ’yang pictures ko sa phone mo para all goods na tayo at hindi na kita irereklamo,” taas noong singhal ko sa kaniya. Napalakas ang pagkakasabi ko kaya may mga ilang napatingin sa amin. Napalingap naman siya sa paligid, yumuko, saka umiling-iling habang nagkakamot ng sentido.
“Pérvert. . . manyak,” tatango-tango niyang bulong. May pinindot siya sa cell phone at iniharap ang screen sa akin. “Why don’t you check my phone? Tingnan mo kung may mukha ka nga rito, Ma’am Sunshine.” In-slide niya nang in-slide ang laman ng gallery niya pero wala nga akong nakita maski isang kuha ko roon.
Puro kuha ng puno, kalangitan, paligid ng school campus at ilang mga estudyante ang naroon.
“Tell me, Ma’an Sunshine, may nakita ka ba?” Mula sa screen ng cell phone ay pailalim ko siyang tiningnan para irapan.
“Malamang binura mo na, kaya ano pa ang makikita ko riyan!” gigil kong asik sa kaniya.
“Kasi, Ma’am Sunshine, bago lang itong phone ko kaya t-in-etesting ko kung maganda ba ang camera. At oo, maganda nga siya. Gusto mo bang i-check ulit kung nandito ba ang photos mo? Here.” Mapang-asar ang ngiting nakapaskil sa mga labi niya habang inaabot sa akin ang cell phone.
“No need dahil binura mo na nga. Ano pang titingnan ko riyan?”
“May recently deleted ito sa gallery. Puwede mong i-check doon—”
“Ewan ko sa ’yo!” mabilis kong putol sa kaniya.
Oo na nga, e! Nagkamali na nga, mang-aasar pa!
Para isalba ang aking sarili sa kahihiyan, binunggo ko siya sa balikat at umalis nalang. Pero nakakailang hakbang palang ako nang bigla siyang humirit.
“Kamusta nga pala ’yong laruan mo, Ma’am? Maganda naman ba ang function?” Napatigil ako sa paglalakad at marahas siyang nilingon.
Pakiramdam ko ay sinilaban ng apoy ang aking mukha. Kumuyom ang aking mga kamao, nagtagis ang aking mga bagang at halos magdikit na ang mga kilay ko dahil sa buwisit na nararamdaman para sa lalaking pinagtatawanan ako ngayon.
“Ikaw, bastos ka talaga kahit kailan!” Itinuro ko siya at mabilis na humakbang para balikan siya.
Nang makalapit ako’y inangat ko ang aking kaliwang tuhod, saka malakas na tinuhod ang itlog niya.
“Oh, fvck. . .” impit niyang daing. Sinapo niya ang kaniyang p*********i at ilang beses na tumalon-talon. Pulang-pula ang mukha niya at ilang beses ding naubo.
“Serves you right, pérvert!” Dali-dali akong tumakbo at baka kung ano pa ang gawin niya sa akin.
“Bumalik ka rito!” tawag niya sa akin pero nagpatuloy lang ako sa pagtakbo. Ni ang lumingon ay hindi ko ginawa.
Nang makalabas ako ng gate ng school ay tumigil na ako’t nanatili muna sa likod ng katawan ng isang malaking puno ng mangga. Mahirap na at baka sinundan pa niya ako rito sa labas. Kapag nagkataon, tutuluyan ko nang bitakin iyon.
Itinukod ko ang aking isang kamay sa may tuhod ko habang ang isa naman ay nakahawak sa aking dibdib. Habol ko ang aking paghinga at tila sandamakmak na kabayo ang nagkakarerahan ngayon sa aking dibdib dahil sa pagtakbo.
“Tama lang naman iyon sa kaniya,” kausap ko sa aking sarili. Napairap nalang ako sa hangin. Gamit ang likod ng aking palad, pinahid ko ang pawis na namuo sa aking noo.
Nakaramdam ako ng panunuyo ng lalamunan kaya hinagilap ko ang tumbler na may laman na malamig na tubig sa aking bag, pero nasapo ko ang aking noo nang makitang narito rin ang tubigan ni Kristofer.
No choice kung hindi bumalik sa loob para ibigay ito sa anak ko. Alangan namang hayaan kong mauhaw ang anak ko dahil lang sa m******s na iyon?
Nagpaalam ako sa guard na iaabot lang sa anak ko ang tumbler. Pumayag naman basta mabilis lang daw ako. Inayos ko muna ang sarili ko pagkatapat ko sa pinto ng classroom ni Kristofer. Sinuklay-suklay ko ang buhok gamit ang aking mga daliri bago tumikhim.
Kakatok na sana ako pero nahinto sa ere ang kamao ko nang bumukas ang pinto at iluwa ang lalaking tinakbuhan ko.
“I-Ikaw na naman?!” pasigaw kong ani pero nang tumakbo at yumakap sa baywang ko ang anak ko ay pinigilan ko ang sariling tuhurin ulit sa itlog si Rain.
“Hi, Ma’am Sunshine,” bati niya. Ang mga mata niyang singkit ay tila nag-isang linya dahil sa pagkakangiti niya, maging ang mga biloy ay nakalabas. Napakaaliwalas ng kaniyang mukha napara bang walang nangyari kanina lang.
Sa halip na sagutin ako, bumaling siya sa loob ng classroom at nginitian ang mga bulinggit na estudyante.
“Children, may bisita si teacher. Ano ang sasabihin kapag may visitor?” Pagkasabi iyon sa mga bata ay bumaling siya ulit sa akin.
“Mrs. Sunshine de Jesus Andrada. Let me introduce my self to you formally. I’m Rain Magtanggol Jeong, K2 adviser.” Inilahad niya ang kamay para makipag-shake hands pero ang mga mata ko ay napako nalang sa kaniyang mukha dahil hindi ko inaasahan na ang tinawag ko ng scammer, budol-budol at manyak ay siya palang teacher ng anak ko.