“Huy! Ano na? Kunin mo yung itak sa loob sabi, dali!” pabulong ngunit may diin kong ulit kay Monina nang mapansin na hindi siya gumalaw sa kinatatayuan niya.
Ngunit sa halip na tumalima ay iningusan niya lang ako pagkatapos ay inabot sa akin ang blazer na kanina’y nakatali sa kaniyang bewang.
“O, isuot mo. Gusto nang mag-hello niyang dede mo, o. Balak mo pa yatang maging bold star,” aniya habang inginunguso ang bandang dibdib ko.
Mabilis ko namang hinablot ang inaabot niya at agad na iniharang.
“Pasmado talaga iyang bibig mo. Hindi ka man lang gumamit ng ibang word na pamalit sa dede. May ibang tao,” masungit na ani ko.
Pakiramdam ko tuloy ay napunta na lahat ang dugo ko sa aking mukha. Wala talagang preno kahit kailan ang bibig ng babaeng ’to, e. Puwede naman boobs, bubelya, o kaya monay.
“E, bakit ba kasi sa halip na tuwalyang pantakip diyan ang ipakuha mo sa akin, uunahin mo pa ang itak? Aanhin mo ba ’yon?” tanong niya.
Ang tingin ay nasa delivery rider na ngayon ay ibinabalik na sa ayos ang ibang parcel na inilabas niya kanina mula sa malaking supot sa likuran ng motor niya.
“Basta makisama ka nalang. Mamaya ko na ipapaliwanag,” bulong ko habang ang tingin ko’y nakapirmi rin sa rider na patapos nang ayusin ang ginagawa.
Hinintay kong ibalik niya rin sa pagkakaayos sa motor niya ang box na kinaroroonan ng item na “in-order ko” raw pero talagang hinayaan niya iyon na nakalapag sa semento.
“Oy, kuya! Iyang isa, baka makalimutan mong dalhin paalis, ha?” kuha ko sa atensyon niya.
Nakita ko ang pangngisi niya bago tuluyang matapos i-secure sa pagkakatali yung pinaglalagyan niya ng parcels bago niya ako dahan-dahan na hinarap.
“Order mo iyan, Ma’am kaya maiiwan po talaga iyan dito.”
Mariin akong napapikit. Nagtagis ang mga bagang ko sa pagpipigil na huwag siyang habulin ng itak pero mukhang pinipilit niya ako. Alam kong trabaho lang ang ginagawa niya, pero utang na loob, bakit ba hindi niya maintindihan na hindi ko nga in-order iyang item na iyan?! Saan ko naman sana ikakabit ang mga parts ng motor na dala niya? E, ni bisikleta, hindi ako marunong magbalanse. Motor pa kaya?
“Ilang beses ko ba dapat sabihin na hindi nga ako ang nag-order niyan! Ano ba ang mahirap intindihin doon, kuya? Ang kulit ng lahi mo ano?”
“Ang sungit mo naman kay pogi, bestie. Wala ka bang pambayad? Meron ako rito. Hindi ko pa naman gagamitin kaya hiramin mo muna,” mahinang alok ni Monina sa akin.
Tila nagpa-pacute pa dahil nagniningning ang mga mata niya habang nakatingin sa delivery rider.
At ang lalaking ubod naman ng kulit, may lahi yatang aso, ang talas ng pandinig dahil narinig niya ang ibinulong sa akin ni Monina.
“O, iyon naman po pala. Pahihiramin ka daw po ng kaibigan niyo.”
“Hindi ako manghihiram ng pera para lang ipambayad diyan sa parcel na hindi naman akin!”
Nauubusan na talaga ako ng pasensiya. Halos pumitik na ang ugat sa kilay ko lalo na nang makitang nasa dibdib ko ang tingin niya!
“Monina, ang itak,” kuyom ang palad at magkadikit ang mga ngiping bulong ko kay Monina habang hindi ko hinihiwalay ang tingin sa lalaki.
Hindi gumalaw si Monina sa kaniyang kinatatayuan kaya minabuti kong ako nalang ang pumasok sa loob ng bahay para kunin yung itak na regalo sa akin ni tatay. Ibinigay niya sa akin iyon para daw may magamit kaming pang-self defense lalo na’t kaming dalawa lang dito ng anak ko. Mabuti na raw iyong handa at nag-iingat sabi niya.
“Hoy, bestie, saan ka pupunta?” Dinig kong tawag sa akin ni Monina pero hindi ko siya sinagot.
Pagkapasok ko ng bahay ay naabutan ko si Kristofer na nakatutok sa kaniyang pinapanood. Nakasalang kasi yung paborito niyang cartoon show.
Dali-dali kong tinungo ang pinaglalagyan ko ng itak. Binuksan ko ang cabinet na nakabuilt-in sa ibaba ng lababo. Pagkakuha ay mabilis din akong lumabas ng bahay.
Nadaanan ko pa sa sala ang anak ko na tutok na tutok pa rin sa telebisyon. Sinasabayan na niya yung kanta ng pinapanood niya.
Nang nasa tarangkahan na ako ay napatingin ako sa hawak kong itak. Hindi ko naman ito gagamitin sa dahas. Ipapanakot ko lang doon sa ulupong na delivery rider dahil napakakulit. Sinabi nang hindi ko in-order iyon pero ipinagpipilitan pa rin niyang i-receive ko.
Aba’y sinusuwerte siya! Katulad nga ng sinabi ko, hindi niya ako ma-i-scam.
“Ayaw mong i-cancel, ha? Manyak ka pa, a. Tingnan natin ngayon ang galing mo,” bulong ko at muling naglakad palabas ng aming maliit na tarangkahan.
Pagkalabas ay nabungaran ko na masayang nag-uusap sina Monina at ang delivery rider. Ang harot ng tawa ni Monina. Halatang nagpapa-cute. May pahampas-hampas pa siyang nalalaman sa braso nito na gustong-gusto naman ng lalaki.
Panandalian akong natigilan nang makita ang nakatawang mukha niya. He is perfect from head to toe.
Kung hindi ko nga lang alam na delivery rider siya, pagkakamalan ko siyang isang bilyonaryong Koryano. Napakaganda ng tindig, balat at pangangatawan. Pati ang ngipin ay napakaputi na parang modelo sa commercial ng toothpaste.
Nagbalik lang ako sa huwisyo nang marinig ang pagtawag ni Monina sa pangalan ko.
“Ano, bestie? Bayaran ko muna?” malawak ang pagkakangiting tanong niya sa akin.
Muli akong nakaramdam ng inis. Aba’y nais pa yatang gamitin ng lalaking ’to ang kaharutan ng bestfriend ko!
Humanda ka sa akin, manyak ka!
“Tumabi ka riyan, Monina at mag-uusap nga kami nang masinsinan nitong si kuya,” utos ko kay Monina.
Agad naman siyang tumabi. Sinamantala ko ang pagkakataon. Dahan-dahan akong naglakad habang hilaw na nakangiti. Itinaas ko ang itak at bahagyang ipinalo-palo sa palad ko ang dulong bahagi nito habang hindi inaalis ang pagkakatitig sa kaniya.
Nakita ko ang pahapyaw niyang pagtingin sa itak na hawak ko. Umalon ang adam’s apple niya. Gusto kong tumawa lalo na nang halos ilang hakbang nalang ako mula sa kaniya dahil napaayos siya ng tayo at bahagyang humakbang paatras. Nakatingin siya sa hawak kong itak.
“Ano, kuya? Ika-cancel mo ba iyan o mag-uusap kayo nang masinsinan ng itak ko?” nakangiti kong turan habang patuloy sa ginagawang pagpalo sa itak sa aking palad.
“M-Ma’am hindi magandang biro iyan. Baka bulungan ka ng demonyo,” utal niyang sabi.
“Talagang dedemonyohin ako kapag hindi ka pa umalis dito!” sikmat ko sa kaniya at ginawang panuro ang itak.
Nawala na ang ngiti ko. Humakbang ako nang humakbang patungo sa kaniya. Siya naman ay atras lang nang atras habang ginagawa niyang panangga ang dalawang palad.
“Bestie, maghunos dili ka!” saway sa akin ni Monina pero natutuwa pa ako sa pananakot ko sa lalaki.
“Umalis ka na rito at dalhin mo iyang carton mo!”
“Bestie naman, e! Aalisan mo pa ako ng pag-asang magka-lovelife! Akin na nga iyang itak mo,” pigil ni Monina pero sinamaan ko lang siya ng tingin kaya nanahimik siya. Muli kong binalingan ang rider.
Dahil yata sa takot na maitak ay mabilis siyang kumilos. Binuhat niya ang carton at mabilis na inilagay sa likod ng kaniyang motor. Matapos ma-secured iyon ay mabilis siyang sumampa at binuhay ang makina ng kaniyang motor.
“’I shall return!” sigaw niya habang kumakaway nang mapaandar na niya ang kaniyang motor.
“Anong I shall return, I shall return? Subukan mo lang bumalik dito, tutuliin kita!”
“Tuli na ako, miss!” pasigaw din niyang sagot.
“By the way . . . Nice boobs!”
Halos mangamatis ang mukha ko dahil sa sinabi niya. Manyak! Bastos!
Bago pa siya tuluyang makalayo ay nagtanggal ako ng tsinelas at ipinahabol na ibinato sa kaniya.
Bwisit na iyan. Huwag lang talagang magkrus ulit ang mga landas namin!