Chapter 4

2199 Words
Wala sa sarili nang mapabuga ako sa hangin, kapagkuwan ay maang na tinitigan si Paul Shin na naroon sa harapan ko. Nakaupo ito sa isang silya habang pinangangaralan siya ng counselor namin. Matapos kasi ang nangyari kahapon ay heto kami at pinatawag sa office. Bukod pa sa aming dalawa ay nandito rin si Brandon sa kadahilanang may binugbog na naman ito kahapon at nataong nakatakas din siya katulad namin ni Paul Shin. Sinundo rin siya ng van ng squad. Hinarang kami sa gate nitong umaga pagpasok namin, kaya ang unang klase namin ay hindi na rin namin napasukan. Kung tutuusin ay mas okay pa itong tumambay dito kaysa magklase dahil literal naman na wala akong natututunan. Tinatamad na tinapunan ko ng tingin ang counselor, ilang minuto na itong nagtatalak at sa pauli-ulit kong napadpad dito ay kabisado ko na ang pangangaral niya. Maging ang facial expression nito at ang bawat paghampas ng kamay nito sa hangin. "Can't you all be good example for all those freshmen and newbie? Anong year na kayo? Fourth year 'di ba? At graduating na kayo, pero kita niyo 'to?" anas nito at saka pa ipinakita sa amin ang isang folder. "Ang dami niyong bad records, tingin niyo ba ay makaka-graduate kayo niyan sa mga pinaggagagawa ninyo?" Mabigat na ibinagsak nito ang folder sa lamesa, frustrated pa nitong nahilot ang kaniyang sentido at makailang beses na napailing-iling sa kawalan. Yumuko rin ito, kaya may pagkakataon na irapan ko sina Paul Shin at Brandon na parehong nasa tapat ko. Bilang ganti pa ay itinaas ni Brandon ang midldle finger niya sa ere, samantalang si Paul Shin ay tinatawanan lang ako. Nangunot lang din ang noo ko bago dahan-dahan na nginuya ang bubble gum sa bibig ko na naglilikha nang mahinang ingay. "Vanessa!" malakas na sigaw ng counselor, kaya bago pa man din ako nito maabutang ngumunguya ay pinatalsik ko na iyong bubble gum banda kay Brandon. Tumama iyon sa noo nito dahilan para mahulas ang emosyon sa mukha niya, kasabay nito ay ang panlilisik ng dalawa nitong mata hanggang sa maabutan siya ng counselor sa ganoong ayos. Kumibot ang labi ko upang pigilan ang nagbabadya kong pagtawa. Dahan-dahan pa ay inalis nito ang bubble gum na siyang dumikit sa balat niya. Pinanood ko ito at halos mamula ang mukha ko sa sobrang pagpipigil ko na huwag matawa, lalo at nakamasid din ang counselor. Si Paul Shin naman ay mariing pumikit at saka pa nag-iwas ng tingin, marahil ay para umiwas sa nadagdagang galit ng counselor. Nang lingunin pa ito ay animo'y bubuga siya ng apoy dahil sa namumula rin niyang mukha. Ubos na yata ang pasensya nito at naputol na rin ang litid sa kaniyang leeg, ambang sisinghalan niya kami nang mabilis pa sa alas kwatrong tumayo sina Brandon at Paul Shin at madaliang kumaripas ng takbo, para lang silang dumaang hangin sa gitna namin ng counselor. Naiwanan pa nilang bukas ang pinto. Samantala, sa gulat ko ay nanlaki ang mga mata ko, lalo pa sa katotohanang iniwan nila ako rito. Muli kong nilingon ang counselor kung saan ay naabutan ko ang mas dobleng galit sa mukha niya, hindi na ako nakagalaw at tila ba naestatwa ako sa pagkakaupo ko. "Linisin mo ang buong Stadium, pati na rin ang female's restroom sa building ninyo!" utos nito bilang consequences sa nangyari kahapon. "Bakit naman ako lang?" maang na pagtatanong ko, imbes na matakot dito ay mas nangibabaw pa sa akin ang pagkadismaya. Hindi lang naman ako ang may kasalanan, kaya hindi lang dapat ako ang magdusa. Bumuka ang labi ko para sana umalma pa, pero kaagad ko ring naitikom nang may maalala ako. "Aba at sumasagot ka pa? Gusto mo bang ipatawag ko pa rito ang mag-asawang Shin para malaman nila kung anong klaseng estudyante ka? Gusto mo ba 'yon?" Sa narinig ay umangat ang sulok ng labi ko, hindi ko pa malaman kung matatawa ba ako o maiisulto. At the same time ay natatakot at baka totohanin nito ang pagbabanta niyang pagsusumbong sa akin. Yeah, right! Mabuti at naalala ko pa iyon. Huminga ako nang malalim, kasabay nang pagpapakumbaba ko na kahit labag sa kalooban ko na tanggapin ang utos niya ay wala na rin akong choice. Ayoko naman na humantong pang malaman ito nina Tita Carmina at Tito Paulo, bilang kabayaran ko kasi sa pagkupkop nila sa akin ay ipinangako kong magiging mabuti akong estudyante at anak-anakan nila. Bilin nila ay kailangan kong mag-aral nang mabuti, kailangan kong maging ganito at ganiyan na ayon sa kagustuhan nila. Sa madaling salita ay hawak nila ako sa leeg at ano mang sabihin nila sa akin ay kailangan kong gawin at sundin nang buong puso. Well, sa parte ko ay nakakasal ngunit tinanaw ko na lang iyon bilang utang na loob sa kanila dahil kinupkop nila ako at binigyan ng magandang buhay. Magreklamo man ako ay ayoko namang gawin, kahit papaano rin ay napamahal na ako sa pamilyang Shin. Bandang hapon nang matapos ang klase kung kaya ay sinimulan ko rin ang maglinis sa Stadium. Since alam din ng buong school kung sino si Paul Shin at Brandon ay ako lang ang mag-isa ngayon, sa madaling salita ay ako ang tagasalo sa kasalanan ni Paul Shin. Bukod kasi sa kilalang mayaman ang pamilya ng dalawa ay isa sila sa malaki ang investment dito sa school. Kasama na roon ang buong squad, kaya ano mang gawin nila ay madali lang nilang nalulusutan, mabilis lang silang napapatawad. Inis na inihagis ko iyong mop at saka sinipa ang balde, kapagkuwan ay pabagsak na naupo sa unang baitang ng upuan na naroon sa loob ng Stadium. Medyo may kadiliman sa paligid dahil dim lights lang ang ilaw, pero sapat naman na iyon para hindi ako matakot. Sa totoo lang ay wala naman talaga akong kinatatakutan, wala akong pakialam kung sino ang makabangga ko. Kung mayroon man, iyon ay si Tita Carmina at Tito Paulo, kaya nga marahil ay iyon ang ginagawang panakot sa akin ng lahat dito pati na rin iyong pagiging ampon ko raw. Tch, my ass. Nakagat ko ang pang-ibabang labi ko at saka itinukod ang dalawang siko sa magkabilaan kong tuhod. Hindi ko na inisip ang suot kong palda na siyang uniform namin, may suot naman din akong boxer short na pinuslit ko pa kay Paul Shin. Ewan ko ngunit mas prefer ko ang magsuot ng mga loose shirt, jeans at rubber shoes. Ang sabi nga nila ay siga akong babae. Though, hindi naman ako matatawag na tomboy. Baka ganoon lang talaga kapag pinalilibutan ka ng mga lalaki o sila ang nakalakihan mo. One of the boys ika nga. Muse ng bachelor squad. Sila Warren, Brandon, Leo, Melvin at Gabriel ang kasa-kasama ko sa pagdadalaga noon kung kaya ay hindi ko malaman kung binibini ba ang kinahantungan ko o pagiging bastos na medyo ginoo. Sa naisip ay kumawala ang mumunting ngisi sa labi ko, saka pa napatingin sa malaking pinto ng Stadium nang bigla iyong bumukas. Ang liwanag pa sa labas ang siyang sumilaw sa akin dahilan para saglit akong mapapikit, pero kagaad din namang nagdilat. Kunot ang noo ko nang pilit kong inaaninag kung sino ang Poncio Pilato ang nagtangkang pumasok dito gayong tapos naman na ang klase. Tantya ko pa nga ay wala ng mga estudyante at nagsiuwian na, kung mayroon man din ay naroon sila sa library. "Are you done?" Ang baritonong boses na iyong ang umalingawngaw sa kabuuan ng Stadium. Si Paul Shin. Rason iyon para magsalubong ang dalawang kilay ko, kasabay nang pangangasim ng mukha ko. Hindi pa nagtagal nang huminto ito sa harapan ko kung kaya ay halos mabali ang leeg ko sa pagkakatingala ko sa kaniya. "Bakit ka nandito?" malamig kong tugon, naiinis pa rin kasi ako hanggang ngayon sa tuwing maiisip ko na siya iyong dahilan kung bakit ako nandito at naglilinis. Kung hindi ba naman kasi sa kaabnormalan at kalandian niya ay hindi ako napapaaway. Lahat na lang yata ng nagiging girlfriend nito ay palagi akong inaaway, ako palagi ang pinagbubuntunan ng galit sa tuwing maghihiwalay sila. Although yes, aminado naman ako na minsan ay ako ang nangunguna at nagpapasimuno ng gulo. Iyon ay dahil alam kong para sa kapakanan naman niya iyon, bilang babae ay alam ko ang mga galawan nila. Alam ko kung kailan sincere ang isang babae at kung kailan hindi. Ganoon pa man ay mas gusto ko siyang protektahan o mas maganda ring sabihin na ayokong nakikitang may babae siya. Ayokong magkaroon ito ng girlfriend. Hindi ko rin alam kung bakit at ano ang malalim na dahilan, basta gusto ko ay mag-focus muna ito sa buhay niya. Total ay masaya naman siya kasama ako at ng buong squad, kaya hindi na niya kailangan pa ng babae. Ngunit ano nga ba naman din ang magagawa ko para pigilan ko siya, kung sarili nga nitong magulang ay hindi siya sinusuway. Siguro ngayon ay bahala na muna ito sa buhay niya, masyado siyang pahirap sa akin. "Lumabas ka na, hindi pa ako tapos maglinis," anas ko ngunit imbes na makinig ay nagawa pa niyang maupo sa gilid ko. "Alam kong pagod ka, kaya heto at binilhan kita ng favorite mong milktea," pahayag nito kung saan ay inilahad nito sa harapan ko iyon. Naaasar na nilingon ko ito sa pagitan ng leeg at balikat ko, roon ay mas nakita ko nang malapitan ang mukha niya. Well, siya pa rin iyong batang Paul Shin na nakilala ko noong unang tungtong ko sa bahay nila. Mapang-asar at ako palagi ang trip, pero sa paglipas ng ilang taon ay mas nag-mature ang itsura nito. Ewan ko lang sa buhok niya na higit fifteen years na ang nagdaan ay ganoon pa rin ang pagkakaayos ng kaniyang buhok. Nagmukha kasi iyong bunot na pwede nang ipanglampaso sa sahig— mukhang timing ang dating niya ngayon at pwede ko itong gamitin sa sahig ng Stadium. Mahina akong natawa, imbes kasi na pwede ko na siyang ihalintulad sa isang badboy ay nagmistulan itong sidekick. Favorite hairstyle niya iyon, sa tuwing nagpapagupit siya ay iyon palagi ang pinapagawa nito. Ewan ko lang kung bakit feel na feel niya ang pagiging pogi nito sa buhok niyang bunot— pfft. "Inumin mo na 'yan..." dugtong niya, rason para magtaas ako ng kilay. "May kailangan ka?" Nangingilatis ko itong tiningnan, sa sinabi ko pa ay bumakas sa mukha nito ang tila pagkapahiya. Nagpapa-cute pa siyang tumititig sa akin, doon ko natanto na wala man siyang sabihin ay alam ko na ang pakay niya. Sa haba ng taon na nakasama ko siya ay literal na kilala ko na ito maging ang kaluluwa at maitin niyang budhi. Wala siyang pwedeng itago sa akin, kaya nga sa tuwing may secret affair siya ay nalalaman ko kaagad. "Wala naman..." aniya, kapagkuwan ay tumingala sa taas. Itinukod pa niya ang dalawang palad sa magkabilaang gilid nito at saka idineretso ang parehong paa. Iginagalaw-galaw niya iyon, rason naman din para suntukin ko ang brason niya dahilan para mapahiyaw siya. "Ano nga? Sabihin mo na," angil ko rito. Mayamaya pa nang mahina siyang matawa. "Kasi... ganito 'yon... kilala mo ba si..." Nangunot ang noo ko. "Sino? Sino na naman 'yan? Shutangina ka, panibago na naman ba 'to, Paul Shin? Huh? Hindi ka na nadala?" "Hoy, teka, kalma ka naman!" baliw sigaw niya. "Sino?" "Si Raquel Tan," nangingiting banggit nito. Mapakla akong matawa. "So, talagang kumagat ka sa pangbubugaw ni Leo?" "Not really. Just want to give it a shot." "Ang kapal talaga ng kalyo sa mukha mo." "Pero sige na, hindi ba ay magkaibigan kayo ni Raquel? Ilakad mo naman ako." Ngumuso ito habang dinadanggi pa ang balikat ko, kaya mas lalo lang nahulas ang emosyon sa mukha ko. Oo at kaibigan ko si Raquel, hindi lang iyon dahil bestfriend ko iyon. Talaga bang kinakausap niya ako ngayon para gawing tulay sa kanila ni Raquel? "Gago ka, ako ba ay ginagawa mong tanga?" bulalas ko rito, nagulat na lang ako nang bigla siyang tumayo at saka mabilis na kinuha iyong mop bago sinimulang linisin ang sahig. "Ako na ang bahala rito. Ano pa ba ang hindi mo natatapos?" aniya habang inaabala ang sarili sa paglilinis. "May kailangan ka pa ba? O gustong kainin? Sabihin mo lang at bibilhan kita." Maang ko itong pinanood, hindi pa ako makapaniwala sa mga pinagsasabi at pagiging pursigido niya ngayon. Kalaunan nang mapakura-kurap ako hanggang sa mapabuntong hininga na lamang ako sa kawalan. "Kaibigan ko si Raquel," sambit ko. "I know. Kaya nga sa 'yo na ako lumapit." "Bakit ka pa nagtatanong kung alam mo na palang animal ka?" "Wala lang." Tumawa ito, samantala ay sinusundan ko lang siya ng tingin. "Alam ko rin naman na tutulungan mo ako." "Gaano ka kasigurado, aber?" Pinagtaasan ko ito ng kilay kahit pa hindi niya ako nakikita dahil nakatalikod siya sa gawi ko. "Dahil magkapatid tayo at para saan pa ba na magkapatid tayo 'di ba? Ang magkapatid ay nagtutulungan," paliwanag niya. Pagak akong natawa. Magkapatid? Tatlong beses nito iyong pinaulit-ulit sa isang sentence na para bang pinare-realize niya sa akin kung ano ang tingin nito sa akin. Mas natawa ako dahilan para malingunan niya ako. "Magkapatid ba tayo?" pang-uuyam ko. "Paano ba kita ituturing na kapatid kung ang pamilya mo ang pumatay sa magulang ko?"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD