PROLOGUE — The Woman Beneath Scarlet Silk
Disclaimer: This novel is a work of fiction. Unless otherwise indicated, all the names, characters, businesses, places, events, and incidents in this book are either the product of the author's imagination or used in a fictitious manner. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.
This story contains strong language and scenes that could be disturbing to certain readers. Read at your own risk.
· · • • • ✤ • • • · ·· · • • • ✤ • • • · ·· · • • • ✤ • • • · ·· · • • • ✤ • • • · ·· · • • • ✤ • • • · ·· · • • • ✤ • • • · ·· · • • • ✤ • • • · ·· · • • • ✤ • • •
TAHIMIK ang buong palasyo ng Changdeokgung nang gabing iyon. Hindi ko na maalala kung kailan huling naging ganito kaliwanag ang Joseon.
Sunod-sunod ang mga pulang parol na nakasabit sa mahahabang pasilyo ng palasyo habang marahang sumasabay sa malamig na hangin ng gabi. Umaalingawngaw ang mahinang tunog ng mga hakbang ng court ladies sa makikinis na sahig na tila ba buong kaharian mismo ang humihinga sa katahimikan.
Ngayong gabi—
magkakaroon ng bagong reyna ang Joseon.
Tahimik akong nakaupo sa harap ng tansong salamin habang pinagmamasdan ang sarili kong repleksiyon.
Matagal nang nawala ang batang Han Seo-rin.
Ang babaeng nakatingin sa akin ngayon ay hindi na ang anak ng isang mangangalakal na minsang nangangarap lamang mabuhay nang payapa kasama ang kaniyang Ama at Ina.
Hindi na rin siya ang concubine na minsang natutong umibig sa hari.
At lalong hindi na siya ang inang marunong pang umiyak nang malaya.
Ako ngayon ang Mahal na Inang Reyna ng Joseon.
Ang ina ng kasalukuyang hari at prinsipeng tagapagmana noon.
Ang babaeng minsang kinatakutan ng buong palasyo.
Marahan kong hinaplos ang pulang seda na nakapatong sa aking kandungan.
Scarlet silk.
Parehong kulay ng suot ko noong unang gabing ipinatawag ako ng Kamahalan sa kaniyang silid.
Parehong kulay ng mga dugong dumanak sa loob ng palasyong ito.
At parehong kulay ng kasalanang habambuhay kong dadalhin hanggang kamatayan.
“Daebi Mama…” Mahina ang boses ng court lady sa likuran ko.
“Malapit na pong magsimula ang seremonya.”
Hindi agad ako sumagot. Tahimik lamang akong napapikit habang pilit nilulunok ang bigat na matagal nang naninirahan sa dibdib ko.
Maraming taon na ang lumipas.
Marami nang namatay.
Ang Mahal na Hari.
Ang Mahal na Inang Reyna Cho.
Maging ang mga babaeng minsang nakipaglaban sa akin sa loob ng palasyong ito ay isa-isa nang nilamon ng panahon.
Ngunit ako—narito pa rin. Buhay.
At marahil iyon ang pinakamalaking parusa ng Joseon sa mga babaeng katulad ko.
Hindi kami agad pinapatay.
Unti-unti kaming binubuhay habang kinukuha ang lahat ng mahalaga sa amin.
Dahan-dahan akong tumayo mula sa aking upuan.
Agad nagsiyuko ang mga court lady.
Hindi ako tumingin sa kanila. Hindi ko na kailangang gawin iyon.
Sa loob ng napakaraming taon, natutunan kong ang pinakamapanganib na mga tao sa palasyo ay hindi yaong malalakas magsalita—
kundi iyong mga tahimik lamang na nagmamasid.
Habang naglalakad ako sa mahabang pasilyo ng palasyo, tila ba bumabalik sa akin ang bawat alaala.
Ang unang beses kong makita ang Kamahalan.
Ang unang pagkakataong tinawag nila akong Sug-won Han.
Ang gabing naging isa akong Seo-bin Han.
At ang gabing tuluyan akong naging halimaw.
Huminto ako sandali sa gitna ng pasilyo.
Sa labas ng mga nakasarang bintana, marahang bumabagsak ang niyebe sa loob ng Joseon.
Tahimik. Malamig. At napakaganda. Ganiyan din ang palasyo.
Napakaganda habang unti-unti kang pinapatay.
“Dumating na ang Mahal na Inang Reyna!”
Sabay-sabay na yumuko ang lahat nang tuluyan akong pumasok sa malaking bulwagan ng koronasyon.
At doon ko siya nakita.
Tahimik na nakaluhod sa gitna ng buong palasyo. Nakasuot ng marangyang pulang hanbok na may gintong burda ng phoenix.
Maganda.
Eleganteng elegante.
At kahawig na kahawig ng Kamahalan.
Kim Eun-chae.
Ang magiging bagong reyna ng Joseon.
At ang anak na minsang tinawag kong—Seo-ah.
Unti-unting nanlamig ang mga kamay ko sa loob ng aking manggas.
Walang nakakaalam. Walang ni isa sa loob ng palasyong ito ang nakaaalam na ang babaeng nakaluhod sa harap ng trono ngayon ay anak ko.
Hindi siya tunay na anak ng angkan Kim. Hindi siya tunay na anak ng Yeonguijeong. At lalong hindi siya dapat naririto sa loob ng palasyong minsan kong pilit siyang inilayo.
Ngunit heto siya ngayon. Bumalik sa trono. Bumalik sa dugo ng Joseon. Hindi ko alam kung dapat ba akong matahimik o matakot. Dahil kung may isang bagay na itinuro sa akin ng palasyong ito—iyon ay ang katotohanang walang lihim na nananatiling nakabaon habambuhay.
“Lumapit ang magiging Mahal na Reyna ng Joseon!”
Unti-unting tumayo si Eun-chae habang marahang umaakyat sa hagdan patungo sa trono.
At sa bawat hakbang niya—
pakiramdam ko ay may dahan-dahang pumipiga sa puso ko.
Dapat sana’y kilala niya ako.
Dapat sana’y lumaki siya sa tabi ko.
Dapat sana’y narinig ko siyang tawagin akong Ina.
Ngunit dahil sa kasalanang ginawa ko maraming taon na ang nakalipas—
ako ngayon ay isa lamang estrangherong tahimik na nakaupo sa likuran ng kaniyang buhay.
Marahan kong itinaas ang tingin sa trono ng hari.
Walang laman.
Matagal nang wala ang Kamahalan.
At sa unang pagkakataon matapos ang napakaraming taon—
naisip kong marahil mas mabuti na ring hindi niya nalaman ang buong katotohanan.
Dahil kung nalaman ng Kamahalan na ang batang iniwan niyang magiging hari ng Joseon ay hindi tunay na dugong maharlika—
babagsak ang buong kaharian.
At kung malalaman ng Joseon na ang tunay na dugong maharlika ay nasa babaeng nakatayo ngayon bilang bagong reyna—
muling malulunod sa dugo ang palasyong ito.
Tahimik akong napapikit.
At sa loob ng maingay na bulwagang puno ng dasal at pagbati para sa bagong reyna at hari—iisa lamang ang naririnig ko.
Ang iyak ng sanggol noong gabing umuulan nang malakas.
Ang gabing ipinagpalit ko ang sarili kong anak upang mabuhay siya.
At sa unang pagkakataon matapos ang napakaraming taon—muli kong naramdaman ang sakit ng pagiging isang ina.
“Patawarin mo ako…”
Mahina kong ibinulong sa sarili habang pinagmamasdan ang anak kong hindi ako kilala.
“…anak.”
:)