HINIHINGAL na nagising si Aloha at napabalikwas ng upo. Pero agad din niyang nasapo ang ulo nang medyo kumikirot pa rin iyon. Sunud-sunod din ang pagtulo ng kaniyang mga luha. Hindi niya alam kung bakit umiiyak siya sa isang panaginip. Ang sakit din ng dibdib niya na halos hindi na siya makahinga. Napatitig siya sa mga kamay niya na tila naroon pa ang maraming dugo mula sa lalaking tinatawag niyang kuya sa panaginip niyang iyon. Simula nang magising siya sa isang buwang pagkakatulog ng mahimbing ay ngayon lang ulit siya dinalaw ng kaniyang panaginip. Para bang continuation sa naging una niyang panaginip, nang unang mawalan siya ng malay o panaginip lang ba talaga iyon? Para kasing totoo at pakiramdam din niya, totoo ang lahat ng iyon. Pinahid niya ang luhang naglandas sa pisngi niya a

