Chapter 4

2012 Words
ELLAINE Tulad ng usapan namin ni madam, bago mag-alas otso ng umaga ay nasa mansyon na ako para simulan ang aking trabaho. Kailangan kong magsipag sa aking trabaho dahil malaking halaga ang cash advance ko. Hindi biro ang halagang two hundred thousand na cash advance ko kaya naman dapat kong pagtrabahuhan ng maayos ang halaga na iyon. “Hintayin mo na lang dito si Madam, baba na siya.” wika sa akin ng may edad na babae habang narito ako sa malaki at magarang living room ng mansyon. “Sige po, salamat po.” ngiti na sagot ko sa kaharap ko kahit wala man itong kangitngit sa akin habang kausap ako. Sobrang aral ang bawat kilos at buka ng labi ng may edad na babaeng kausap ko. Parang robot nga ito kung titignan na naka-program lang na tumanggap at kumausap ng bisita ngunit ni isang ngiti ay wala man lang. Naupo ako sa sofa nang tahimik na naglakad palayo sa akin ang kausap ko. Hindi ko tuloy mapigilan ang sarili ko na mapaisip. Ang sungit ng matandang babae na ‘yon. Matandang dalaga kaya siya? Kasi sabi nila pag tumandang walang love life ang isang babae ay nagiging masungit. Kaya siguro ganun ang mukha ng matanda na iyon, parang pinaglihi ng nanay niya sa sama ng loob. Huy! Ella, ‘wag kang judgemental! Mabilis akong napatayo mula sa sofa na kinauupuan ko nang nasa harapan ko na si madam. Tsk. Unang araw sa trabaho, talaga ba, Ella? Lutang ka? Hindi mo talaga namalayang nakatayo na sa harapan mo si madam? “M-magandang umaga po, Madam.” alanganin na bati ko sa kanya. Walang kibo naman na ini-scan lang ni madam ang kabuuan ko. Napailing ito habang patuloy na ini-scan ang buong katawan ko, maging ang mukha niya ay hindi nakapinta at halata na hindi niya nagustuhan ang physical look ko. Bakit? Hindi naman ako pangit, makinis naman ang balat ko kahit paano. Lumunok ako. “M-may problema po ba, Madam?” tanong ko sa paninitig niya sa akin. “Marami,” nakataas ang kilay na tipid na sagot niya sa akin. Napakunot noo ako. Ha? Ano daw? Anong ibig sabihin ni madam sa sinabi niyang ‘Marami’? “Follow me,” sabi ni madam kaya naman tahimik na sumunod lang ako sa kanya sa paglalakad paakyat ng hagdan. Huminto kami sa tapat ng pinto ng isang kwarto dito sa second floor. Nalulula ako sa ganda ng kabahayan ng amo ko. “This is the room of my husband, ang aalagaan mo.” sabi ni madam saka pinihit pa bukas ang seradura ng pinto. Pagbukas ng pinto ay agad akong napatakip ng ilong dahil sa baho ng amoy ng silid. Pinaghalong amoy ng alak at usok ng sigarilyo ang buong kwarto ng asawa ni madam, ng tao na aalagaan ko. Mabilis kong pinaginala ang paningin ko sa apat na sulok ng silid at huminto ang paningin ko sa isang lalaki na nakatalikod mula sa amin ni madam. Nakaupo ito sa wheelchair at may hawak na bote ng alak sa isang kamay habang ang isang kamay naman ay sigarilyo. Napatingin ako kay madam nang marinig kong nagpakawala ito ng malalim na buntong hininga. Naglakad siya patungo sa lalaki, sa asawa nito. “My goodness, hudson, maaga pa ay lasing ka na.” sabi ni madam sa asawa nito. “Have you done breakfast? Or baka naman alak at sigarilyo na naman ang almusal mo?” patuloy na pagsasalita ni madam pero hindi naman sumasagot sa kanya ang asawa nito. “Anyway, I have here your new personal maid,” tumingin sa akin si madam at tinawag ako, kaya naman mabilis akong lumapit sa kanya. Tahimik akong tumayo ilang hakbang sa gawi nila madam. “She’s Ellaine.” tipid na pakilala ni madam sa akin sa asawa nito. “M-magandang u-umaga po, S-sir.” nanginginig ang boses na kabadong bati ko sa aalagaan ko. Nang makita ko ang mukha ng tao na aalagaan ko ay mabilis akong nakaramdam ng takot dahil sa itsura nito. Mukhang irmetanyo ang asawa ni madam. Halos matakpan na ang mukha nito ng balbas. Ano ba namang klaseng tao itong asawa ni madam at nag pahaba ng sobra ng balbas sa mukha. Idagdag pa ang mala-demonyong makapal na mga kilay. Napalunok na lamang ako nang hindi sumagot sa pagbati ko ang aalagaan ko, basta ang mahalaga, binati ko siya bilang tanda ng aking paggalang sa kanya bilang amo ko. Hindi kami nagtagal sa silid ng asawa ni madam. Marahil hindi rin siya makatagal sa nakakasulasok na amoy ng silid ng aalagaan ko. Tirible naman talaga ang amoy! Hindi nagsisigarilyo at umiinom ng alak ang tatay ko kaya naman hindi ako sanay sa amoy ng alak at sigarilyo. Ngayon pa lang ay iniisip ko na kung paano ko lilinisin at pababanguhin ang silid ng aalagaan ko. “This will be your room,” turo ni madam sa pinto na katabi ng aking among lalaki. Sa gawing kanan. “And that’s my room.” turo naman ni madam sa kanyang silid. Ha? Bakit mas malapit ang silid ng tagapag-alaga kaysa sa silid niya sa kwarto ng amo ko? Ng asawa niya? Hindi ba dapat nga eh bilang asawa malapit ang kwarto niya rito? Paikot kasi itong second floor. At sa kabilang panig pa ang silid ni madam. Tahimik lang akong nakinig at tumango sa lahat ng sinabi ni madam. “And that door, ‘yan naman ang silid ni manang Corazon, so if you need anything, or kung may problema sa Sir Hudson mo, si manang ang kakausapin mo.” saad nito. Tumango langa ko ulit rito. Pagkatapos na i-tour ako ni madam sa mga silid sa taas. Pinababa ako nito sa kitchen para simulan ko na raw ang trabaho ko at later ay may pag-uusapan pa kaming dalawa. “Oh, heto ang almusal ni Senyorito Hudson, siguraduhin mo lang na mauubos niya ang almusal na dala mo. At ‘wag na wag kang aalis ng silid niya ng hindi mo napapa-inom itong gamot niya. Maliwanag ba, ha, Ellaine?” mahigpit na bilin sa akin ni manang Corazon. “O-opo!” tanging naisagot ko at mabilis na kumilos. Bakit ba sobrang sungit ng matandang ito? Wala naman akong ginagawa eh naka sambakol ang pagmumukha sa akin. Kinuha ako ang tray ng almusal ng amo kong lalaki at maingat na naglakad ako papunta sa silid nito. Nang nasa tapat na ako ng pinto ay hindi muna ako pumasok. Hinanda ko muna ang aking sarili, ang baga ko sa nakakasulasok na amoy ng alak at sigarilyo. Jusko. Sakit sa baga ang aabutin ko dito sa silid ng amo kong lalaki kung araw araw ay ganito ang amoy na maaamoy ko. “Kaya mo ‘yan, Ella, remember, two hundred thousand ang cash advance mo kay Madam, kaya need mong magpakatatag. ‘Wag ka na lang masyadong hihinga sa loob!” Isang mahabang hugot ng paghinga ang ginawa ko saka ako kumatok sa pinto at binuksan iyon. Kung paano namin iniwan ni madam si Senyorito Hudson kanina, ganoon pa rin ito ngayon. Nakaupo pa rin sa wheelchair at hawak ng magkabilang kamay nito ang bote ng alak at sigarilyo. “Kaya mo ‘yan, Ella!” sambit ko sa aking isipan. “M-magandang umaga po ulit, Senyorito, Hudson. Dala ko po ang almusal n’yo.” magaan na sabi ko sa amo ko. Kahit bahong baho ako sa amoy ng silid, ay lumakad ako papunta sa side table na malapit sa kama nito at nilapag ko roon ang tray na hawak ko. “Kain na po kayo, Senyorito,” muli kong pagsasalita sa pananahimik nito. Ang sabi ni madam, temporarily blind lang si senyorito hudson. Eh bakit parang hindi rin ito makapagsalita dahil kanina pa ako nagsasalita wala naman akong sagot na nakukuha mula rito. Napakamot ako sa aking ulo. Hindi ko na talaga kayang tagalan pa ang amoy dito sa loob. Tapos ang bilin ni manang Corazon, ‘wag na ‘wag akong lalabas dito sa silid ni senyorito Hudson ng hindi ko napapainom ang gamot nito. Nilakasan ko na ang loob ko. Lumapit ako kay senyorito Hudson at kinuha ko sa kamay nito ang bote ng alak pati na ang sigarilyo. Napapikit ako sa gulat nang bigla niya akong sinigawan dahil sa ginawa ko. “I don’t need you here! I don’t need food, I don’t need that f*****g medicine! So leave me alone! And give me back my whisky and cigarettes!” Umalingawngaw na sigaw sa akin ni senyorito Hudson. Jusko. Pakiramdam ko ay nabasag na ata ang eardrums ko. Aba! Mukhang sinusubukan ang pasensya ko ng amo ko! Sanay ako sa mga batang pasaway at walang ginawa kung ‘di ang mag tantrums. Sa ilang taon ko bilang tagapag-alaga ng bata. Na major ko na yata kung paano patinuin ang alaga ko. Hindi ko binalik ang bote ng alak at sigarilyo ni senyorito Hudson. “Senyorito Hudson, ang bilin po sa akin ni manang Corazon, ‘wag na ‘wag daw po akong lalabas dito sa silid n’yo nang hindi ko po kayo napapakain ng almusal at napapa-inom ng gamot n’yo po.” lakas loob na sabi ko sa amo ko. Agad kong kinuha ang tray ng almusal nito at pagkatapos ay pinatong ko sa ibabaw ng mga hita nito. Pero muli lamang siyang sumigaw. “I told you I don’t need food!” galit na sigaw ni senyorito Hudson at pagkatapos ay tinabig ang tray sa ibabaw ng hita niya kaya naman tumapon ang almusal nito. Tumaas ang aking isang kilay at nangilit ang aking ngipin sa inis dahil sa ginawa ni senyorito Hudson. Sinayang niya ang pagkain! Ang mga mayayaman talaga, walang pakundangan kung magtapon at mag-aksaya ng pagkain. “Bakit n’yo naman po ginawa ‘yon, Senyorito Hudson? Nakita n’yo ang ginawa n’y? Natapon ang pagkain. Nasayang po. Ang dami daming nagugutom na tao dito sa mundo, tapos kayo mag-aaksaya lang ng pagkain. Masama po ‘yon, Senyorito.” pagtataray kong panenermon sa amo ko. At napakamot ako ng ulo nang mag-sink in sa aking isipan ang binitawan kong salita. Oo nga pala, bulag si senyorito Hudson kaya paano niya makikita na nasayang ang pagkaing tinapon niya. Ah, basta! Mali pa rin ang mag-aksaya siya ng pagkain. Grasya pa rin iyon mula sa Diyos. Dapat minamahal at pinagpapasalamat sa itaas at hindi sinasayang. Umupo ako at dinampot ko ang nagkalat na pagkain sa lapag. Makapal at malambot na tela ang carpet dito sa kwarto ni senyorito Hudson kaya naman hindi nabasag ang babasagin na plato at tasa ng mahulog ito sa lapag. “I told you, I don’t need you here, so leave me alone!” muli ay sabi ng amo ko sa akin habang nasa lapag ako at abala na nililinis ang kalat na ginawa nito. Tumayo ako matapos kong lininis ang kalat sa carpet. “I care about my job Sir, and I care about you.” sabi ko sa amo ko. Pero char lamang iyon dahil narinig ko lang ang taglines na ‘yon mula sa palabas ng idol ni inay na si Sharon Cuneta. Sa tingin ko naman ay mukhang nahipo ang puso ng aking masungit at ermitanyo kong amo gamit ang tagline na iyon ni Miss Sharon Cuneta dahil na tahimik ito. “Kaya kung ayaw n’yo po sa akin, ayaw ko rin po sa inyo. The reason kung bakit narito ako sa inyo, dahil kailangan ko pong kumita ng pera para sa pamilya ko. So, Please lang po, Senyorito, Hudson. Hindi n’yo po alam kung paano ko tinitiis ang baho ng amoy nitong kwarto n’yo po. So, please lang po, makisama naman po kayo sa akin. Pag sinabi ko pong kumain na po kayo, kumain na po kayo. Para mapainom ko na po kayo ng gamot.” mariin kong sabi sa amo ko saka ko ito iniwan. Daig ko pa ang naghihingalo sa ICU ng makalabas ako sa silid ng amo ko. Lumanghap ako ng hangin dahil halos maubos ang hangin sa aking baga habang nasa loob ako ng mabahong kwarto ni senyorito Hudson.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD