Paano niya nalaman ang sikreto ko?
Saglit akong natigilan sa kondisyon na hinihingi niya. Tumingin ako sa paligid at sinigurado ko kung may iba pa bang nakakarinig sa usapan namin.
“ Rin, nahihibang ka na ba? Anong pinagsasabi mo?”
“ Hindi ba at kaya ka isang buwan nawala dahil naglagi ka sa mundo ng mga tao?” diretso siyang nakatingin sa mga mata ko.
“ Nasa loob ako ng silid ko, itanong mo man sa mga alipin palagi nila akong nakikita sa silid tuwing naghahatid sila ng pagkain.” nasa ilalim ng kapangyarihan ko ang mga alipin kaya pinapaniwala sila ng utak nila na nandoon ako.
“ Kung talagang totoo ang sinasabi mo, kailan ako bumisita sa silid mo?”
“ Hindi ba at sinabi sayo ng aking mga alipin na hindi ako tumatanggap ng bisita noong mga araw na iyon at nais kong magpag-isa kung kaya’t hindi ko alam dahil hindi ka naman pinapasok sa aking silid.” sa pagkakataong ito kinakabahan na ako dahil baka nga pinapasok siya sa aking silid.
“ Alam mong hindi lang ako bisita at lahat ng wikain ko ay masusunod.” bakit ko nga ba nakalimutan na maaring mangyari ito.
“ Nakita ng mga mata ko kung ang walang laman na silid at kung paano nahihibang ang iyong mga alipin, hindi ko alam kung talaga bang magagaling silang magsinungaling o kung nahihibang na ba sila at naniniwala silang nandoon ka.” hindi ako makatingin ng diretso kay Rin.
Kailangan kong burahin ang memorya niya ngunit bago iyon kailangan ko munang malaman kung may pinagsabihan pa siya nito.
“ Bukod sa’yo , sino pa ang nakakaalam nito?” ngumiti siya.
“ Inaamin mo na bang wala ka talaga sa iyong silid?” hindi ko alam kung anong iisipin talagang hindi basta-basta ang lalaking ito. Ngunit kung anuman ang patutunguhan ng usapan na ito sa huli alam kong ako ang mananalo.
“ Totoo. Aaminin na ako. Totoong galing ako sa mundo ng mga tao.” ngumisi siya.
“ Magkasundo tayo, sasabihin ko sa aking ama na hindi ako magpapakasal sayo kung dadalhin mo ako bukas sa mundo ng mga tao.” pumayag ako. Kung tutuusin hindi ko naman talaga kailangan na makipagsundo sa lalaking ito. Dalawang palakpak ko lang at maari niya nang makalimutan ang lahat at maari ko rin itong gawin sa hapunan mamaya.
Inilahad ni Rin ang palad niya. Pinanliitan ko siya ng mata.
“ Gusto kong makasiguro na tapat ka sa usapan. Makipagkamay ka.” nakangiti niya itong sinabi kaya mas lalo kang nagtaka sa ikinikilos niya.
Dahan-dahan kong inabot ang kamay niya ngunit mabilis niya itong kinuha at hinawakan nang mahigpit. Sinubukan ko naman itong tanggalin ngunit mahigpit ang pagkakahawak niya. Naglabas siya ng patalim at…
“ anong gagawin mo R-rin?” gamit ang isa niyang kamay agad-agad niyang itinaas ang patalim at itinutok sa direksyon ng magkahawak naming kamay.
“ ahhhhhhh!” isang malakas na sigaw ang lumabas sa bibig ko . Mabilis rin akong bumagsak ng bitawan niya ang kamay ko.
Nabalot ng dugo ang kamay ko pero walang sugat.
Napaangat ang tingin ko kay Rin na tinatakpan ang sariling sugat upang hindi umagos ang dugo.
“ A-anong ginagawa mo?” naguguluhan kong tanong sa kanya. Bakit kailangan niya sugatan ang sarili niya.
“ May bahid na ng sariling dugo ko ang mga palad mo, hindi mo na ako makokontrol “ nanlaki ang mga mata ko nang mapagtanto ko ang sinabi niya.
Tama siya. Hindi ko makokontrol ang sinumang nilalang na mababahiran ang palad ko ng sarili nilang dugo.
Ibig sabihin ba alam niyang ako si Kyra?!
“ Pa-paano mo nalaman an—” hindi ko matapos ang sinasabi ko nakayuko akong nakikipag-usap sa kanya. Ibig sabihin ba nito matatapos na ang kalayaan ko?
“ Itinanong ko sa mga babaylan ang nangyari sa mga alipin mo, ito daw ang paraan para makaligtas sa nimpas na katulad mo.”
“ nimpas?”
“ Nixie huwag ka nang magkaila, alam kong may lahi kang nimpas kaya mo ito nagagawa.”
Ito siguro ang dahilan kung bakit ito ang ibinigay na pangalan sa akin ni Ina, upang mapagtakpan ang katotohanan sa kapangyarihang mayroon ako.
“ o..oo tama ka.” unti-unti akong tumayo hindi pa rin ako sigurado sa mga sasabihin ko. Para akong biglang nanghina sa mga nangyari. Andaming tanong na gustong pumasok sa isip ko pero para akong biglang nablangko.
“ Maiwan na kita. Pag-usapan natin bukas kung paano mo ako dadalhin sa mundo ng mga tao.” hindi ko alam kung anong sinabi ni Rin o kung kailan siya nakaalis sa harap ko. Nahuli ko na lang ang sarili kong nakatingin sa papalayo niyang katawan. Nang makabalik ako sa katinuan ay tinungo ko agad ang daan pabalik sa aking silid ngunit sinigurado kong walang makakakita sa pagbabalik ko dahil hindi ko alam kung paano ko ipapaliwanag ang tumalsik na dugo sa damit ko.
Ipinahanda ko ang paliguan ko sa mga alipin sinabi ko na lagyan ng mga bulaklak ito.Mga bulaklak na kusang nahulog sa tangkay ang pinalagay ko dahil hindi naman mahalaga ang okasyon. Nais ko lang na kahit papano gumaan ang pakiramdam ko.
Nang nakahanda na ito, sinimulan ko nang ilublob ang katawan ko sa maligamgam na tubig. Sakto lang ang paliguan kong ito upang ilapat ang katawan ko at saglit na magpahinga. Tama lang ang temperatura ng tubig hindi masyadong malamig at hindi rin masyadong mainit. Nakakadagdag sa pagpapakalma ng isip ko ang mga natural na amoy ng mga halaman na inihanda ng mga alipin.
Hindi ko alam kung paano o kung ano ang sasabihin mamaya ni Rin. Pero nabibigla pa rin ako sa ginawa niya kanina. Talaga bang sinaktan niya ang sarili niya para lang hindi ko siya makontrol? O para makapunta siya sa mundo ng mga tao?
Magkababata kami ni Rin, sobrang dikit namin noon sa isa’t isa hanggang sa isang sitwasyon na nakapagpabago sa samahan namin sampung taon na ang nakakaraan. Kung tutuusin isang laruan lang iyon. Pero pinalayo noon ang damdamin namin sa isa’t isa
Noong nag-aaral pa kami, pareho kaming magaling sa klase. May pagkakataon na magkasama naming ginagawa ang isang proyekto kung minsan tahimik at wala kaming kibuan kapag gumagawa. May pagkakataon din na nag-aaway kami. Magulo ang pagkakaibigan namin maski ang mga tao sa paligid namin hindi alam kung magkasundo ba kami o hindi. Kung minsan kasi pinipili namin ang isa’t isa na magtulungan sa isang proyekto dahil alam naming wala namang iba na makakatiis sa ugali namin. Pero madalas magkatunggali kami sa lahat ng bagay.
Magkaibigan kami na magka-away. Magka-away na magkaibigan. Bilang kaibigan hindi ko siya maasahan sa mga sikreto ko at bilang kaaway may tiwala akong hindi niya ako kayang saktan. Kung kaya’t hindi ko alam kung anong tumatakbo sa isip niya kanina at ginawa niya ang mga bagay na iyon. Pinakiramdaman ko ang tubig sa balat ko at inilubog ang kalahati ng aking mukha, kung maari lang na magpakalunod ay ginawa ko na ngunit para akong pinigilan ng mga katok na narinig ko sa pinto.
“ Kamahalan ,nais po naming ipaalam na hindi na daw matutuloy ang hapunan mamaya, pinapasabi po ito ng inyong ina.”napabuntong hininga ako, mukhang nasabi na ni Rin sa datu ang pagtutol niya. Mainam at makakapagpahinga na ako ngayong araw.
KINABUKASAN
Nagpadala ng mensahe sa akin si Rin na magkita kami sa sapa kung saan kami madalas gumagawa ng proyekto noong nag-aaral pa kami. Wala masyadong nagbago sa lugar na ito mabuti na lang at napapanatiling malinis, bihira ako makakita ng ganito sa mundo ng mga tao.
Tinanaw ko ang tubig sa sapa, sa sobrang linis ay malinaw kong nakikita ang repleksyon ko. Medyo napayuko ako nang kaunti para ayusin ang buhok ko gamit ang repleksyon ko sa tubig ngunit hindi ko masyadong natansya kaya naramdaman ko na nawalan ako ng balanse. Mabuti na lang at naramdaman ko ang isang presensya na humatak sa akin.
“ Hindi mo naman siguro iniisip na maligo sa sapa.” isang pilit na ngiti ang isinukli ko sa sinabi ni Rin.
“ Ilang araw mo ba nais magtagal sa mundo ng mga tao?” pagtatanong ko upang maiplano ko na ang mga dapat kong ihanda.
“ tatlong araw upang pahupain ang galit ni ama.”pagkatapos niya sabihin iyon, nakita ko ang pasa sa pisngi niya. Akmang hahawakan ko sana ito ngunit agad niyang pinigilan ang kamay ko.
“ Kailan tayo aalis?” hindi ko pinansin ang tanong niya.
“ Rin, pwede ba mag-usap muna tayo bago tayo maglakbay?” seryoso kong tanong.
“ pwede?”
“ ang ibig kong sabihin, maari ba tayong mag-usap muna?”
“ patungkol saan?”
“ magkaibigan pa naman tayo diba?” nag-iwas siya ng tingin at matagal ang katahimikan sa pagitan namin.
Tumalikod na ako maaaring hindi pa siya handang sagutin ang tanong ko.
“ …naiintindihan ko, malamang hindi mo pa rin ako napapatawad sa ginawa ko. Pagsapit ng dilim saka tayo ulit magkita dito , huwag ka na magdala ng bagahe.”
Tama kasalanan ko naman kaya nga masaya na ako na kahit papano kinakausap niya pa ako. Kahit na kung minsan ay nag-aaway kami. Hindi ko na lang dapat tinanong.
“ Nixie..” napahinto ako sa paglakad ko.
“ Kung hindi ko na kailangan ng bagahe, maari na ba tayong umalis ngayon?” bumuntong hininga ako. Akala ko sasagutin niya na ang tanong ko.Nagpanggap ako na parang walang nangyari at nakangiti ko siyang hinarap.
“ Nais ko sana na gabi maglakbay upang walang makakita sa atin. Baka masundan tayo.”
“ Wala na akong balak na bumalik pa sa kaharian, sabihin mo kung saan ang pinakamalapit na lagusan upang doon kita hintayin.”
Siguro nga at masyadong seryoso ang galit ng datu para hindi na siya makabalik kaya nagpasya akong ibigay sa kanya ang direksyon.
“ Susunod ako pagkalipas ng kalahating oras.”
“ Masyadong matagal.” pagrereklamo niya.
“ Sapat lang iyon para siguraduhing wala nang aberya sa pagdating ko.”
“ Anong ibig mong sabihin?”
“ Kailangan mong siguraduhin na walang mga diwatang nagbabantay sa yungib dahil doon tayo papasok.” nagkibit balikat lang siya sa sinabi ko. Mukhang naunawaan naman niya ang kailangan niyang gawin.
Bumalik na ako sa kaharian upang magpaalam sa aking ina na maglalakbay ako papunta sa aming nuno. Sa ganitong paraan hindi siya magtataka kung sakaling hindi niya ako makikita ng ilang araw. Pagkatapos kong mag-ayos pumunta na agad ako sa yungib kung nasaan si Rin. Nakaupo siyang natutulog habang nakasandal sa puno. Hindi kaya siya nakatulog kagabi? Kahit papaano nag-aalala ako sa kalagayan niya. Lumapit ako sa kanya upang gisingin siya at agad naman siyang nagdilat ng mata.
“ Halika na.” inabot ko ang palad ko sa kanya upang tulungan siyang tumayo at kinuha naman niya ito. Bago kami pumasok sa yungib ay pumalakpak muna ako ng dalawang beses at nagwika ng:
“ Walang sinuman ang nakakita sa aming pumasok sa yungib na ito.” upang masiguro ko na wala talagang nagmamanman sa amin.
Tahimik kaming naglalakad sa loob ng yungib hanggang sa maabot namin ang dulo nito. Idinikit ko ang palad ko sa bato at agad namang nagliwanag ang portal papunta sa mundo ng mga tao.
“ Mauna ka na. Bilisan mo susunod ako.” agad naman siyang tumakbo papasok at biglang lumiit ang portal kung kaya’t dali-dali rin akong sumunod . Muntik pa nga akong hindi umabot mabuti na lamang at hinatak ako ni Rin.
Namula ang ilaw na kanina ay puti. Habang dumadausdos kami pababa. Halos hindi namin namalayan na nasa mundo na pala kami ng mga tao.
“ Hindi mo nabanggit na nakakahilo pala ang ang magiging daan natin.” hindi ko pinansin ang sinabi ni Rin.
“Parang may mali.”
“ anong ibig mong sabhin?”
“ ngayon ko lang nasilayan ang pulang ilaw sa portal, hindi naman ito ganito noong dumadaan ako.” nandito kami sa bakanteng lote na malapit sa gubat.
Sinubukan kong ilapat ang palad ko sa puno na nagsisilbing pinto ng portal upang tiyakin kung mabubuksan ko pa ba ito.
“ hindi nagbubukas.” sinubukan kong ulit ngunit walang nangyayari.
“ sinira mo ang portal” napatingin ako sa boses na nanggagaling sa paa ko.
“ Emil !” lumuhod ako upang kausapin ang dwendeng kaibigan ko rito.
“ nagdala ka ng isa pang enkanto sa mundong ito, alam mong ipinagbabawal ito.”
“ ngunit Emil, hindi naman siya magtatagal. Saka anak siya ng datu wala ba siyang —” hindi ako pinatapos magsalita ni Emil
“ ano sa palagay mo ang dahil kung bakit lihim ang portal ? dahil sa ginawa niyo kailangan niyong maghintay ng tatlong buwan para muli itong magbukas. At kapag nangyari iyon, isa lang ang maaring makabalik.” para akong nanlumo sa napakinggan ko.
Humarap ako kay Rin at nakita ko ang pag-iwas ng tingin niya sa akin.
“ salamat sa impormasyon Emil.” malungkot ang tono ko saka ako tumayo.
“ paumanhin hindi ko alam.” nakayuko kong sabi kay Rin.
“ A-ako dapat ang humingi ng tawad.” napabuntong hininga na lang ako. Paano na si Ina? Mag-aalala iyon panigurado.
Lumakad ako papunta sa isang inabanduna na kubo at ramdam ko na nakasunod sa akin si Rin. Pagdating doon ay agad kong hinukay ang lupa sa likod nito upang kunin ang cellphone at wallet ko. Mga pangunahing pangangailangan sa mundo ng mga tao.
Umupo kami ni Rin sa loob ng kubo habang tinetext ko si Seag. Nagpapasundo ako gamit ang kotseng ibinigay ko sa kanya.
“ Nixie tungkol sa tanong mo kanina.” napahinto ako sa pagkalikot ng cellphone ko nang magsalita si Rin.
“ …oo magkaibigan pa rin tayo.” napalingon ako sa kanya at hindi ko mapigilan na niyakap siya.
“ talaga?! Napatawad mo na ako?” sabi ko habang nakayakap.
“ oo matagal na. Ikaw lang naman itong —-” umalis ako sa pagkakayakap sa kanya
“ huwag mo nang sabihin.. Mamaya bawiin mo pa eh.” nakangiti ako habang sinasabi iyan habang siya naman ay pinipigilan ngumiti.
“ Hindi bale Rin kapag natapos ang tatlong buwan, pauunahin kitang bumalik sa kaharian ikaw na lamang ang magpaliwanag kay Ina ng nangyari.” bigla naman niya akong hinawakan sa balikat.
“ Nixie, matagal pa ang tatlong buwan. Subukan natin mag-isip ng paraan kung papano makakabalik nang sabay.” sasagot pa sana ako ngunit bigla akong nasilaw sa flashlight na tumama sa mukha ko.
“ Seag !” patakbo akong lumapit sa kanya at saka siya niyakap.
“ akala ko ba isang linggo kang mawawala?” nagtatakang tanong niya sa akin.
“ ahh..tungkol diyan, sa condo ko na ipapaliwanag.” napatingin naman ako kay Rin at kitang kita ko ang pagbabago ng mood niya.
“ Seag si Rin nga pala.” napatingin naman si Seag kay Rin at pareho nilang tinititigan ang isa’t isa.
“ jowa mo?” namula ako sa tanong ni Seag. Mabuti na lamang at hindi alam ni Rin ang ibig sabihin ng salitang iyon.
“ Hindi! Kaibigan ko lang siya. Saka na ako magkukwento kailangan na natin bumalik sa condo.
Sumakay na kami sa sasakyan at buong byahe, tahimik lang si Rin. siguro ay namamangha pa siya sa teknolohiya at sa mga nakikita niya dito. Nakarating na kami ng condo at noong papasok na kami sa elevator ay kinausap ko siya.
“ Noong bago ako rito nahilo ako sa pagsakay nito.” tumango lang siya sa akin. Hindi ko alam bakit biglang nagsusungit nanaman siya. Pumasok na kami sa elevator at nang makarating kami sa 24th floor napansin kong pinipigilan niya lang ang pagkahilo niya.
“ Mauna na kami Seag, bukas na lang tayo mag-usap.”
“ Teka, magkasama kayong matutulog? Kung gusto mo dito na lang muna siya sa —” hindi natapos ni Seag ang sinasabi niya nang akbayan ako ni Rin.
“ Gusto ko na magpahinga.” tuluyan na akong nagpaalam kay Seag at pumasok na ako sa loob ng condo para humiga sa sofa. Si Rin naman ay nililibot ng tingin ang loob ng condo.
“ Nasaan ang mga alipin mo dito?”
“ Hindi ganoon ang sistema dito sa mundo ng mga tao. Ikaw ang bahalang gumawa ng lahat ng kailangan mo ngunit kung gusto mo naman itong iutos sa iba dapat kaya mo silang bayaran.” pinaupo ko si Rin sa sofa at kumuha ng tubig para mapatid ang uhaw namin.
“ iyong lalaki kanina, isa ba siya sa mga alipin mo?” napailing ako sa tanong ni Rin.
“ kaibigan ko siya.”
“ akala ko ako lang ang kaibigan mo.” napangisi ako sa sinabi niya.
“ ikaw lang naman talaga ang nag-iisang kaibigan ko na engkanto samantalang si Seag ang kaibigan kong tao. May kaibigan rin akong dwende at—”
“ oo na. Nagugutom ako anong maaring kainin?” kinuha ko ang cellphone ko para umorder ng pagkain at damit na ring pantulog para kay Rin.
“ Wala akong lakas para maghanda ng pagkain kaya naman iniutos ko na lamang ito, maghintay ka at mamaya darating din ang pagkain.” habang naghihintay ay ipinaliwanag ko ang ilang gamit dito sa condo at nagkwento na rin ako ng mga kailangan naming gawin bukas.
Maya-maya ay dumating na ang pagkain, adobo ang pinili kong pagkain upang hindi siya agad manibago dahil mayroon nito sa kaharian. Inabot ko na rin ang pantulog niya at unang pinagamit ang banyo. Sinabi ko na wala muna siyang gagalawin na kahit ano doon maliban sa puting sabon at bathtub. Bukas ko na ipapaliwanag ang shower at ang ilang produkto na nasa loob ng banyo.
Kumuha na ako kumot at unan para kay Rin. Balak ko na sa sofa muna siya patulugin dahil nalalaparan naman ito hanggang maging kasinlaki ng kama. Inilatag ko na ang kailangan niya at kumuha na rin ako ng damit na pantulog.
Pagbukas ko ng cabinet ay napapikit na lamang ako nang mapagtanto ko na sando at maikling shorts ang damit pantulog ko. Hindi ko maaring isuot ito kung nandyan si Rin lalo na at hindi ang ganitong uri ng kasuotan ang sinusuot ng mga babae sa kaharian.
Kinuha ko ang isang roba ko at lumabas na sa kwarto. Sakto at tapos naman nang maligo at magpalit ng damit si Rin.
“ komportable ang damit.”
“ dito ka muna matulog ngayong gabi. Magpahinga ka na at marami pa tayong gagawin bukas.” nagtungo na ako sa banyo upang maligo at magpalit na rin ng pantulog. Sa sobrang pagod at sa dami ng iniisip ay nakaramdam agad ako ng antok. Gayundin yata si Rin dahil paglabas ko ng banyo ay tulog na siya. Pinatay ko ang ilaw at dumiretso sa kwarto ko.
Panalangin ko ay maging maayos sana ang araw namin bukas.