Akala ko ay may pasok din sa araw na ito si Kuya Alet. Kahapon kasi ay maghapon siyang nagpahinga sa kwarto. Ngunit ngayong nalaman kong hindi pa rin siya naka-schedule ngayon, nagkaroon ako ng dahilan upang umingat sa pagkilos.
Naligo ako’t nagbihis. Isang oversized shirt ang aking isinuot at itim na cycling ang pang-ibaba. I tied my hair in a messy bun nang matuyo ang aking buhok. Hindi ko alam kung ano ang maaari kong gawin sa mga araw na ito. May gadget pero nasawa rin ako maglaro at manood doon. May TV pero wala akong gana sa mga movies ngayon. Tipikal na araw ang miyerkules at nasanay akong mag-aral sa mga ganitong pagkakataon.
Minsan nang ni-open up sa akin ni Ate Dahlia ang tungkol sa pag-aaral ko. Nagtanong-tanong na raw siya sa admin ng school na papasukan ko at ang best choice ay huminto muna ako ng isang taon. Marami sa mga subjects ko ang nasimulan na sa kanilang academic year. Ako lang din ang mahihirapan kung isusugal ko ang pagpatuloy.
Sa pagkainip ay napagdesiyunan kong ayusin ang kwarto. Tumungo rin ako sa sala upang ligpitin ang ilang kalat doon. Hinugasan ko na rin ang ilang mga hugasin at naglaba ng mga labahin. Mga tatlong oras siguro ang binuno ko nang matapos ang lahat ng iyon.
Pawisan ako nang tumungo sa kusina. Nang makitang nakaupo sa stool si Kuya Alet at tahimik na kumakain doon ng ice cream, tinawag niya ako.
Lumapit ako at huminto sa tabi niya. Nang ilahad niya sa akin ang tasa kung saan bawas na ang kaniyang ice cream, napa-isip-isip ako roon.
“Sa’yo na lang,” aniya.
Napatitig ako lalo na sa kutsarang naroon. Halos hindi pa naman bawas ang ice cream doon pero bakit hindi niya maubos?
Kaysa tanggihan, kinuha ko iyon. Inalis ko ang kutsara at pinalitan ng bago.
“Bakit mo pinalitan?”
Napalingon ako sa kaniya pagkaupo ko sa stool na nasa kaniyang tapat. Kumunot ang noo ko sa kaniyang tanong.
“Ang alin po?”
Walang emosyon ang kaniyang mga mata. “Ang kutsara.”
Ibinaba ko ang tingin sa hawak kong kutsara na kapapalit ko pa lang naman. Anong mali sa ginawa ko?
“So, bakit mo pinalitan?”
Napipi ako. Ganoon ba ka-big deal iyon sa kaniya? Kung iyon pala, kukunin ko ba uli ang kutsarang iyon at ibabalik itong hawak ko?
Ha?
“Ah eh, ginamit niyo na po kasi iyon.”
“Oh? Ano naman kung ginamit ko na? Wala naman akong sakit para mahawa ka.”
Sa tono ng kaniyang pananalita, hindi ko mawari kung naiinis ba siya o nagagalit. Pero grabe naman yata iyon kung magagalit siya sa simpleng pag-iwas ko sa may laway niyang kutsara?
Kung sa bagay, may bahid na rin ng laway niya ang ice cream na ito, ano pa bang purpose ng pagkuha ko sa panibagong kutsara? Ang labo mo talaga, Diana.
“Sige po, sorry po.”
Binunot niya sa kaniyang bulsa ang cellphone at naging abala roon. Samantala tahimik ko namang pinapak ang ice cream sa harapan niya.
Siguro’y naging insulto sa kaniya ang nagawa ko. Hindi ko naman kasi agad naisip. Kung sa akin din siguro nagawa iyon ay baka ganoon din ang mararamdaman ko.
Iyon ang naging highlight ng tanghaling iyon. Nang dumako naman ang hapon, natagpuan ko siya sa sala, topless na nagpu-push-ups sa mattress at pawisan ang katawan.
Lihim ko siyang sinilip mula sa gilid ng b****a ng kusina. Namamangha ako sa kaniyang disiplina. Kanina lang ay nagwa-warm up siya ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin siya natatapos. Siguro’y magda-dalawang oras na siyang nagwo-work out dito.
Hindi ko napigilang mapatitig sa maskulado niyang pangangatawan. Kitang kita kung paano lumandas ang mga butil ng pawis sa bawat parte ng kaniyang balat. Basang basa ang bagsak ng kaniyang buhok at litaw na litaw ang litid ng kaniyang muscles.
Bagay na bagay sila ni Ate Dahlia. Hindi na nakapagtataka kung bakit sila ang magkakatuluyan.
“Hey, pwede pakikuha ng tumbler ko sa fridge?” aniya. Natauhan na lang ako bigla nang makitang nakatayo na siya. Hala! Ibig sabihin ay nahuli niya akong nanonood sa ginagawa niya!
“O-okay po.”
Nang tumalikod ay napapikit ako nang mariin. Nakakahiya! Kung sana’y hindi lumutang sa ibang bagay ang isipan ko, makakaiwas pa sana ako! Diyos ko.
Iisa lang naman ang tumbler na nakalagak sa fridge kaya kaagad ko rin naman itong nahanap. Nahihiya kong nilakad ang daan pabalik ng sala at inabot sa kaniya ang tumbler niya.
“Thanks.”
Pilit akong ngumiti saka tumalikod. Nagmamadali akong umakyat ng kwarto at doon pinagsasasampal ang sarili ko. Hindi ako makapaniwala sa nagawa ko. Paano kung iba ang iisipin ni Kuya Alet sa paninitig ko?
Kaysa mabaliw kakaisip, inabala ko na lang ang sarili ko kakanood ng documentaries sa cellphone. Sinubukan ko na ring manood ng movies upang magtagal sa loob ng kwarto. Ngunit kahit ilan pang mga oras ang ginugol ko upang maibaling sa iba ang atensyon at malimot kung ano ang nangyari kanina, patuloy pa ring sumagi sa isipan ko kung paano ako nahuli sa lihim na pagsilip. Ano na lang ang iisipin ni Kuya Alet sa akin? Na pinagnanasaan ko siya? Hindi ba pwedeng curious lang?
Sa gitna ng panonood ko habang nakahiga sa kama, biglang may nag-pop na message. Mula ito sa kaklase kong nasa Capgahan.
Merlyn Fuejas: Desidido ka na talaga na mag-transfer?
Ni-replyan ko siya. Sinabi ko ang dahilan lalo’t nasa ibang poder na ako. Parang kailan lang noong doon pa ako sa Capgahan nag-aaral. Sa bilis ng mga pangyayari, ni minsan ay hindi sumagi sa isip ko na malilipat ako ng titirahan.
Batid ko ang hirap ng adjustment na magagawa ko. Sino bang hindi kung sa isla ako lumaki’t nagkaisip? Bagong bago sa akin ang buhay sa siyudad. Anong klaseng mga tao kaya ang makikilala ko rito? Makakahanap kaya ako ng kaibigan?
Sana.
Mabilis na lumipas ang limang oras. Nagulat na lang ako nang may kumatok sa pinto. Inayos ko muna ang sarili ko at saka ito binuksan. Akala ko’y si Ate Dahlia ang bubungad sa akin. Ganoon na lang ang gulat ko nang makita si Kuya Alet.
“It’s already eight in the evening. Hindi ka pa ba kakain?”
Natakot ako sa awtoridad ng kaniyang tono. Mukhang wala siya sa mood kaya ang daling magalit.
“Sige po, kakain na.”
“Hindi ka pala maghahapunan kung hindi ka tatawagin. Tss.”
Bahagya akong yumuko. Saka lang nawala ang tensyon nang humakbang na siya papunta sa kanilang kwarto. Hindi naman na bago sa akin ito pero hindi pa rin ako sanay.
Umuwi na kaya si Ate Dahlia? Bakit parang bad trip siya?
Mag-isa akong kumain sa hapag. Tahimik ang nakabibinging paligid. Sobrang bago sa akin na sa pagsapit ng gabi rito, wala ang tunog ng maingay na kuliglig. Sa madaling araw ay walang tilaok ng manok. At sa hapon ay hindi rinig ang maingay na hampas ng alon.
Para sa akin, malungkot dito sa syudad kung mag-isa lang. Sa isla ay makakayanan ko pa pero ang maging ganito sa araw-araw? Paano ko makakasanayan?
Noong gabi ding iyon, mataman kong hinintay si Ate Dahlia sa sala. Ngunit nang dapuan na ako ng antok ay kusa akong napapikit sa kinahihigaan ko rito sa sofa. Nakatulog na lang ako nang hindi ko namamalayan.
Kinabukasan, inasahan kong nasa sofa pa rin ako ngunit ganoon na lang ang gulat ko nang matagpuan ang sarili sa kwarto. Mabilis akong bumangon at sinigurong totoo ang nakikita ko. Ibig sabihin ay may nagbuhat sa akin upang dalhin ako rito? Malabo naman kung si Ate Dahlia ang magdadala rito sa akin, ‘di ba?
Inayos ko ang sarili ko bago lumabas ng kwarto. Habang pababa ng hadgan, unti-unti kong narinig ang sigaw ni Ate Dahlia mula sa kusina. Huminto ako sa kinalulugaran ko at pinakinggan sila kahit hindi nakikita.
“Can’t you see? Pagod ako Arlet! Huwag mo nang sabayan pa!”
“You kept on telling me you’re tired. Paano natin maaayos ang problema kung ganyan ka?”
“Anong mali sa ginagawa ko? Maraming pasyente kaya kailangan kong mag-overtime!”
Napalunok ako. Nag-aaway sila?
Unang beses ko itong marinig mula sa kanila kaya sa puntong ito ay hindi ko malaman kung ano ang mas mainam gawin. Tutuloy pa ba ako sa kusina o babalik muna ako sa kwarto?
Kaysa manatili sa kinatatayuan ko, napagpasyahan kong bumalik na lang ng kwarto. Away-magkarelasyon lang siguro iyan. Maaayos din naman iyon.
Naalala ko si Ate Ada at Dok. Sa pagkakatanda ko ay mayroon din silang tampuhan dati. Bagaman hindi tulad nila Ate Dahlia na nagsisigawan, hindi maiiwasan ang away, lalo na kung hindi nagkakaintindihan.
Sa murang edad, namulat ako sa buhay pag-ibig. Hindi dahil mayroon ako nito kundi dahil saksi ako sa buhay ng ate ko. Natutunan ko sa kanila na ang pag-ibig ay walang kinikilalang edad, estado sa buhay, at pwesto sa lipunan. Kung mahal mo ang isang tao, ipaglalaban mo siya kahit tadhana pa mismo ang sumalungat sa inyo.
Isang oras ang itinagal ko sa kwarto. Nang mapansing kong humupa na ang ingay, saka na ako naglakas-loob na lumabas at maglakad patungo sa kusina.
May umagahan na sa hapag. Tahimik na kumakain si Kuya Alet. Wala si Ate Dahlia at mukhang umalis na para pumasok. Minsan nga napapaisip ako kung bakit hindi niya hinahatid si Ate gayong may sasakyan naman sila. Hindi naman ganito nitong nakaraan.
Maingat akong umupo sa kaniyang tapat. Pasimple kong sinulyapan ang kaniyang ekspresyon ngunit nahuli niya akong nakatingin sa kaniya. Mabilis kong binaba ang pansin sa plato at nagsimula ng magsandok ng kanina at ulam.
“Si Ate Dahlia po?” tanong ko upang maibsan ang nakakabibinging katahimikan. Tanging tunog lang kasi ng mga kubyertos ang naririnig, partida pa ang mga busina ng mga sasakyan sa labas.
“She left for work,” aniya. Naramdaman kong inalis na niya ang kaniyang tingin at muling ibinalik ang atensyon sa kinakain.
“Ikaw po? May trabaho ngayon?”
Huminto siya dahil sa tanong ko. “Bakit, gusto mo rin akong umalis ngayon?”
Umiling ako. “Hindi po sa gano’n.”
“So bakit mo tinanong?”
“Bakit, bawal po bang magtanong?”
Maging ako ay nagulat sa kusang inilabas ng labi ko. Oh my God! In a just a snap, huli na nang mamalayan kong namilosopo ako!
“S-sorry po!” binitawan ko ang hawak kong kutsara at lalong napayuko. Ilang beses na ba ito? Baka sa susunod ay higit pa ang magagawa ko rito!
Hindi siya nagsalita. Huminga na lang ako nang malalim at nagsimula sa pagkain. Ni hindi ko na sinubukan pang iangat ang tingin sa kaniya. Natatakot ako sa posibilidad na baka makita ko ang iritasyon niya sa akin.
Ano bang maaasahan ko? Kagagaling lang niya sa away nila ng fiancee niya kaya literal na wala siya sa mood ngayon.
Hindi na niya ako pinansin. Tinapos na lang niya ang kinakain nang walang sabi-sabi. Ako naman ay naiwang kumakain at binabagabag ng pagtataka kung ano ang pinag-aawayan nila.
Magkaka-ayos kaya sila mamaya? Paano kung hindi? Siguradong maiipit ako rito kung magpapatuloy silang ganito.
Thankfully, may appointment si Kuya Alet. Naiwan akong mag-isa rito sa bahay kaya nagawa ko nang malaya ang nais gawin. Nagpatugtog ako nang malakas at nagkakanta sa sala. Sumayaw din ako upang makalaya nang panandalian sa stress. Gumawa ako ng sarili kong party at ginawang dance floor ang sala. Grabe, na miss ko ito. Na miss ko ang ganito sa mga perya noon sa Agunaya. People are dancing in a disco music at naroon din ako, masaya at walang pinoproblema.
Pumikit ako habang umiindak sa masayang tugtugin. Inimagine ko na nasa disco party ako at nakikisayaw sa grupo ng mga tao. Ang sarap sa pakiramdam kahit imagination lang. At least kahit papaano ay nakakalaya ako nang panandalian sa lungkot.
Ngunit sa pagdilat ko, bigla akong natigilan. Para akong kriminal na nahuli ng pulis nang makita siyang nakatayo sa gilid ng bukas na pinto at pinapanood ako sa aking ginagawa. Mabilis kong tinungo ang speaker at pikit-matang tinanggal ang saksakan. Akala ko ba may appointment siya? Bakit nakauwi na agad siya?
“Bakit mo tinigil?” tanong niya. Lalo akong napapikit sa sobrang hiya.
“W-wala po. Tapos na kasi ako,” sagot ko habang nakaharap pa rin sa speaker. Inayos ko ang mga kable nito nang napapapikit-mata.
Ilang beses ko na bang kahihiyan ito? Bakit araw-araw na lang?
Abot-abot ang tahip ng dibdib ko habang nililigpit ang paligid. Binalik ko sa dating ayos ang mga upuan at hinila ang lamesita sa gitna. Literal akong binabalot ngayon ng hiya. Paano pa ako makakakilos nito nang maayos?
Ramdam ko pa rin ang presensya niya sa gilid ng pinto kahit na hindi ako tumitingin. With his navy blue long sleeves and trousers, damang dama ako ang bagsik ng kaniyang awtoridad.
Dahan-dahan siyang naglakad patungo sa akin kaya humarap na ako sa kaniya. Nang isang hakbang na lang ang layo niya sa’kin, saka niya inangat ang isa niyang kamay at marahang ginulo ang aking buhok.
“You’re good in dancing,” aniya. Ganoon na lang ang gulat ko nang makita siyang nakangiti.