Chapter 02

1675 Words
“Diana… gising na…”   Marahan kong iminulat ang aking mga mata. Lumatay ang tila nangunguryenteng sakit sa aking sentido. Akala ko’y panaginip lang ang lahat ng iyon. Inasahan kong sa paggising ay mapagtatanto kong nananaginip lang ako. Ngunit nang bumungad ang nag-aalalang ekspresyon ni Inna, lubos akong nanlumo.   Mabilis kong nilibot ang aking paningin. Ang kaninang madilim ay inaagawan na ng sinag ng araw. Malinaw na malinaw ang bughaw na imahe ng dagat kung saan naglalayag ang bangka na aming sinasakyan. Tanging tunog ng umuugong na alon ang maririnig mula sa kalayuan kalakip ang hangin na banayad ang dampi sa marungis kong balat.   Binaba ko ang tingin sa aking katawan kung saan ang mga dumi ay dulot ng sunog kagabi. Para akong sundalo na lumusob sa isang digmaan, nakipaglaban sa apoy upang hanapin ang nawawalang mga magulang ngunit sa huli'y umuwing luhaan.   Hindi pa halos nagsi-sink-in sa isip ko kung ano ang mga nangyari. Parang kailan lang nang masaya pa akong nangangarap sa Agunaya, ang bawat tao noon ay abala lang sa kabuhayan at ang mga batang kagaya ko ay inosente sa musmos na buhay. Paulit-ulit akong mananabik sa likas na gandang hatid ng islang iyon—sa isla kung saan ako ipinanganak, kung saan nabuo ang aking pamilya, kung saan ikinasal si Ate, kung saan inilibing sina Kuya, Ate, at baby Gandler… hindi ko na alam kung sa paanong paraan mapupunan ang mga ala-alang natupok.   Muli kong pinasadahan ang paligid habang umuusad na ang bangka sa dalampasigan ng Isla Capgahan. Sa dami ng mga bangkang ipinadala kagabi sa aming isla, iilan lamang sa amin ang nailikas. Mangilan-ngilan lamang ang mga magulang na nakaligtas dahil mas marami ang piniling isakripisyo ang buhay. Ang bawat isa ay may tigmak na luha sa mga mata, pawang natatakot sa impyernong nasaksihan kagabi.   Napakapit si Inna sa akin nang maramdaman ang paglakas ng alon. Sinubukan kong ngumiti upang pagaanin ang kaniyang loob at ganoon din ang ipinakita niya sa akin. Sa islang iyon, siya na lang ang kakilala kong natitira. Mahahanap kaya ng mga rescuer ang mga magulang ko?   “Kitang kita pa rin ang maitim na usok,” makahulugang bulong ni Inna habang nakatingin sa aking likod. Ibinubulong na lamang niya ang sinasabi dahil nag-iingat kaming hindi makalikha ng ingay. Tulog kasi ang mga kasama namin dito sa bangka at tanging rescuer lang ang abalang nagsasagwan patungo sa kabilang isla.   Dahan-dahan kong nilingon ang aking likod. Pinagsakluban bigla ng langit at lupa ang nararamdaman ko. Parang may sumabog na bulkan sa aming kanayunan kahit na wala namang bulkan doon. Kasabay ng paghalik ng maruming usok sa mga ulap ay ang pagsilay ng araw mula sa silangan.   Isang patak ng luha ang kusang kumawala sa puyat kong mga mata. Mabilis ko itong pinalis saka humarap kay Inna. Halatang halata na sa amin ang pagod at hirap. Kung nakasama lamang namin ang aming pamilya sa paglikas, hindi sana kami makararamdam nito.   Ilang saglit pa ay nakadaong na rin sa dalampasigan ng isla Capgahan ang aming bangka. Isa-isa nang ginising ang aming mga kasabayan at unti-unti na rin ang pagdaong ng ilan pang mga sasakyang-pandagat. Sa pagtapak namin ni Inna sa tuyong buhangin, biglang nag-ingay ang paligid. Pinunan ito ng halo-halong usapan at hagulhol ng ilang mga hindi pa nakare-recover sa trahedya.   Nanahimik ang lahat at sabay kaming napatingin sa isang rescuer nang ito ay nag-anunsyo sa hawak na megaphone.   “Makinig po tayong lahat! Manatili lamang po tayo rito sa tabing-dagat habang inaalam pa ang aksyon at tulong ng gobyerno para sa inyo. Maraming salamat po.”   Kaagad akong inilipat ang pansin kay Inna nang matapos ang anunsyo. Pinasadahan ko ng tingin ang kaniyang kabuuan at halos gaya ko ring gusgusin ang kaniyang katawan.   “Paano tayo ngayon?” tanong ko at kinagat ang pang-ibabang labi. Wala pa mang balita sa ngayon, nararamdaman kong wala na talagang pag-asa pang mabuhay sina Nanay at Tatay. Ginawa ko na’t lahat-lahat noong gabing iyon. Abong abo na ang paligid ngunit wala pa rin akong natagpuan.   Tumaas-baba ang dibdib ni Inna, senyales na huminga siya nang malalim. Tulad ko’y hindi pa rin niya matanggap kung ano ang totoong nangyari.   “B-baka may pag-asa pa…”   “Paano kung wala na?”   Umiling siya nang paulit-ulit at umiwas sa akin ng tingin. “Huwag ka ngang nega. Baka napadpad lang sila sa kabilang dalampasigan kaya hindi natin sila nakita.”   Hindi na ako nagsalita pa. Sa ngawit ay napa-upo na lang ako sa buhangin at dineretso lamang ang tingin sa dalampasigan.   “Tingin mo, anong pinagmulan ng sunog?” walang emosyon kong tanong sa kaniya. Naramdaman ko ang mabilis na tingin niya sa akin at dahan-dahang umupo sa aking tabi.   “Hindi ko alam kung tama ba ang ideya ko pero tingin ko'y sinadya talagang sunugin ang isla natin,” panimula niya at nilandas ang mga daliri sa puting buhangin. “Amoy na amoy ang nagkalat na gasolina sa paligid at may iilan ding pagsabog na naganap doon sa gawing umpukan. Grabe talaga…”   Nabasag ang kaniyang boses sa huling dalawang salita. Sa puntong ito ay sinandal ko na lang siya sa aking balikat at hinayaang umiiyak nang umiyak.   Tama siya. Tingin ko ay planado talaga ang pangyayari. Ngunit bakit? Bakit kailangang sunugin? Higit pa ang kagandahan ng aming isla sa ibang isla dito sa Palawan. Kung dulot ng inggit at kasakiman ang dahilan ng lahat ng iyon, pwes demonyo ang may kagagawan nito.   Walang may alam na mangyayari ito. Kung na-abisuhan lamang kami, sana ay hindi na ako namomroblema rito. Subalit dahil nangyari na, paano na ako ngayon? Saan na ako pupulutin? Saan ako magsisimula? Paano ako magsisimula?     Umabot pa ng tanghali bago dumating ang mga rescuer na galing doon sa Agunaya. Hindi na ako nagulat nang ibalita sa aming lahat na wala ng iba pang nakaligtas doon maliban sa amin. Sa mga oras na iyon ay binuhos ko na lang nang binuhos ang aking mga luha. Tanggap ko na pero ang sakit-sakit maiwan nang mag-isa.   Kanino na ako lalapit ngayon? Hindi naman pwede kay Dok Galileo dahil nasa ibang bansa na siya ngayon. Kasama niya roon ang pamilya niya at doon na raw permanenteng maninirahan. Tuwing undas lang kung bumalik siya rito sa Pilpinas upang bisitahin ang putod ng aking ate at pamangkin.   Kay Ate Mossa kaya? Pero tiyak akong hindi ako tatanggapin ng kaniyang pamilya. Masyado ang galit ng mga Cascayno sa amin. Sa halip na mabigyan lang ako ng pagkakataong magsimula, baka lalo lang ako mahirapan.   Wala na.   Wala na akong kilala kung sino ang maaaring lapitan.   Kaya nang sumapit ang gabi, wala akong nagawa kundi ipalista ang pangalan sa listahan ng mga na-ulila. Sa DSWD kaya ako mapupunta? Pwede kaya iyon kahit nineteen na ako?   “Bye… Inna...” huling salita ko sa kaibigan habang kumakaway.   Ngumiti ako kay Inna nang dumating ang isa niyang kamag-anak mula Mindoro. Ang totoo niyan ay sinubukan naming makiusap na doon muna ako saglit makitira. Ngunit wala rin akong nagawa nang tumanggi ang kaniyang tita. Napagalitan pa ako dahil madadagdag lang daw ako sa kaniyang alagain kung sakali.   Ngayong naiwan akong mag-isa kasama ng mga naulila rito sa gymnasium ng Capgahan High School, pikit-mata kong idinulog ang masakit kong dalangin sa langit...   Wala akong ginawang masama. Nabuhay ako nang disente at puno ng pangarap. Ang ganda-ganda ng intensyon ko pero bakit, bakit nararanasan ko ito?   Matanggal ko nang tinanggap ang kamatayan ng mga kapatid ko kaya hindi malabong matatanggap ko rin na wala na rin ang mga magulang ko.   Pero ang mag-isa? Ang matira sa mundong ito nang mag-isa?   Hindi ko kakayanin.   Hinding hindi ko kakayanin.   “Diana Laroque! May sundo ka na!” sigaw ng isang volunteer. Napabalikwas ako ng tayo at saka huminga nang malalim. Tama ba ang narinig ko?   Humarap ako sa volunteer at mabilis na lumapit sa kaniya. Nagsisitinginan na sa akin ang lahat at kuryoso kung sino ang kukuha sa akin dito. Magkahalo ang kaba at pighati sa sistema ko ngunit mas mahalaga ngayon ang malaman kung sino ang kukupkop sa akin dito.   “Ako po si Diana,” magalang at nanginginig kong sabi nang malapitan ang volunteer. Pinasadahan niya ako ng tingin mula paa hanggang ulo at tila ineksamen ang aking kabuuan. Bigla akong nagtaka sa kaniyang tinuran.   “Sigurado kang ikaw si Diana Laroque?” tila nagdududa niyang tanong. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan niya magduda gayong ako naman talaga si Diana.   “Opo…”   “Ayun ang sundo mo…” sabay turo sa isang lalaki na nakatalikod mula sa amin. Mga anim na hakbang lang ang layo niya sa amin at may kausap siyang rescuer. Hindi ko pa man namamatyagan ang kaniyang mukha ay tila pamilyar na sa akin ang kaniyang tikas at tindig. Bakit parang nakita ko na siya dati? “Kilala mo siya?”   “P-pamilyar po…”   “Siya si Arlet Deano Gumabon. Siya 'yong sikat na model sa isang magazine ‘di ba? Kaya nagulat ako nang makita kong isang tulad mong gusgusin ang susunduin niya. Magkakilala ba kayo?”   Sa puntong iyon ay hindi ko na nagawa pang sagutin ang kaniyang tanong. Natulala na lang ako nang humarap siya sa amin.   Kinabahan ako nang makita ang kaniyang mga mata. Kung ikukumpara sa dati, mas tumangkad na siya ngayon at mas naging mature. Nadepina ang tangos ng kaniyang ilong at ang kinis ng kaniyang mukha. He's beardless, wala ni anumang bahid ng bigote o balbas. Ang aliwalas niyang tingnan at hindi maipagkakaila na model siya sa tangkad at gwapo na iyan.   Nagulat na lang ako nang mapagtantong dalawang hakbang na lang ang layo namin sa isa’t isa. Gustuhin ko mang ngumiti sa tuwa ay hindi ko rin nagawa dahil sobrang seryoso niya, tipong hindi mabiro at mapatawa. Hindi pa man siya nagsasalita ay ramdam ko na ang umaalab niyang awtoridad. Hindi ko maunawaan kung bakit ganito bigla ang aking kutob.   “T-tito Alet…” nauutal kong sabi at nagpasalamat. Tumango lang siya at lumapit sa volunteer upang pumirma sa pinapapirmahan sa kaniya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD