Katulad ng nasa plano namin ni Rin pumunta kami ng mall para bumili ng mga gamit niya at para mag grocery na rin. Inuna namin ang mga damit niya, hindi ko pinakialaman ang mga pinipili niya dahil bukod sa siya ang magsusuot nito, lahat naman ng isuot niya ay bagay sa kanya ganun yata talaga kapag isang Nava. Tumingin ako sa paligid at kapansin-pansin na pinagtitinginan ang kagwapuhan ni Rin. Sanay na ako sa ganitong eksena, kahit sa Hiraya marami ang nahuhumaling sa kanya.
" Tapos na ako mamili. Lahat nang nasa upuan na iyon ang bilhin mo." tumayo na ako at lumapit sa cashier para i-abot ang card ko.
" Pakibalot lahat ng nasa upuan na iyon, pababalikan ko na lang sa taong inutusan ko para kuhanin ang lahat ng binili namin." pagkatapos ko magbayad ay tumingin ako sa kinauupuan ni Rin para sensyasan siya na lalabas na kami. Tumayo naman siya at dumiretso sa labas. Kung tutuusin, walang mag-aakala sa amin na magkasama o magkakilala dahil sa kayo namin sa isa't isa.
Bilang na bilang ang salita at galaw namin habang magkasama pero hindi ako naiilang, siguro ay kabisado na rin namin ang isa't isa kaya hindi na namin kailangan pa mag-usap para malaman ang gustong mangyari ng isa sa amin.
Pagkatapos namin mamili ng damit ay pumunta kami sa supermarket para naman mag-grocery.
“ Ang taas ng bilihin , paano pa kaya ito kinakaya ng mga taong nasa mababang uri?” sabi ni Rin habang nakatingin sa presyo ng sibuyas. Tsk sa sibuyas naalarma siya sa presyo samantalang yung mga damit na pinili niya kanina napakamamahal din.
“ Totoo. Hindi ko rin alam kung paano ako makakatagal sa mundong ito kung nasa kalagayan nila ako. Mabuti na lang at madali lang sa akin ang magkapera.” hininaan ko ang huling pangungusap ko at baka may makarinig.
“ Kakailanganin mo pa ba ng pera para bayaran ito? Maaari mo namang —”
“ Oo babayaran ko ito, kawawa ang mga empleyadong babawasan ng sahod dahil may nanguha ng mga produktong ito.” nagkibit balikat lang si Rin sa sinabi ko.
“ Saka hindi rin uubra na gamitin ko ang kapangyarihan ko dahil sa mga cctv na nakakabit.”
“ cctv?” itinuro ko kay Rin ang mga kamera na nasa itaas.
“ Iyan yung makakakita kung may kinuha tayo dito nang hindi binabayaran, saka baka makita pa nila kung paano ko kinokontrol ang tao.” kinuha ko na ang huling bagay sa listahan ko saka kami pumunta na sa counter para magbayad.
Habang nakapila , napansin ni Rin ang babae sa harap namin.
“ Kanina pa ako hindi mapalagay sa mga babae rito na tila mahahalay ang suot.” nanlaki ang mata ko at agad na tinakpan ang bibig ni Rin. Nang lumingon ang babae sa harap namin ay agad akong humingi ng pasensya.
“ Ano ba… hindi ako makahinga.” sabay tanggal sa kamay ko sa bibig niya.
Hinila ko siya papalapit sa akin saka binulungan.
“ Huwag ka ngang maingay. Kapag tayo napaaway dito, iiwan kita.” bahagya naman niya akong tinulak saka sumimangot. Pambihira para akong nag-aalaga ng matampuhing bata dito.
Pagkatapos kong bayaran ang pinamili namin ay kinuha ko ang cellphone ko at inutusan ang driver ko na pumunta sa kinalalagyan namin upang kunin at ideliver sa condo ang mga ito. Sinabi ko na lang balikan kami mamayang gabi dahil dito na kami maghahapunan.
“ Bakit nga pala hindi ang taong iyon ang inutusan mong sumundo sa atin noong unang gabing makarating tayo sa mundong ito?” pagtataka ni Rin.
“ Iba ang kasuotan natin noon, si Seag lang ang nakakaalam sa sikreto ko kaya sa kanya ako nakisuyo.” huminto ako sa paglalakad nang makita ko ang bilihan ng mga libro.
“ May kailangan akong aralin, lumibot ka at kung may gusto kang basahin kunin mo at bibilhin ko.” sabi ko sa kanya pagpasok namin.
“ Naol may sugar mommy.” agad akong napalingon sa dalawang babaeng nakarinig sa sinabi ko.
“ Ay beh, kung ganyan ka gwapo ang jowa ko ibibigay ko rin lahat.” napataas ang kilay ko sa komento naman ng kaibigan niya. Haharap sana ako sa kanila para turuan sila ng leksyon ng bigla akong inakbayan ni Rin.
“ Bitawan mo ako. Hindi alam ng mga taong ito kung sino ang —” napatigil ako nang ituro sa akin ni Rin ang CCTV. Kaya naman inirapan ko na lang sila bago ako lumayo.
Naghanap ako ng mga libro sa sikolohiya dahil sa sinabi sa akin ni Seag. Kumuha na rin ako ng papel at sticky notes para pagsulatan ko ng mga matutunan ko dito.
“ Hindi ba may internet naman kung nasaan lahat ng impormasyon? Bakit kakailanganin mo pa bumili libro?” tanong agad ni Rin pagkakita niya sa akin.
“ Mas gusto ko ang pisikal na babasahin kaysa iyong nasa internet. Kailangan ko rin ipahinga ang mga mata ko sa screen.” paliwanag ko sa kanya.
“ Wala kang napili?” tanong ko habang papunta ulit counter para magbayad.
“ Sa computer mo na lang ako magbabasa. Pahiram ng cellphone mo may titignan lang ako” agad ko naman itong inabot sa kanya. Itinuro ko kahapon ang gamit nito at mayroon namang password ang gallery ko kaya ayos lang sa akin na ipahiram ito.
“ Pagkatapos natin dito, pupunta tayo sa bilihan ng cellphone upang magkaroon ka rin nito.” hindi siya sumagot, mukhang iniintindi niya ang binabasa niya sa cellphone ko.
Natapos na akong magbayad at palabas na kami sa bilihan ng libro ngunit hindi pa rin niya tapos gamitin ang cellphone ko.
“ ..sa tingin ko kailangan kong aralin ang wikang Ingles.” pagkatapos niya sabihin yun ay nakita kong kumunot ang noo niya. Nang subukan kong silipin ang screen ng cellphone ko ay agad naman niya itong pinatay.
“ umuwi na tayo.” sabay abot sa akin ng cellphone ko
“ pero marami pa tayong kailangan bilhin.” pagproprotesta ko.
“ pagod na ako at hindi ko na kailangan pa iyong mga bibilhin mo.” sabay iwas niya ng tingin.
“ paano yan, sinabi ko sa driver na mamayang gabi pa tayo sunduin?”
“ nakita ko na mayroong sasakyang puti na maari tayong magpahatid yung kung tawagin ay ta..tami?”
“ taxi”
“Oo ayun. Doon na lang tayo magpahatid.” sumunod na lang ako sa sinabi ni Rin. Hinanap ko ang sakayan ng taxi at katulad nga ng sinabi niya doon kami sumakay.
Pinili ni Rin na tumabi sa driver habang ako naman ay mag-isang nakaupo sa likod. Ano kayang problema nito?
Kinuha ko sa cellphone ko upang libangin ang sarili ko. Pag slide ko ng screen ay agad bumungad sa akin ang mga larawan ng matatandang babae at mga lalaking nakahubad. Pakiramdam ko ay umakyat sa mukha ko lahat ng dugo na mayroon ako. Naalala ko na hiniram ito ni Rin kanina at tinignan ko ang search history ng google. Napapikit na lang ako sa nabasa ko.
.
.
.
.
.
.
.
.
Hinahanap niya ang kahulugan ng sugarmommy . Jusko ! Nakakahiya. Kaya ba ayaw niya na magpabili ng gamit kanina?
Ibig sabihin ba iniisip niya na — mahabaging langit huwag naman sana.
Buong byahe akong nakatingin lang sa labas ng bintana. Iniisip ko kung paano ko kaya ipapaliwanag kay Rin na hindi ako ganun. Hindi ko alam ang sasabihin pwede bang magkunwari na lang ako na hindi ko rin alam na nabasa ko ang search history niya sa phone ko?
“ Nandito na po tayo sir” napatingin ako sa taxi driver ng bigla siyang magsalita. Agad namang lumabas si Rin habang ako ay dumudukot ng pera pambayad.
Tahimik kaming pumasok sa elevator papunta sa unit ko. Parang hindi kami magkakilala sa layo namin sa isa’t isa.
“ Nixie.” halos mapatalon pa ako sa elevator nang biglang magsalita si Rin.
“ o…o?” parang ayaw lumabas ng salita sa bibig ko.
“ anong floor nga ulit tayo?” agad ko namang inayos ang sarili ko at pinindot ang floor ng unit ko.
Kailangan kong kalimutan ang nabasa ko. Baka hindi naman naisip ni Rin ang naiisip ko, baka mamaya ako lang ang apektado. Kasalanan ito ng dalawang babae kanina eh.Pagtapat namin sa pinto ng unit ko nakita ko ang mga pinamili namin kanina. Tinulungan naman ako ni Rin ipasok iyon.
“ Gagamitin ko ang computer mo , mag-aaral ako ng Ingles. Ayokong maistorbo.” hindi niya ako hinintay makasagot at agad siyang dumiretso sa kwarto kung nasaan ang computer ko at saka sinara ang pinto.
Inayos ko naman ang mga pinamili namin. Nang mapagod ako dumiretso na rin ako sa kwarto ko upang magpahinga. Hindi ko akalain na makakatulog agad ako.