Chapter 6

2091 Words
Mabigat akong napabuntong hininga, kapagkuwan ay nagpatuloy ulit sa paglalakad. Gaano man nag-aalburoto ang kalooban ko ay wala naman akong magawa, kasi hindi ko na rin alam kung sa paano pang paraan ko babawian si Paul Shin. Hindi sapat ang pisikal na pananakit ko sa kaniya, baliwala lahat ng suntok, sapak at tadyak ko rito sa matipuno niyang katawan. Sanay na sanay na rin yata ang tainga nito sa bawat pagmumurang binibitawan ko. Kaya mas lalo akong naiinis kay Paul Shin, tila ba sa araw-araw na nagdaraan ay mas lumalala iyong pagkainis ko sa kaniya. Pati iyong paghinga niya ay big deal sa akin, kaya ang sarap nitong putulan ng karapatan na mabuhay. At kung hindi lang din siya anak nina Tita Carmina at Tito Paulo ay matagal ko na nga iyong ginawa. Tch, ganito ba? Ganito ba niya ako ituring bilang kapatid? Neknek niya talaga— grr, mamaya siya sa akin. Nagdadabog ang mga paa ko habang tinatahak ang daan patungo sa bahay, dinig na dinig ko ang mabibigat kong mga yabag. Lahat din nang nakakasalubong ko ay gumigilid upang paraanin ako. Marahil sa nakikita nilang nanlilisik kong mga mata, dikit na dikit ang dalawang kilay ko at animo'y isang kontrabida na hindi nabigyan ng pagkakataong makaganti. Nagbabadya rin ang unti-unti kong pagsabog. Sa higpit nang pagkakahawak ko sa magkabilaang sling ng bag pack ko ay halos mapigtas iyon. Hindi pa nagtagal nang matunton ko ang bahay at kaagad na pumasok ng sala. As usual, mga katulong ng pamilyang Shin ang naabutan ko roon. Ganito sila palagi bandang hapon sa tuwing nalalapit ang pag-uwi nina Tita Carmina at Tito Paulo sa kanilang trabaho. Hindi lang iyon simpleng trabaho, ang ilang wine and liqour company sa Pilipinas ay pagmamay-ari nila. May ilang branches na rin ang pinakasikat nilang resto-bar na may pangalang Black Alley. "Good morning, Miss Vanny," masiglang bati ng isang katulong nang madaanan ko ito. "Vanessa na lang," sambit ko at saglit siyang tinapunan ng tingin, doon ko napansin na bago ang kaniyang mukha. "Mommy ko lang ang tumatawag sa akin ng gano'n." Sa sinabi ko ay umawang ang labi niya, kapagkuwan ay wala sa sarili nang mapatango-tango siya. Tipid akong ngumiti bago ito tinalikuran at deretsong umakyat sa ikalawang palapag ng bahay. Honestly, ayoko nang may tumatawag pa sa akin na Vanny dahil sa tuwing naririnig ko iyon ay nagiging masalimuot ang alaala ko kay Mommy na dapat ay hindi naman. Mas nangingibabaw kasi ang huling memorya namin noong maaksidente kami. Kaya sa tuwing naririnig ko iyon ay para akong ibinabalik sa murang edad ko noon, na sana pala ay napirmi na lang kami sa bahay at hindi na nagpasyang mamasyal— and f**k, normal na yata sa akin ang malungkot. Gaano man kasaya iyong Vanessa na ipinapakita ko sa ibang tao ay kabaligtaran naman nito kapag mag-isa ako, ano mang buka ng bibig ko para sa kalokohan ay tila buhol na sinulid naman ang utak ko. Siguro nga ay paraan ko na rin ang pagpapatawa para makaiwas sa kalungkutan. Kumbaga ako na iyong naghahanap ng ikasisiya ko para lang hindi ako malugmok at mamatay sa kalungkutan. "Vanny." Dinig kong pagtawag sa akin, tangkang bubugahan ko ito ng apoy nang si Paul Shin ang mabungaran ko. At may isang makapal lang talaga ang kalyo sa mukha at nagagawa akong tawagin sa ganoong palayaw. Kung tutuusin kasi ay hindi pighati iyong nararamdaman ko kay Paul Shin kung 'di inis. "Ano na naman ba iyon?" singhal ko rito na literal nang hindi nawala ang pagkakakunot ng noo ko. "Kung tungkol na naman ito kay Raquel, please lang— sinasabi ko sa 'yo na wala kang pag-asa sa akin." Napalabi ito na para bang dismayado siya sa narinig kung kaya ay natanto ko kung ano ang pakay niya. Siya namang baba ng atensyon ko sa walang saplot niyang katawan bukod sa boxer nito. Hindi naman iyon ganoon ka-visible sa paningin ko, iyong tama lang para masabi kong wala siyang damit, since nagtatago siya sa likod ng pinto sa kwarto niya habang mahigpit nitong hawak ang doorknob. Nang hindi siya magsalita ay tumuloy na ako sa paglalakad ko. Sa bandang dulo ng hallway ang kwarto ko kung kaya ay nagawa ko siyang lampasan, dere-deretso naman akong pumasok doon nang mabuksan ko ang pinto. Pabalag na initsa ko ang bag sa gilid, saka ko tinanggal ang pagkakabutones ng blouse ko, hinubad ko na rin pati ang palda ko. Ngayon ay suot ko na lamang iyong boxer short at kulay itim na spaghetti sando. Ipinatong ko lang din ang uniform sa sandalan ng sofa at kaagad na nagtungo sa balcony upang lumanghap ng sariwang hangin. Mula pa sa ilalim ng paso ay kinuha ko roon ang isang stick ng sigarilyo at lighter. Pinakatatago ko ito dahil unang-una ay ayaw ng mag-asawang Shin na may nagyoyosi sa pamilya nila at kasama na ako, kaya hindi nila alam na ginagawa ko ito. Well, this is my self-medication to ease my feelings of stress. Ewan ko, pero sa ganitong paraan ko naikakalma ang sarili, hindi man ganoon katagal ngunit may ilang minuto na payapa ang kalooban ko. Bukod kasi sa pagkainis ko kay Paul Shin ay para bang patung-patong iyong mga iniisip ko ngayon. Sina Mommy at Daddy, nadamay pa si Raquel dahil kay Paul Shin. Matapos kong sindihan ang sigarilyo ay hithit-buga ang ginawa ko, kalaunan nang marahas akong mapabuntong hininga sa kawalan. Kamuntikan ko pa iyong maisubo nang marinig ko ang paggalaw ng doorknob sa sarili kong kwarto dahilan para dali-dali kong ibinaon sa lupa mula sa paso ang sigarilyo at itinago ang lighter sa garter ng cycling ko. "Paul Shin!" malakas kong sigaw dito nang makitang dere-deretso siyang pumasok. "Oh, hi, Vanny! Dito ka pala nakatira?" nang-aasar na sabi nito hanggang sa taas-noo siyang naglakad palapit sa gawi ko. Baliwala sa kaniya ang itsura ko ngayon, marahil ay nasanay na siya dahil palagi naman ako nitong nakikita sa ganitong ayos. Samantala ay pinanlisikan ko naman ito ng tingin nang hindi man lang siya magdamit bago pumunta rito. Talaga bang pinangangalandakan niya ang matipuno nitong katawan? Na sa ganiyang edad niya ay kumakaway ang ilang abs nito? Napalatak ako sa hangin. Don't get me wrong dahil wala lang din naman sa akin iyon. Kahit pa lumabas siya na nakalabas ang talong ay wala akong pakialam, samahan ko pa siyang magpa-billboard. Mayamaya pa nang humaba ang ilong nito na animo'y may inaamoy, rason para maitikom ko ang bibig. "Anong amoy 'yon?" Napuno ng pagtataka ang itsura nito hanggang sa magmukha siyang aso nang ilapit niya ang mukha sa akin. "Bakit amoy sigarilyo?" Panay ang singhot nito at pilit akong inaamoy, sa ilang dangkal na nagdidistansya sa aming dalawa ay wala sa huwisyo nang mapaatras ako dahilan para maramdaman ko sa likod ang sementadong railing ng balcony. "Nagyoyosi ka ba?" pang-aakusa nito. "Baka hininga mo lang iyon, lumayo ka nga!" palatak ko at maiging itinulak ang mukha niya gamit ang palad ko. "Bakit nangangamoy ka?" "Alalahanin mo na tatlong araw ka nang hindi naliligo," matigas kong wika. Ilang sandali pa nang umayos siya at saka pa itinaas ang magkabilaang balikat upang amuyin ang kaniyang kili-kili. Roon lang din ako nakakuha ng pagkakataon na makahinga nang matiwasay. "Wala namang amoy, mabango pa rin ako," mayabang niyang sambit. "OK." Inirapan ko ito, kapagkuwan ay tangka ulit siyang lalampasan nang hawakan niya ang isang braso ko. "Isa—" "Favor naman sa maganda kong kapatid," tila nanunuyo niyang pahayag kung kaya ay napatigil ako. Napipilan ko pa siyang nilingon sa pagitan ng leeg at balikat ko. Ano raw? Alam kong maganda ako, pero kapatid? Ilang beses ko bang sasabihin sa kaniya? Gaano ko man kagustong sigawan ito ay hindi ko na ginawa. "Here," dagdag niya, saka naman nito ibinibigay sa akin ang isang gunting at razor. "Anong gagawin ko riyan?" Pinagtaasan ko siya ng kilay, samantala ay ngumiti naman ang baliw. "Isasaksak ko ba sa 'yo?" "Baliw. Dati ka bang mamamatay tao?" asik niya, pero inungasan ko lang ito. "Eh, ano nga? Alam mo bang mahalaga ang bawat minuto ng buhay ko? At ngayon na kinakausap mo ako ay feeling ko nagsasayang lang ako ng oras." "Oo na, tama ka na, Vanny." Kung wala lang marahil siyang pabor sa akin ay baka kanina pa ako nito tinuktukan. "Alam mo kasi na wala na akong oras para magpagupit pa sa barber shop, kaya naisipan ko na ikaw na lang ang maggupit sa akin..." "Because?" Hulas na hulas na ang emosyon sa mukha ko, hindi ko alam kung literal ba na nagbibiro itong si Paul Shin at gusto akong patawanin. Mayamaya lang nang magkamot siya ng kaniyang batok, hudyat na mukha itong uod na nahihiya. "Ano nga?" segunda ko at bago pa man ako makaalis sa pagkakahawak niya ay umikot na ito sa harapan ko para magkatapat kami. "Bukas kasi ay aayain kong mag-date si Raquel, baka sakali lang naman na pumayag siya. Kaya ngayon... naghahanda ako... alam mo na— pogi points din." Itinaas-taas pa ni Paul Shin ang kilay niya na hindi hamak na mas pogi pa si Jose Manalo kaysa sa kaniya. Sa paliwanag pa niya ay maang ko itong tinitigan. So, hindi na pala talaga nito kailangan ang tulong ko dahil sa ‘confident’ niya sa kapogian nito? Hala, nananaginip yata ang baliw. Napahinga ako nang malalim. All right, hindi ko na itatanggi na totoong gwapo si Paul Shin. Hindi naman siguro siya pag-aaksayahan ng oras ng mga babae para patulan kung hindi 'di ba? Kaya oo na lang— total ay nakakaasar na. "Kumuha ka ng piring sa mata," utos ko, kasabay nang paghablot ko ng gunting at razor sa kaniya dahilan para bumakas ang kalituhan sa kaniyang mukha. "Ano naman ang gagawin sa piring?" "Syempre habang ginugupitan kita, dapat ay nakapiring ka para surprise." "Seryoso ka ba riyan?" Tinitigan ako nito na para bang pinag-aaralan niya ang emosyon ko kung kaya ay seryoso kong sinuklian ang paninitig niya. "Kung ayaw mo ay doon ka na sa mga baklang parlorista—" "Teka, heto na! Kukuha na!" sigaw niya at madaling tumakbo sa mismong walk-in closet ko at doon na kumuha ng pangpiring. Napalatak na lang ako sa hangin, saka ko naman inayos ang magiging pwesto namin mula roon sa balcony. Naghila lang ako ng isang upuan, sakto naman nang makalapit si Paul Shin at kaagad na naupo roon. "Ikaw na ang magtali niyan. Kukuha lang ako ng suklay," pag-utos ko kung saan ay mabilis niyang sinunod. Matapos kong kunin ang maliit na suklay sa vanity mirror ko ay kaagad ko ring sinimulan ang paggupit kay Paul Shin. Tumahimik na rin siya dahil nakuha na nito ang gusto niyang mangyari. Samantala ay seryoso naman ako sa ginagawa, inuna ko ang bandang ibaba mula sa batok niya. Hindi ako expert, pero since ako rin ang naggugupit sa sarili kong buhok ay ang laki ng tiwala sa akin ni Paul Shin. Matapos bawasan ang ibaba ay ginamit ko naman ang razor, itinutok ko pa iyon sa ibabaw ng piring at sa lakas ng hangin ay parang may tumulak sa braso ko dahilan para magkaroon ng uka ang buhok nito. "Ay, gagi," bulong ko at halos hilingin kong sana ay maglaho ako bigla. "Bakit?" maang na tanong ni Paul Shin. "Wala." Imbes na kabahan ay ipinagpatuloy ko na lang iyon— doon yata ako nagkaroon ng chance para gantihan si Paul Shin sa lahat ng pang-aasar niya, pati na rin sirain ang ‘date’ kuno nila ni Raquel bukas. Ilang sandali pa nang matapos kong hatiin ang buhok ni Paul Shin gamit ang razor mula sa ibabaw ng pagkakapiring niya. Kalaunan nang tanggalin ko ang piring at saka inahit ang ilang natitirang buhok sa ilalim. Kaya nagmukha siyang kalahating kalbo at kalahating may buhok, pero okay lang dahil half-half naman din siya. Mayamaya pa nang umikot ako sa harapan niya upang tapusin at ayusin ang bangs nito. "Sigurado ka ba sa gupit na ginagawa mo? Bakit parang ang daming buhok na nalalaglag?" tanong nito habang nananatili siyang nakapikit. "Isa lang ang masasabi ko sa 'yo, Paul Shin." "What is it?" "Habang magkasama tayo ay dapat ganito ang ayos ng buhok mo," sambit ko, kalaunan nang matapos ay kumuha ako ng salamin upang ibigay sa kaniya. "Ibig sabihin lang niyan ay tinatanggap na kitang kapatid ko." "Anong tawag dito?" aniya habang patuloy na pinapagpagan ang balikat hanggang sa harapin nito ang sarili sa salamin na hawak. "Bao haircut, floor wax na lang ang kulang." "Tanginang 'yan.." tanging naibulalas ni Paul Shin habang tila kinuha na yata ni Lord ang kaluluwa niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD