Pride ni Nixie/ Ego ni Rin

1914 Words
Nagising ako sa sikat ng araw na tumama sa mga mata ko at sa sunod sunod na katok sa aking pintuan. Sa nangyari kahapon nais ko sanang buong araw na mahiga at ilapat lang ang likod ko sa malambot kong higaan. Ngunit hindi ko mapatahimik ang ingay na mula sa pinto kaya naman kahit papikit-pikit pa ay tumayo ako upang pagbuksan ito. “ ano ba yun?” iritable kong tanong pagbukas na pagbukas ko ng pinto. “ ahmm.. “ napansin ko naman na agad tumalikod si Rin. Doon ko nakapagtanto ang suot ko. Oo nga pala nakasando at shorts lang ako. Para akong binuhusan ng malamig na tubig at agad na sinara ang pinto. Kinuha ang roba ko at pagkatapos ko itong suotin ay mabilis akong naghilamos at nagsipilyo saka muli kong binuksan ang pinto. Halos hindi makatingin ng diretso si Rin sa akin. “ Ano kasi…s-sanay akong matulog na ganoon. “ mahinang pagpapaliwanag ko saka ako yumuko. “ ah.. Uhmm ang pagkain ngayong umaga—” sabay tingin ni Rin sa orasan na nakasabit sa may sala. Oo nga pala naalala ko na kasama ko pala ang anak ng datu na sanay pagsilbihan. “ tungkol diyan..kailangan mo nanng matutong magluto" kumunot naman ang noo ni Rin sa sinabi ko pero tinaasan ko lang siya ng kilay. Alam niyang hindi ako magsisilbi sa kanya. "...halika tuturuan kita.” lumakad akong papunta sa kusina. “ ngunit ang pagluluto ay pambabae” napangisi ako sa sinabi ni Rin. Sabagay ganoong kultura ang kinalakihan namin at bago pa lang siya sa mundo ng mga tao. “ nagbabago na ang mundo at paniniwala ng mga tao, sa henerasyon ngayon hindi na masyadong nililimitahan ng kasarian ang kakayanan ng isang tao.” paliwanag ko habang inaabot sa kanya ang apron. Hindi naman na nakipagtalo si Rin. Alam kong sobrang maninibago siya sa mundo ng mga tao ngunit iba rin naman ang kakayanan ng enkanto sa pagpoproseso ng impormasyon. Sinimulan kong ituro sa kanya ang mga gamit sa kusina kasabay na rin ng pagluluto ng mga pagkain tulad ng itlog, kanin at tuyo. Pati paghihiwa ng kamatis at paggawa ng sawsawan ay itinuro ko na rin. “ Masyado yatang marami ang kanin na nailuto mo?” tanong ni Rin habang pinapasandok ko sa kanya ito. “ Sakto lang yan para —” hindi ko pa natapos ang sinasabi ko ay bigla namang pumasok si Seag. Palibhasa alam na alam niya yung password ng unit ko na ito. “ Uyyy! Mukhang masarap ang niluluto mo.” sabay lapit sa akin ni Seag upang tignan ang tuyo na inihahanda ko. Bigla namang nakarinig ako ng tunog mula sa pagdadabog ni Rin. Nang tinignan ko siya para niya akong papatayin sa inis “ Ahh.. Seag, pakihanda na lang ang plato sa lamesa.” sinunod naman ako ni Seag at agad na inayos ang lamesa na kakainan namin. “ Bakit bigla kang nagdadabog diyan?” nilapitan ko si Rin para bulungan. “ pinagluto mo ang isang lalaki na tulad ko para ipakain sa lalaking iyan?” masungit na tanong ni Rin. Hindi ko naisip iyon, nakalimutan ko kasing sabihin na pupunta si Seag “ Paumanhin hindi iyon ang nais ko. Kaibigan ko si Seag at nasanay siya na dito nag aalmusal pero hindi ko siya madalas pinagluluto araw-araw nagkataon lang ngayon” “ kaibigan ? bakit noong nasa kaharian tayo hindi ako basta-basta nakakapasok sa silid mo nang walang humaharang na alipin. Samantalang iyang tao na yan malayang pumasok sa silid mo dito?” ramdam ko ang pagkairita sa boses niya. “ Rin, alam mo naman na iba ang nakasanayan nating kultura sa kaharian. Iba rin dito.” pagpapaliwanag ko “ Nangangahulugan ba na maari akong pumasok sa silid ng sinumang babae dito?” medyo nagbabago na ang timpla ng emosyon ko sa sinasabi ni Rin. “ HINDI ! ang..ang ibig kong sabihin Oo kung kaibigan mo pero..pero huwag mong gagawin.” pagkatapos ko yun sabihin nag-iwas ako ng tingin sa kanya. “ Nixie kung –” hindi niya natuloy ang sinasabi niya dahil biglang nagsalita si Seag “ yung niluluto mo sunog na.” agad naman akong napabalik sa piniprito ko at hinango ito. “ Tara na, kumain muna tayo mamaya na tayo mag-usap.” sinamaan niya lang ako ng tingin saka dumiretso sa hapag kainan. Agad naman akong sumunod dahil natatakot ako sa possibleng palitan ng salita nilang dalawa. “ So Nixie , bakit nga ba napaaga ang pagbabalik mo?” sa kalagitnaan ng pagkain namin ay biglang nagtanong si Seag. “ Mayroon kasi kaming kasunduan ni Rin at kapalit ng pagpayag ko ay ang dalhin siya dito.” “ Hanggang kailan niyo balak magtagal?” “ tatlong araw lang…sana.” “ sana?” “ uhmm nasira namin yung portal kaya tatlong buwan ang ilalagi namin dito ngayon.” ako lang ang nagsasalita, si Rin tahimik lang. “ Sapat pa ba ang ipon mo sa bangko para sa inyong dalawa?” anak ng datu ang kasama ko malamang mas magiging maluho pa ito sa akin. “ Babalik ako sa trabaho sa susunod na linggo.” “ Bakit hindi siya ang pagtatrabahuhin mo ?” medyo napalakas ang boses ni Seag na nagpahinto sa pagkain ni Rin. “ Seag, marami pang dapat matutunan dito si Rin. Ako nga inabot ng 2 linggo para masanay at matuto sa inyo eh. Saka anak kasi siya ng datu.” medyo humina ang pagkakasabi ko sa mga huling salita. “ Eh ano kung anak siya ng datu, ikaw nga na —-” nanlaki ang mata ko sa sasabihin sana ni Seag. “ Stop. He doesn’t know about it.” hindi ko pinahalatang nagpapanic ako lalo na at nakita ko ang pagsusuri ng tingin sa akin ni Rin. purong Tagalog ang gamit namin sa kaharian kaya’t hindi naiintindihan ni Rin ang Ingles. “ My bad. Katulad nga ng sinasabi ko, hindi naman excuse na anak siya ng datu. Dito sa mundo ng mga tao mas nakakahiyang tignan kung ang babae ang nag-aalaga o nagtatrabaho para sa lalaki at hindi ang kabaligtaran.” “ Seag hindi ka ba nakasabay sa pagbabago ng pag-iisip ng mundo niyo ngayon, dahil sa pagkakaalam ko, wala iyan sa kasarian.” “ Okay okay, sabihin na lang natin na kung sino ang ang higit na nagmamahal, siya ang nagtatrabaho.” “ just..just shut up.” tinapos ko na sa ingles dahil nakakaramdam na ako na hindi maganda sa magiging daloy ng usapan. Pagkatapos naming kumain agad ko namang niligpit ang pinagkainan. “ Sige na Seag. balik ka na sa unit mo at mayroon tayong pag-uusapan mamaya.” tumango naman si Seag at lumabas na. “ Hindi ko alam kung bakit kailangan niyo pang mag-usap sa ibang wika.” base sa tono ni Rin halatang nagagalit nanaman siya. “ paumanhin.” sabay iwas ko ng tingin pero tinalikuran niya lang ako. Gustong gusto kong murahin ngayon si Rin pero alam kong walang patutunguhan ang away namin kaya kinalma ko ang sarili ko at huminga ako nang malalim. “ Rin patawad . Ayoko lang ng away sa pagitan niyo ni Seag. May pagkukulang ako sa pagpapaliwanag pero susubukan kong hindi na mauulit” seryoso ang tono ng pagsasalita ko. Humarap sa akin si Rin at tumango sabay lahad ng palad niya sa akin. Kinuha ko naman ito bilang tanda ng pakikipag-ayos. Ganito ang lagi naming ginagawa tuwing nagkakasagutan kami sa kaharian at kailangan namin magka-ayos para matapos ang isang misyon o gawain. Alam kasi namin na pansamantala lang ang pag-aayos namin dahil pagkatapos ng isang gawain o misyon babalik kami sa pagiging magka-away o magkakilala pero hindi magkaibigan. Naiintindihan ko na hindi kayang patawarin ni Rin ang kasalanan ko sa kanya sampung taon na ang nakakaraan. Kaswal naming kinausap ang isa't isa habang itinuturo ko ang paggamit ng internet, cellphone at laptop sa kanya. Bukas ay bibili kami ng mga gamit niya. Hindi baleng maubos ang inipon ko, madali ko namang kikitain ang pera. Habang nagbabasa si Rin ng mga libro na ginamit ko noon, nagpaalam ako na aalis saglit para bumili ng pagkain. Hindi ko na sinabing kakausapin ko si Seag dahil magiging mahaba nanaman ang usapan namin bago ako makaalis. Paglabas ko ng unit ko ay dumiretso na ako sa unit ni Seag. Pareho naman namin alam ang passcode kaya’t mabilis akong nakapasok. Naabutan ko siyang nagbubukas ng ref. “ Gawin mong pang tatlong tao ang lulutuin mong pananghalian.” saka ako umupo sa may stool malapit sa kusina niya. Panunuorin ko lang siyang magluto dahil napagod na ako sa pagtuturo kay Rin. “ So, anong kailangan kong malaman ?” “ Hindi pa alam ni Rin ang tunay na pagkatao ko. Kahit na kababata ko siya, ayoko munang malaman niya.” diretso kong sabi kay Seag “ Bakit? Hindi ba siya dapat pagkatiwalaan?” “ Hindi naman sa ganun, nakahulma ang isip at paniniwala niya sa kulturang kinalakihan namin. Nais ko muna na mamulat siya sa ilang katuruan o pag-iisip na mayroon kayo bago ko sabihin. “ “ Tulad ng?” “ Feminismo o kaya Gender Equality.” “ Kung sabagay. Pero paano kung hindi mabago ang paniniwala niya?” “ hindi naman sarado ang pag-iisip ni Rin.” “ Nixie, madaling tanggapin sayo ang paniniwala na iyan dahil pabor sayo. Ever heard the word ego?” tanong ni Seag habang tinatatakpan ang nilulutong sinigang. Lumapit siya sa akin at umupo sa stool na nasa tabi ko. “ Ego?” nagtatakang tanong ko “ Parang pride uhhm sense of self-importance. Ganito kasi yan, pareho tayong pinalaki sa patriyarkal na lipunan kung saan lalaki ang laging nasusunod. Masyadong matagal na natin itong nakasanayan, kung tutuusin mahirap tanggapin na biglang babae ang mamumuno sa amin.” napaisip ako sa sinabi ni Seag. “ Mahirap talagang tanggapin lalo na kung nasa first wave feminism lang , pero noong nabasa ko hanggang sa fourth wave feminism doon ko mas lalong naintindihan na–” hindi ako pinatapos sa pagsasalita ni Seag. “ Nixie, yung ego na tinutukoy ko ay hindi limitado sa kaalamang nabasa mo. It’s more in the psychological domain.” tila bago sa akin ang mga sinasabi ni Seag “ Magbabasa ako mamayang gabi tungkol sa mga terminong sinasabi mo. Sa ngayon, gusto ko lang linawin muna na wag mong sasabihin kay Rin na ako si Kyra.” “ Okay copy. Nga pala sa tatlong buwan ba na iyon ay magkasama kayo sa unit mo o balak mo siyang ikuha ng isa pang unit?” “ Hindi pa namin napag-uusapan. Pero ayun nga, kailangan ko ng trabaho sa susunod na linggo.” nagsisimula nang umamoy ang niluluto ni Seag, mukhang kumukulo na ito. “ Ikaw lang talaga ang magtatrabaho? Bakit hindi mo kontrolin yang kababata mo para magbanat ng buto?” “ May ginawa siya para hindi ko siya makontrol. Yung niluluto mo puntahan mo na” nagbuntong hininga lang siya at pumunta na sa kusina. Pagkatapos ang ilang kwentuhan ay pinabalot ko na sa kanya ang niluto niya para maging pananghalian namin ni Rin. Bumalik na rin ako agad sa unit ko para makakain na kami ni Rin. Habang kumakain ay nagbabasa siya ng libro habang ako ay nagsasaliksik rin sa mga terminong binanggit ni Seag. Bago ko pa man maintindihan iyon, isang salita ang nakapukaw ng pansin ko, isa rin ito sa binanggit ni Seag kanina. Pride.. ilang minuto bago ko naintindihan ang konsepto ng salitang ito. Napailing na lang ako dahil negatibo man ngunit mukhang angkop ito sa nararamdaman ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD