|| Entrance Exam ||

1343 Words
Pauwi na ako galing sa entrance exam ng university na gusto kong pasukan. Gusto kong dumiretso agad kay Kuya Vincent para sabihin na kahit mahirap ang exam ay pakiramdam ko makakapasa ako. Naglalakad na ako sa highway nang mapansin ko sina Nanay at Tatay sa kabilang kalsada. Mukhang may pinag-aawayan na naman sila dahil sa parehas nakakunot ang kanilang noo. Maya-maya lang ay naramadaman ko ang pag-ring ng cellphone ko. Nakita ko ang called ID ng ospital kaya mabilis ko itong sinagot nang may halong kaba sa dibdib. “Hello?” “Is this Veronica Ochoco? Sister of Vincent Ochoco?” “Yes, speaking. Ano pong nangyari sa kapatid ko?” “Hindi po kasi sumasagot ang mga magulang ninyo." Tiningnan ko sila Nanay sa kabilang kalsada. "At huwag po sana kayong mabibigla…” May halong takot at kaba akong nararamdaman sa mga pagkakataon na iyon. Para akong mabibingi sa mga sumunod na salitang binitawan ng nurse sa kabilang linya. “Wala na po ang kapatid ninyo.” It keeps ringing in my ears like a broken piece of the compact disc. Paulit-ulit ko na naririnig ang mga salitang iyon. Saglit akong hindi makakilos sa kinatatayuan ko. Nag-red light na rin ang traffic light pero wala akong mapagkuhaan ng lakas para tumakbo. Hindi ko na naintindihan pa ang sinabi ng nurse. Nang unti-unti nang pumasok sa utak ko ang mga katagang iyon, wala na akong inaksayang oras at mabilis na pumunta sa ospital kahit pa maubos ang pamasahe ko para sa taxi. Nang makarating ako ay dali-dali akong pumasok sa kwarto niya. Parang pinipiga ang puso ko nang makitang may takip na puting tela si Kuya Vincent. Umiling ako at hindi makapaniwala sa mga nakikita. Dahan-dahan akong lumapit sa kaniya at pinakatitigan ang mukha niya nang maialis ko ang puting tela hanggang leeg niya. Natutop ko ang bibig ko at hindi na mapigilan ang luhang kanina pa gustong lumabas sa aking mga mata. Niyugyog ko si Kuya Vincent. “Kuya!” tawag ko rito. Paulit-ulit ko siyang tinatawag. “Kuya! ‘Wag mo naman ako i-prank, hoy. Gumising ka na. Tapos na ang exam ko, oh. Sabay pa natin titingnan ang result next week ‘di ba?” Tuloy-tuloy ang agos ng luha ko. “Kuya! Kuya Vincent! Kuya!” Niyakap ko ang malamig na katawan ni Kuya Vincent. Namumutla na rin ang balat ko dahil sa hindi ko malaman na dahilan. Pero wala akong pakialam. Ang gusto ko lang ay gumising siya at tumayo sa hinihigaan niya. Sobrang payat ni Kuya Vincent nang yakapin ko siya. Para na siyang mapipipi sa mga bisig ko kaya tama lang ang yakap na ibinigay ko sa kaniya. Maya-maya lang din ay naramdaman ko ang pagpasok nina Nanay at Tatay sa kwarto ni Kuya. Hindi ko sila pinansin at hawak ko pa rin si Kuya. Lumuhod ako sa kama niya habang umiiyak pa rin. “Diyos ko, bakit si Kuya pa? Bakit si Kuya na tanging nakakaintindi sa problema ko? Si kuya na handang makinig sa mga reklamo ko sa buhay. Bakit si Kuya pa? Dapat ako na lang!” sambit ko habang nakayuko hawak-hawak ang katawan ni Kuya Vincent. Parang may milyon-milyong kutsilyo ang nakasaksak sa dibdib ko. Para akong paulit-ulit na pinipisa dahil sa nararamdaman ko. Tiningnan ko sila Nanay na tulala lang sa gilid. “Baka hanggang dito ay mag-aaway pa rin kayo? Patay na ang anak ninyo pero gusto niyo pa ring mag-away?” wala na sa wisyo kong hinanaing sa kanila nang makitang masamang tumingin si Nanay kay Tatay. Nanlambot naman ang itsura nilang dalawa saka dinaluhan si Kuya Vincent kaya gumilid ako. Tuloy-tuloy pa rin ang agos ng luha sa aking mga mata. Hindi pa rin rumirehistro sa utak ko na wala na si Kuya Vincent. Hindi ko alam kung paano ko pa itutuloy ang buhay ko nang wala si Kuya. Wala na rin kasi ang lakas na matagal niyang ibinigay sa akin habang pinanghihinaan ako sa mga magulang namin. Ayoko marinig mag-isa ang paulit-ulit na pag-aaway nina Nanay at Tatay. Napapagod na ang tainga ko sa pakikinig sa mga bunganga nila. Naitukod ko ang mga kamay ko sa aking tuhod habang nakaupo sa upuan na nasa gilid. “Anak, Vincent,” rinig kong tawag ni Nanay kay Kuya. “I’m sorry.” Nagsimula na ring humagulgol si Nanay habang nasa tapat ni Kuya. Si Tatay naman ay nakayuko sa kabilang gilid, hawak ang kamay niya. “I’m sorry kung napabayaan ka namin. I’m sorry kung hindi ka namin naalagaan nang maayos,” dagdag pa ni Nanay. Samantalang si Tatay ay humagulgol lang sa gilid ni Kuya Vincent nang walang sinasabi. “Bakit hindi kayo sumasagot sa tawag?” tanong ko kalaunan sa kanila. “May naging problema sa inuutangan namin. At due date na rin ng bayaran natin kaya naman inasikaso namin iyon--” “Inasikaso o busy kayo mag-away sa gitna ng kalsada?” diretso kong saad sa kanila habang puno pa rin ng luha ang aking mga mata. “Ni hindi ko man lang nakausap ulit si Kuya. Ni hindi ko man lang siya nayakap at nasabing mahal na mahal ko siya. Ni hindi ko man lang narinig ang boses niya,” may mga diin kong sumbat sa kanila. “Hindi lang ikaw, Veronica!” sigaw ni Tatay na nakapagpatahimik sa akin. Alam ko naman. Alam ko naman na gustong gusto nila na gumaling si Kuya Vincent. Pero sana naging priority nila si Kuya. Hindi man lang nila nakasama nang matagal si Kuya dahil busy sila lagi sa trabaho nila. “Hindi lang ikaw,” mahina ngunit sapat para marinig ko ang sinabi ni Nanay. Wala nang tatawag sa akin ng Veron. Wala nang mang-aasar sa akin. Hindi na ako mapipikon dahil sa kaniya. Wala nang mang-iinis at mambi-bwisit sa akin. Humagulgol na lang ako nang humagulgol hanggang sa dumating ang taga-morgue para kunin si Kuya Vincent. Napatayo kami. Gusto kong pigilan ang mga kamay nila sa pagkuha ng katawan ng kuya ko pero alam kong wala na akong magagawa. Kuya Vincent, salamat dahil lagi kang nasa tabi ko simula noong mga bata pa tayo. Salamat dahil hindi mo ako iniiwan. Hindi ka man lang nakaamin sa babaeng gusto mo kasi iniisip mo kami lagi. Ang sabi mo hindi ka mag-aasawa hangga’t hindi pa ako nakakatungtong sa kolehiyo. Kaso hindi mo na rin iyon magagawa kasi nauna ka nang umalis. Gusto kong sumigaw at sisihin ang nasa Itaas dahil sa mga nangyayari sa amin. Bakit sa akin? Sa amin? Bakit kailangan kami ang maghirap nang ganito? Sa mga sumunod na araw ay nawalan na ako ng gana. Hindi ako makakain nang maayos. Hindi ako makatulog. Wala na akong pakialam sa paligid ko. Hindi ko na rin pinapansin ang araw-araw na pag-aaway ng mga magulang ko. Sa tatlong araw na nakaburol siya ay hindi ako umalis sa tabi niya. Doon na ako natutulog at umuuwi na lang sa bahay para magpalit ng damit. Ayoko na rin makasalubong sina Nanay at Tatay. Muli kong naalala ang mga araw na hindi pa nag-aaway sina Nanay at Tatay. Linggo-linggo ay nasa parke kami para mag-picnic. Araw-araw nakikita ko ang mga masasayang mukha nila. Araw-araw ay hindi nawawala ang tawanan at halakhakan sa loob ng bahay. Pero simula nang matanggal si Tatay sa dati niyang tinatrabahuhan at lumipat sa ibang kumpanya ay nagsimula na rin ang bangungot na gusto ko na lang ilibing gabi-gabi. Araw ng libing ni Kuya. Nauna nang umalis sina Nanay at Tatay. Tinapik lang nila ang braso ko habang nakatingin ako sa kabaong ni Kuya Vincent. Hindi pa rin matigil ang mga luha kong kanina pa nagbabagsakan. “Alam kong ayaw mo akong makitang umiiyak, Kuya. Pero sana pagbigyan mo ako kahit ngayon lang. Hindi ko pa rin kasi matanggap.” Pinunasan ko ang mga luha ko sa mata. “Miss na kita agad,” dagdag ko pa at hinawakan ang pangalan niyang nakaukit sa lapida. “Mahal na mahal kita, Kuya Vincent,” nauutal kong sambit habang kagat ang labi na humahagulgol sa tabi ng libingan niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD