Sinilip ko si Paul Shin sa loob ng banyo kung saan ay inaayos nito iyong binili niyang shower set. Parang DIY lang naman iyon at hindi na kailangan ng tubo o semento, o kung sino mang babayarang manggagawa. Himala rin na biglang nagiging matalino itong si Paul Shin kapag may naiisip na kalokohan. Sa tagal ko siyang nakasama, walang duda na pati ako ay nahawaan niya. Kaya 'pag magkasama kami ay hindi maiiwasan ang pagbabangayan namin. Iyon na rin yata ang naturang bonding namin, ang mag-iway, ang mag bardagulan at magsigawan. Well, ilang beses man din niyang painitin ang ulo ko, siya pa rin ang nag-iisang paborito kong kaaway. Napanguso ako habang pinapanood siya. Natapos na akong magluto ng ulam para sa aming dalawa. Hinihintay ko na lang siya na matapos para sabay na rin kaming kumain.

