Chapter 8

1087 Words
HALO-HALONG emosyon ang nararamdaman ni Althea nang mga sandaling iyon. Parang batang napasigaw na lamang siyang bigla ng iyak. Malinaw pa sa sikat ng araw na stranded sila dito ng lalaking ito, bagay na hindi niya alam kung hanggang kailan. Hindi siya makararating sa anniversary ng Papa at Mama niya, at lalong hindi siya makakasama sa mga ito sa America para magpagamot. Hindi lang iyon, siguradong mag-aalala ng husto ang mga magulang sa kanya, lalo na ang ina. Kung sana'y maipararating niya sa mga ito na buhay at ligtas siya. "D-Dim, sabihin mong makakaalis tayo dito, please? Makakaalis tayo dito, 'di ba?" nahihintakutan man ay gusto niyang marinig mula sa mga labi nito na may pag-asang makauwi pa sila. Na may pag-asa pang makabalik siya sa isla Del Fuego. Kahit hindi na siya gumaling. Kahit ganito na lang siya habang-buhay. Ibinaba muna nito sa kinauupuan niyang batuhan ang pasan nitong sako bago muling magsalita. Iba't ibang klase ng prutas pala ang laman niyon. "Kumain ka muna, Althea. Sa ngayon, sa totoo lang ay hindi ko pa alam kung paano sasagutin ang mga tanong mo. Engine and electrical trouble ang naging problema ng chopper. At kung itinuloy kong paliparin ang chopper kanina, baka mas lalo tayong nadisgrasya," anito na bahagya ng lumayo sa kinauupuan niya. Naramdaman niyang gusto din nitong dumistansya ng bahagya sa kanya para hindi siya mangatog sa takot at ipinagpapasalamat niya ang bagay na 'yon. "Wala na bang ibang paraan para maipaalam kina Papa ang nangyari sa atin? I mean, cellphone, tama, dala ko 'yong phone ko at siguradong mayroon ka rin. Pwede tayong tumawag sa kanila at—" "We can't," tipid nitong sabi. "W-why?" "Hindi ko na makita ang parehong bag natin. Siguro, tinangay na pareho sa ilog dahil sa pagbulusok natin kanina," sabi nito na tuluyang nagpalugmok sa kanya. Kung ganoon ay mukhang wala talaga silang pag-asang makauwi sa ngayon. Ang chance na lang talaga nila ay kung may maliligaw na tao dito para makahingi sila ng tulong. "Ang ibig sabihin, wala talagang pag-asa na maipaalam ko kina Papa ang nangyari para—" "Mamaya ay susubukan ko ulit ayusin ang radyo para makahingi ng tulong. Pero sa ngayon ay kumain muna tayo," sabi nito. Dumukwang ng bahagya si Dim sa tubig at isinalok ang lalagyan nito ng tubig na nababalutan ng katad. "P-paano kung…kung hindi mo pa rin 'yon maayos? Dito na lang tayo?" Inilinga niya ang mga mata sa paligid. Nag-aalala siya na abutan sila ng gabi sa dakong iyon. Wala man lang kasi silang pwedeng pagkublihan. "Bahala na. Mukhang safe naman tayo sa islang ito. Besides, wala naman tayong choice," sabi nito habang iginagala din ang mga mata sa paligid. "Isla? Nasa isang isla tayo?" "Yeah. Kanina habang tulog ka pa ay nag-ikut-ikot na ako. So far ay wala pa naman akong na-encounter na mababangis na hayop. Marami ring puno ng saying at iba pang mga prutas sa gawing iyon, may makakain tayo kahit paano," anito sabay turo sa pinanggalingan nito kanina. "Kumain ka na muna. Malapit nang dumilim, kailangang makagawa ako ng siga at magiging higaan mo." "Pero—" "Here." Iniabot nito sa kamay niya ang isang piling ng saging, dahilan para magdaop ng bahagya ng kanilang mga palad. Gusto niyang manginig pero pinakapigil niya ang sarili. Si Dimmitry lang ang masasandalan niya sa mga oras na ito, kaya gusto niyang sanayin ang sarili sa presensiya ng binata. "Pasensiya ka na kung 'yan lang ang mga nakuha ko. Hindi kasi ako gaanong makalayo dahil ayokong matagal kang iwan na mag-isa dito lalo na at wala ka pang malay. Pero ngayong okay ka na, pwede na ulit akong pumalaot sa loob ng gubat para—" "What? No! Huwag mo akong iiwang mag-isa dito!" Ang kaisipang maiiwan siyang mag-isa dito lalo na at papadilim na ay nagdudulot sa kanya ng kakaibang kilabot. Napansin niyang napatitig ang binata sa mukha niya. "Althea, are you okay?" nag-aalalang tanong ng binata na naupo pa sa tabi niya. "Kaya ayokong umalis sa Isla hanggang maaari, e. Pakiramdam ko, palaging may naghihintay na panganib sa akin. P-pero ngayong umalis ako, tingnan mo ang nangyari sa akin." Nagsimulang manginig ang kanyang katawan habang nakatitig siya sa kawalan. "M-mas lalo yata akong—" "Stop it, Althea! It's only in your mind!" galit na bulyaw sa kanya ni Dimmitry. Maang na napatitig siya sa mukha ng binata. Nagulat siya sa reaksyon nito. "D-Dimmitry?" "Listen to me, Althea, and listen well." Gigil na hinawakan siya ng binata sa magkabilang balikat. "Walang mangyayaring masama sa iyo, okay? Huwag mong palaging isipin 'yon. Ang nangyari sa iyo noong bata ka pa ay bahagi lang ng kalakaran ng mundo. Paminsan-minsan ay nagkakaroon ng problema pero naaayos din. Kung mananatili kang nakatago sa ala-ala ng kahapon, how can you move on? How can you grow?" Nanlalaki ang mga matang napatitig siya kay Dimmitry. Oo nga at naririnig na niya ang mga pangaral na iyon sa mga pinsan niya at mga tiyahin, maging sa mga magulang niya. Pero ang mga ito ay pamilya niya kaya may karapatang magsalita sa kanya. But how dare this man para isampal sa kanyang mukha ang masakit na katotohanang iyon! Anong karapatan nito? "Althea, stop being paranoid and—" "Damn you!" Nabiling sa sampal ang mukha ni Dimmitry. "Althea!" maang na nahaplos nito ang namulang pisngi. "At anong karapatan mong pagsabihan ako ng ganyan, ha? Kamag-anak ba kita? Baka nakakalimutan mong kahit minsan ay hindi kita kinausap na para bang close tayo. Dahil hindi kita kaano-ano! Wala akong tiwala sa 'yo! At teka nga pala, nakalimutan mo na bang tauhan ka lang sa resort namin? Isang pilotong ilang taon nang mamamasukan sa amin. Kaya wala kang karapatan na magsalita sa akin ng ganyan!" Ilang sandali nang tapos magsalita si Althea ay nanatili pa ring nakatitig sa mukha niya ang binata. At sa ilang sandaling iyon ay kitang-kita ni Althea ang ilang beses na pagpapalit ng emosyon sa mukha nito. Una ay pakabigla, pagkatapos ay sakit, maya-maya ay galit. Sa huli ay nakadama siya ng takot. Ngayong silang dalawa lamang ni Dimmitry ang tao sa lugar na iyon, anuman ang gawin nito sa kanya bilang ganti ay wala siyang magagawa. Parang bigla ay gusto niyang pagsisihan ang pagsampal dito at pagsasalita ng masasakit. "Oo nga pala, isa lang akong hamak na piloto sa paningin mo, walang karapatang lumapit sa 'yo, magsalita at magbigay ng payo, lalo na ang makipagkaibigan. Bakit nga ba nakalimutan ko ang bagay na iyon?" Pagkasabi niyon ay dahan-dahang humakbang paatras ang binata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD